Chapter 40 - 40

Trigger Warning!!!! Suicide. Stay out of this chapter if this topic triggers you. Thank you.

Flashback

"Karina, kanina pa tumila ang ulan. Tara na. Bukas na lang uli natin bisitahin si Errol, okay?"

Hindi ko pinansin ang pakiusap sa akin ni Kristine. Nanatili akong nakatalungko at nakatitig sa lapida ng anak habang patuloy ang pag-agos ng luha. Hindi ko iiwan ang anak ko rito. Hindi ko hahayaan na mag-isa ang anak ko lalo na at mukhang uulan pa. Ayaw pa naman nito kapag malamig ang panahon. Hindi ito nakakatulog kung hindi ako kayakap.

"Karina, pakiusap. Umuwi muna tayo. Magpahinga ka naman kahit saglit lang. Hindi ka kumakain. Hindi ka na rin natutulog. Ilang araw ka nang ganiyan. Hindi matutuwa ang anak mo kung makikita ka niyang pinapabayaan ang sarili mo."

"Hayaan mo muna ako, Kristine. Nagluluksa pa ako. H-Hindi ko pa kayang tanggapin na wala na ang anak ko." Lumipat ang tingin ko sa dalawa pang katabi na lapida kung saan nakahimlay ang ama at kapatid ko. "W-Wala nang natira sa akin. Wala na kahit ni isa."

Niyakap ako ni Kristine at hinagod ang likod ko. "Wag na wag mong sasabihin iyan. Nandito ako para sa iyo, ang buong pamilya ko."

Umiling ako at niyakap ang tuhod. "M-Mag-isa na lang ako, Kristine. Iniwan na nila ako lahat. Nauna na silang lahat. W-Wala na akong kasama dito."

Narinig ko ang paghagulhol nito at ang paghigpit ng yakap sa akin. "Andito pa ako para sa iyo. Alam kong hindi biro ang mawalan ng anak pero kayanin mo, Karina. Lumaban ka. Alalahanin mong hindi mo pa nabibigyan ng hustisya ang anak mo."

Ngumiti ako ng puno ng pait. "Wala akong laban sa kanila, Kristine. Kahit nga ang sariling kadugo ni Errol ay kinampihan pa sila. Ipagpapasadiyos ko na lang ang lahat. Sabi nga nila, hindi para sa mga tao ang paghihiganti." Ipinikit ko ang mga mata para sakaling guminhawa saglit ang pakiramdam ko pero makalipas lang ang isang segundo ay bumalik uli ang hindi matatawarang sakit. "Napakahina ko... Napakahina ko."

Pinayapa ako ni Kristine at pinilit uling umuwi muna kami. Nang sumapit ang ang alas-otso ng gabi ay sumang-ayon na ako na sasaglit muna sa bahay para kumain pero alam ko sa sarili ko na malayo sa pagkain ang gagawin ko.

Pagkarating ng bahay ay hindi ko na naman maiwasan ang tumangis. Bawat sulok ng bahay ay nagpapaalala sa akin ng anak ko—ang lumang krib kung saan una kong pinatulog si Errol, ang mga nagkalat na pambatang damit sa sahig dahil kailangan kong pumili ng suot nito sa burol, ang mga sachets ng gatas at feeding bottles, at ang mga pinakamamahal na laruan nito na kasabay pa nitong matulog tuwing gabi. Kahit saang bahagi ako tumingin, nakikita, naaamoy, at nararamdaman ko ang anak.

"Hintay ka lang sandali, nak. Susunod din si mama. Susunod ako sa iyo," bulong ko habang lumuluhang nakatitig sa litrato naming dalawa ng anak na nakasabit sa pader. Kuha ito noong binyag niya. Nakasimangot ito habang pinipilit hubarin ang suot na puting kamiseta.

Ngumiti ako sa larawan at nagsimula nang maglinis sa buong kabahayan. Inilagay ko sa mga karton ang mga laruan at damit ng anak bago itinabi sa isang sulok. Hinugasan ko ang mga platong ilang araw nang nasa lababo, pinalitan ang mga kurtina, kumot at punda, at winalisan ang sahig. Nang matapos ay naligo na ako at nagpalit nang damit saka kumuha ng papel at ballpen at gumawa ng dalawang sulat para kay Kristine at ang isa ay para kay Cholo. Ilang beses ko ring kailangang itapon ang mga papel dahil nababasa ito palagi ng mga luha ko.

