Chapter 36 - 36

Flashback

"Ang guwapo talaga ng anak mo, Karina. Halatang banyaga ang ama. Ang ganda ng mata. Alam na ba ng ama niya na may anak siya? Aba! Humingi ka na ng sustento! Malaki ang palitan ng dolyar ngayon at sa mahabang panahon na wala siyang ambag, siguradong malaki na ang makokobra mo!"

Hindi ko alam kung matutuwa o masasaktan sa sinabi ni Kristine kaya pinili ko na lang na ngumiti at hindi umimik. Ibinaling ko sa anak ang tingin na ngayon ay masayang nakikipaghabulan sa alagang askal ng kapitbahay.

Mabilis na lumipas ang panahon. Hindi ko namalayan na sa loob ng mahigit dalawang taon ay magagawa kong palakihin at alagaan ang anak. Salat man sa pinansiyal na aspeto, sinisigurado ko naman na nabubusog ko ang anak sa pagmamahal. Naitaguyod ko naman siya nang maayos kahit na ba nagpapakaalila na ako sa pagtatrabaho bilang chambermaid sa isang di-kalakihang hotel sa bayan sa araw at mananahi sa gabi. Nakakuha ako ng anim na buwan na skill training sa TESDA na siyang dahilan kaya nakapasok ako sa trabaho.

Sa kabutihang-palad ay naiiwan ko naman ang anak sa kapitbahay na siniswelduhan ko lang. Minsan ay si Kristine mismo ang umaako ng pagbabantay para raw maibsan ang lungkot nito. Kamakailan lang ay nakunan ito dahil sa isang aksidente. Nabangga ang sinasakyan nitong jeep sa isang truck. Buti ay hindi ito masyadong napuruhan. Iyon nga lang, hindi na nito naisalba ang anak. Dinugo na ito dahil sa panic attack dulot ng nerbiyos.

Habang lumalaki si Errol ay mas nagiging kamukha niya ang kaniyang ama maliban na lang sa mga mata nito na namana mula kay Donya Teodora. Ilang beses ko na ring sinubukan na makipag-ugnayan kay Cholo para ipakilala ang anak namin pero pinanghihinaan ako ng loob.

Natatakot ako na kunin niya sa akin ang anak na hindi malabong mangyari. Alam kong kayang-kaya niyang kunin si Errol sa akin. Makapangyarihan sila, mayaman at maimpluwensiya. Kaya nilang gawin ang lahat ng gusto nila sa ordinaryong taong tulad ko katulad na lang nang ginawa ng mga Asturia sa pamilya ko.

Ikamamatay ko kapag nangyari iyon. Ang anak ko na lang ang nagpapasaya sa akin, ang tanging rason kung bakit pa ako nabubuhay. Kapag kinuha pa nila ang nag-iisang dahilan kung bakit humihinga at patuloy pa akong lumalaban, hindi ako magdadalawang-isip na lumaban kahit ikamatay ko pa kasi mas pipiliin ko pang mamatay kaysa mabuhay sa araw-araw na wala ang anak.

Sariwa pa ang sugat ng kahapon. Tandang-tanda ko pa ang araw na kinuha nila sa akin ang buong pamilya ko at iyan ang hindi ko hahayaan na mangyari na naman.

"Hindi na. Sa kaniya na ang lahat ng pera niya. Masaya na kaming dalawa ng anak ko. Mas nakakaawa siya dahil hindi niya makikita kung gaano kabibo at kamahal-mahal ang anak ko."

Umiling si Kristine saka inabot ang baso ng juice na nakapatong sa mesa sa bakuran nito. "Sa ngayon. Lalaki si Errol at magtatanong iyan kung sino at nasaan ang ama niya. Iba na ang panahon ngayon, Karina. May social media na. Try mo kayang hanapin. Curious ako sa mukha eh."

"Wag na, Kristine. Ni pangalan nga niya ay hindi ko alam. Hindi ko na nga maalala ang mukha nito kaya paano ko siya hahanapin?" pagsisinungaling ko." At bakit pa? Hindi naman namin siya kailangan," dagdag ko.

Tumayo ako at kinarga ang anak na umiiyak na dahil hindi nahabol ang aso na lumabas na sa tarangkahan.

"Kristine, mauna na ako. Magtatanghali na at kailangan ko nang magluto. Punta ka sa bahay tutal Linggo naman ngayon. Errol, mag-bye ka na kay Tita Tin." Pinunasan ko ang basang mukha nito at hinalikan sa ulo.

"Bye bye TinTin." Kumaway pa ito sa ninang na nakangiting kumaway din pabalik.

"Bye Errol. Doon ako magtatanghalian Karina ha. Magdadala ako ng crispy pata," pahabol nito nang nasa gate na kami.

"Sige. Antayin ka namin mamaya."

