Binigyan sila ng isang araw para mag-review sa lahat ng subjects. Final examination kasi nila bukas. Pinili niyang umalis sa classroom at magtungo sa library. Hindi kasi siya makapag-concentrate dahil kay Elizbeth at Bruce na panay ang kuwentuhan at halakhakan.
Pinahirapan siya ng babae sa ginawa nitong pag-amin sa kaniya. Ilang araw siyang hindi makatulog nang maayos dahil sa sinabi nito. Ang kinaiinis niya'y parang balewala rito ang nangyari at normal ang pakikitungo sa kaniya samantalang siya, sobrang apektado hanggang ngayon. Napapaisip tuloy siya kung seryoso ba ito o hindi.
(Anong gusto mong gawin niya, paglamayan ang rejection mo? Natural na magmo-move on 'yong tao lalo na't masasakit na salita ang sinabi mo sa kaniya.)
Nagseselos siya kay Bruce kaya niya nasabi ang lahat ng 'yon. Simula kasi nang maging close ang dalawa'y palaging masaya si Elizabeth kapag kasama ang lalaki samantalang kapag siya ang kasama nito'y palagi itong nakasimangot at nagrereklamo. Kaya pinagdudahan niya ang sinabi nito.
"Franco…" Lumundag ang puso niya nang marinig ang boses ng babaeng 'di mawala sa isipan niya. "Puwedeng magpaturo?" Nag-angat siya ng tingin mula sa binabasang libro.
"Nagsawa ka na bang makipagkuwentuhan kaya ako ang ginugulo mo ngayon?"
"Hindi naman kita guguluhin. Magpapaturo lang ako sa 'yo. Hindi ko kasi maintindihan 'yong huling itinuro ni Mrs. Caballero."
"Kailan mo ba naintindihan ang mga itinuro sa 'yo?" naiinis niyang turan. Kapag may problema ito'y siya ang nilalapitan pero kapag masaya ito'y kinakalimutan siya. Ang unfair lang. "Wala ka namang ginawa kundi ang mag-drawing at makipagdaldalan. Wala kang mararating sa buhay kung palagi kang ganyan."
"Ang dami mong sinabi. Kung ayaw mo akong turuan 'di huwag," bulyaw nito dahilan upang sawayin ito ng librarian na tumahimik ngunit hindi ito nakinig. "Kapag ibang tao ang nagpapaturo sa 'yo ang bilis mong pumayag samantalang kapag ako, ang dami mong sinasabi," nanggigigil na lintanya nito.
Nilapitan ito ng librarian at sinabihang lumabas ng library. "Sandali lang! 'Di pa ako tapos magsalita. Huwag mo akong paalisin." Muli siyang binalingan ng babae. Nagbabaga ang tinging ipinukol nito sa kaniya. "I hate you, Thaddeus Franco! Papatunayan ko sa 'yo na hindi ko kailangang maging matalino kagaya mo para magtagumpay sa buhay. I hate you! I hate you! I hate you!" paulit-ulit nitong wika bago nilisan ang library.
Naiwan siyang tulala. Sobra ba ang sinabi niya kay Elizabeth? Ni minsa'y 'di siya nito sinigawan kahit madalas silang magtalo. Hindi tuloy siya mapalagay. Kailangan niyang kausapin ang kaibigan at humingi ng tawad dito.
Hinanap niya si Elizbeth. Pumunta siya sa canteen dahil alam niyang maglalabas ito ng sama ng loob sa pagkain pero wala roon ang babae. Nilibot niya ang campus. Natagpuan niya ito na nakaupo sa bench sa sunken garden. Umiiyak ang babae. Nadudurog ang puso niya habang nakikita itong ganoon ang itsura. Lalapitan sana niya ito nang biglang sumulpot si Bruce.
"Taba, tumahan ka nga. Ang pangit mong tingnan. Mukha kang ngumangawang elepante." Hinugot ng lalaki ang panyo mula sa bulsa saka 'yon itinapat sa ilong ng babae. "Isinga mo 'yang uhog mo."
"Ako na." Hinablot nito ang panyo mula sa kamay ng lalaki. Pinunasan nito ang luha saka suminga. "O, salamat." Binalik nito ang panyo kay Bruce ngunit hindi 'yon tinanggap ng lalaki.
"Ang baboy mo. Labhan mo muna 'yan bago mo ibalik sa 'kin."
