Flashback
Ilang linggo rin kaming parang mga hayop na nakakulong sa loob ng malaking hawla. Hindi kami makalabas ng malawak na lupain dahil nakabantay ang mga armadong tauhan ni Ymir sa paligid nito. Nang minsang nagtangka akong pumuslit para makahanap ng tulong ay iniumang sa akin ng isang lalaki ang baril nito. Namumutla at nanginginig na wala na akong nagawa kundi bumalik sa bahay. Mabuti na lamang at kahit papaano ay may nakaimbak na pagkain sa loob. Hindi kami magugutom sa mga susunod pa na araw.
Pero ang higit kong ipinagaalala ay ang kalagayan ni tatay. Wala akong balita kung ano na ba ang nangyari sa kaniya, kung nasaan ba siya at kung maayos ba siyang nakakakain.
Miss na miss ko na ang ama. Mag-dadalawang buwan ko na rin siyang hindi nakita magmula noong bumalik ako sa Cerro Roca.
Mababaliw na ako sa kakaisip kung napa'no na ba siya. Kahit anong pakiusap ko sa mga nagbabantay sa amin ay ayaw nila akong pagbigyan na kausapin si Ymir. Kahit ilang beses na akong lumuhod, umiyak, at magmaakaawa sa kanila ay hindi pa rin nila ako nagawang unawain. Siguro nga ay naging bingi at pipi na sila sa mga pagtangis ko kaya parang wala na sa kanila kung lumuha man ako ng dugo.
Pero kakaiba ang umagang ito sa mga nagdaang araw. Nagising ako mula sa bangungot. Nagbubungkal daw ako ng lupa para paglagakan ko sa huling hantungan ng ama.
Luhaan na bumalikwas ako ng bangon at sapo ang sumasakit na dibdib na kumuha ako ng tubig. Parang totoo talaga ang panaginip ko. Naaamoy ko hanggang ngayon ang maitim na lupa.
"Karina, maghunus-dili ka. Panaginip lang iyon. Panaginip lang iyon. Buhay si tatay. Buhay si tatay," pagkausap ko sa sarili para pakalmahin ang dumadagundong na dibdib.
Nang hindi pa rin ako mapayapa ay lumabas na ako ng bahay at tumalungko sa hagdan. Papasikat pa lang ang araw sa silangan.
Tulalang inalala ko ang mga panahong kasama ko pa ang ama. Nagsisisi ako kung bakit pa ako pumayag na umalis nang araw na iyon. Disin sana ay kasama pa namin ni Diego ang ama.
"Tay, sana ayos ka lang diyan. Sana inaalagaan ka nila ng tama. Sana nakakakain ka ng maayos."
Napakislot ako sa gulat ng sa gawing kaliwa ko ay lumabas ang isa sa mga nagbabantay sa amin. Lumapit siya sa akin tangan ang cellphone sa kamay.
"Sagutin mo," utos nito.
Nagtataka man ay tinanggap ko ang cellphone. "Hello?"
"Si Karina Versoza ba ito?" tanong ng babaeng tinig sa kabilang linya.
Saglit na tinapunan ko ng tingin ang lalaki saka mahinang tumango. "Oo, ako nga. Bakit? Sino ito?"
"Ma'am, kailangan niyo na pong kunin ang bangkay ng ama niyo na si Carlito Versoza. Wala na po kayong aalalahanin sa bills. Nabayaran na po lahat courtesy of Asturia Foundation."
"Ha? Bangkay? Kaninong bangkay?" Parang walang narinig na tanong ko.
Huminga nang malalim ang babae bago sumagot. "Pumanaw na po kagabi ang ama niyo po, ma'am. Ang Asturia Foundation na po ang sumagot sa mga gastusin dahil beneficiary po kayo. May lupang nabili na rin po para sa paglilibingan ng ama niyo. Kung meron pa po kayong mga katanung—"
Hindi ko na natapos ang mga susunod pa na sinabi ng babae. Nabitawan ko na ang cellphone kasabay nang pagbagsak ko sa lupa.
