SA HINDI KALAYUAN ay natatanaw ni Bruce ang nangyayari sa pagitan ni Elizabeth at Thad. Nagpakawala siya ng buntonghininga. Hindi niya alam kung tama ba ang kaniyang ginawa o hindi. Pero isa lang ang gusto niyang mangyari, gusto niyang maging masaya si Elizabeth sa piling ng taong mahal nito.
Nagkamali na siya noon, ayaw niyang maulit pa 'yon sa pangalawang pagkakataon.
-Flashback-
Nahilo na si Bruce sa kakaikot sa buong campus dahil sa paghahanap kay Elizabeth. Nagtungo lang siya sa comfort room, pero wala na ang babae nang bumalik siya sa classroom. Pinuntahan siguro nito si Thad. Mawala lang sa paningin nito ang lalaki ay hindi na ito mapakali.
"Elizabeth, nasaan ka ba?" Kausap niya sa sarili. Namataan niya si Thaddeus sa canteen pero hindi naman nito kasama ang babae. "Thad!" tawag niya rito ngunit hindi siya nito pinansin.
Tila wala itong narinig kaya sinundan niya ang lalaki. May kutob siya na hinahanap din nito si Elizabeth. Nakarating sila sa sunken garden ngunit walang kamalay-malay si Thad na nakasunod siya sa di-kalayuan.
Napako si Thaddeus sa kinatatayuan at deretso ang tingin nito. Curious na sinundan niya ng tingin kung ano o sino ang nakakuha ng atensyon ng lalaki.
Naikuyom niya ang mga kamao nang makita si Elizabeth na umiiyak. Gusto niyang suntukin si Thad dahil natitiyak niyang ito ang dahilan ng pagtangis ng kaibigan ngunit pinigilan niya ang sarili na gawin iyon.
Sa halip ay mabilis bumalik sa direksyong pinanggalingan at umikot sa kabilang daan. Nanatiling nakatayo sa kinaroroon si Thad kaya naunahan niya itong malapitan ang babae.
"Taba!" Napalingon si Elizabeth sa kaniya. Hindi ito nag-abalang punasan ang luha nang makita siya. "Anong nangyari?" tanong niya nang makalapit siya rito.
"Wala."
Nagpakawala siya ng buntonghininga. "Eh, bakit ka umiiyak?"
"Trip ko lang!" anito sabay hagulhol.
"Taba, tumahan ka nga." Napailing siya. "Ang pangit mong tingnan. Mukha kang elepante na ngumangawa." Hinugot niya ang panyo mula sa bulsa at saka itinapat 'yon sa ilong ng babae. "Isinga mo 'yang uhog mo."
"Ako na." Hinablot nito ang panyo mula sa kamay ni Bruce. Pinunasan nito ang luha at saka suminga. "O, salamat."
Ibinalik nito ang panyo sa kaniya ngunit hindi niya 'yon tinanggap. "Ang baboy mo. Labhan mo muna 'yan bago mo ibalik sa 'kin."
"Alam ko na mukha akong baboy, 'di mo na kailangang ipagdiinan." Binulsa nito ang panyo ni Bruce. "Kaya nga siguro walang nagkagusto sa 'kin dahil sa itsura ko."
"Sinong may sabing walang may gusto sa 'yo? Ang layo kasi ng tingin mo kaya hindi mo makita." Puwede namang siya na lang ang tingnan nito sa halip na si Thaddeus.
"Huwag mo nang pagaanin ang loob ko. Tanggap ko naman na walang magkakagusto sa 'kin. Si Thad nga umay na umay na sa 'kin samantalang sabay kaming lumaki. Akala ko hindi siya magbabago dahil magkababata kami. Paano pa ako magugustuhan ng ibang tao?"
"Ikaw lang ang may sabing walang nagkakagusto sa 'yo. Tingnan mo ako, gusto kita, gustong-gusto, kahit na malayo ang tingin mo," seryoso niyang turan.