"Alam kong mukha akong baboy, 'di mo na kailangang ipagdiinan." Binulsa nito ang panyo ni Bruce. "Kaya nga siguro walang nagkakagusto sa 'kin dahil sa itsura ko."
"Sinong may sabing walang nagkakagusto sa 'yo? Ang layo kasi ng tingin mo kaya 'di mo makita."
"Huwag mo nang pagaanin ang loob ko. Tanggap ko naman na walang magkakagusto sa 'kin. Si Thad nga, umay na umay na sa 'kin samantalang sabay kaming lumaki. Akala ko hindi siya magbabago dahil magkababata kami. Paano pa ako magugustuhan ng ibang tao?"
"Ikaw lang ang may sabing walang nagkakagusto sa 'yo. Tingnan mo ako, gusto kita, gustong-gusto. Kahit malayo ang tingin mo."
Ngumisi si Elizabeth. "Naks! Ang baduy mo, pare!" Humagalpak ito ng tawa subalit nanatiling seryoso si Bruce. "Pero in fairness, puwede kang mag-artista."
"Seryoso ako, Elizabeth."
"Ha? Huwag ka ngang mag-joke, Bruce."
"Elizabeth, hindi ako nagbibiro." Pinatayo nito si Elizabeth. Kinuha ni Bruce ang kamay ng babae at saka 'yon itinapat sa dibdib nito. "Ngayon ko lang 'to naramdaman. Akala ko noong una masaya akong kasama ka dahil magkasundo tayo sa lahat ng bagay lalo na pagdating sa kalokohan pero habang tumatagal napagtanto ko na iba na 'tong nararamdaman ko para sa 'yo," pagtatapat ni Bruce.
"Teka Bruce…" Mababasa sa mukha ng dalaga ang kalituhan. "Alam mong—" Naputol ang sasabihin ni Elizabeth nang yakapin ito ng lalaki.
"Hindi mo na kailangang sabihin."
Pumailanglang ang nakabibinging katahimikan sa pagitan ng dalawa. Ang una niyang planong kausapin ang babae'y nagbago na. Gusto niyang lisanin ang lugar na 'yon subalit ayaw makisama ng kaniyang mga paa. Nanatili siya sa kinatatayuan. Ilang segundo ang lumipas nang magsalita si Elizabeth.
"Gusto kita, Bruce. Gustong-gusto kita."
Hindi niya inaasahan ang sinabi nito. Pagkatapos nitong magtapat sa kaniya'y sa ibang lalaki naman ito aamin na may gusto ito. Pinaglalaruan ba siya ni Elizabeth? Bumangon ang galit sa kaniyang dibdib. Mabigat ang pakiramdam nang lisanin niya ang sunken garden.
"BABE, are you listening? Kanina pa ako nagsasalita rito pero 'di mo ako pinapansin," untag ni Nathalie. "Are you okay?"
"I'm sorry, Babe. Iniisip ko lang kung matutuloy ba 'yong project namin," pagsisinuwaling niya. Ang totoo'y naalala niya ang nakaraan. He worked for Almonte Realty as a civil engineer. Wala namang problema sa trabaho niya at sa katunayan ay malapit nang umpisahan ang malaking project sa Negros Island na pamumunuan ng team niya kasama ang successors ng Almonte Realty.
Ang gumugulo sa kaniyang isipan ay si Elizabeth dahil hindi pa ito nagte-text sa kaniya simula nang magkaniya-kaniya sila ng lakad. "Ano ba 'yong sinabi mo?"
"Ang sabi ko, saan mo ba gustong mag-honeymoon?" Natapakan niya ang preno dahil sa tanong nito. Sumagitsit ang gulong ng kotseng kaniyang minamaneho. Napatili ang babae dahil sa ginawa niya. "Babe, ano ba? Be careful."
"I'm sorry. May tumawid na pusa." What a lame excuse! Nabigla siya sa tanong nito at ayaw niyang pag-usapan ang kahit na anong tungkol sa kasal dahil sobrang gulo ng isip niya. "Kailan nga ulit ang fashion show? I'll clear my schedule for you," pag-iiba niya sa usapan.
"Eighteenth of this coming month. Make sure you'll come. Magtatampo ako kapag wala ka sa event," nakalabi nitong wika. "By the way, nabanggit ni Lizzy ang tungkol sa fashion show, ibig sabihin magkasama kami sa event. Nasabi niya ba sa 'yo kung sinong models ang magpe-present ng creation niya?"
