Nuknukan siya ng tanga. Siya na yata ang pinakatanga sa lahat ng tanga sa buong mundo. Kung tutuusin, kulang ang salitang tanga upang ilarawan siya. Idagdag natin ang salitang martir at masokista. Rebulto na lang ang kulang para tawagin siyang dakilang hangal. Nagpresinta lang naman kasi siya na gagawin ang wedding gown ni Nathalie. Oh, 'di ba? Ang saya-saya!
Nabanggit ni Thad na paborito siyang fashion designer ni Nathalie, ewan niya kung totoo 'yon. Nalaman niya rin mula sa binata na nagkatampuhan ang mga ito dahil sa kaniya. Pinagselosan siya ni Nathalie dahil sa ginawa ni Thad noong kasal ni Leina. Ipinaliwanag naman ni Thad sa nobya nito kung anong klaseng relasyon ang mayroon sila kaso nagdududa pa rin. Kaya hayun, para mawala ang tampo ng nobya nitong mukhang labanos sa puti ay nagpresinta siyang gawin ang wedding gown nito. Kung hindi ba naman siya tanga.
Kasalukuyan silang nasa isang sikat na Italian restaurant. Pinag-uusapan nila ang detalye ng gown na gusto ni Nathalie. Next year ang kasal ng mga ito pero wala pang definite date. Dapat sa darating na disyembre ang kasal kaso naunang ikinasal si Leina kaya postponed ang kasal ni Thad para 'di maging sukob. Ilang buwan na lang ang bibilangin, ikakasal na ang kaniyang first love. Dapat mag-move on na siya.
'Gaga ka! Ngayon mo pa naisipang mag-move on samantalang dapat noon mo pa 'yon ginawa,' kastigo niya sa sarili.
Sinubukan niyang mag-boyfriend pero 'di tumatagal ng isang buwan ay nakikipag-break siya o kaya siya ang hinihiwalayan. Wala siyang tiyagang makipagrelasyon sa taong wala siyang nararamdaman na ni katiting na spark. Ang reklamo naman ng naging mga nobyo niya'y pareho lang, stiff daw siya at may pagka-Amasona. Ayaw niya kasing magpahawak at magpahalik. Sapak ang aabutin sa kaniya kapag may gumawa no'n.
"By the way, magagawa ko 'to after ng fashion show. I'll send the designs through email."
"Why? Babalik ka kaagad sa France?"
"I'm not sure." Gusto niyang magtagal kaso mahihirapan siyang mag-move on kapag nakikita ito. Noon ngang hindi niya ito nakikita ay 'di siya naka-move on. "Depende sa trabaho pero sa palagay ko, kailangan ko kaagad bumalik."
"That's fine," sabi ni Nathalie.
"Huh?" Hindi niya alam kung anong tinutukoy nitong fine. Iyon bang aalis siya kaagad o 'yong pag-send niya ng designs. "What do you mean?" Gusto niyang maliwanagan.
"It's fine if you'll send the designs through email," paglilinaw nito. "It's my dream to wear a gown designed by you. Thank you, Lizzy."
"You're welcome."
"Thank you, Babe." Masuyo nitong tiningnan si Thad. "You never ceased to make me happy."
Ginawaran nito ng halik sa labi si Thad na ikinagulat niya. Mukhang nasorpresa ang binata sa ginawa ng nobya pero 'di ito tumutol. Gusto niyang ibaling ang paningin sa ibang direksyon pero bakit 'di niya magawa? Napakislot pa siya nang mag-ring ang kaniyang cell phone. Thanks, God! May saviour siya.
"Bruce Willis." Nagawa niya ring ibaling sa ibang direksyon ang tingin. "Anong bago nating mission? Sinong itutumba natin?" parang tangang kausap niya kay Bruce. Pinapagaan niya ang nararamdaman dahil kapag 'di niya ginawa 'yon, malamang na itumba niya si Nathalie.
"Elizabeth Marie, ang lakas ng sapak mo. Kung hindi kita kilala iisipin kong nakasinghot ka ng ipinagbabawal na gamot. Wrong timing yata ang pagtawag ko sa 'yo. Sige, tatawagan ulit kita kapag okay ka na."
