Chereads / CLOSER: Harder, Deeper / Chapter 12 - CHAPTER 10: Goodnight

Chapter 12 - CHAPTER 10: Goodnight

ARGH! ANG SAKIT NG ULO KO!

Medyo nagulat ako nang pagtingin ay maaga pa, akala ko naman e tatanghaliin ako dahil naglasing ako kagabi. Oh yes, sabagay natulog pala agad ako matapos ng pag-uusap namin kagabi ni Boss tungkol sa acting skills ko— este sa ginawa naming 'drama' kagabi.

6 am palang pero alam kong gising na si Boss kaya naman naligo kaagad ako saka nagbihis bago lumabas.

Hindi nga ako nagkamali nang makita ko syang nakaupo sa harap ng isang pool na 7ft sa harap lang ng cottage ko. Nakasuot sya ng simpleng polo na kulay black at short na white. Medyo malayo sya sa kinatatayuan ko pero pansin kong nakasinelas sya. Ayos to ah, ngayon ko lang sya nakitang nakagantong ayos.

Pero ano nga bang gagawin nya? Ang aga-aga, maliligo ba agad sya sa pool? Akala ko ba ang mayayaman kapag nagsuswimming nagsu-swimming trunks ang mga lalaki?

Naramdaman nya sigurong may nakatingin kasi dumapo kaagad ang mga mata nya saakin. Ngumiti ako nang maluwang, kahit medyo malayo kami sa isa't-isa ay alam kong makikita nya yon pero ibinaba nya lang ang shades na nasa ulo nya at sinuot iyon. Inalis nya rin ang paningin sakin. Gwapong isnabero! Hmp!

"So, masungit pala talaga sya kahit sayo?" Kamuntik pa akong mapatalon sa gulat nang may magsalita.

"Jimin!" Tawag ko. "Muntik na akong atakihin sa puso!"

"Oh? May sakit ka sa puso?" Nag-aalalang tanong nya. "I'm so sor—"

"Ah, hindi. Ganon lang talaga ako magreact pati ang maraming tao kapag ginugulat." Tumawa pa ako nang nahihiya. "Di ba ganon naman talaga kapag nagulat ka? Sasabihin mong muntik kanang atakihin?"

Tumango-tango naman sya. "Okay? But in my case, hindi naman ganon. Kapag may nanggulat saakin, madalas kung anong nasa isip ko ay iyon ang bigla kong masasabi." Naguguluhan ko syang tiningnan. Pinaliwanag nya naman iyon. "Example, iniisip ko na maganda ka dahil simple kalang, cute ang mata, mabait, masarap kasama, maganda ang ganto, ganyan." Namula ako sa mga sinabi nya. Kahit example lang, bat ba? "Kung ganon ang iniisip ko at biglang may nanggulat saakin, ang masasabi ko ay: 'ay, ang ganda ni Jaz!'"

"Ganyan din magulat ang lola ko noon! Naaalala ko nga minsan na nagulat sya, bigla nyang nasabing: 'ay, ibebenta ang kalabaw!' tapos yon, nalaman namin na pinag-iisipan nya pala kung ibebenta talaga ang kalabaw."  Masaya kong kwento at tumawa si Jimin. Namiss ko tuloy lalo saamin. Kung tama ako, bukas na kami uuwi nang umaga pero hindi pa rin ako nakakauwi.

"Oh, bat parang bigla kang nalungkot?"

"Naaalala ko lang saamin. Ang lapit-lapit ko na pero parang sobrang layo ko pa rin. Taga dito lang ako sa Barangay pero hindi ako makauwi." Ayoko nalang sanang isipin lalo na ang mga kapatid ko kaso diko mapigilan.

"Meron akong plano para dyan!" Bigla nyang sabi at naeexcite akong nakinig. "Sabi mo di ba taga dito kalang sa Barangay na to pero mukhang hindi ka makakaalis dahil may trabaho ka? Sa lagay e mukhang hindi ka rin papayagan ni Mr. Lacuezo." Alam nya rin pala. "Why not ayain ko yung Boss mo na maglibot dito sa Maite para ipakita ang ilan pang negosyo o lupa na maaari nyang pag-invest-an?"

