"EEEEEEEE!"
Mariing tinakpan ni Joya ang kanyang mga tainga. "Ano ba, Karylle? Grabe ka namang makasigaw diyan!" sita niya rito.
"Sinabi iyon ni Ma'am sa'yo? Ibig sabihin, payag na siya, yipeeeee!"
"Anong payag? Na ipasa ako?"
"Na isama ka sa Davao!"
"Ah sa Davao—huwaaaat!"
Si Karylle naman ang napatakip ng tainga sa pagsigaw niya.
"Iyon ba 'yung lakad mo? Ano ang kinalaman ni Ms. Aguila doon?"
Mabilis na nagpaliwanag sa kanya ang kaibigan at laking gulat niya nang mapagtagni-tagni ang mga pangyayari. Kaya naman pala parang easy lang sa kaibigan ang subject na itinuturo ni Ms. Aguila ay dahil may lihim na koneksiyon ang dalawa. Isa pala ang guro sa financer at leader ng Travellers.
"Kung ganoon, mananampalataya niyo rin si Ms. Aguila?" mangha niyang tanong.
"Wow, mananampalataya talaga? Kulto lang, ganoon?"
"Hindi nga ba?"
Isang mahinang tapik sa braso ang ginawa ni Karylle sa kanya. "Over ka. Hindi kami cult, 'no. Nagkataon lang na pare-pareho kaming malalawak ang isip kaya naniniwala kami sa mga intruders."
"Mukha nga, may eyeball pa nga kayo sa Friday, 'di ba. Kayo na ang malawak ang isip."
"Oo, at kasama ka!"
Napakamot siya ng ulo sa sinabi nito. Isipin pa lang niyang makikisalamuha siya sa grupo ni Karylle ay ibig nang umangat ng anit niya sa pangingilabot. She couldn't take it!
ALAS-ONSE ng umaga ang flight ng Travellers pa-Davao kaya naman bago mag-alas dos nang hapon ay naroon na sila. Labintatlo sila lahat kabilang na si Ms. Aguila at dalawang lalaking nasa late forties na ang edad. Mga financer din daw ng Travellers ang mga ito, according to Karylle.
Apat sa mga kasama nila ay mga kaklase rin nila, mga katulad rin niya na binigyan ng INC ng guro dahil sa kulang na requirements. Ang apat ay namukhaan niyang mga seniors na. Pinagkilala sila ng guro bago lumulan ng eroplano sa Manila pero halos hindi naman niya natandaan ang pangalan ng mga ito. Busy kasi ang utak niya sa pag-iisip sa kung ano ang gagawin niya sa Davao kasama ng grupo. Feeling niya, OP talaga siya sa mga ito.
Paglabas ng Davao International Airport ay may sumalubong sa kanilang lalaking naka-jacket at cap ng itim. Vener daw ang pangalan nito at ito ang magsisilbing guide nila sa buong durasyon ng trip. May dala itong van at doon sila lumulan papunta sa kung saan.
Habang daan ay maingay ang grupo. Excited ang mga ito sa nalalapit na 'experience.' Nakakatawa lang na very positive talaga ang mga ito na makikita at makakausap ang mga aliens. Ibig-ibig niyang sumabad na magpatingin na lang ang mga ito sa doctor sa utak kaysa mag-aksaya ng pera sa mga kung anu-anong bagay, pero alam niyang wala siya sa posisyong gawin iyon.
Kailangan niyang ipasa ang subject ni Ms. Aguila, kundi ay hindi siya makakasama sa lakad ng pamilya sa darating na sembreak. May ticket na sila papuntang Singapore at hindi puwedeng maiwan siya. Siya ang nag-asikaso ng lahat mula sa pagkuha ng ticket hanggang itinerary nila kaya hindi puwedeng hindi siya makasama sa lakad na iyon.
Not to mention she didn't want to have a bad record in her transcript, of course. Malay ba niya kung tuluyan siyang ibagsak ng weird niyang guro? Masasayang ang dalawang taong pinagpaguran niya kapag nagkataon kaya titiisin na lang niya ang lahat para sa napipintong grade.
Sa isang liblib na lugar sila itinigil ng van ni Mang Vener. Hindi na nag-aksaya ng oras ang grupo. Agad nang nagbabaan ang mga ito at sinuri ang paligid na diumano ay madalas daw dalawin ng mga alien.
Malayo ang kalsada sa location kaya naman napilitan silang maglakad. Inis na inis si Joya habang daan. Hindi niya idi-deny sa sarili na napipilitan lang siya sa ginagawa. Sa halip na nasa couch na siya sa silid at nagsa-sound trip ay hayun at naglalakad siya sa mabakong daan na iyon. Sa halip na sa malambot na kama siya mahihiga sa pagtulog ay tiyak na sa ground sheet ng tent niya ipapahinga ang pagal niyang katawan mamaya.
