Chapter 8 - Chapter 8

NAG-IISA lang siya, naglalakad sa madilim na lugar na iyon na naliligid ng nagtataasang kakahuyan. Tanging tunog lang ng mga kuliglig at mga panggabing hayop ang pumapailanlang sa paligid. At dahil sa sobrang katahimikan, maging ang tibok ng puso at yabag ng mga nakayapak niyang paa ay abot din sa kanyang pandinig.

Bawat matataas na damo ay hinahawi niya. Mahapdi na ang kanyang mga palad at binti marahil sa tama ng matatalim na ligaw na halaman pero patuloy pa rin siya sa paglalakad. Kailangan niyang makita ang lalaking iyon. Malakas ang kutob niya! Natitiyak niyang iyon ang lalaking dala ng liwanag, ang nilalang na nagbuhat sa labas ng daigdig at naglakbay sa pagitan ng umaga't dilim, mga planeta't mga bituin para lang makarating sa daigdig ng mga tao—siya nga at wala nang iba, si Time.

"Time! Time!" sigaw ni Joya. Pero hindi niya alam kung naririnig siya ng lalaki. Ano mang bilis ng hakbang niya ay hindi ito magawang abutan. Tila sinasadya nitong takasan siya. Pero bakit? "Time!" ubod-lakas niya muling sigaw.

Noon ito lumingon. Buhat sa munting liwanag ng araw na nanununuot sa makakapal na dahon ng mga puno sa gubat ay napagmasdan niya ang anyo ng lalaking iyon. Kasabay ng malakas na kabog ng kanyang dibdib ay ang pagsilay ng ngiti sa mga labi ni Time. Hindi siya maaaring magkamali, siya nga ang lalaking matagal na niyang hinihintay.

"Joya! Anak, gising!"

Marahas ang pagsinghap na ginawa ni Joya Angela na nagpabalik sa kanyang ulirat. Hawak ang dibdib ay dumaing siya upang humingi ng tubig na agad namang ibinigay ng nag-aalala niyang ina.

'Time...iyon nga ang pangalang ibinigay ng lalaking iyon sa tunnel!'

"Anak, ano ba'ng nangyayari? Kanina ka pa ungol nang ungol. Binabangungot ka ba?" tanong nitong tila maiiyak.

Hindi agad niya nagawang tumugon. Pakiramdam niya ay tila siya galing sa paglangoy at habol ang hininga dahil sa taas ng tubig na umakyat na sa leeg niya. Ganoon pala ang pakiramdam ng nalulunod, sa isip niya.

"Nag-aalala na 'ko sa'yo. Tatawagan ko na nga ang daddy mo pero—"

"I'm okay, 'Ma," aniya nang mahimasmasan. "Stressed lang po..." Hindi niya gustong mag-alala pa ang ina. After all, it was just a dream.

"Are you sure, hija?"

"Yes, 'Ma. Gagayak na po ako." Bumangon na siya at hinagilap ang tsinelas sa ilalim ng kanyang kama. Pagkuwa'y kinuha sa rack ang towel niya at nagdiretso na sa banyong nasa loob din ng kanyang silid.

Madali siyang naghilamos at nagsepilyo, saka pinagmasdan ang sariling repleksiyon sa harap ng salamin.

"Ano ba'ng nangyayari sa iyong babae ka?" sita niya sa sarili. "Ano'ng gusto mong mangyari? Maparis sa mga weirdong iyon? Tumigil ka nga!"

Sinimangutan niya ang sarili. She needed to stop thinking about that creature, or else she would go crazy!

"Angela..."

"Huh?" Napalingap siya. Siya lang mag-isa ang nasa loob ng shower room. Bakit parang narinig niyang may tumawag sa pangalan niya?

Ilang sandali pa siyang nakinig pero hindi na umulit ang tinig na iyon. Ah! Nababaliw na nga siyang talaga! Malakas palang makahawa ang grupong iyon. Dapat ay tapusin na niya ang pakikipag-ugnayan sa mga iyon sa lalong madaling panahon!

Ibinaba niya sa kung anong paraan na lang ang hawak na towel at toothbrush sa sink at saka lumabas ng shower room. Tinungo niya ang kinaroroonan ng kanyang bag at saka kinuha ang orbit na naroon. She needed to give that gadget back to the group. Baka iyon ang dahilan kung bakit hindi siya magkaroon ng peace of mind. Habang nasa kanya ang orbit na iyon ay patuloy niyang maaalala ang nangyaring iyon sa Davao. Pero natigilan siya nang makitang umiilaw ang orbit.

