Chapter 5 - Chapter 5

"HUWAG mo nang pansinin iyon, friend. Ang mahalaga, matapos mo ang mission na ito. Ito lang naman eh. 'Yung mga susunod, hindi ka na namin isasama kung ayaw mo."

"Talagang hindi na," bulong naman niya.

"Oo na pero dahil nandito ka na rin lang, much as well enjoy the experience, my friend!"

She rolled her eyes, gesture na parati niyang ginagawa out of exasperation.

"So paano, papasok na 'ko sa portal ha. Dito ka muna sa tent, off limits hanggang hindi ikaw ang nakasalang," anito. Kaya pala isa-isang nagkawala sa area ang mga kasama nila at nagbalikan sa tent ng mga ito. Hindi niya alam dahil hindi kasi siya nakikinig kanina pa.

Nang tumalikod si Karylle ay pumasok na nga siya sa tent. Komportable niyang inilatag ang katawan sa ground sheet na pinatungan ni Karylle kanina ng comforter. Kinuha niya ang cellphone mula sa bag niyang nasa isang gilid pero na-disappoint siya nang makitang out of coverage iyon.

'Paano kayang made-detect ng mga taong ito ang kahit anong signal e kahit nga signal ng cellphone, hindi ma-detect. Gravity!' gigil na bulong niya sa sarili.

Mabuti na lang at may naka-install na games ang cellphone niya. Kahit paano ay may magagawa siya kahit walang Facebook o Twitter.

Binuksan niya ang app ng My Tom niya. Mas naniniwala pa siya kay Tom kaysa sa mga 'intruders' na pinagsasabi ng mga kasama niya. Pinaliguan, pinakain at pinag-shower niya si Tom. Napangiti si Joya nang makitang naka-smile na si Tom. Iyon din kasi ang gusto niyang gawin sa mga sandaling iyon. Feeling niya ay napakalagkit ng katawan niya dahil sa biyahe.

Matapos patulugin ang virtual pet ay binuksan niya ang kanyang MP3. Ikinakabit na niya ang earphones sa cellphone nang mapagtuunan niya ng pansin ang orbit na ikinabit ni Karylle sa wrist niya. Napatigil siya at napatuon ang atensiyon doon. Tinitigan niyang mabuti ang gadget at sinuri ang pagkakaiba niyon sa pangkaraniwang relo.

'Mirror image, parang Storm reflector,' bulong niya sa sarili na ang nasa isip ay ang mamahaling relong pag-aari ng daddy niya dati.

May tatlong buttons ang orbit at isa-isa niyang ginalaw ang mga iyon. Bawat button ay lumilikha ng ilaw sa iba't-ibang posisyon sa loob ng watch-like gadget na iyon. Nang pindutin niya ang ikatlong button ay may kung anong nakabibinging tunog siyang narinig sa paligid. Napatakip siya ng mga tainga at awtomatikong napabaluktot. Ilang saglit din iyon bago unti-unting humina at saka nawala.

Nakiramdam siya sa labas ng tent. Pinatalas niya ang pandinig kung ano ang ginagawa ng mga kasama niya. Bumangon siya at paluhod na lalabas na sana pero may narinig siyang tila pagsutsot ng kung sino. Napahinto ang tangka niyang paglabas at sa halip ay napakubli sa sulok ng tent.

'Ano iyon? Sino 'yon?' bulong niya sa sarili habang ang takot ay unti-unti nang sumisibol sa dibdib. "Karylle? Friend, ikaw ba 'yan?" aniya sa malakas na tinig pero sa halip na sumagot ay lumakas lang ang pagsutsot na naririnig niya. Habang tumatagal ay papadalas na rin iyon at tila papalapit sa kanyang kinaroroonan. "Loka ka, Karylle, huwag mo 'kong takutin. Alam mong siga-siga lang ako pero duwag ako, lagot ka sa'kin..."

Pakiwari niya ay sasabog na ang puso niya sa matinding takot nang may makitang aninong lumiligid sa tent. Napatakip siya ng bibig. Sinundan niya ng tingin ang anino pero bigla iyong naglaho. Malakas siyang napasigaw nang may biglang sumungaw sa paanan niya.

"Joya, Joya! Hoy, Joya!" malakas na sabi ni Karylle kasabay ng pagyugyog sa kanya.

"Bakit ka nananakot, pambihira ka!" aniya rito. Dumukwang siya para abutin ang isang throw pillow at saka inihagis dito.

"Nananakot ka diyan! Ikaw nga itong parang timang, nagulat tuloy ako sa'yo."