Gayonman ay hindi niya maiwasan ang mamangha sa mga nakikita. Mabuti na lang at maaga ang flight nila, kung hindi ay malamang na umatras siya sa paglalakad. Bukod sa mabako ang daan, marami pang punong hindi niya kilala ang nakapalibot sa kanila. Tunog ng malalaking ibon ang tanging ingay na maririnig. Para na niyang na-imagine na sa gabi ay mga palaka at kuliglig naman ang mag-iingay doon.
Maalikabok ang daang tinahak ng grupo. Ang akala ni Joya ay wala nang katapusan iyon kaya laking tuwa niya nang makakita ng talahib at iba pang damo. Ayaw na ayaw niya kasing nadudumihan ang rubber shoes niya.
Hindi nagtagal ay may nadaanan silang batis na may dumadaloy na malinaw na tubig. Mabuti na lamang at maraming mga batong buhay ang naroon na may iba't-ibang hugis at laki. Nagawa nilang tumawid nang hindi nababasa sa tulong ng mga iyon.
"Bilisan niyo ang paglalakad, hindi tayo puwedeng gabihin, mga kasama!" sigaw ni Mang Vener.
'Wow naman, ang mais! Kunwari, shooting 'to ng Shake, Rattle and Roll,' sa loob-loob niya. Hindi niya maiwasang ma-kornihan sa mga kasamahan at hindi niya mapigil ang isip sa pagkutya sa ang mga ito.
In fairness, kung titingnan ay mukha ngang kapani-paniwalang pugad ng kakaibang nilalang ang lugar na iyon. Mukhang kahit duwende o kapre man ang sabihing naroon ay paniniwalaan niya.
"Narito na tayo!" narinig niyang sabi ni Mang Vener makalipas ang ilang sandali. Napausal ng pasasalamat si Joya. Sa tantiya niya ay mahigit forty minutes lang naman silang nagpenitensiya sa paglalakad!
Pinagmasdan niya ang paligid. Isang malawak at madawag na gubat ang kinaroroonan nila ngayon. Matataas ang mga talahib at maraming matatanda't malalaking punong nakaligid. Pero sa gitnang bahagi na marahil ay siyang pinakasentro ng lugar ay nakapagtatakang hawan ang mga damo.
"Pinalinis ko ang lugar ayon sa utos niyo, Ms. Aguila," ani Mang Vener na tila sagot sa pagtataka niya.
"Salamat, Mang Vener. Diyan kami magtatayo ng mga tent," sagot naman ng guro. Sa mga sumunod na sandali ay naging abala na ito sa pakikipag-usap sa guide at sa dalawa pang lalaking kasama nito.
"Dito tayo matutulog?" bulong niya kay Karylle nang sulyapan ang kaibigan. Nakita niya kasing tulad ng iba ay nagsisimula na rin itong mag-ayos ng mga gamit. Basta na lang ito nagbaba ng bag sa isang lugar at akmang magtatayo na ng tent.
"Saan pa nga ba? Don't worry, ligtas daw dito. May dala rin akong insect repellant kung takot ka sa dengue."
'Sus! Magagamit ba 'yun sa mga ligaw na hayop kung sakali?' "Ahmm...Karylle, bukas na siguro tayo magsisimula sa 'hunting' ano?" umaasa niyang tanong dito. Ang gusto niya kasi ay makapagpahinga. Tiyak na magiging malalim ang tulog niya dahil sa pagod sa biyahe at pressure na dinanas kaiisip ng tungkol sa lakad na iyon.
Hindi birong hirap ang pinagdaanan niya para payagan ng mga magulang sa biglaang lakad na iyon. Idagdag pang hindi naman niya magawang ipagtapat sa mga ito ang tunay na dahilan kung bakit niya kailangang magpunta ng Davao. Hindi niya ibig na mag-alala ang mga magulang.
"Asa ka pa, friend! Tiyak na ngayon magsisimula ang activity. Maya-maya lang ay nasisiguro kong magkakaroon na ng briefing kaya mag-ready ka na. Tulungan mo 'kong ayusin 'tong tent natin para mailagay na ang mga gamit natin sa loob."
"Wala bang CR dito? Gusto kong mag-refresh."
"Sandamakmak na wet wipes ang baon ko, mag-refresh ka nang mag-refresh mamaya."
"Eeeew!" reklamo niya na agad namang sinaway ng kaibigan. Minabuti na niyang tumahimik at baka marinig pa siya ni Ms. Aguila ay mapauwi pa siya nang wala sa oras.