"Angela..."

"Huh?" Bigla siyang napabaluktot. Dinig na dinig niya. May bumulong talaga ng pangalan niya. Hindi siya pinaglalaruan lang ng kanyang imahinasyon! "No!" bulalas niya. "No-no-no-no-no! This can't be happening! Maloloka ako, hindi puwede!"

"Angela..."

"Sino ka?!" sigaw niya sa hangin habang paikot-ikot sa kinatatayuan. "Nasaan ka at bakit mo 'ko ginugulo? Ano ka bang talaga?"

"Time..."

Nanlaki ang mga mata niya sa sagot na natanggap. Pero kahit anong ikot ang gawin ay hindi niya malaman kung saan nanggagaling ang mahinang boses na iyon.

"Ikaw 'yung...yung kasama ko sa tunnel?"

"Oo."

"Totoo ka?" hindi makapaniwala niyang sabi.

"Oo."

"Puwes, bakit...bakit ayaw mong magpakita?"

"We need time."

Napakunot ang noo niya. "Anong time? Nakikipag-usap ka sa akin pero ayaw mong magpakita, unfair iyon!" Kakatwang unti-unti ay nababawasan na ang takot niya. Mas nangingibabaw na ngayon ang kagustuhan niyang makita ang lalaking may-ari ng boses na iyon. "Hindi ako maniniwala sa'yo kung hindi ka magpapakita sa akin."

"I'll show myself—in time."

"Puro ka time! Bagay nga sa'yo 'yang pangalan mo!" inis na niyang sabi. Ilang saglit niyang hinintay ang isasagot ng lalaki pero wala na itong sinabi. Nang tingnan niya ang orbit ay hindi na ito umiilaw. Ibig bang sabihin ay wala na ang alien sa paligid niya?

Awtomatiko niyang nahawakan nang mahigpit ang orbit. Kung bakit nailagay niya iyon sa tapat ng dibdib ay hindi niya alam.

───── ⋆⋅☆⋅⋆ ─────

"TIME?" Inulit ni Joya ang pagbanggit sa pangalan ng 'intruder' pero wala siyang natanggap na tugon. Tatlong araw na buhat nang huli niya itong makausap. Madalas kahit sa gabi ay binubuksan naman niya ang orbit para malaman niya agad kung nasa paligid lang ito pero walang kahit anong senyales ng presensiya nito.

'Hindi kaya totoo 'yung iniisip kong nilagyan lang ng gamot ang pagkain namin sa Davao? Baka kaya...baka kaya epekto pa rin noon 'yung nangyari sa akin kinabukasan pero ang totoo, wala talagang alien.'

Pero mabilis din niyang inalis iyon sa isip. Mismong siya ay tumatanggi sa ideyang iyon. Parang...parang mas gusto niyang totoo na lang na nag-e-exist talaga si Time.

Iyon ang laman ng isip ni Joya hanggang pagpasok ng eskuwela. Nakadalawang subject na siya pero parang wala pa rin siya sa sarili. Nang mag-break ay nilapitan na siya ni Karylle. Tinatanong nito kung bakit parang malayo ang iniisip niya at hindi siya nagpa-participate sa klase.

"Wala ako sa mood."

"Bakit?"

Nagkibit siya ng balikat. Bahagya pa siyang nagtaka na hindi na siya kinulit nito. Himala, sa loob-loob niya. Likas na kasi ang kakulitan sa kaibigan niya. May sakit kaya ito? O nakakain ng pagkaing expired?

Binuklat nito ang kwadernong hawak at nagsimulang mag-scan ng lectures.

"Parang may test kung mag-cram ka ah—OMG! May quiz nga pala!" nanlalaki ang mga matang bulalas niya. Nag-warning pa naman ang teacher niya sa sa Marketing Management na kung hindi maipapasa ang quiz ay hindi sila pakukuhanin ng Semi-Finals.

"Nakalimutan mo?" takang tanong ni Karylle. Hindi na niya ito nasagot at dali-dali nang kinuha ang notebook niya sa bag. Pero daig pa niya ang pinagsakluban ng langit at lupa nang maalalang hindi pala siya nakapagpalit ng bag kanina. Hindi niya dala ang lectures niya. 'Paktay kang bata ka, Joya Angela!'

Napakagat na lang siya sa labi nang makitang papasok na ng classroom ang kanilang teacher na si Mr. Policarpio.