P-patay na si tatay? P-patay na ang ama ko? Pero bakit? Buhay na buhay pa siya noong huling kita namin. Nakangiti pa nga ito habang nanonood ng paborito nitong TV show nang magpaalam ako sa kaniya. Sinabihan pa niya akong mag-ingat at 'alabyu' na araw-araw nitong sinasabi sa akin bago ako umaalis para magbenta.
Buhay ang ama ko kaya bakit sinasabi ng babae sa cellphone na patay na siya? Bakit niya ipakukuha sa akin ang bangkay? Para saan ang lupa kung buhay ang ama ko at naroon lamang sa ospital na pinagdalhan sa kaniya ni Ymir?
"Magbihis ka na. Inutusan ako ni boss na dalhin ka sa ospital. Tapos nang i-embalsamo ang ama mo," pukaw sa akin nang malamig na tinig ng lalaki.
Nagtaas ako ng tingin sa kaniya saka tumayo at pinagpag ang puwitan.
"Anong embalsamo ang pinagsasabi mo? Hindi patay si tatay. Buhay siya. Pinagloloko na naman ako ni Ymir. Hindi pa ba sapat sa kaniya na ikinulong at pinabantayan niya kami rito? Hindi ba siya naturuan ng tamang asal ng mga magulang niya na masamang gawing biro ang buhay ng isang tao? Sandali lang at mag-aayos ako. Sasama ako sa inyo para kunin si tatay. Iuuwi ko na siya rito para mas maalagaan ko siya."
Kalmadong bumalik ako sa bahay at nagbihis. Nag-iwan lang ako ng sulat kay Diego para sabihin na namalengke lang ako. Positibo pa rin ako nang nasa kotse na kami. May mga negatibong bagay man na nagpupumilit na makapasok sa isip ko pero hindi ko sila hinahayaan. Buhay si tatay at ilang minuto na lang ay mayayakap ko na uli siya. Kahit nang makarating kami sa magarang ospital ay pinilit kong 'wag kabahan. Pero nang makapasok na kami sa pasilyo kung saan halos lahat ng daanan naming mga tao ay umiiyak at naglulupasay sa sahig, doon na ako tuluyang nanghina at nakaramdam ng kaba. At nang nasa loob na ako ng isang silid na may kabaong sa gilid nito, doon na ako halos panawan ng ulirat.
Kahit ilang beses ko mang itanggi, kahit anong gawin kong pagbubulag-bulagan, nandito na sa mismong harapan ko ang katotohanan.
Bukas ang casket kaya kitang-kita ko ang payat at pipis na mukha ni tatay. Bakas ang hirap na dinanas nito. Hindi ko masasabing mapayapa siya dahil bahagyang nakabuka ang bibig nito na para bang may hinihintay siya. Siguro ay hinihintay niya kaming mga anak niya.
Hindi agad ako nakalapit. Tumalikod muna ako at unti-unting lumuhod. Nanginginig ang buong katawan ko sa lungkot, hinagpis, at galit.
Bakit nasa loob niyan ang ama ko? Bakit hindi sa kama at nakangiting sasalubungin ako? Bakit hindi na siya humihinga? Bakit bangkay na siya?
Ang sigla pa niya ng iwan ko siya. Nakapagkit pa sa isip ko ang ngiti niya sa akin habang kumakaway sa akin at kumakain nang binili kong biskwit para sa kaniya. Buhay ang ama ko sa gunita ko pero bakit wala na siyang buhay dito sa likuran ko?
Pumatak na ang unang luha ko kasunod ang pangalawa, pangatlo, pang-apat hanggang sa hindi ko na sila mabilang pa. Nag-angat ako ng tingin sa lalaking nagbabantay sa akin na nag-iwas lang ng mga mata.
"Bilisan mo na. Kailangan na nating ilibing ang ama mo ayon sa utos ng mga Asturia." Lumabas na ang lalaki at iniwan ako na halos hindi na makahinga.
Bakit napakalupit ng tadhana sa akin?
Hinamig ko ang sarili at kahit nanlalata ay tumayo ako at sa mabagal na mga lakad ay nilapitan ang bangkay ng ama. Hinaplos ko ang malamig na pisngi nito kasabay ng paghagulhol. Sa nanginginig na kamay ay niyakap ko sa kahuli-hulihang pagkakataon ang taong pinagkautangan ko ng lahat, ang nag-iisang taong minahal ako ng lahat-lahat sa kaniya, ang nagturo sa akin para maging mabuting tao.