Nagkaroon ako nang pag-asa. "Talaga? Posible ba yon? Papayag kaya sya?"

"He's a businessman kaya maaaring pumayag sya. There's 30% chance na papayag sya." Malawak pa rin ang ngiti nya pero ako ay biglang nalaglag ang balikat.

"30 percent lang? Paano mo naman nasabi yan?"

"Well, maaaring may iba pa syang planong gawin sa maghapon e. Pwede rin namang sya ang tipo nang tao na kung ano lang ang pakay sa isang lugar e yun lang talaga. Maraming pwedeng dahilan kung bakit hindi sya papayag. But atleast, we have 30% chance, right?

"Sabagay. Naalala ko nga noon na sinabi ng isa kong kaklase na kahit meron nalang syang 1% chance para makapasa e gagawin nya pa rin lahat. Hanggat merong chance, go lang."

"Oo, ganon dapat ang mindset." Halatang natutuwa na sya sa usapan namin. "Pero minsan, alam mo? Kahit sa tingin mo walang chance, may mga pagkakataong dapat ka pa ring sumugal. Kasi para lang yang sa tumigil na tibok ng puso ng tao na pwede pa ring magkaroon, sa pagsusugal na kahit wala kana, sa huli pwede ka paring manalo. Merong ganon. Yung akala mo talong-talo kana pero wala kang kaalam-alam na habang lumilipas ang oras na lumalaban ka kahit wala kanang laban, pwedeng ikaw pa rin ang magwagi." Malalim nyang sabi na hindi ko na naman nagets at hindi ko na yata magegets liban nalamg kung uulitin nya sakin yon ng 10 times.

At mukhang nahalata nyang clueless na ako. Tumawa na naman sya nang mahina.

"I didn't expect you to be this deep. Akala ko kasi ikaw yung tipong happy lang," aniko.

"Sus, karamihan naman talaga ay namimisinterpret ng mga tao." Makapagsalita to, akala mo alien lang e. "We judge others by how we see them or what we know about them. Hindi natin naiisip minsan na... baka kaya ganto tong taong to kasi may malalim na kahulugan." Dudugo na ata ilong ko sakanya pero pinilit kong intindihin yon. "Di ba? Kapag nakakita tayo ng isang taong masayahin, iisipin nating walang problema kaya laging masaya. But little did we know, behind those smiles is a crying heart." Tumingin sya sa kawalan na parang may naaalala saka tumingin sa direksyon ni boss. "Kapag nakakita tayo ng mayamang masungit, ang iisipin natin... ganto kasi talaga mga mayayaman, masasama ang ugali. Kahit hindi pa naman natin kilala."

Ako lang ba? Or si Boss na talaga ang tinutukoy nya? Well, understanding si Jimin at mukhang open minded naman sya. Kaya kung sakali man, hindi na ako magtataka pa kung maiintindihan nya si Boss kahit sobrang sungit pa non.

"Pero may tanong ako." May naalala ako bigla kaya mas mabuti na sigurong sya ang sumagot neto. Tutal naman e mukhang marami syang alam at hindi naman sya ang tipong parang manunukso or magpapakalat ng sikreto.

"Ano naman yan?"

"Sabi mo kanina, may mga pagkakataong kailangan mong sumugal kahit wala kanang chance." Nakikinig syang mabuti sakin at kinabahan ako kung dapat ko pang ituloy. "S-So... Kung ikaw man sakali ang lumaban nang wala namang pag-asa sa simula palang, kailan ka titigil? I meanz anong signs na dapat mo nang itigil ang paglaban?"

Natahimik sya at halatang nag-iisip. Nakatingin na naman sya sa kawalan habang nakangiti. "Well..." Hinintay kong mabuti ang sinabi nya. "Ang masasabi ko lang jan, dapat mong ipaglaban ang—"

"Hindi ako!" Mabilis kong tanggi.

Itinaas nya ang dalawnag kamay tanda ng pagsuko. "Okay, relax. So, iyon nga, kung ako ang lumaban ng walang pag-asa una palang, sa tingin ko ay titigil lang ako kapag... kapag napagod na ako."

"Paanong napagod naman?"