Ibinaba ko na ang anak at kinuha ang kamay nito. Mabagal na naglakad kami habang nakangiti lang ako na nakatingin dito. Hindi mainit ang panahon at nasa lilim naman kami ng mga puno sa gilid ng kalsada kaya hinayaan ko ito na maglakad. Malapit lang din naman ang bagong nilipatan namin na maliit na bahay. Naaaliw din kasi ito sa tuwing may nakikita itong dumaraang aso. Tinatangka nitong habulin na hindi naman nito nagagawa dahil hawak ko siya.

"Mama, dog," turo nito sa isa na namang aso.

Niyuko ko ang anak at tinanguan sabay kurot nang mahina sa mamula-mulang pisngi nito. "Oo dog. Aso sa Tagalog. Say aso."

Nalukot ang mukha nito at umiling. "Hindi. Dog."

Umiling din ako. "No. Aso. Say aso."

Huminto ito sa paglalakad at inulit ang 'dog' sabay turo sa aso sa unahan. Natatawa ko namang kinuha ito at pinupog ng halik at isinubsob ang mukha sa leeg ko.

"Okay. Dog iyon. Dog iyon. Hindi iyon aso."

"Oo dog," masayang sabi nito at itinuro ulit ang nakalampas na na aso.

Nangingiting pinagmasdan ko na lang anak. Ibayong saya ang ibinibigay niya sa akin sa bawat oras na magkasama kami. Siya ang pag-asa ko, ang tanging tao na nagbibigay ng kasiyahan sa buhay ko. Siya ang lahat-lahat sa akin.

Natutunan ko uling mabuhay nang masaya dahil kay Errol. Napagtanto kong masarap pa rin namang mabuhay, na may rason pa para gumising sa bawat umaga.

Tiningnan ko ang oras sa relo. Malapit nang mag-alas onse kaya kailangan ko nang bilisan na makauwi. Kinuha ko ang payong sa balikat at binuksan ito gamit ang isang kamay. Wala na kasing lilim ng kahoy sa unahan at medyo mainit na ang paligid.

Hinalikan ko ang pisngi ng anak saka binilisan ang paglalakad. "Bilisan na natin, Errol. Wala pang sinaing si mama sa bahay. Bawal kang malipasan ng gutom."

Tumigil ako at nilingon ang magkabilang lanes ng kalsada. Kahit naman halos walang nagagawi dito na sasakyan ay kailangan ko pa ring mag-ingat. Tulad ngayon, may naulinigan akong paparating. Isinarado ko ang payong at hinintay ang pagdaan ng kotse. Nagmenor naman ito at binusinahan ako kaya nagpasya na akong tumawid. Nginitian ko pa ang nagmamaneho kahit hindi ko makita ang mukha nito.

Pero ang sunod na mga nangyari ay hindi ko inasahan. Biglang umarangkada ang makina ng kotse papunta sa direksiyon namin. Nanlaki ang mga mata ko sa takot at gulat. Hinigpitan ko ang kapit sa anak at mabilis na nag-isip. Kung aatras ako pabalik ay mahahagip ako kaya tinakbo ko na lang ang kabilang lane sa abot ng aking makakaya.

Pero huli na ang lahat. Bago ko pa man maihakbang ang paa para tuluyang matawid ang distansiya ay nahagip na ako ng rumaragasang sasakyan. Rumehistro pa sa akin ang iyak ni Errol bago ako nagpagulung-gulong sa kalsada. Pikit ang mata na mahigpit kong niyapos ang anak sa braso para protektahan ito. Narinig ko pa ang pag-iyak ng anak bago may isa pang beses na may naramdaman akong bumundol sa akin bago parang may mabigat na bagay na pumukol sa ulo ko.

Labag man sa loob ay kusang nawalan ng lakas ang mga braso ko at nabitawan ang anak na hindi na umiiyak. Sinubukan kong ibuka ang mga mata pero hindi ko magawa kaya ang ginawa ko ay kinapa ko ang paligid gamit ang mga daliri.

Basa at malagkit ang unang nadama ko. Dugo.

"E-Errol! Errol anak..."

Kahit masakit ang ulo at buong katawan ay pinilit kong bumangon at gumapang para hanapin ang anak.

"Errol, anak. Errol..." Humagulhol na ako sa puntong iyon. Nagsalimbayan ang mga alaala ng maputlang mukha ni tatay at ang duguang katawan ni Diego. Ipinilig ko ang ulo at pilit na pinalis ang mga imahe. Hindi. Hindi maaaring matulad ang anak ko sa kapalaran nila.

Ilang minuto pa ng nakaliliyong katahimikan ang bumalot sa paligid. Patuloy ako sa pagkapa sa semento hanggang sa may nadaklot akong malamig na bagay. Nilabanan ko ang takot na sumigid sa kaibuturan at ibinuhos ang lakas para maibuka ang mga mata na sana ay hindi ko na lang ginawa.

Nakapikit ang anak ko at parang walang buhay na nakadapa sa daan. Naliligo ito sa sariling dugo at basa ng pulang likido ang suot nitong puting shorts at sando na binili ko pa kahapon sa bangketa.

Pero ngayon, ni hindi ko na makita ang tunay na kulay ng damit nito dahil sa dugo. Maraming dugo na nanggagaling mismo sa ulo ng anak.

