Bagaman maraming tanong ang gumugulo sa isipan ni Elizabeth ay sinarili niya 'yon. 'Di pa sila nag-uusap ng binata dahil naging abala siya sa preparation sa darating na fashion show. Ang binata nama'y naging busy sa bago nitong project sa Negros Island. Hindi niya alam kung kailan ito babalik.
"Mukhang ang lalim ng iniisip mo."
Napatingin siya kay Gino, classmate niya noong high school. Nagkayayaang gumimik ang mga kaklase niya kaya nandito sila sa bar ngayon. Wala sana siyang planong sumama kaso wala siyang kasama sa bahay dahil umuwi sa Quezon ang kamag-anak niya. Death anniversary ng lolo ni Thad kaya pati ang ina ng binata'y nasa Quezon din. Sa susunod na dalawang araw pa naman ang death anniversary pero nauna na ang mag-anak doon. Susunod si Leina at Dave na galing sa Thailand. Hindi niya alam kung hahabol si Thad. Sinasama siya ni Tito Benjie subalit tumanggi siya.
Nginitian niya si Gino. "Wala 'to. Napagod lang sa trabaho," pagkakaila niya. "By the way, nasaan si Bruce?" Bigla kasi itong nawala sa paningin niya.
"Nasa dance floor. Ikaw lang ang naiwan dito kaya binalikan kita." Nilahad nito ang kanang kamay sa harap niya. "Let's dance. Masyado kang seryoso riyan, nakakapanibago. Remember, nandito tayo para mag-relax."
"Yeah, right!" Tinanggap niya ang kamay nito. Kailangan niyang mag-unwind. Ayaw niyang magka-wrinkles sa kakaisip kay Thad kaya magpapakasaya siya. "Let's party!" masigla niyang sigaw.
KASALUKUYANG nagpapahinga si Thad sa bahay na tinutuluyan nila sa Negros nang makatanggap siya ng text message mula kay Gino. Nag-init ang ulo niya nang mabasa ang message nito.
(Bro, 'bat 'di mo sinabi na dumating sa bansa si Elizabeth? Damn! Bro, hindi ko inaasahan na sobrang ganda at sexy niya.)
Walang masama sa text nito pero ayaw niyang may ibang lalaking humahanga sa dalaga lalo pa't matinik sa babae ang dati niyang kaklase. Mabilis siyang nag-reply. Tinanong niya kung saan nito nakita si Elizabeth. Imbes na mag-reply ay nag-video call ito.
Magulo at maingay ang lugar kung saan naroon si Gino. Nakita niya sa background si Bruce at Elizabeth kasama ang ilan nilang classmates noong high school. Hula niya ay nasa bar ang mga ito.
"Bro, nasaan ka ba? Humabol ka rito. Nagsisimula pa lang kami."
Gustuhin man niyang pumunta roon ay imposible dahil milya-milya ang layo niya. "Mag-enjoy na lang kayo riyan. Bukas pa ang balik ko sa Maynila."
"Sayang naman."
Napansin ng iba nilang kaklase na may kausap si Gino kaya nagsilapitan ang mga ito sa lalaki saka siya binati. Hinintay niyang lumapit si Elizabeth subalit 'di 'yon ginawa ng dalaga. Hindi na rin ito nahagip ng cell phone camera.
"Nasaan si Elizabeth?"
Hindi siya nakarinig ng sagot mula kay Gino ngunit itinapat nito ang camera kung saan kitang-kita niya ang dalaga na sumasayaw at nag-e-enjoy sa gitna ng dance floor. Hindi siya natutuwa sa nakita. Mabilis niyang pinutol ang tawag.
"Zander, chopper ang sinakyan mo papunta rito, 'di ba?" tanong niya sa kaibigan. Si Zander ang bunsong anak ng may-ari ng Almonte Realty. Kasama niya itong namamahala sa project at ang nakakatanda nitong kapatid na babae na si Zaila. "Puwedeng magpahatid sa Maynila?"
Nagtatakang tumingin ito sa kaniya. "'Di ba bukas na ang flight mo pabalik sa Maynila?"
Napabuntonghininga siya. "Hindi ko na mahihintay ang flight bukas. Kailangan ko nang umalis ngayon." Hindi siya mapalagay. Baka uminom ang dalaga at malasing ito. "Baka kung anong mangyari kay Elizabeth."
"Elizabeth? Sino 'yon? Nagbago ba ng pangalan ang girlfriend mo?"
Tinitigan niya ito nang masama. "Wala ako sa mood makipagbiruan. Ano, ihahatid mo ba ako o hindi?"
"Ang init naman ng ulo mo."
"Pasensya na. Ikaw lang ang makakatulong sa 'kin ngayon. Kahit wala akong suweldo ngayong buwan basta ihatid mo lang ako." Desperado na siya. Kailangan niyang puntahan si Elizabeth. "Kung kulang pa ang suweldo ko, sabihin mo lang. Babayaran kita kahit na magkano basta ihatid mo lang ako sa Maynila."
"Bago kita ihatid, bigyan mo ako ng isang dahilan kung bakit kita tutulungan. Ayokong nagsasayang ng oras kung 'di naman importante ang dahilan mo."
"Mahal ko siya." Pambihira! Nauna pa siyang umamin sa kaibigan bago kay Elizabeth. "Sapat na bang dahilan 'yon?"
Saglit na natigilan si Zander bago ngumiti. "Good answer. Ano pang hinihintay mo? Umalis na tayo." Nauna na itong naglakad palabas ng bahay at sumunod siya. "Marami kang ikukuwento sa 'kin, Thad."
"I know."
Nakapagdesisyon na siya. Hindi niya kayang mawala si Elizabeth at hindi siya papayag na mapunta ito sa ibang lalaki. Magpapakatotoo na siya na dapat noon pa niya ginawa.