"Bakit ba kasi? Tapos ka na ba?"

Padabog itong nag-Indian style sit sa tapat niya at saka naglagay ng unan sa kandungan nito. "Tapos na—bigo ako."

"Anyare?"

"Hindi ko nakausap ang intruder. May sumira ng signal namin," nanghahaba ang ngusong sabi nito.

"Ganoon?" aniya sa kawalan ng masasabi.

"Lumabas ka na doon. Ibi-brief ka pa habang nasa loob 'yung isa."

"Mamaya na—"

"Go na, girl! Pinatatawag ka na nga sa'kin kaya ako narito."

"Samahan mo ko." Kinuha niya ang rubber shoes sa isang sulok at saka sinimulang isuot.

"Naduduwag ka?"

"Uy, hindi ah. Madilim kasi papunta doon, dulo pa itong tent natin. Boring maglakad papunta sa location."

"Weh! Naduduwag ka nga!"

"Hay naku, ang mais mo! Diyan ka na nga!" aniya at saka gumapang palabas ng tent.

───── ⋆⋅☆⋅⋆ ─────

'PAULIT-ULIT lang naman ang mga pinagsasasabi ng mga ito,' bulong ni Joya sa sarili habang sinusuutan ng head cam at binibigyan ng instructions ng tatlong lider ng Travellers.

"Remember, Castillo, we're here to hunt alients and not to do anything else that's in your head, okay. Tandaan mong dito nakasalalay ang grades mo."

"Kung—kung hindi po ako maka-encounter, Ma'am, wala ba 'kong grade?"

Tinapik ni Ted ang balikat niya at ito ang sumagot sa tanong niya sa guro. "Hindi mahirap kausap ang teacher mong ito, Joya. Just keep in mind that you need to do this for a great purpose Makakatulong din ito eventually sa kalahatan kung sakaling magbubunga ang lakad natin."

Hindi man niya naiintindihan ang sinabing iyon ng lider ay tumango na lang siya. At least ay maayos itong kausap, hindi katulad ni Ms. Aguila na masungit na nga ay hindi pa marunong mag-motivate ng estudyante. Paano niyang gagawin ang isang bagay na hindi naman niya alam kung para saan at bakit niya kailangang gawin? Basta na lang siya isinama doon, obligadong sumunod at gawin ang pinagagawa nito alang-alang sa grades niya. Iyon pa naman ang weakness niya—extreme pressure.

Habang hinihintay ang paglabas ng pangalawang member ay kabadong-kabado si Joya. Mukha lang siyang astigin tingnan, sabi nga ng daddy niya pero ang totoo, nuknukan siya ng kaduwagan. Magagawa niyang mahimatay dahil sa matinding takot, bagay na walang-wala talaga sa hitsura niya.

"Huwag kang mag-alala, Castillo, may makakasama ka sa loob," ani Ms. Aguila. "Okay, it's your turn." Nang sundan niya ng tingin ang minamasdan nito ay nakita niyang dumako iyon sa isang pakuwadradong butas na nasa harapan nila. Nakabukas ang takip niyon na tila yari sa isang matibay na kahoy. Tunnel entrance!

Kaya pala hindi niya makita ang portal na sinasabi ng mga ito, underground pala iyon. Ang akala niya ay dadaan siya sa isang magical tree o kung ano pa man kaya natatawa siya sa sarili kaninang iniisip ang napipintong pagpasok doon. Ngayong nakita niyang tunnel pala ang pupuntahan ay lalo na siyang nahintakutan. Ang ini-imagine niyang paglalakad sa kakahuyan ay magiging sa ilalim pala ng lupang kinaroroonan nila. Paano kung may mga mababangis na hayop sa ilalim? Ahas? Alakdan? O kaya ay mummy?!

"Ma'am...parang—ayoko na po yata," ani Joya sabay hawak sa braso ni Ms. Aguila.

"Wala na tayong panahon, Castillo. Hindi ka puwedeng umatras."

"E, Ma'am—"

"Pumirma ka sa kasunduan. Puwede kitang ilagpak sa gagawin mong pag-atras at puwede ko ring gawin iyon sa kaibigan mong si Karylle. Remember, hindi rin niya nagawa ang misyon niya kanina."

That hit a nerve. Bigla siyang nakaramdam ng paghihimagsik sa sinabing iyon ng propesor. Pakiwari niya ay na-charge siya at lumakas ang loob niyang gawin ang pinagagawa nito.

"What now?" tanong ni Ms. Aguila. Hindi siya kumibo pero lumakad na papunta sa nakabukas na tila kuwadradong manhole.