Ngumisi si Elizabeth. "Naks! Ang baduy mo, pare!" Humagalpak ito ng tawa at mukhang hindi sineryoso ang sinabi niya. "Pero in fairness, puwede kang mag-artista."
"Seryoso ako, Elizabeth."
"Ha?" Naglaho ang ngiti sa mukha nito at napalitan 'yon ng pagkabalisa. "Huwag ka ngang mag-joke, Bruce."
"Elizabeth, hindi ako nagbibiro." Inalalayan niya si Elizabeth sa pagtayo. Kinuha niya ang kamay ng babae at saka itinapat 'yon sa dibdib nito. "Ngayon ko lang 'to naramdaman. Akala ko noong una masaya akong kasama ka dahil magkasundo tayo sa lahat ng bagay lalo na pagdating sa kalokohan pero habang tumatagal ay napagtanto ko na iba na 'tong nararamdaman ko para sa 'yo," pagtatapat niya.
"Teka Bruce…" Mababasa sa mukha ni Elizabeth ang kalituhan." Alam mong—"
Naputol ang nais sabihin ni Elizabeth nang yakapin niya ito. "Hindi mo na kailangang sabihin," anas niya. Batid niyang mahal nito si Thad. "Puwede bang kahit kunwari lang ay sabihin mo sa akin na ako ang gusto mo at hindi si Thad? Kahit ngayon lang," bulong niya rito upang hindi iyon marinig ni Thad na nakamasid lang sa kanila.
"Pero, Bruce…"
"Please…" Lalo niyang hinigpitan ang yakap sa babae. "Pangako, hindi ko na babanggitin ang tungkol dito. Hindi rin kita kukulitin kapag nasa ibang bansa ka na."
"Bruce…" Naramdaman ng lalaki ang pagpatak ng luha ni Elizabeth sa balikat niya. Gumanti rin ito ng yakap. "Gusto kita, Bruce."
Mapait siyang ngumiti.
"Gusto kita, gustong-gusto kita."
-End of Flashback-
GUSTO niyang saktan si Thad noon dahil sinaktan nito si Elizabeth kaya nagawa niya 'yon. Pero hindi niya intensyong agawin ang dalaga mula rito dahil alam niyang hindi niya kayang palitan si Thad sa puso ni Elizabeth. Hindi naman niya inaasahan na ganoon ang magiging resulta nang ginawa niya. Ang akala niya kasi matatauhan ito, hindi naman pala.
Ilang beses niyang inisip kung anong posibleng nangyari kung sinabi niya noon ang totoo kay Thad. Baka hindi na umalis si Elizabeth. Hindi siguro makikilala ni Thad si Nathalie pero baka hindi rin naging successful si Elizabeth. Huli na para pagsisihan niya ang mga nangyari noon pero puwede pa siyang makabawi ngayon.
Nang malaman niyang babalik si Elizabeth, sinadya niyang sabihin kay Thad na mapapasakaniya ang dalaga sa pagkakataong 'yon. At dahil doon, nakumpirma niyang mahal pa rin nito ang kaibigan niya. Mahal niya ang babae, at kung siya lang ang masusunod, gusto niyang mahalin din siya nito. Pero hindi naman napipilit ang pag-ibig. Masaya na siya kung makikita niyang masaya ang dalaga sa piling ng mahal nito.
Nagsinuwaling siya kay Elizabeth na magpapatulong na pagselosin ang babaeng mahal niya. Ang totoo, ginawa niya lang 'yong excuse para hindi mahalata ng dalaga na gusto niyang pagselosin si Thad. Gawa-gawa niya lang 'yon at kinuntsaba niya lang ang babaeng kunwaring nagugustuhan niya. Iyon lang ang nakikita niyang paraan upang kumilos si Thad at magpakatotoo sa nararamdaman nito.
Sana lang maging maganda ang resulta ng ginawa niya.