Chapter 30 - 30

Flashback

"Uy ate, nakauwi ka na pala. Saan si tatay? Nagluto ako ng paborito niyang adobong kangkong. Nilagyan ko ng maraming karne. Binigyan ko na rin ang mga kaibigan mo sa labas. Sandali lang at iinitin ko ang ulam sa kalan."

Masiglang tumayo si Diego at kinuha ang tinakpan na plato sa lamesa. Sinundan ko lang siya ng tingin hanggang sa makalabas ito ng pinto.

Paano ko ba sasabihin sa kaniya na wala na si tatay? Paano ko ba idedetalye sa kaniya na kakatapos lang namin na ilibing ang ama? Wala pa ngang tatlumpung minuto ay natapos na nila. Tinabunan na nila ng lupa si tatay at sinemento sa ibabaw. Mali pa ang spelling ng pangalan nito.

Ganoon lang kadali. Ganoon lang nila kadaling nilapastangan ang ama ko.

Bakit? Dahil ba mahirap lang kami o dahil nagpakita ako ng pagtutol sa kagustuhan nila? Bakit ganoon sila kadaling kumitil ng buhay? Alikabok lang ba para sa kanila ang buhay ng isang tao? Pero bakit? Oo, marami silang pera at maimpluwensiya pero tao rin sila kagaya ko. Humihinga kami ng parehong hangin, tumitingala sa kaparehong langit.

Hindi sila diyos. Tao lang din sila tulad ko, tulad ni  Diego at tulad ni tatay pero parang hayop lamang kung ituring nila kami. Ngayon, paano ko sasabihin sa kapatid ko ang pangyayari? Paano ko sasabihin sa kaniya na hindi na niya makikita si tatay kailanman? Paano ko magagawang saktan ang kapatid na ang tanging hinangad lang sa mundo ay makahanap ng trabaho para matulungan niya ang pamilya namin.

Saksi ako sa kung paano siya hinusgahan at hinamak ng mga tao dahil naiiba siya. Nilunok niya lahat iyon at pipiliting ngingiti sa akin, kakamot sa ulo sabay pipigilan akong awayin ang mga nangangantiyaw sa kaniya.

Tapos ngayon, ako pa talaga ang magsasabi sa kaniya tungkol dito. Paano ko sasabihin? Hindi ko alam. Wala akong alam. Mangmang ako. Sana madali lang. Sana isang bagsakan lang pero alam kong hindi. Magulo. Sobrang gulo. Nakakabaliw. Nakakawala ng tino. Hindi ko na alam kung paano.

Kasi hindi ko matanggap na sa isang kisapmata ay patay na si tatay lalo na at wala naman akong makuhang matinong sagot kung bakit siya namatay. Ang sabi atake sa puso. May iba naman sa ospital na nagsabing pumutok daw ang ugat sa ulo. Halo-halo na. At ang masaklap pa ay hindi ko makuha ang death certificate ni tatay.

Siguro ganoon talaga ang buhay. Nawawala sa isang iglap. Naglalahong parang bula. Hindi mo mahulaan kung kailan. Pero ang katotohanan ay katotohanan na may ginawa ang mga Asturia para mapadali ang kamatayan ni tatay.

Kung sana ay doon na lang natatapos ang lahat pero hindi... binigyan pa nila ako ng isa pang suliranin na sabihin ang mga pangyayari kay Diego.

Napangiti na lang ako nang mapait nang makita ang nakangiting mukha nang papasok na kapatid bitbit ang umuusok na plato na puno ng kangkong. Ang saya niyang tingnan. Ang sakit lang na kailangan kong palisin ang kasiyahang iyan sa ilang sandali.

Hindi ko na kinaya. Napaupo na ako sa sahig at napahagulhol. Hindi ko kaya... Hindi ko kayang sabihin sa kaniya na hindi na babalik si tatay habambuhay.

Agad kong naramdaman ang mga braso niya sa akin.

