Chapter 2 - Chapter 2

"UY, busy ah!"

Napatingin si Joya sa kadarating lang na si Karylle. Around fifteen minutes na siyang naroon at hinihintay lang ang pagdating ng professor sa susunod na subject kaya nagbasa-basa muna siya. "May quiz po tayo. Nakapag-review ka na ba?"

Ngumiti si Karylle at kumindat sa kanya. "Kapag nakikinig na mabuti sa teacher, hindi na kailangan ng review-review. Sisiw 'yan sa akin!"

"Ang yabang, puro historical facts and figures 'to, ano ka may eidetic memory? Hello, pambata lang 'yon, 'no!"

Nginisihan lang siya ni Karylle. "Hindi mo naman ako pababayaan, 'di ba? Ang talino mo kaya!" At tumawa ito bago muling nagseryoso. "May iniisip kasi ako kaya hindi ako makakapag-concentrate ngayon."

"Ano na naman 'yan?" nakasimangot niyang tanong.

"'Yung tungkol sa nabanggit ko sa'yo, 'yung alien hunting—o bakit ka natatawa?"

Natatawa nga siya, katunayan ay hawak pa niya ang tiyan dahil sa katatawa. "Alien hunting talaga? Ano 'yan, usa? Pwede ba, tigilan mo na 'yan at ang aga-aga."

"Hello, totoo ang sinasabi ko! 'Di ba nabanggit ko sa'yo na pupunta kami ng Davao? Doon gaganapin ang alien hunting dahil may lugar daw doon na talagang napatunayang madalas puntahan ng mga intruders.

"Oo na. Umayos ka na ng upo at hayan na si Prof." Ngumuso pa siya para makita ng katabi ang paparating na guro pero balewala iyon dito. Kinulit pa siya nitong sumama pero nagpakatanggi-tanggi siya. "Ano ba, Karylle, sasakalin na kita eh! Hindi ka ba natatakot diyan kay Aguila? Mamaya makita tayong nagdadaldalan, lagot tayo diyan."

Ngumiti nang makahulugan si Karylle pero nagpatuloy lang ito sa kakulitan. "Basta sasama ka," nangingiti nitong sabi.

"Tse!" asik niya rito sa mahinang tinig. 'In your dreams,' bulong niya at saka umayos sa pagkakaupo. Ilang saglit pa ay na kay Ms. Asuncion Aguila na ang kanyang pansin.

───── ⋆⋅☆⋅⋆ ─────

"CLASS, hindi naman siguro lingid sa inyo na hindi ako mahilig sa mga sekreto at sorpresa. We've known each other for almost four months at siguro naman, kahit paano ay kabisado niyo na ako. I'll be giving your cards this coming Thursday. Be sure to come because I won't be around by Friday; may flight ako. So, I just prepared my list and I would like you to listen if your name is included on it. Otherwise, it only implies failing my subject." Binuksan nito ang folder na hawak at saka iyon pinasadahan ng tingin. Huminga muna nang malalim at saka nagsimulang magbasa. "Aniceto, Avila, Bondoc, Jomer and Bondoc, Angelo, Briol, Buenaventura..."

Mataman lang nakikinig si Joya, hinihintay na ang kanyang pangalan.

"Deruega..."

"Ayun!" bulalas ni Karylle nang marinig ang sariling apelyido.

"Zulueta..."

Tapos nang magbasa si Ms. Aguila pero hindi man lang nabanggit ang surname niya. Could it be—?

"Friend, bakit wala yata ang pangalan mo?" takang tanong ni Karylle.

Hindi nakapagtatakang magtanong ito dahil alam nila kapwa na mahusay naman siya sa klase. Wala siyang pinabayaang kahit anong test at lagi naman siyang may assignment sa subject nito.

"Ma,am, kulang po yata 'yung binasa ninyo...wala po ang name ng friend kong si Joya Angela."

"Castillo?" dugtong nito sa sinasabi ng kaibigan, pagkuwa'y umiling na biglang nagpakaba sa kanya. "She's really not on my list. Kulang siya ng requirements at may isa siyang test na hindi nakuha."

Agad na namilog ang mga mata niya. Nawala sa loob niyang kulang siya ng test pero hindi naman niya inaasahan na magiging dahilan 'yun para bumagsak siya sa subject nito. Nagtaas siya ng kamay at saka tumayo ngunit ibubuka pa lamang niya ang bibig ay nagsalita na si Ms. Aguila.