"Tipong natanggap ko na sa sarili kong: okay na, hanggang dito nalang talaga ako. Ayos na kung sumuko na ako."

So, yun pala, lumabas hanggat kaya at kapag hinding-hindi na talaga, edi tama na. Simpleng pakinggan pero parang mahirap i-execute sa tunay na buhay. Napakadaling sabihing lalaban at madali din sabihing susuko. Kaso may point sya, okay yon kaysa sumuko nang dipa nararanasang lumaban.

///

"No." Matigas na tanggi ni Boss. Kasalukuyan kaming nanananghalian, kami lang tatlo nila Jimin ang nandito nang buksan niya ang suggestion kay Boss na lalabas nang resort upang pumunta aa mga lugar dito sa Barangay na maaaring pag-invest-an.

Tahimik lang akong nakikinig pero kinakabahan ako.

"Mr. Lacuezo, there's 10 hectares—"

"May lakad kami ngayong araw so I need to decline." Tiningnan ko si Jimin at umiling ako para sabihing tumigil na.

Wala akong alam kung saan ang sinasabi ni Boss na lakad dahil wala naman syang nababanggit saakin tungkol don. Palagi nalang surpesa kung saan ako mapupunta dahil sakanya.

"Kahit saglit lang—"

"Mr. Funtabelle." Pigil ni Boss sa anumang sasabihin ni Jimin. Matigas ang boses at halatang nauubusan na ng pasensya. "My secretary, Ms. Jazlyn Bautista wants to visit her family. Halos dalawang buwan na siyang hindi nakakaiwi sa kanila." Dagdag ni Boss na nagpalaki nang mga mata namin ni Jimin. Nagkatinginan pa kami sa gulat.

Mali yata pagkakarinig ko, wait!

Si Boss, inaya ni Jimin sa isang lupa na posibleng pagkakitaan. Tumaggi si Boss. At ang dahilan? Dahil kailangan kong dalawin ang pamilya ko. What?

"B-Boss..." Hindi makapaniwala na nakatingin ako sakanya. Pero sya ay nagpatuloy lang sa pagkain at wala nang sinabi pang iba.

Ang damot naman sa sulyap ng isang to!

Matapos kumain ay hindi pa rin nagsasalita si Boss. Pinaalam nya lang saamin, especially kay Jimin na bukas daw ng umaga ang alis namin.

"Teka, Boss!" Tawag ko. Ang laki ng hakbang nya habang papunta sa cottage nya pero hindi lumilingon. "Boss!" Malakas kong tawag at napatingin pati ang ibang dumadaan bukod sa katotohanan na marami na naman talagang nakatingin kay Boss mula kanina.

"Sabi sayo, secretary e!"

"Ang gwapo!"

"Omg, mukhang single."

"Single siguro kaya mukhang hindi palangiti. Gusto ko talaga ng sadboi tapos paliligayahin ko."

Napangiwi ako sa naririnig ko sa paligid. Hindi dahil sa anumang dahilan ah? Kundi sa nagsabi na gusto nya ng sadboi. Si boss ba tinutukoy nya? Lt. At anong paliligayahin sinasabi ng babaitang yon? Paliligayahin? As in?

"Boss naman, teka!" Nang maabutan ko ay hinila ko ang braso nya. "Boss, totoo ba yung—"

"If I were you, I'll ready myself. Bilisan mo, 5 minutes lang, may pupuntahan tayo." Pumasok na sya sa pinto ng tinutuluyan nya dahil nandon na pala kami sa harap.

Ano ba naman yan, akala ko uuwi talaga ako? Akala ko totoo yung sinabi nya saamin kanina? Ano ba talaga, Boss?

Nagbihis nalang ako ng white T-shirt at pants dahil wala naman syang nabanggit kung saan pupunta. Kung sakaling may meeting man syang dadaluhan dito e pwede na naman siguro to no?

Simangot na naman akong lumabas at nag aabang na pala si Boss sa tapat. Mas simangot pa saakin.

Pansin kong may mga malalaking plastic bags na nasa gilid nya. Nagpatulong pa sya sa ilang tauhan ng resort nang makita ako.

