Chapter 38 - 38

Flashback

Tulala lang ako habang nakatitig sa nakakulong na si Elizabeth. Kakatapos ko lang na kunin ang anak sa punerarya at ngayon nga ay pinaglalamayan na ito sa munti naming bahay. Iniwan ko muna siya kay Kristine nang tumawag sa akin ang pulis para sabihin na kailangang akong magpunta sa presinto para magbigay ng testamento tungkol sa pangyayari. Magsasampa na rin ako ng kaso laban dito.

Tumulo na naman ang mga luha ko pagkaalala sa mapait na sitwasyon ko ngayon. Parang bangungot na naman ang lahat. Sa ikatlong pagkakataon ay hindi na naman ako kinasihan ng tadhana. Nawala na naman ang pinakamamahal ko pero hindi kagaya noon na umiyak lang ako sa sulok at tinanggap ang lahat, ngayon ay determinado akong lumaban. 

Wala naman kasing mawawala sa akin. Kinuha na nila lahat. Wala nang natira sa akin kundi galit kaya kaysa naman humagulhol lang ako sa tabi at magmukmok, sisiguraduhin kong lalaban ako ngayon kahit na malagutan ako ng hininga. Sa gayon ay taas noo kong makikita ang anak at ipagmamalaki ko sa kaniya na ipinaglaban ko ang kaniyang hustisya sa munti kong paraan.

Hindi ko inalintana ang mga sugat ko at paika-ikang tumayo patungo sa babae na nakasalampak ng upo sa likod ng rehas at nakatingin sa kawalan. Kinalampag ko ang bakal at inabot ang buhok ni Elizabeth.

"Mamamatay-tao ka! Pinatay mo ang anak ko walanghiya ka! Bakit mo ba iyon nagawa?! Bakit?! Siya na lang ang naiwan sa akin! Siya na lang! Ang anak ko na lang ang dahilan kung bakit ako humihinga! Ano ba ang kasalanan ko sa iyo at sa pamilya niyo?! Bakit niyo ba ako ginaganito?! Hindi pa ba sapat sa inyo na pinatay ninyo ang ama at kapatid ko?! Bakit pati anak ko?! Bakit?!"

Hindi ko tinigilan ang pagsabunot sa buhok nito kahit na sumisigaw na ito sa sakit at may mga pulis na ring humahablot sa akin palayo.

"Mamamatay-tao ka Elizabeth Asturia! Mamamatay-tao kayong lahat! Ibalik niyo ang anak ko! Ibalik niyo si Errol!" patuloy na tungayaw ko. Nanlalabo na ang paningin ko dahil sa luha at kanina pa kumikirot ang mga sugat ko pero walang makakapantay sa klase ng sakit na nararamdaman ko sa loob. Para akong pinilas nang makailang-ulit. Para akong nilapastangan at binaboy nila. Hindi! Hindi ko siya titigilan hanggang sa mamatay na rin siya.

"Policarpio! Honasan! Ilayo niyo ang babaeng iyan kay Ms. Asturia!" utos ng isang lalaking kadarating lang mula sa likod ko.

Pinilipit ng pulis sa tabi ko ang kamay ko kaya nabitawan ko ang buhok ni Elizabeth saka nila ako kinaladkad palayo. Lumapit naman ang nagsalita sa selda nito dala ang isang bungkos ng susi saka ito binuksan sa aking kahindikan.

"Bakit niyo iyan binubuksan?! Ibalik niyo ang mamamatay-tao na babaeng iyan sa loob! Siya ang pumatay sa anak ko! Pinatay niya si Errol! Pinatay niya ang anak ko! Hayup! Hayup ka Elizabeth!" Patuloy na nagpumiglas ako sa malabakal na pagkakahawak ng dalawang pulis sa akin pero hindi nila ako hinayaan.

"Ma'am Elizabeth, pasensiya na sa ginawang panghuli namin kanina. Nagkamali lang po kami ng taong nakuha. Sana po ay hindi na ito makaabot sa papa at mama mo. Nakikiusap po ako," naring ko pang wika ng hepe na umalalay kay Elizabeth.

Hindi naman sumagot ang babae. Mailap ang mga mata nito habang nakatingin sa labasan, iniiwasan ang gawi ko. Nang tumango ito ay nakahinga ng maluwag ang pulis.

"Escortan niyo na palabas si Ms. Asturia. Nasa entrance na ang susundo sa kaniya."

Tumalima naman ang ilang pulis na nakaantabay at maingat na inalalayan si Elizabeth. Awang ang labi na nakatingin na lang ako sa kanila.