"If you want to tell me something regarding your grade, that is supposed to be just between the two of us. See me after class, instead, Castillo."

Hindi na siya nakakibo at kusa na lang na napaupo. Gayon din ang sinabi ng guro sa iba pang nagtatanong kung bakit wala ang pangalan ng mga ito sa list na binasa.

───── ⋆⋅☆⋅⋆ ─────

"MA'AM, para naman po yatang unfair na hindi niyo ako bigyan ng grade dahil lang sa isang test na hindi ko nakuha dahil may sakit ako at requirement na sigurado naman akong nagpasa 'ko."

"Excuse me?" nakaangat ang kilay na tugon ni Ms. Aguila. "Are you trying to insinuate na mali ang record ko?"

"No, Ma'am. I'm just informing you na nagpasa po ako ng requirement ninyo at katunayan ay may one-eight sheet of paper pa kayong ibinigay sa akin with your sign confirming my submission."

"Is that so? Sige, akin na kung meron ka," hamon nito na hindi pa rin bumababa ang kilay.

Bigla siyang natigilan. Natural na hindi naman siya ready sa confrontation na iyon kaya hindi rin niya dala ang kapirasong papel na ipinagyayabang niya. Isa pa, ano ba ang kasiguraduhan niyang naitabi niya nga iyon? "E, Ma'am...hindi ko po pala—"

"I'm sorry, Ms. Castillo but I don't have much time to—"

"Ma'am, bigyan niyo na lang po ako ng test. 'Yung hindi ko nakuha, ready po akong mag-take kahit ngayon para makapasa," maagap niyang sabi rito. Akmang naiinip na kasi ang guro at ibig na siyang talikuran, pero pwede bang ganoon lang iyon? Na basta na lang siya nito ibabagsak nang walang pakundangan? Hindi bale kung mahirap ang subject nito eh chicken lang naman ang Meteorology para sa kanya.

"I'm sorry..."

"Okay Ma'am, ganito na lang po, paki-compute na lang po ang grade ko kahit kulang. Kung ano po ang lumabas ay maluwag kong tatanggapin."

"Are you crazy?" nakakunot ang noo nitong tanong. "INC ang ibinigay ko dahil iyon ang deserve mo. Hindi ako nagko-compute ng kulang."

"Pero Ma'am!" Halos ay maiiyak na siya. Sigurado siyang nagpasa siya ng requirement. Ang malas lang niya na hindi yata iyon na-i-record ng masungit niyang propesor.

Nang talikuran siya ni Ms. Aguila ay lakad-takbo siyang sumunod dito habang tawag-tawag ang pangalan ng guro. Ang akala niya ay tuluyan na siya nitong iignorahin pero nang makarating ng pinto ng faculty room ay bigla itong humarap sa kanya.

"I'm not going to recompute your grades no matter what happen, Castillo. But you can still pass the subject by completing the requirements."

"Ma'am, hindi po ako puwedeng mag-summer—"

"At sino ba ang nagsabi sa'yo na magsa-summer kung INC ang grade?"

"Kayo po..." aniya rito.

Sinabi nito iyon noong umpisa pa lamang ng semestre. Ayon pa rito ay iba raw itong klaseng guro, na hindi nakukuha sa pagpapasa ng kung anu-ano oras na mai-INC o maibagsak ang subject nito.

Nakita niyang saglit na nag-isip si Ms. Aguila. "Did I say that? Okay, that was a joke."

Namilog ang mga mata niya. Kung gayon ay may pag-asa siyang pumasa sa pag-comply lang ng requirement nito!

"You can still pass my subject if you want—but you need to do something very unusual."

Napaisip siya. Unusual? "What do you mean, Ma'am? Ano po ang kailangan kong gawin?" Saglit siyang kinabahan. Kailangan ba niyang mag-acrobat? Kumain ng apoy o tumulay sa alambre? Sa pagkakaalala niya ay may pagka-weirdo nga rin si Ms. Aguila pero hindi naman siguro ganoon katindi.

"Talk to Karylle. Tell her I'm inviting you to come with her on Friday, nine o'clock sharp."

"E Ma'am, ano pong—" Ang kahit anong sasabihin niya ay nilamon na lang ng hangin nang bigla na lang siyang iwan ni Ms. Aguila. Nakapinid na ang pintong pinasukan nito kaya wala siyang nagawa kundi ang mahulog sa malalim na pag-iisip.