"Ate, bakit? Umiiyak ka na naman. Lagi ka na lang ganiyan. Naririnig kita gabi-gabi sa kwarto. Bakit ate? Lumala ba si tatay? Pero hindi ba pagagalingin siya ng mga kaibigan mo?" inosente nitong tanong. Pinahid niya ang mga luha ko at niyakap ako. Mas lalo lang akong naiyak. Papaano ko ba ito sasabihin nang hindi nawawasak ang kaniyang puso?

"Ate, tahan na. Nalulungkot din ako kapag ganiyan ka. Kaya natin 'to, ate. Pinalaki tayong malakas ni tatay kaya lumaban tayo, ate. Gagaling si tatay at makakauwi siya rito. Makakabalik tayo sa pag-aaral," puno ng pag-asam na usal nito.

Parang tinusok ng isang libong karayom ang puso ko sa mga naririnig. Kaya ko bang sabihin sa kaniya ang lahat? Magsinungaling na lang kaya ako tapos kapag nakahanap na ako ng tamang tiyempo, diyan ko pa aaminin ang lahat kay Diego.

Humiwalay ako sa kaniya at hinawakan ang mukha nito. Hindi. Hindi ko pwedeng itago ito. Karapatan niyang malaman. Dapat niyang malaman.

"Diego, wala na... wala na si tatay."

Saglit na tumigil ang pag-inog ng mundo ko habang hinihintay ko ang reaksiyon niya.

"Ha? A-anong wala na? Wala ng gamot si tatay?" nagawa pa nitong sabihin pero alam kong nakuha na niya ang gusto kong ipabatid. Nanginig na ang ibabang labi nito at unti-unti nang namula ang mga mata nito.

Umiling ako, hindi inihihiwalay ang malamig kong kamay sa nanlalamig na rin nitong mukha.

"Hindi. Wala na... Wala na talaga si tatay. Patay na siya, Diego. Patay na si tatay."

Galit na binaklas nito ang mga kamay ko sa mukha niya at tumalikod. Sinabunutan nito ang sarili at sinuntok ang sahig. Hindi ako nakahuma. Ngayon ko lang nakita na naging ganito kabayolente ang kapatid.

"Ano ba, ate?! Nagsisinungaling ka na naman! Hindi pa patay si tatay! Hindi ako maniniwala sa iyo dahil sinungaling ka! Ang sabi mo noong lumipat tayo ay makakabalik na ako sa pag-aaral pero hindi iyon natupad. Ang sabi mo ay may maganda kang trabaho na aaplayan pero bumalik ka lang sa pagtitinda sa tabi ng daan. At ngayon sasabihin mo na wala na si tatay? Nakausap ko pa siya eh. Kausap ko pa siya kaya hindi ako maniniwala sa iyo! Buhay si tatay! Buhay siya!"

Sinubukan kong lumapit sa kapatid pero tiningnan niya lang ako nang matalim kaya bumalik ako sa pagkakasalampak sa sahig.

"Alam mong hindi ako nagsisinungaling, Diego. Alam mong hindi ako gagawa ng mga kasinungalingan lalo na kung tungkol sa kalagayan ni tatay. Diego... Wala na talaga si tatay. Maniwala ka."

Patuloy lang ang pagbalong ng aming mga luha habang buong lungkot kaming nakatitig sa isa't isa.

"Kung totoo talaga ang sinasabi mo, nasaan na si tatay? Gusto ko siyang makita. Nasaan si tatay, ate?"

Nag-iwas ako ng tingin sa tanong nito. Ano ba. Bakit pahirap ito nang pahirap.

"Inilibing na namin siya kanina sa sementeryo."

Nag-iwas uli ako ng mga mata nang naging mas matalim ang tingin niya sa akin.

"Ang sabi mo ay mamamalengke ka lang?" sabi nito sa tinig na nanunumbat.

Nilunok ko ang bara sa lalamunan at nakaluhod na umisod palapit dito. Sa nanginginig na mga kamay ay nilakasan ko ang loob para abutin ang kamay nito.

"Pasensiya ka na Diego at hindi na kita nahintay. Kailangan kasing ilibing agad si tatay. Kung gusto mo, sasamahan na lang kita sa sementeryo kung saan namin siya inilibing pero baka hindi pa sa ngayon dahil bawal. Magagalit ang mga lalaki sa labas. Naiintindihan mo ba ako, Diego? Naiintindihan mo ba ang ate, ha Diego?"