"Bakit niyo siya hinahayaan na makatakas?! Mamamatay-tao iyan! Pinatay niya ang anak ko! Anong klase kayong mga pulis?! Bakit niyo pinapatakas ang kriminal na iyan?!"

Walang sinuman ang nakinig sa akin. Nang tuluyan nang makalabas sina Elizabeth ay binitawan na rin ako ng mga nakahawak sa akin at bumalik sa kani-kanilang trabaho na parang walang nangyari. Tumakbo naman ako papunta sa mesa ng hepe. Pinahid ko muna ang mga luha bago nagsalita.

"Anong nangyari? Bakit hinayaan niyong makaalis ang salarin? Siya ang sumagasa sa amin! Siya ang dahilan kung bakit namatay ang anak ko!"

Nagbuntunghininga lang ito bago isinuot ang salamin at inasikaso ang mga papeles sa mesa na parang wala siyang kausap, na para bang hindi importante ang kaso ko.

"Mali ang tao na nakuha namin. Hindi si Ms. Asturia ang nakasagasa sa inyo," mahinahon nitong tugon.

"A-Anong hindi? Kitang-kita ko ang mukha niya nang bumaba siya sa kotse niya matapos niya kaming banggain ng anak ko na ngayon ay nakalamay na sa bahay namin! Siya na lang ang meron ako. Wala na akong ina, ama, at kapatid. Ang anak ko na lang ang meron ako, mamang pulis. Siya na lang." Pinahid ko uli ang mga namalisbis na luha at gumilid sa upuan nito at lumuhod. "Pakiusap, bigyan mo naman ng hustisya ang pagkamatay ng anak ko. H-Hindi ko kayang magpatuloy pa sa buhay na ito kung alam kong hindi pa nagbabayad ang suspek. Pakiusap po."

Napailing lang ang hepe bago ako hinarap. "Miss, hindi mo alam kung sino ang binabangga mo rito. Wala lang tayo sa kalingkingan ng pamilya nila. Isang utos lang nila, maaalis kaagad ako sa puwesto ko ngayon. Buti na nga lang at napakiusapan ko ang kapamilya nila na wag na itong paabutin pa sa mga magulang ni Ma'am Elizabeth. Isa pa, hindi lang isang pamilya ang makakabangga mo kung sakali. Tinawagan ako mismo ni Mayor Gastrell para mailabas si ma'am. Hindi na ako makahindi. Malaki ang utang na loob ko kay Madam Teodora."

Natigilan ako pagkarinig sa pangalan na binanggit nito.

"S-Si Madam Teodora ang nag-utos sa iyo na palayain si Elizabeth?" bulong ko sa kawalan.

"Si Madam nga."

Pumikit ako at tuluyan nang naupo sa sahig. Pilit kong nilalabanan ang pag-usbong ng isang emosyon na hindi ko mabigyan ng pangalan.

"Alam ba niya kung sino ang mga biktima ni Elizabeth? N-Nagtanong man lang ba siya kung sino kami? Nalaman ba niya ang mga pangalan namin? N-Ni Errol?"

Tumango ang hepe. "Alam ni Madam ang lahat."

Nalaglag na naman ang mga luha ko. "L-Lahat? Alam din ba niyang s-sariling apo niya ang n-namatay? Alam ba niyang mas kinampihan pa niya ang pumatay sa apo niya kaysa sa mismong dugo at laman niya?"

Napatda ang lalaki sa narinig pero hindi ito sumagot. Hanggang sa tumayo na lang ako at blangkong tiningnan ito sa mga mata ay hindi pa rin nito nagawang kumibo.

"Kung magkakaroon ka man ng tapang na sabihin kay Madam ang katotohanan, pakisabi na rin sana sa kaniya na kamukhang-kamukha ng anak niya ang anak kong si Errol." Suminghot ako at pinahid ang mga luha gamit ang laylayan ng t-shirt na suot. "Pakisabi sa kaniya na nakuha ni Errol ang kaniyang mga mata mula sa kaniyang lola. Walang nakuha sa akin ang anak ko pero okay lang iyon. Binigyan niya naman ako ng sobrang kasiyahan sa maikling panahon na magkasama kami. A-At panghuli... pakisabi kay madam na sabihin sa anak niya na dalawin ang puntod ng anak ko... dahil baka hindi ko na iyon magawa. Salamat."

Tumalikod na ako at sa mabibilis na hakbang ay nilisan ang lugar na iyon pabalik sa munting bahay namin kung saan naghihintay ang anak ko sa akin.

Errol anak, hinding-hindi ka hahayaan ni mama mag-isa.