"Tutulong nako, Boss—"

"Kahit minsan, tumahimik ka naman." Sabi nya at pinigilan akong magbuhat kahit isang plastic. Hindi nalang nya sabihing ayaw nya akong pagbuhatin para hindi ako mapagod, edi sana mas okay.

Isinakay nila sa kotse nya ang yellow na plastic bags tapos ay sya ang nagdrive, doon ako sa tabi nya.

"Boss, dadalhin mo yan sa mga ka-meeting mo? Ano yan, suhol? Saan banda tayo—"

"Jaz." Simpleng banggit nya lang sa pangalan ko e natameme at napahinto na kaagad ako. Oo nga, quiet nga daw di ba? Eto na nga, mananahimik na. Sungit.

Tumingin ako sa bintana at napansing pamilyar na pamilyar ang daang tinatahal namin. Nanlaki ang mata ko nang kaagad na tumigil ang sasakyan sa tapat ng kapitbahay namin. Dito ba kami pupunta? Waaahhh! Katabi ng bahay namin!

Pero ang mas nakakasurpresa ay ang pagbuhat ni Boss sa mga dilaw na plastic papunta sa tapat ng bakod namin.

"Oh em gee—"

"Baka gusto mong buksan?" Sarkastiko nyang sabi habang nakatingin nang masama. Ang tinutukoy nya ay ang maliit at mababang gate namin na gawa lang sa kawayan. Yung dalawang kamay nya kasi ay may hawak.

"Bawal rin maexcite?" Bulong ko habang binubuksan ang gate kasabay ng paglawak ng ngiti ko.

"Ate!" Nagsilabasan ang mga kapatid ko na siguro at narinig ang sasakyan o sumilip sa bintana nang hindi ko napapansin. Nagsitakbuhan sila papalapit saakin sabay yakap.

Nabigla nalang ako nang lumagpas sila saakin at nagsipuntahan kay Boss. Tinulungan nila ito sa mga bitbit , nalimutan ko sya. "Meron pa sa loob ng kotse." Sabi ni Boss at nakikuha nga ako, niyaya ko rin syang pumasok sa loob ng bahay.

"Mama! Nandito na si ate, kasama boyplen nya!" Sigaw ng bunso kong kapatid at muntik na akong matalisod sa paglalakad.

"Be careful!" Angil agad ni Boss.

Maliit lang ang bahay namin, gawa sa pinagsamang semento at ang ibang bahagi ay dingding. Merong tatlong kwarto, isang banyo tapos kusina. Kahit papano naman ay meron kaming sala may maliit na mesa at apat na upuan.

Pinaupo ko si Boss at doon ko lang nakita na ang laman ng plastic bags ay mga groceries. Hindi ko pa sya nakakausap o wala pa akong nasasabi na kahit ano nang lumabas din sila mama na lalong namayat. Nagmano ako sakanya at nashookt ako nang magmano rin si Boss.

"Ikaw ba ang Boyfriend netong si Jaja ko?" Nakangiting sabi ni mama kahit medyo namumutla pa.

"Ma!" Saway ko na hindi pa rin makapaniwala na nakauwi na ako dito saamin makalipas ang halos dalawang buwan. "Boss, sya ang mama ko, tas eto mga kapatid ko." Tukoy ko sa mga kapatod kong kinakalkal ang mga dala ni Boss na kung anu-ano. "Mama Van, s-si Boss Adam po."

Napatigil sa ginagawa ang mga kapatid ko at nagsilapitan sila. Sumama bigla ang tingin nila kay Boss. Si mama naman ay nawala ang ngiti.

"Sya umaaway kay ate!" Bulong ng isa sa mga kapatid ko sa bunso namin.

"Bad!" Sigaw ng bunso namin kay Boss.

Awkward naman akong napangiti.

"Tinatanggal nyo na po ba ang anak ko sa—"

"Hindi po." Hindi pa ako nakakareact ay si Boss na ang sumagot. Ang nakakabigla, kahit hindi sya nakangiti ay hindi naman sya nakasibangot ngayon, hindi rin naman magkasalubong ang mga kilay. "We're here for business. Kahapon ng umaga lang po kami dumating." Nakanganga ako habang nagsasalita sya kasi ang hinahon ng boses nya at napakagalang ng dating! "Uuwi na po kami bukas ng umaga at dahil tapos na naman ang ipinunta namin ay naisip kong dalhin sya dito sa inyo, tutal ay kahapon pa po syang nagbabalak umuwi."

