Hindi namalayan ni Elizabeth ang paglipas ng oras. Malapit nang maghating-gabi. Sobrang nag-enjoy siya lalo na sa pagsayaw. Nawala ang kaniyang stress at kahit si Thad ay nakalimutan niya, subalit panandalian lang 'yon. Nang bumalik kasi siya sa table nila upang magpahinga'y muli niyang naalala ang binata.
"Echusero ka, Thaddeus Franco! Wala kang ibang ginawa kundi ang guluhin ang isip ko," pabulong niyang reklamo. Tamang-tama na may dumaan na waiter kaya tinawag niya ito. "Margarita, please." May sinabi ang waiter sa kaniya subalit 'di niya maintindihan dahil maingay. Ngiti at tango ang tanging tugon niya rito bago ito umalis.
Pagbalik ng waiter ay agad nitong ibinigay ang kaniyang order subalit laking gulat niya nang may ibang kumuha no'n. Mabilis niyang nilingon kung sino ang mapangahas na umagaw ng kaniyang order. Nasorpresa siya nang makita si Thad. Nag-abot ang kilay ng binata at masama ang tingin nito sa kaniya. Ilang beses siyang kumurap upang matiyak na hindi siya namamalik-mata. Hindi naglaho ang binata kaya natitiyak niyang naroon ito. O baka naman lasing na siya?
"Akin na 'yan." Nang makahuma sa pagkabigla'y tumayo siya at binawi niya mula kay Thad ang alak subalit mabilis nitong iniwas ang kamay at ininom ang laman ng glass. "Bakit mo ininom?" galit niyang tanong.
"Elizabeth, that's enough," malamig nitong turan. Humugot ng pitaka ang binata mula sa bulsa saka ito naglabas ng pera at binayaran ang waiter. "Uuwi na tayo."
"Teka, anong tayo? Walang tayo, friend," biro niya sabay tawa. "Dapat ganito ang sinabi mo, 'Uuwi ako at isasabay kita,' ganoon!"
"Lasing ka na. Iuuwi na kita."
Pumalakpak siya. Binalewala niya ang sinabi nitong lasing siya dahil hindi naman 'yon totoo. Pang-apat na shot niya pa lang sana 'yon ng Margarita kung hindi nito inagaw. "Fast learner ka talaga, Franco," sarkastiko niyang wika. Fast learner ito pero hindi naman siya matutunang mahalin. "Teka, bakit nandito ka? 'Di ba nasa Negros ka?"
"Let's talk later." Sa pagkakataong 'yon ay malumanay na ang tinig nito. Lumamlam ang mga
mata nito na kanina lang ay puno ng galit. "Napapagod na ako na palagi tayong nag-aaway. Let's go home."
"Hindi siya sasama sa 'yo," sabat ni Bruce. Sabay nilang nilingon ang lalaki. "Ako ang nagdala sa kaniya rito kaya ako rin ang mag-uuwi sa kaniya. She's my responsibility, not yours." Seryoso ang anyo nito.
"I don't care who's responsible for her. She's going with me," matigas na tugon ni Thad. Binalingan siya nito sabay hawak sa kaniyang kamay.
"Ako ang maghahatid sa kaniya." Hinawakan naman ni Bruce ang kabila niyang kamay.
Nagtagisan ng tingin ang dalawang lalaki. Walang gustong magpatalo. Naiipit tuloy siya sa pagitan ng dalawa. Actually, literal na naiipit siya dahil nasa gitna siya ng mga ito. "Ako ang magdedesisyon kung kanino ako sasama!"
Pilit siyang kumawala sa pagkakahawak ng dalawang lalaki sa kaniyang kamay ngunit ayaw siyang bitiwan ng mga ito. "Ano bang problema ninyong dalawa?" Nagpabaling-baling ang tingin niya sa mga ito. "Bitiwan n'yo ako. Kung may gusto kayong patunayan sa isa't isa 'wag niyo akong idamay." Natauhan yata ang dalawa sa kaniyang sinabi kaya binitiwan siya ng mga ito—nang sabay. Mabuti na lang at nakapanimbang siya kaya hindi siya natumba.
"Wala akong gustong patunayan. Ako ang nagdala sa 'yo rito kaya kargo kita," paliwanag ni Bruce. May point naman ang sinabi nito. "How about you, Thad? Ang alam ko milya-milya ang layo mo pero bakit nandito ka?"
"Bro?" Lumapit sa kanila si Gino na puno ng pagtataka ang mukha. "Ang sabi mo kanina bukas pa ang uwi mo." Inalog-alog nito ang ulo at kinuskos ang mga mata. Hindi pa ito nakuntento at mahinang sinuntok ang braso ni Thad. "Bro, you're real."
"Yes, he's real. You're not hallucinating or whatever! Now Thad, answer my question. Anong ginagawa mo rito?" ulit ni Bruce.
Nagsilapitan ang mga kaklase nila. Curiosity was written all over their faces. Thad was serious and he was intently looking at her. Parang nasa mukha niya ang sagot sa tanong ni Bruce.
"It's between me and Elizabeth. I don't owe you an explanation."
Great! So, sa kaniya lang nito sasabihin ang dahilan. Ibig sabihin, maghihintay pa siya kung kailan nito sasabihin sa kaniya ang dahilan ng kawirduhan nito.
"I can sense something…" Hindi tinuloy ni Lina ang sasabihin. Ngumiti lang ito sabay iling. "Matagal ko na 'tong napansin. And finally, after a decade nasagot na rin ang tanong ko at ng iba nating mga kaklase. Well, love is really complicated."
Ano 'to? May bugtungan ba rito at siya lang ang hindi nakakaalam sa sinasabi ni Lina?
"So, what's your decision Elizabeth? Pumili ka, Thad or Bruce?" tanong ni Lina.
Ngayon, parang siya naman ang nasa hot seat dahil sa kaniya nakatuon ang tingin ng lahat. "Ano 'to, talk show ni Boy Abunda? Fast talk lang ang peg? Hot or cold? Chocolates or sex? Mahal ko o mahal ako?" Sinubukan niyang pagaanin ang namumuong sama ng panahon sa loob ng bar pero mukhang walang 'yong epekto. Seryoso ang lahat nang nakatingin sa kaniya. Naghihintay kung sino ang pipiliin niya. Hayan, na-pressure tuloy siya.
"You don't have to choose. Tama ang sinabi ni Bruce kanina." Bumuntonghininga si Thad bago nagpatuloy. "I'll wait for you, Elizabeth. We need to talk." Hindi niya inaasahan na magbabago ang isip nito at magpapatalo kay Bruce.
"I think it's a bad idea na ihatid ko si Elizabeth." Nagsalubong ang kilay ng dalaga sa sinabi ni Bruce. "She's not safe with me. Nakainom ako kaya mas mainam na ikaw na ang maghatid sa kaniya."
"I can't believe this!" Matalim na titig ang ipinukol niya sa dalawang lalaki. "Pagkatapos niyo akong pag-awayan kanina ngayon naman sabay niyo akong iiwan sa ere. Diyan kayo magaling, eh!" lintanya niya sabay agaw sa hawak na shot glass ni Gino. Hindi niya alam kung anong alak 'yon basta ininom niya. Pagkatapos ay ibinalik niya sa lalaki ang basong walang laman. "Uuwi akong mag-isa." Walang lingon-lingong nagmartsa siya palabas ng bar.