Wala siyang maayos na tulog nang nagdaang gabi. Umalingawngaw sa kaniyang isipan ang sinabi ni Elizabeth na bitter siya. Pinoprotektahan lang naman niya ang kaniyang sarili. Ngunit pakiramdam niya'y dahil sa kaniyang ginagawa'y nasasaktan ito. They can't be like this. Espesyal sa kaniya ang babae kaya kailangang gumawa siya ng paraan para maging maayos sila.
"Ano bang dapat kong gawin?" tanong niya sa sarili habang nagdya-jogging. Maaga pa siyang nagpapawis dahil 'di siya mapalagay. "Lizzy, pinapahirapan mo ako nang husto," bulong niya sa hangin at kasabay no'n ay nakita niya ang dalaga mula sa katapat na direksyon. Nagdya-jogging din ito. Babatiin niya sana ang dalaga pagtapat nito sa kaniya pero natameme siya dahil nilagpasan siya nito. Nakaramdam siya ng sakit. Ganoon pala ang pakiramdam nang hindi ka pinapansin ng taong mahalaga sa 'yo.
He felt guilty. Wala siyang inisip nitong mga nagdaang taon kundi ang sarili niyang nararamdaman kaya iniwasan niya ang dalaga. After she made a confession, he avoided her intentionally because of jealousy and pride. At ngayon, handa na siyang lunukin lahat ng kaniyang pride para lang magkaayos sila.
"Lizzy," tawag niya sa dalaga subalit hindi ito lumingon kaya hinabol niya ito. "Elizabeth." Hinawakan niya ang kamay nito nang maabutan niya dahilan upang lingunin siya ng dalaga. Blangko ang ekspresyon ng mga mata nito nang tingnan siya.
"May sasabihin ka?"
"Good morning!" bati niya rito na ikinainis nito. Nagmukha siyang tanga pero 'di bale na basta makuha lang niya ang atensyon nito.
"Good morning?" Nangunot ang noo nito at hindi maipinta ang mukha. "You don't have to greet me. Walang ibang taong nakakakita kaya 'di mo kailangang magpanggap na okay tayo."
Ramdam niya ang galit nito. Hindi niya ito masisisi dahil istupido siya. Kung ano-ano ang pinagsasabi niya rito na maaring ikagalit at ikasama ng loob nito. "I'm sorry." Niyakap niya nang mahigpit ang dalaga. He was sorry for everything he had done that caused her pain.
"Thad." Itinukod nito ang kamay sa dibdib niya upang mapalayo siya. "Anong ginagawa mo?"
"Hayaan mong yakapin kita. Ito ang paraan ko upang malaman mong masaya akong makita ka," sinsero niyang pahayag. Lumaylay ang kamay nito kaya malaya na siyang yakapin ito nang mahigpit na walang sagabal. "Welcome home, Lizzy." Sa pagkakataong 'yon ay gumanti ito ng yakap. Hindi niya mapigilang ngumiti.
HINDI NIYA inaasahan ang paghingi sa kaniya ng tawad ni Thad. Hindi niya alam kung para saan 'yon pero gumaan ang kaniyang pakiramdam lalo na nang sabihin nitong, "Welcome home Lizzy." Ang sarap pakinggan. Masarap din sa pakiramdam ang makulong sa mga bisig nito. Ang init na dulot ng yakap ni Thad ay gumising sa natutulog niyang damdamin para dito. Sampung taon na ang matuling lumipas pero walang nagbago sa nararamdaman niya kahit nagbago ito sa kaniya. Pilit man niyang ikubli at pilit man niyang ibaon sa limot ay ito pa rin ang itinitibok ng kaniyang puso.
Matagal silang nanatili sa ganoong posisyon. Nakatayo. Magkayakap. Walang pakialam sa mundo. Gusto man niyang manatili sa bisig nito'y alam niyang hindi puwede. Hindi na puwede. May nagmamay-ari na sa puso nito kaya kailangan niyang pigilan ang nararamdaman. Kusa siyang bumitiw sa pagkakayakap dito at bahagyang itinulak ang binata. Hindi naman ito tumutol.
"Bati na tayo?" parang batang tanong nito.
Inirapan niya ito. "Ikaw lang naman ang galit sa 'ting dalawa. Pagkatapos mo akong binasted ay ikaw pa ang may ganang magalit." Nag-iwas ito ng tingin. "Pasalamat ka 'di ako nagtatanim ng sama ng loob dahil kung nagkataon, marami na akong naani at ang iba'y aanihin pa lang."
"Pinagsisihan ko na 'yon."
Kinabig niya ang mukha ng binata upang tumingin ito sa kaniya. "Past is past. Pinapatawad na kita sa pang-aaping ginawa mo sa 'kin." Hindi ito nag-react sa sinabi niya pero nakikinig naman ito sa kaniya. "Pero sana hindi na maulit. Sayang ang sampung taong nawala sa 'ting dalawa." Akala mo mag-jowa sila sa hirit niya.
"Alam ko."
Hindi mo alam kasi hindi mo naman ako minahal.
"Hindi ko na aalamin ang dahilan kung bakit mo ako inapi." Hayan na naman siya sa word na api. "Basta next time, kapa may problema ka sa isang tao sabihin mo, hindi 'yong basta-basta ka na lang hindi namamansin."
"Tatandaan ko."
"Iyan, 'yan ang problema sa 'yo. Ang daming sinabi ng kausap mo pero ang tipid mong magsalita at kulang ka sa emosyon. Robot ka ba?" Sumimangot ito sa sinabi niya na ikinatuwa niya. "O, mabilis ka naman palang matuto. At least alam mo kung kailan sisimangot. Pero kung sabagay, frown ang default setting ng mukha mo."
"Anong sinabi mo?" Naningkit ang mga mata nito.
"Hoy Thaddeus Franco, huwag kang magpanggap na 'di mo narinig ang sinabi ko. Ano 'yon bingi-bingihan lang para masabihang guwapo? Naku Thad! Hindi ka guwapo—"
Hindi niya natapos ang sasabihin dahil kiniliti siya nito sa tagiliran. "Sinong nagbibingi-bingihan? Sinong hindi guwapo?" Nagpatuloy ito sa pagkiliti sa kaniya. Siya naman ay tawa nang tawa.
"Franco, ano ba?" saway niya rito. "Tigilan mo nga—ay!" Humagikhik siya. Halos hindi na siya makahinga sa kakatawa. "Tama na!" Tuwang-tuwa ito sa pag-torture sa kaniya. Humahalakhak din ito. "Nakakabulabog tayo ng mga kapitbahay."
Tila natauhan ito sa sinabi niya at itinigil ang pagkiliti sa kaniya pero nanatili ang ngiti sa labi nito. Siya naman ay hinihingal pero nakangiti rin. Na-miss niya 'to, sobrang na-miss niya. Sana hindi na matapos ang sandali na 'yon. Kung wala lang si Nathalie sa buhay nito…