Chapter 26 - 26

Flashback

"At the exit of Cerro Roca, may itim na van na susundo sa iyo. Sumama ka sa kanila dahil sila na rin ang kukuha sa ama at kapatid mo. Ihahatid ka nila sa lugar kung saan mananatili kayo until I order you to leave soon. Kailangan ko lang siguraduhin na hindi kayo tatakas."

Pinahid ko ang mga luha sa mata habang mataman na nakikinig kay Ymir. Nang masiguro kong mahimbing na na natutulog si Cholo ay umiskapo na ako patungo sa mansiyon ng mga Asturia. Ang bilin ni Ymir sa akin ay kakatagpuin niya ako guardhouse ng mansiyon. Ngayong gabi ang usapan namin ng kapatid ni Elizabeth na aalis na ako. Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari pagkatapos nito pero iisang bagay lang ang alam kong siguradong mangyayari. Magagalit sa akin si Cholo at isusumpa niya ako dahil hindi ako tumupad sa usapan namin.

Ako na nangakong tutulungan siya. Ako na nagsabing hindi ko siya iiwanan ay nauna nang lumayo.

Labag man sa aking kalooban ang gagawin ay wala na akong magagawa pa. Ito na ang itinakda ng langit sa akin. Ito na ang magiging kapalaran ko.

"A-ang pera? Kailan ko makukuha ang pera?" tanong ko sa garalgal na tono. Wala na akong pakialam sa iisipin niya. Ginagawa ko ito ayon sa aming kasunduan.

Ngumisi sa akin si Ymir bago naglabas ng tseke sa bulsa nito. Nanlaki ang mga mata ko sa halagang nakasulat nang ibigay niya ito sa akin. Bente milyones?!

"Take it and fly away from this place, Karina. And never ever show your face again here. Patay ka na simula ngayon. Ni anino mo ay hindi na dapat magagawi sa parteng ito ng mundo. Use this money to start a new life somewhere far away from here. Naiintindihan mo ba ako, Karina?" saad nito sa malamig na tinig.

"Don't worry, Karina. I'll be by your side. Always."

Pumikit ako nang umalingawngaw sa isip ko ang mga sinabi ni Cholo. Tumitig uli ako sa tseke na nasa kamay pagkatapos ay sa singsing na nasa daliri na ibinigay sa akin ng asawa kanina bago kami matulog nang magkayakap. Hindi ko alam na bumili pala siya nito noong isang gabi na kumain kami sa isang mall. Isinuot niya ito sa akin nang nagsasayaw ang mukha sa saya. Ang sabi pa niya, mismong ipon niya sa nakatuwaang bilhin na alkansiya ang pinambili niya rito.

Parang nakokonsensiya na napaatras ako kasabay nang pagbitiw ko sa tseke na nalaglag sa lupa.

Hindi. Hindi ako bibitiw. Tutulungan ako ni Cholo kasi ipinangako niyang kasama niya ako palagi. Alam kong tototohanin niya iyon. Nababasa ko sa mga mata niya kanina habang isinusuot niya sa akin ang singsing na nagkakaroon na rin siya ng malasakit para sa akin.

Pinunasan ko ang basang mukha at buong tapang na nagtaas ng ulo kay Ymir na nakakunot-noo na nakatitig sa nahulog na tseke.

"Ayoko na pala. Nagbago na ang isip ko. Hindi na ako aalis ng Cerro Roca. Sa iyo na ang pera mo."

Tumalikod na ako matapos sabihin ang mga iyon pero hindi pa man ako nakakalayo ay may humablot na sa akin at may panyong itinakip sa bibig at ilong ko. Naamoy ko ang matapang na parang pabango na nakapagpawala ng lakas ko. Namigat ang talukap ng mga mata ko kasabay ng unti-unting paglungayngay ng mga kamay ko.

Lumaban ako sa abot ng aking makakaya. Sinubukan kong baklasin ang solidong braso na nakapaikot sa leeg ko pero hindi ko na maigalaw ang kamay. Sa gilid ng mga mata ay nakita ko si Ymir na madilim ang mukhang nakatingin sa akin habang nakapamulsa.

Umiling ito saka lumapit sa akin. Sa lumiliit kong paningin ay nakita ko pa ang ginawa nitong pagyuko sa lupa at pagpulot ng kung ano.

"Karina Versoza. Binalaan na kita. It's either you go in peace or you will be buried in peace. Akala ko nagkaunawaan na tayo sa una pero mukhang mas pipiliin mo ang huli. But don't think of me as a monster because I'm still willing to give you another chance." Bumaling ito sa likod ko. "Isakay niyo na iyan sa kotse at idiretso sa Sta. Barbara. Make sure you don't leave any trail. Sige na."

Kinaladkad na ako palayo ng kung sinuman sa likod ko. Gusto ko pa sanang magprotesta, sumigaw, at magmakaawa pero kahit ang bibig ko ay hindi ko na maibuka. Hanggang sa isakay nila ako sa nakaparadang sasakyan ay wala akong nagawa. Nakatitig lang ako sa malulupit at malalamig na mga mata ni Ymir habang sa isip ay paulit-ulit na inuusal ang pangalan ni Cholo.

Ilang sandali pa ay sumarado na ang pinto at tanging ang ilaw ng paparating na kotse ang naiwan sa memorya ko bago magdilim ang lahat sa akin.

Pagmulat ko ng mga mata ay latag na ang liwanag sa labas ng bintanang kahoy na hindi pamilyar sa akin. Napabalikwas ako ng bangon pero agad ding napabalik sa pagkakahiga dahil sa pagkirot ng ulo ko. Ipinikit ko ang mga mata at inalala ang lahat ng mga nangyari. Ganoon na lang ang takot at paghihimagsik na naramdaman ko nang isa-isa ay magbalik sa akin ang lahat.