Lumapad ang ngiti ni mama at halatang nakahinga ng maluwag. Nakanganga naman ang mga kapatid ko saka tumingin saakin na parang sinasabing: sinungaling ka, te. Akala ko ba masama ugali?

Well, akala ko rin. Pero gaya nga ng sinabi ni Jimin kanina di ba? We judge others by how we see them or what we know about them. Nasabi kong masama talaga sobra ang ugali nya noon pa dahil nga hindi ngumingiti, laging mukhang galit, sigaw nang sigaw, parang bumubuga ng apoy, akala mo gustong pagurin ang lahat ng nasa paligid nya.

Pero napag-isip-isip ko: may pinagdadanan talaga sya. Wala naman sigurong masamang taong hahayaan ang secretary nyang sagut-sagutin sya dahil lang naiinis sakanya, walang boss na papayag maging secretary at take note, binayaran nya ako nang araw na yon samantalang sya ang pinahirapan ko non. Wala naman yatang Boss na babantayan ang tauhan nya magdamag dahil lang nag-aalala sya (well, kung totoo man talaga yon.) Tsaka eto, hindi nya lang ako basta hinayaang umuwi kundi sinamahan nya pa ako at sya ang gumastos ng grocery na inuwi ko sa pamilya ko. (Sana lang ay hindi nya singilin or ibawas sa sweldo ko pagkatapos.)

Nagkwentuhan pa kami doon bago ako nagpasya na magluto na para sa hapunan dahil hindi namin namalayan na mag-aalas cinco na pala ng hapon. Sabi naman ni Boss ay doon na nga kami magdinner kasi inalok din sya nila mama.

Bago umalis ay nakita ko pa syang kausap ang papa ko. Galing si Papa sa kapitbahay, arawan sya bilang construction worker don. Paiba-iba na talaga ang trabaho ni papa dati pa. Hindi kasi sya graduate ng highschool kaya nahirapan din syang makahanap ng trabaho kahit na mabait, masipag at matyaga naman talaga sya.

Nagluto ako ng adobo at pritong manok. May dala palang karne si Boss, e wala naman kaming ref. Nakikiref lang kami at nakakahiya naman kung iparef namin ang limang kilo kaya tatlong kilo ang niluto ko hehe.

"Ate, napakagwapo naman ng boss mo, at mukhang mabait pa!" Sabi ng pang-apat saaming magkakapatid. Halatang kilig na kilig pa ito habang maya't maya ang sulyap sa sala.

"Oo." Hindi lumilingon na sabi ko. Nagluluto kasi ako. I'm busy, ya'know.

"Ano pa ate? Ano pang ugali nya?"

"Hm, mabait din sya." Maikling sagot ko. Hindi naman sya umimik. "Madalas na ang ugali nya e pang-mental. Alam mo yon? Parang yung mga bagay na gusto nya e hindi pangkaraniwan. Pumasok ka ng ganto kaaga, umuwi ka ng ganto ka-late, mag-heels ka nang mataas at habulin moko kapag nauuna akong maglakad kasi dapat sabay tayo. Itatapon ko ang tasa ng kape kapag hindi ko nagustuhan ang timpla mo. Tatambakan kita ng trabaho at magtataka ako kung bakit hindi ka pa tapos—"

"Ate—"

"Hindi lang yon. Kapag mag-iinom ako, sunduin moko pero wag kang umasang magpapasalamat ako. Papayag akong ikaw ang maging CEO basta wag kalang magreresign dahil diko kayang walang pagbalingan ng ka-bitter-an ko."