"Bruce, walang ganyanan." Pinalambing niya ang boses saka siya nag-pout, e, 'di naman siya nakikita ng lalaki. "Ano bang kailangan mo? Ibibigay ko sa 'yo kahit ano pa 'yon." 'Di nito puwedeng tapusin ang tawag. Kailangan niya ng kausap dahil baka mapatay niya sa tingin si Nathalie kapag natuon ang atensyon niya rito.
"Ikaw."
"Ako?" bulalas niya kasabay nang paglaki ng kaniyang mga mata. Napatingin tuloy ang mga tao sa kaniya pero wala siyang paki. "Seryoso ka? 'Di ba puwedeng tumawad?"
Narinig niya ang matunog nitong tawa sa kabilang linya. "Walang tawaran. Ikaw ang nagsabing ibibigay mo kahit ano. Kailangan kita ngayon."
"Sige na nga pagbibigyan kita. Alam ko namang dead na dead ka sa 'kin," biro niya sabay tawa. Ganoon talaga sila mag-usap ni Bruce at sa palagay niya'y may problema ito gaya niya. "Ano bang maipaglilingkod ko sa 'yo?"
"Nasaan ka ba?" Hindi nito sinagot ang tanong niya. Confirmed. May problema si Bruce. Sinabi niya ang lugar kung nasaan siya. "Susunduin kita. Malapit lang ako riyan."
"Hihintayin kita." Pagkasabi niyon ay pinutol niya ang tawag. Back to reality. Kailangan niyang harapin ang mag-jowang grabe mag-PDA. "Wala ka na bang idadagdag na details?" tanong niya kay Nathalie.
"So far, wala na. Hihintayin ko na lang ang sample designs."
"Okay." Hinarap niya si Thad. Hindi maipinta ang mukha nito samantalang nag-enjoy naman ito kanina sa pakikipaghalikan kay Nathalie. "Hoy, Franco, naka-default setting 'yang mukha mo. Maaga kang tatanda niyan. Umayos ka nga."
Hindi nito pinansin ang kaniyang sinabi. "Magkikita kayo ni Bruce?"
"Oo."
"Anong oras ka uuwi?"
"Hala siya! Hindi pa ako nakakaalis papauwiin mo na," reklamo niya. Naloloka siya kay Thad. Daig pa nito ang magulang niya kung umasta. "Don't worry, tatawagan ko si Tita Gina. Ipapaalam ko sa kaniya kung saan kami pupunta at kung anong oras kami uuwi."
"Sabihin mo na sa 'kin ngayon. Ako na ang magsasabi kay Tita."
"Huh?" Nawiwirduhan siya sa inaasal ng binata. "Hindi ko pa alam kung saan kami pupunta. Ite-text na lang kita."
"Ano? Sasama ka kay Bruce pero 'di mo alam kung saan kayo pupunta. Paano kung saan-saan ka dalhin ng lalaking 'yon? Paano kung may balak siyang masama?" Habang dumarami ang salitang lumalabas mula sa bibig ni Thad ay pataas nang pataas ang boses nito.
"Franco."
"Babe." Nag-duet pa sila ni Nathalie. Hinayaan niyang ito muna ang magsalita. "Matanda na si Lizzy. Kaya na niya ang kaniyang sarili. And I think Bruce is such a nice guy. Hayaan mo na sila."
(If I know, gusto mo lang masolo si Thad.)
Pinigilan niya ang sariling magtaas ng kilay. "Franco huwag kang paranoid. Walang gagawing masama sa 'kin si Bruce. Alam mong ni minsa'y 'di ako sinaktan ng taong 'yon." Natahimik ito. Hindi niya sinadyang sabihin'yon pero kusang lumabas sa kaniyang bibig. Totoo naman kasi. "Excuse me, kailangan kong pumunta sa restroom."
Wala siyang gagawin sa restroom pero mas gusto niyang manatili roon habang hinihintay si Bruce. Naii-stress lang siya kapag nakikitang magkasama ang dalawa. Alangan namang saktan niya ang sarili habang pinagmamasdan ang mga ito. Mahabang panahon na siyang nagpakatanga at nagtiis sa sakit, dadagdagan pa ba niya?