Walang sagot akong narinig mula rito kaya akala ko naiintindihan na niya ako kaya laking gulat ko na lang ng bigla itong tumayo at kuyom ang mga kamao na sinigawan ako.

"Ang sama mo ate! Bakit ba ayaw mong makita ko si tatay? Bakit nag-iba ka na mula nang dumating ka dito? Pupuntahan ko si tatay ngayon buhay man siya o patay!"

Tumakbo ito palabas sa pinto. Hindi ko inaasahan ang ginawa nito kaya ilang segundo pa muna bago ako nakakilos. Tinakbo ko na rin ang direksiyon nito.

"Diego! Diego huwag! Makinig ka kay ate. 'Wag muna sa ngayon! Diego!"

Wala na sa bakuran ang kapatid kaya mas lalo akong kinabahan. Baka kung ano na ang kaniyang ginawa.

"Diego! Diego!" tawag ko rito. Naramdaman kong may tumusok sa walang sapin ko na paa ko na matalas na bagay pero hindi ko na ito ininda. Ang importante ay makita ko ang kapatid dahil delikado siya ngayon.

Anong laking hilakbot ang naramdaman ko nang makarating ako sa dulong bahagi ng lupain at makita ang kapatid na may hawak na baril at iniuumang ito sa mga bantay. Hinigop ang lahat ng aking lakas nang makitang nakaumang din sa kaniya ang mga baril ng mga tauhan ni Ymir.

"Diego, ibaba mo iyan pakiusap. Maawa ka kay ate. 'Wag mong ipahamak ang sarili mo, pakiusap. Sige na. Ibaba mo na iyan, pakiusap."

Abot-abot ang pagdarasal ko na susundin niya ako dahil alam kong hindi mangingimi ang mga lalaking ito na kalabitin ang gatilyo.

"Ate... Ayaw nila akong papuntahin kay tatay. Gusto ko lang namang makita si tatay, ate," pag-iyak nito.

"Oo, Diego. Papakiusapan ko sila na payagan tayong puntahan si tatay kaya sige na ibaba mo na iyan. Sige na, Diego. Maawa ka kay ate. Sige na," patuloy ko na pakiusap.

Nagyuko ito ng ulo at ibinaba ang baril. Nakahinga naman ako nang maluwag. Agad kong tinakbo ang pagitan namin pero nagulat na lang ako nang bigla nitong ibinalik pataas ang baril.

Umalingawngaw ang isang putok kasabay nang paghalik ng katawan niya sa lupa.

Tumigil ang lahat sa akin. Hindi ako makagalaw. Wala akong marinig kundi ang nakakabinging putok. At nang matagpuan ko ang boses ay huli na. Naliligo na sa sariling dugo ang kapatid ko.

"Diego..." ang tanging naibulalas ko. "Diego," ulit ko at humakbang palapit. "Diego!" sigaw ko sa sandaling makalapit ako.

Hinawakan ko ang maputlang mukha nito, ang duguang dibdib nito. Parang nakikita ko ang mukha ni tatay sa kaniya.

"Hindi. Hindi. Diego, gumising ka. Wag mo akong iwan. Wag mong iwan si ate. Ikaw na lang ang natitira sa akin. Ikaw na lang kaya pakiusap wag muna. Wag muna, ano ba. Wag munang iwan si ate."

Histerikal na bumaling ako sa mga lalaki na nakatingin lang sa amin. "Dalhin natin siya sa ospital. Dalhin natin sa ospital ang kapatid ko. Sige na... Maawa na kayo. Kumilos na kayo. Sige na. Diego... Diego!"

Yinugyog ko ang hindi na gumagalaw na kapatid, umaasang papakinggan niya ang mga pakiusap ko.

"Pakiusap, wag muna. Huwag. Ikaw na lang ang meron ako, eh. 'Wag muna..."

Pero gaya ng halos lahat ng mga pakiusap ko, walang natupad ni isa. Wala ni isa. Sa pagtatapos ng araw ay kailangan ko pa ring ilibing ang huli at natitirang kapamilya ko.