"E-Errol... E-rrol..." nauutal na sambit ko habang maingat na kinukuha ang anak sa semento papunta sa bisig ko.

"E-Errol... Errol!" sigaw ko nang kahit ako ay mangaligkig sa nararamdaman na lamig mula sa katawan ng anak.

Nagpalinga-linga ako para sa maaring mahingan ng tulong. Hindi ako pwedeng mag-panic. Buhay ang anak ko. Mabubuhay ang anak ko kaya kailangan kong maghanap ng paraan, ng maaaring mahingan ng tulong.

"Tulong... Tulong! Tulong!" hiyaw ko habang tumutulo ang mga luha.

Tumigil ka, Karina. 'Wag kang umiyak. Bakit ka iiyak? Mabubuhay ang anak mo. Buhay si Errol, pagkumbinsi ko sa sarili.

May narinig akong tunog sa bandang likod ko kaya nabuhayan ako ng loob. Nilinga ko ang tao na lumabas sa kotse na tulala ang mukha.

"Please, tulungan mo ako. T-Tulungan mo ang anak ko. Please maawa ka. Dalhin natin siya sa ospital. Buhay pa ang anak ko. Mainit pa siya o kahit hawakan mo pa. S-Sa akin... Sa akin galing ang lahat ng dugong ito. Please. Lumapit ka. Tulungan mo ako... Tulungan mo kami, please. Please... Please... Errol anak... Nandito na siya. Nandito na ang tutulong sa atin kaya kumapit ka lang. Kapit lang."

Nang mag-angat ako ng tingin sa babae ay lumuluha na ito habang umiiling at nakatakip ang kamay sa bibig.

"Please, ano pang itinatayo mo diyan? Ma'am... Ma'am Elizabeth, tulungan mo kami. Tulungan mo kami ng anak ko."

Pero imbes na humakbang patungo sa amin ay tumakbo ito pabalik sa kotse. Naiwan akong nawawalan na ng pag-asa. Kung sana ay makakatayo ako kaso ni hindi ko maramdaman na may paa ako.

Ang ginawa ko na lang ay pagapang na tinawid ang kabilang kalsada kung saan ay mas makikita ako ng mga dumaraang tao dahil wala masyadong kahoy sa parteng iyon. May daanan kasi doon na ginagawang shortcut ng mga residente.

Kipkip ang anak sa isang braso, itinukod ko ang siko sa semento at hinila ang sarili. Rinig ko ang tunog na nililikha ng buto ko at ng semento. Alam ko ring puno na ako ng gasgas at mamaya na ay susungaw na ang laman sa braso ko pero himalang wala akong maramdaman na sakit. Nakapokus ang lahat sa akin sa kung paano ko maililigtas si Errol.

Ikaw na lang. Ikaw na lang ang natitira sa'kin anak. Hindi ko hahayaan na pati ikaw ay mawala pa sa akin. Hindi susuko si mama kahit na kailan.

Mataas na ang sikat ng araw at nagpang-abot na rin ang luha, sipon, at dugo sa buong katawan namin ni Errol. Nanghihina na ako at mas lumamig pa ang katawan ng anak ko ngunit hindi ito ang makakapahinto sa akin sa paggapang para sa kaligtasan niya.

Huminto ako saglit at huminga nang malalim, sa malayo ay may naririnig na akong mga nagkakagulong mga tao. Hinalikan ko ang ulo ng anak at ngumiti.

Salamat at dumating na ang tulong. Mabubuhay ang anak ko. Mabubuhay si Errol. Makikita pa niya ang ama niya...

...na hindi na naman natupad.

Dumating ang ambulansiya at isinakay kaming dalawa. Pagdating sa ospital ay idineklarang dead on arrival si Errol.

Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon ay nawalan na naman ako ng tanglaw sa buhay ko.

Wala na ba talaga akong karapatang maging masaya? Lahat na lang ba talaga ng mamahalin ko ay nawawala? Una si tatay, sumunod si Diego, si Cholo, at ang huli ay ang anak ko, si Errol.

Ito ba ang paraan ng tadhana para sabihin sa akin na tama na? Na sana ay itinigil ko na ang mabuhay pa noon pa? Baka nga. Baka nga. Baka hindi lang talaga ako para sa mundong ito.

At sa unang pagkakataon sa tanang buhay ko, namura ko ang taong pinagkakautangan ko ng buhay. Minura ko ang ina kung bakit pa niya ako isinilang. Dapat ipinalaglag na niya ako noon pa disin sana ay hindi ko ito nararanasan. Minura ko siya sa isip nang paulit-ulit habang nakatalungko sa labas ng punerarya at sinasampal ang sarili.

Mamanhid ka na. Mamanhid ka na pakiusap.

Baka-sakaling... Baka-sakaling kapag nangyari iyon ay hindi ko na maramdaman ang sakit na humihiyaw at nang-aalipin. Baka sakaling kapag wala na akong maramdaman ay magawa ko nang kunin ang bangkay ng anak sa likod ng pinto.