Nang matapos na sa pagsusulat ay maingat ko itong tinupi at inilagay sa sobre bago ko nilagyan ng pangalan ni Kristine ang likod. Iniwan ko ito sa ibabaw ng mesa para madaling makita ng kaibigan.

Tumayo na ako at nakangiting kinuha ang isang bote ng gamot sa taas ng tokador at kumuha ng pitsel. Sa nanginginig na kamay ay ibinuhos ko lahat ang laman ng bote at inilagay sa bibig pagkatapos ay kinuha ang pitsel ng tubig at ininom ito. Pinunasan ko ang bibig, kinuha ang mga larawan ng buong pamilya ko, niyakap ito, at humiga sa sahig. Gusto kong makaramdam ng sobrang lamig. Gusto kong maramdaman ang nanunuot na lamig sa huling pagkakataon. Alam ko kasing purong init na lang ang mararamdaman ko sa dako pa roon.

Ilang oras pa ang lumipas bago ko naramdaman ang pamimigat ng talukap ng mga mata ko. Kinakapos na rin ako sa paghinga at sumasakit na ang ulo, dibdib, at tiyan ko. Ipinikit ko ang mga mata at hinanda na ang sarili na yakapin ang kadiliman.

Tahimik na ang paligid. Anumang minuto mula ngayon ay muli ko nang makkikita ang ama, kapatid, at ang anak ko.

Patawad po sa kahinaan pero ito na lang ang huli kong nakikitang paraan. Ayoko nang magdusa. Sawang-sawa na akong umiyak. Gusto ko nang tumigil ang sakit. Karuwagan man sa tingin nang nakakarami ang gagawin ko pero wala na akong nakikitang liwanag sa buhay ko.

Sa huling beses ay nalaglag ang mga luha ko kasabay nang pagbukas ng pinto kasunod ang mga yabag. Sinubukan kong gumalaw para malaman kung sino sila pero hindi na ako makakilos. Bakit napaaga yata si Kristine?

"Hurry! She's still conscious. Get the ambulance ready! We need to take her to the hospital. Contact my wife. Tell her we got Karina already," wika ng isang tinig.

Dumungaw sa akin ang isang pares ng naaawang mata at kinausap ako.

"You're safe, Karina. Hang in there. It's going to be okay," saad nito at pinangko ako.

Gusto ko pa sanang tumutol, sabihin sa kaniya na pabayaan na nila ako pero unti-unti nang nanlalabo ang lahat sa akin hanggang sa lukubin ako ng mapayapang pakiramdam.

Nang magbalik ang malay ko ay nasa isang puting silid na ako at nakahiga sa isang magarang kama pero imbes na magtaka at matakot ay naiyak lang uli ako. Bakit buhay pa ako? Bakit binuhay pa nila ako? Ayoko na sabi! Gusto ko nang mamatay!

Patay. Patay na si Tatay, si Diego. At... at...   ang baby ko... Patay na... Pinatay nila...

Sumigaw ako nang marinig ang parang boses na nagsasalita sa loob ng ulo ko. Itinakip ko ang mga kamay sa tenga at sumiksik sa kama.

"Oo na! Wala na silang lahat! Iniwan na nila ako! Pinatay nila ang pamilya ko! Tumigil ka na! Wag ka nang paulit-ulit!" sigaw ko at tinabig ang mga gamit na nasa gilid ko. Nagkalat ang mga bubog sa sahig at ang iilan ay tumalsik sa akin. Tumulo ang dugo mula sa kamay ko.

Nanlalaki ang mga matang tinitigan ko ang dugo. Sumambulat sa isip ko ang mga alaala nang duguang si Diego. Sumunod ang mga eksena ng anak ko na duguang nakahiga sa kalsada.

"Ayoko na! Pagpahingahin niyo na ako! Pakiusap! Maawa na kayo!"

Sinampal ko ang sarili nang makailang beses para mamanhid na ako. "Ayoko na sabi. Ayoko nang mabuhay!"

Narinig ko ang pagbukas-sara ng pinto pero nanatili akong nakasubsob sa mga tuhod habang hawak ang ulo. Hindi ko mapatigil ang mga boses at eksena. Hindi sila tumitigil lahat!