Inipon ko ang lakas at bumangon mula sa papag. Iniligid ko ang tingin sa paligid ng silid. Disente naman ang kinaroroonan kong lugar. Mas bahay pa nga itong tingnan kompara sa naiwan naming kubo sa Cerro Roca.

Teka, nasaan nga ba ako?

Dali-dali akong lumabas ng kwarto para lamang magulantang sa nakita. Kakahuyan na ang bumungad sa akin. Mga nagtataasang puno ng mangga at niyog ang nakapalibot sa maliit na bakuran. Wala ni isang bahay akong natatanaw. Tanging ang bahay lang na kinaroroonan ko ang nakatayo sa malawak na lupain. Binuksan ko ang pinto at lumabas. Tinakbo ko ang nakitang daan sa pagbabakasakaling may mahingian ako ng tulong pero bago pa ako makalayo ay may tinig nang tumatawag sa akin na nakapagpahinto sa galaw ng mga paa ko.

"Ate! Ate Karina! Saan ka pupunta!?"

Nanlalaki ang mga matang nilingon ko ang pinagmulan ng tinig. Nakatayo sa bungad ng pinto si Diego na may hawak na sandok. Kaagad akong napaluha at sinugod ito ng yakap. Humahagulhol na hinawakan ko ang kaniyang mukha. Nagtaka ako kung bakit nakangiti pa siya sa akin gayong walang dapat ikasaya ang sitwasyon namin ngayon.

"Bakit ka nandito? Nasaan tayo? Si tatay? Nasaan si tatay?" sunud-sunod na tanong ko sa kapatid.

"Nandito tayo sa Sta. Barbara, ate. Kagabi ay may sumundo sa amin na mga lalaki at dinala kami rito. Mga kaibigan mo raw sila. Ate, may mga kaibigan ka palang mga matulungin? Nagtaka ako noong una kasi hindi mo naman kami natawagan para abisuhan kami," paliwanag nito.

Natahimik ako. Alam kong ang mga tauhan ni Ymir ang may kagagawan nito.

"Si tatay? Nasaan si tatay, Diego? Kasama mo ba siya sa loob? Nasa loob ba si tatay, Diego?"

Hinila ko ang kamay nito para dalawa na kaming papasok sa loob.

"Si tatay? Nakalimutan mo na ba? Kinuha siya ng mga kaibigan mo kagabi para dalhin sa ospital para daw mas matutukan siya. Lumalala na kasi si tatay, ate. Minsan nga, akala ko hindi na siya gumagalaw. Buti na nga lang at may mga mababait kang kaibigan. Nangako silang tutulungan nila si tatay. Ang sabi kasi nila sa akin, may kabutihan ka raw na ginawa sa kanilang boss kaya nagbabayad-utang lang daw sila. Ano ba ang ginawa mo ate at ipapagamot nila si tatay tapos binigyan pa tayo ng bahay at lupa dito sa Sta. Barbara?"

Marami pang sinabi si Diego pero ang tanging tumimo sa isip ko ay ang katotohanang kinidnap nila ang ama ko para mapilitan akong sundin siya. Naramdaman ko ang kaparehong panlulumo na naramdaman ko kagabi.

Tila tinakasan ng lakas na napaupo ako sa sahig at napatitig na lang sa kawalan.

Bakit ba sunod sunod ang mga pagsubok sa buhay ko? Panginoon, bakit parang araw-araw na lang ay may mapait na nangyayari sa buhay ko? Hindi ba pwedeng kahit saglit lang ay bigyan niyo ako ng pahinga? Mula pagkabata ko ay ganito na palagi ang naging buhay ko. Palaging hirap. Palaging nagdurusa. Akala ko nga kahit sandali ay magiging masaya na ako sa pagdating ni Cholo sa buhay ko. Hindi ko naman sinasabing hindi ako naging masaya sa piling ng ama ko at kapatid. Sadyang doon ko lang naranasan ang alagaan at iparamdam na may makakapitan ka nang makasama ko si Cholo. Sa unang pagkakataon sa labingsiyam na pamumuhay ko sa mundo, nangarap ako nang mas mataas kaysa sa akala ko ay kaya kong abutin.

Pero ngayon... alam kong wala nang kwenta ang mangarap pa.

"Ate? Ate, bakit ka umiiyak? May masakit ba sa iyo? Ate, bakit?"

Nag-angat ako ng tingin sa nag-aalalang mukha ng kapatid. Diego, paano ko ba sasabihin sa iyo ang lahat nang hindi ka masasaktan tulad ko ngayon?

"Wala." Umiling ako at pinahid ang mga luha. Pinilit kong bigyan ng ngiti ang kapatid. "Masaya lang si ate kasi nakita na uli kita. Matagal-tagal din tayong hindi nagkita. Sige na. Ituloy mo na  ang niluluto mo. Tatawagan ko lang ang mga kaibigan ko para kamustahin si tatay, okay?"

Tumango lang ito sa akin, bakas pa rin ang kalituhan sa mata.

"Sige, te. Tapusin ko lang ang niluluto para sabay na tayong kumain."  Tumayo na ito at tinungo ang pinto sa likod-bahay na hula ko ay siyang lutuan.

Nang makaalis ang kapatid ay bumalik ako sa mahinang pagluha. Sana.... sana huli na ito kasi baka hindi ko na kayanin.

Ito ang piping hiling ko na hindi binigyang katuparan ng kapalaran dahil wala akong kamuwang-muwang na sa mga susunod na araw ay tuluy-tuloy ang pagdating ng mga unos na siyang tuluyang babago sa akin.