"Ate Jaz—"

"Pero kahit na ganon, sya ang tipo na... Kahit hindi ka pa akma sa trabaho, wala man sayo ang requirements na hinahanap ng kumpanya, okay lang. Na-late ka? Hindi ako magagalit kasi alam kong may iba kang pinagdadaanan. Kahit pinahirapan moko sa pagiging secretary e hindi ko isusumbat yon dahil usapan naman natin. Ibibigay ko sa'yo ang tamang sweldo. Hindi kita ngingitian o pakikitaan na okay ka sakin pero magagalit ako kapag nasugatan ka." Napabuntong hininga ako. "Hindi ako prinsipe na nakasakay sa puting kabayo pero kung nasa panganib ka, well kahit masama naman ang ugali ko e hanggat kaya ko, tutulungan kita. Susungitan kita araw-araw. Tipong kapag hindi na ako nagsungit sayo minsan e magtataka kana. Hindi kita papayagan na umuwi sainyo kasi sasamahan pa kita, with matching groceries—"

"Ate, y-yung boss mo." Nagtaka ako sa tono nya. Si boss daw.

"Anong nangyari kay Boss—" pagharap ko sakanya ay nakatayo sya mula sa pinto nitong kusina at nakatingin saakin. "Boss!"

"I'm just roaming around and I heard your loud voice that's why I'm here." Tiningnan ko ang kapatid ko at sa tingin palang ay sinisisi ko na sya pero busy sya sa pagtitig kay Boss. "Are you done?"

"A-Ah, yes, Boss." Pinatay ko ang kalan. "Jen, pakitawag na sila mama. Maghahain lang ako." Nagtatakbo ang kapatid ko paalis. Akala mo hindi dalaga sa bilis umalis. "Nandyan ka pala, Boss, dika naman nagsasalita. Wait, maghahain lang ako, ha?" Awkward na naman hanep. Hanggang saan kaya ang narinig nya? Mula saan pala? Mula sa masasama or dun sa magaganda? Well, anuman don, ayokong may marinig sya kahit ano.

Hindi sya umimik hanggang dumating na rin sa mesa sila mama, papa at mga kapatid ko. Buti at mahaba ang mesa dito sa kusina. Kasya kaming labing-isa.

"Salamat nga pala dahil pinayagan mong makauwi etong panganay ko, hijo." Si papa na ngiting-ngiti kay Boss. Tumango naman si Boss. "Pasensya kana sa bahay namin at baka hindi ka sanay may mga kasamang—"

"Everything's okay, tito." T-Tito? "Paborito ko rin tong ulam kaya naman ayos na ayos."

"Ganon ba? Buti naman. Tara, kumain na tayo." Kumain na nga kami at paminsan-minsan e tinatanong ako nila mama tungkol sa trabaho. Ang sagot ko naman ay puro okay lang. Panay din ang hingi nila ng paumanhin dahil baka raw sinasagot-sagot ko si Boss o kung may kapalpakan man ako.

Hindi lang BAKA sinasagot-sagot. Talagang sinasagot ko sya!

Tsaka baka rin daw masama ang ugali ko sakanya o inupakan ko sya. Nangunot tuloy noo ko. Ako? Masama ugali kay Boss?

"Yes, minsan ko na ngang natikman ang sapak nya." Nanlaki na naman ang mata ko pero di ko magawang makatanggi. Oo nga no. "Pero hindi nya naman sinasadya."

"Sinapak pero hindi sadya? Sakalin mo si ate tapos kunwari di rin sadya." Bulong ng isa sa kambal kong kapatid na si Jester. Wala namang nakarinig sakanya bukod saakin dahil magkatabi kami kaya naman siniko ko lang sya.

Natapos ang hapunan nang masaya naman kasi walang gaanong ilangan bukod sa ibang kapatid kong di matago ang kilig. Nagkwentuhan kami nila mama, papa at Boss habang nagsiayusan na ang kapatid ko, gumawa ng mga kelangan nilang gawin sa school.

Well, sila lang ang nagkukwentuhan, nakikinig lang ako. Puro tanong sila mama at papa tungkol pa rin sa trabaho at si Boss ang tagasagot. Parang iniinterview nila. Kapag para saakin ay may hindi tamang tanong, binabawal ko sila.

"Pero, hijo, sabi saamin ni—" natigil ang anumang sasabihin ni mama nang tumunog nag cellphone ni Boss. Nag excuse sya sandali at lumabas.