"Tay..." bulong ko at mas hinigpitan pa ang kapit sa mala-yelong katawan nito, patuloy ang buhos ng luha ko. "Bakit mo kami agad na iniwan? Bakit hindi ka lumaban? Tay, bakit ka agad na nawala? Sino na ang uuwian namin ni Diego sa bahay na nakangiti? S-Sino na ang magsasabi sa akin ng alabyu? 'Di ba nangako pa ako na bibilhan kita ng polo dahil gusto mong magsimba? Ang palagi mong turo sa amin ay maging malakas, na patuloy na lumaban pero bakit ikaw na ang nauna? Tay..." Impit na sumigaw ako leeg nito.
"Ang dami ko pang hindi naibigay sa iyo, sa inyo ni Diego. Ni hindi man lang kita nabigyan ng magandang buhay. Ni kahit pagbili ng magandang polo ay hindi ko naibigay sa iyo. Hindi pa ako nakakabawi sa inyo, 'tay. Wala pa tayong maayos na bahay, hindi ko pa napagtapos si Diego. Wala pa... Wala pa ako sa kalingkingan ng pinangako ko sa iyo na magiging ako."
May mga brasong humila sa akin palayo sa ama. Nagpumiglas ako pero walang panama ang lakas ko. Sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko ang dalawang lalaki na lumapit sa kabaong. Nanlaki ang mga mata ko nang sinimulan nilang sarhan ito.
"Ano'ng ginagawa niyo? Ibalik niyo iyan! 'Wag niyong isarado! Hindi pa ako tapos na makipag-usap kay tatay! Ano ba?! Ang sabi ko, ibalik niyo iyan!" histerikal ko na sigaw na hindi man lang nila pinakinggan. Tuluy-tuloy lang ang pagkuha nila sa kabaong ni tatay para ilabas. Bumaling ako sa lalaking may hawak sa akin. "Please naman kuya. 'Wag muna. Kahit limang minuto na lang. Yung kapatid ko. Hindi pa niya nakikita si tatay. 'Wag muna, pakiusap. Tatay ko iyan, eh. Tatay ko iyan. Bakit niyo kinukuha?"
"Ma'am, pasensiya na po. Napag-utusan lang. Bilin ng mga Asturia na ilibing ngayong oras na ito ang ama niyo kung hindi ay hindi na ibibigay sa inyo ng libre ang lupa sa sementeryo."
"Wala akong pakialam! Kaya kong ipalibing ang ama ko! Mga wala kayong respeto kahit man lang sa patay na lang. Kuya..." Hinawakan ko ang mga kamay nito at lumuhod. "Kuya, maawa ka pakiusap. Kahit man lang makita ng kapatid ko ang ama namin sa huling pagkakataon. Kuya, may ama ka rin. Ano ba ang mararamdaman mo kung gagawin sa iyo ito na ipagkakait pa ang mayakap sa huling beses ang tatay mo? Kuya, maawa ka. Pakiusap," patuloy na pangungumbinsi ko rito. Gagawin ko ang lahat mabigyan ko lamang si Diego ng panahon na makita si tatay.
Akala ko ay pagbibigyan niya ako dahil nakikita kong naaawa rin siya sa akin pero umiling lang ito. "Ma'am hindi po talaga pwede. May nakabantay din po kasi sa amin. Halina po kayo."
Parang pinagsakluban ako ng langit nang panahong iyon. Tunay ngang kahit siguro ang nasa taas ay wala sa tabi ko ngayon.
Nang oras na iyon nalaman kong kahit anong pakiusap ang gawin mo, kahit lumuha ka pa ng dugo, kung ang tingin sa iyo ay isang hamak na insekto, wala kang magagawa para baliin ang gusto nila. Iyan ang katotohanan sa buhay.
Iyan ang mapait na katotohanan sa buhay ko na kahit kamatayan ng ama ko ay hindi nagawang baguhin.