Umiling siya. "Hindi kami nag-uusap tungkol sa trabaho."
"I see." Halata ang disappointment sa mukha nito nang wala itong makuhang impormasyon mula sa kaniya. "Sana mas maaga kong nalaman na magkakilala kayo."
"I told you, hindi ko rin alam na si Lizzy Lopez at Elizabeth ay iisa." Napag-usapan na nila ito noon. Bakit gusto nitong ulit-ulitin 'yon na para bang sinadya niya na huwag ipaalam dito na magkakilala sila?
"Curious lang ako, may boyfriend ba si Lizzy sa France o boyfriend niya si Bruce?" pag-uusisa nito. "May chemistry kasi silang dalawa. Actually, they look good together"
"I don't know." Naiinis siya sa sinabi ng kasintahan. Pinapaalala kasi nito sa kaniya ang katotohanang mas bagay si Bruce at si Elizabeth. "Ihahatid kita sa inyo."
"Why?" Puno ng pagtataka ang mukha nito. "I thought that we'll be going somewhere else."
"Sumama ang pakiramdam ko," pagdadahilan niya. Gusto niyang mapag-isa. Kapag kasama niya si Nathalie ay baka mahalata nito na aburdido siya. Ayaw niyang usisain nito kung bakit siya nagkakaganoon. "Kailangan kong magpahinga."
"Okay. Kung gusto mo, sa condo ka na magpahinga. Baka mapaano ka pa sa biyahe kapag umuwi ka," nag-aalalang wika nito.
"Salamat, pero hindi na kailangan. Baka lagnatin ako at ayokong mahawa ka. Don't worry, kaya ko pang mag-drive." Natututo talaga siyang magsinuwaling basta pagtatakip ng feelings ang usapan.
"Ang sweet naman ng boyfriend ko. I love you, Babe."
Ngiti lang ang isinukli niya sa dalaga.
MAPAIT SIYANG NGUMITI nang mapag-isa na lamang siya. Ni minsan ay hindi nagsinuwaling si Thad sa kaniya pero unti-unti itong nagbago simula nang bumalik si Elizabeth sa buhay nito. Wala siyang ideya noon kung sino ba talaga ito sa buhay ng kaniyang nobyo dahil wala itong nababanggit sa kaniya tungkol kay Elizabeth. Pero base sa mga nakikita niya ngayon, may kutob na siya kung anong papel ng babae sa buhay ng kaniyang kasintahan.
"Nathalie, mukhang ipagpapalit ka na naman at maiiwan sa ere," kausap niya sa sarili habang pinagmamasdan ang sariling repleksyon sa salamin. Maganda naman siya, sexy, at matalino, pero bakit walang nagmamahal sa kaniya nang totoo?
Ang una niyang naging boyfriend, na first love niya, ay nakipagbalikan sa first love nito at iniwan siya. Noong panahong naghihilom ang sugat sa kaniyang puso ay nakilala niya si Thad. Niligawan siya nito at natutunan naman niya itong mahalin. Okay na siya, okay na sila, pero biglang sumulpot si Elizabeth.
Dati, confident siyang ipangalandakan na mahal na mahal siya ni Thad pero ngayon, hindi na siya sigurado. Maalaga at maunawain si Thad kaya niya ito natutunang mahalin. Ni minsan ay hindi ito nagselos sa mga naging katrabaho niyang lalaki dahil naiintindihan nito na trabaho lang 'yon. Akala niya tuloy hindi ito seloso, pero nagkakamali siya.
Kitang-kita ng dalawa niyang mga mata kung paano nito titigan si Bruce. Kulang na lang ay balatan nito ng buhay ang lalaki dahil sa selos. At ni minsan ay hindi siya nito tinitigan sa paraan nang pagtitig nito kay Elizabeth.
Hanggang kailan ba siya magiging pangalawa sa buhay ng mga taong minahal niya?
Naputol ang kaniyang pag-iisip nang biglang mag-ring ang kaniyang cell phone. Hindi naka-register ang numero pero sinagot niya pa rin 'yon. "Hello."
"Kumusta?"
Nanlamig siya nang marinig ang pamilyar na boses mula sa kabilang linya. Hindi niya malaman kung puputulin ang tawag o makikipag-usap ba rito.