"It's okay, Karina. You'll be okay," ani nang malumanay na tinig kasabay ang paglundo ng kama sa tabi ko.

Nagtaas ako ng tingin sa estrangherang may malalamig na mga mata.

"Sino ka? Bakit ako narito? Bakit mo pa ako iniligtas? Ayoko na. Ayoko nang mabuhay."

"Hush. Hush." Inabot niya ako at marahang niyakap. "Dying is the last thing you should be thinking. Isa kang Alcantara. Nananalaytay sa dugo mo ang pagiging isang miyembro ng isang malakas na angkan. Walang nagpapaapi sa atin. Walang tumatalo sa atin. We're so wealthy they could only stare at us in envy. We're so powerful we could kill anyone we want so stop making yourself a mess."

Wala akong naintindihan sa mga pinagsasabi nito maliban na lang sa salitang tumimo sa isip ko.

"Kill?" marahan kong ulit sa salita, animo nahihipnotismo habang nakatitig sa malalantik na pilikmata nito.

Tumango ang magandang babae at hinaplos ang pisngi ko. "Yes, baby. Kill. Murder. We could do that to anyone. That's how powerful we are."

Naalala ko ang mga taong gumawa nito sa akin. Sina Ymir at Elizabeth, lahat sila ay gusto kong patayin! Kailangan ko ng hustisya bago ko patayin na naman ang sarili. Kumuyom ang mga kamao ko at umiling. "Gusto ko silang patayin. Gusto ko silang patayin pero wala akong laban sa kanila. Wala."

"Shhhh. That's why I'm here. I'm here for you. Just do what I wanted you to do and I'll help you kill whoever is making all these sufferings to you. Oh, what a poor baby."

"Casindra!"

Magkasabay kaming kumilos para lingunin ang nagsalita sa galit na tinig. Ang una agad na rumehistro sa akin ay ang mata ng lalaki na nasa bungad ng pinto at malalaki ang mga hakbang na papunta sa amin. Hindi tulad ng babaeng tinawag nitong Casindra, may emosyon akong nababasa sa mga mata nito, awa para sa akin at galit para sa babae na katabi ko.

"Get off her!" Agad akong ipinaloob sa mga bisig niya at sa nagbababalang tinig ay pinagbantaan si Casindra. "Don't you dare put your poisonous words into her mind unless you wanted to be completely cut off from entering the vicinity of Monte Vega, you understand me?"

Naging mapang-uyam ang ngiti ng babae nang tumayo ito at hinarap ang lalake. "Chill, Zen. I was just giving our newest family member a welcome hug. Besides, wag kang masyadong magmalaki diyan. Nauna ka lang. I'm still an Alcantara so I have every right to be in Monte Vega." Bumaling ito sa akin at ngumiti. "Welcome home, cousin. I can't wait to play with you."

Iniwanan niya kami ng isa pang ngiti bago lumabas sa pinto.

"Sandali! Hindi pa tayo tapos. Tutulungan mo pa ako," pigil ko kay Casindra na tumigil sa pinto.

Ikinulong ni Zen sa ang mukha ko sa mga kamay nito at sa mahinahong tinig ay pinayuhan. "Karina, don't listen to her. She's just using you. Whatever she had told you, forget all of it."

Itinulak ko palayo ang lalaki at tinakpan ang mga tenga. "Kalimutan?! Makakalimutan ko na sana kung hindi niyo na ako iniligtas! Ayoko nang mabuhay sabi. Gusto ko na lang sumunod sa anak ko! Ang gusto ko ay maghiganti! Gusto kong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nilang lahat!" Pinukpok ko na ang ulo nang magsimula na namang mag-ingay ang boses sa loob ko. "Tama na... Tumigil na kayo... Gusto ko na lang na magpahinga na. Pagod na ako."

"You need to rest again, Karina. I'm sorry but I have to put you to sleep again."

May naramdaman akong itinurok sa braso ko na nagpamanhid sa akin. Nawalan ng lakas ang katawan ko at humina ang tunog ng kapaligiran. Tumingin ako sa lalake na agad akong inalalayan para mahiga.

"Sleep now, Karina. I promise you that everything will be okay. You're home now."