Naiwan kami roon at kita ko kay mama at papa kung gaano sila katuwa. Sinabi pa nga ni mama na paano ko raw nasabihan si Boss ng anu-ano e ubod pa nga raw ng bait.

Kung alam mo lang, ma, ganon talaga ang ipinakita nya saakin noong una. Pero habang tumatagal e nakikita ko ang bagay na hindi nakikita ng mata ng marami.

Bumalik si Boss paglipas ng mga tatlong minuto at sinabing kelangan na naming bumalik sa Maynila dahil may emergency. Todo paalam ako kila mama at mga kapatid ko.

Dumaan lang kami nang saglit sa resort para kunin ang iba pa naming gamit at magpaalam kay Jimin bago na nga kami dumiretso ulit sa byahe pabalik. Nahihiya ako kasi si Boss ang nagdadrive. Sinabi kasi ni Jimin na papahatid na kami sa isang tauhan pero tumanggi si Boss, nagsungit pa nga tapos umismid.

Pero nang tinanong ko sya, umirap sya sabay sabing: ipagdadrive kami ng tauhan papuntang Maynila at magdadrive na naman ito pabalik sa Bataan. Napakawalang gana ng pagkakasabi nya pero kung pakikinggan mong mabuti, ibig sabihin ay ayaw nyang makaistorbo o may mapagod na tauhan.

Ito yung sinasabi kong kakaiba kong nakikita kay Boss. Feeling ko ay mas naiintindihan ko na sya. Ang tingin ko ngayon ay isa syang mabuting tao na ayaw lang ipaalam sa iba o ipahalata. Sa sobrang guilt ko, di ako nakatulog kahit gustong gusto ko. Iisipin ko palang na si Boss ang nagmamaneho sa tabi ko, makakatulog pa ba ako?

Halos 2 am nang ihatid nya ako sa isang apartment na pag-aari ng kumpanya.

Oo nga pala, sabi nya dito na ako lumipat. Sa umaga ko nalang daw kunin ang mga gamit ko sa tinutuluyan ko non, meron na naman daw higaan at ilang gamit sa apartment na to.

"Thank you, Boss." Sabi ko agad nang ihatid nya ako hanggang pintuan. Ang tutuluyan ko ay nasa 3rd floor, room 018. Hinatid nya lang ako kasi inayos nya pa lahat ng mga kailangan ko dito tulad ng key card. Ang bongga nga dito e.

Tumalikod na sya nang walang sabi sabi. Nag-aaalala ako. Hindi ako sigurado kung ano ang emergency na sinasabi pero tungkol daw iyon sa kumpanya. Diko maiwasang mapaisip. Uuwi na ba sya o magtatrabaho pa rin para maayos ang emergency na yon?

Siguro ay yung pangalawa dahil kilala ko sya, workaholic sya masyado. Ako nga tong sumakay lang sa kotse e napagod, sya pa nya na nagdrive hanggang almost 2 am!?

"Boss!" Tawag ko ulit. Akala ko ay hindi na sya lilingon kasi nandon na sya sa harapan ng elevator. Malapit lang kasi sa elevator yung room ko. Medyo napatalon pa ako nang masalo ko ang halatang pagod at antok na niyang luntiang mga mata.

Sandali akong natulala at napanganga dahil kahit na ganon ay sobrang gwapo nya pa rin. Shit. Paano nya nagagawa yon?

Natigil ako sa pag-aappreciate ng kagwapuhan nya nang nakita ko ang pagkunot ng noo nya. Nagtataka na yata o naiinis dahil tinawag ko sya pero wala naman akong sinasabi.

"A-Ahm..." Napalunok ako at nakatitig pa rin sya. "T-Thank you ulit, Boss." Nahirapan akong huminga, ito ang epekto nya saakin. "T-Thanks and... g-good night."

Hindi ulit sya umimik. Nakita ko ang dahan-dahan nyang pagtalikod pero nang medyo nakatagilid palang sya, nakita ko ang pagngisi ng kanyang labi.

Bumilis naman ang tibok ng puso ko, napahawak pa ako sa pintuan at halos mabuwal sa kinatatayuan ko nang marinig ko pa nang malinaw ang sinabi nya.

"Dream of me..."