Chapter 7 - Chapter 7

"A-YO-KO! Capital A, Y, K! Ayoko!" Tinalikuran ni Joya ang kaibigan na maghapon na yata siyang kinukulit sa eskuwelahan.

"Ano ba ang gagawin namin para pumayag ka?"

"Ano ba ang gagawin ko para tumahimik na kayo? Sinunod ko na ang gusto ni Ms. Aguila, ano pa ba ang kailangan?" Binilisan niya ang lakad habang papalabas ng gate ng university pero agad na umagapay si Karylle sa kanya.

"Alam mo namang sa'yo nakasalalay ang mission ng Travellers, friend. Huwag ka namang ganyan."

"I already did what I was supposed to do. Kahit nanginginig ako sa takot, sumunod ako. Ipinain niyo na nga ako nang walang kalaban-laban doon. Ngayon, nakuha ko na ang card ko with flat one. Do you hear me? Flat one! Ano pa ang mapapala ko sa gusto niyong ipagawa sa'kin?"

"Wala."

"Then you have my answer!" Muli niyang tinalikuran si Karylle pero hinagip ng kaibigan ang isa niyang braso.

"Wala ka nga sigurong mapapala pero kami, meron, Joya. At alam kong hindi ka ganoon kawalang-puso para balewalain ang mapapala naming iyon kung sakaling tutulong ka."

Hinarap niya ang kaibigan at taas-noong nagsalita. "Kung paglilinisin niyo ako ng pasilyo o ng rest room, kaya ko pa 'yung gawin. Pero 'yung ipapain niyo na naman ako sa mga alien na 'yan, ayoko na, Karylle. Hindi ko na alam kung ano ang susunod na mangyayari sa encounter namin ng impaktong iyon, okay."

"Hindi iyon impakto. In fact, may na-capture na malabong imahe ang orbit natin. Ang cute niya kaya!"

Natigilan siya sa paglalakad sa narinig. "Ano'ng sinasabi mo?" kunot-noong tanong niya sa kaibigan.

"Nasa orbit mo 'yun. Siya nga pala, pinaaabot ng grupo ang pasasalamat sa'yo. Dahil sa nangyari, ibinigay na talaga sa atin ang mga orbit. Aba, ang mahal kaya niyon, not to mention the fact na hindi iyon available sa kung saan-saan lang. Kahit i-search mo pa—hoy, nakikinig ka ba?"

Wala na siyang care sa mga pinagsasasabi ni Karylle. Ang mahalaga ngayon sa kanya ay makita ang na-capture na image ng lalaking iyon. Mabilis niyang hinalughog ang bag niya at nang makita ang orbit ay madali iyong binuksan.

"Hoy, hindi basta-basta puwedeng buksan 'yan, ano ka ba!" Tinangkang agawin ni Karylle ang orbit niya pero madali niya iyong inilayo.

"Akin na 'to kaya puwede ko 'tong buksan ano mang oras ko gustuhin!" And she did open the gadget. Umilaw ang mga sensor lights ng orbit. Nang mag-stable ang ilaw ay saka niya binalingan ang katabi. "Nasaan dito?"

"Malilintikan tayo sa ginagawa mong 'yan, babae ka. Wala pa namang instructions si Ms—"

"Nasaan dito sabi?!"

"Oo na, oo na!" nakasimangot nitong sabi nang magtaas siya ng boses. "Pindutin mo 'yang button sa gilid ng orbit, 'yang pinakaitaas.

Nang sundin niya ang sinabi nito ay nagbigay ito ng code at nagbukas ang screen ng orbit. Palihim niyang minemorya ang code na sinabi nito. Natitiyak niyang kakailanganin niya ulit iyon mamaya.

───── ⋆⋅☆⋅⋆ ─────

HINDI makapaniwala sa nakikita si Joya. Kung gayon ay nagkamali siya ng pag-aakalang halusinasyon lang niya iyon lahat. Kung anu-ano pa naman ang ibinibintang niya sa grupo nang araw na magbalik na sila pa-Maynila. Sa isip niya kasi ay binibigyan niya ng paliwanag lahat ng mga nangyari sa Davao. Isa na nga doon ang tungkol sa lalaking naka-encounter niya sa tunnel.

Kung totoo ang sinasabi ng mga lider na wala ngang guide sa ilalim, posible ngang totoong alien ang nakasama niya. But that was weird. At hindi siya weirdo. Hindi siya basta magpapauto sa kung anu-anong sinasabi ng mga ito.

Una, sinabi ni Ms. Aguila na may guide siyang makakasama sa tunnel. Nangyari iyon, nakita at nakausap niya ang lalaking iyon. Pero may ganoon bang klaseng alien? Totoong tao ang nakita at nakasama niya, hindi alien tulad ng mga sinasabi ng mga iyon!

Pangalawa, sa tingin niya ay naka-program ang orbit. Mukhang hindi totoong nag-e-emit iyon ng signal o waves o ng kahit ano pang terminong tinatawag nina Ms. Aguila doon. Diumano ay makikita ng mga ito ang encounter na nangyayari sa tunnel. Mukhang props lang iyon para utuin sila lahat at paasahin na totoong may alien.

Pangatlo, duda siya sa light dinner na sinasabi ni Ms. Aguila. Malamang kaysa hindi ay nilagyan nito ng kung ano ang mga kinain nila para mag-create ng hallucinations ang kanilang mga utak.

At pang-apat, sa tingin niya ay may problema talaga sa pag-iisip si Ms. Aguila sampu ng lahat ng mga alagad nito—kabilang na ang kaibigan niya at ang lalaking iyon sa ilalim ng lupa. Sorry na lang sila dahil masyadong mataas ang IQ niya para malamangan at mauto ng kulto ng mga ito.

Ang problema, ngayon ay nagsisimula na siyang mapaisip dahil sa larawang iyon sa harapan niya. He was now staring at that blurred image. Malabo pero kahit paano ay maaaninag ang anyo ng lalaking na-capture ng camera na ngayon 'diumano' ay transmitted na sa orbit niya.

He must be five ten in height. Balingkinitan ang pangangatawan at matangos ang ilong. Mukhang singkit ang mga mata nito at manipis ang mga labi. She could actually describe his physical features kahit hindi ganoon kalinaw ang larawan at sa kabuuan, tama nga si Karylle—guwapo nga ang kumag. Panlimang pruweba sana na hindi alien ang lalaking iyon kundi totoong tao.

May cute bang alien? Imposible!

Pero sino nga ang taong iyon? Paanong nangyaring nasa tunnel rin ito? At ang nakabibinging tunog na ito ang nakapagpatigil, nangyari ba talaga iyon? Totoo ba iyon o part lang din ng halusinasyon niya? Ah, gulung-gulo na talaga ang utak niya!