Dumating ang tanghali at isang hindi ko kilalang lalaki ang bigla nanamang pumasok sa aking kwarto upang maghatid nang aking pananghalian. Sa nakalipas na oras ay wala naman akong ginawa rito sa loob kundi ang magisip nang mga lugar na maaaring pagdalhan kay Aria.
Hindi rin nagpakita sa akin si Mocca at maging si Vita at Rayve ay hind na bumalik maliban kay Elvis na siyang kumuha nang aking mga pinagkainan kanina.
Tinitigan kong mabuti ang kakaibang nilalang na marahang naglalakad sa akin. Itim ang buhok nitong umaabot sa kanyang balikat. Kakaibang kulay mayroon ang kanyang mata. Mas makulay pa sa pulang kulay ng dugo.
Matangkad ito katulad nang dalawang lalaki kanina subalit hindi ito maputi. Bagkus ay may kayumanngging balat at sa kanyang mukha – sa gitna nang kanyang nuo nakalagay ang isang maliit na sungay na katulad ng sa kambing – ngunit may magandang itusra na bumagay sakanya.
Hindi siya nakakatakot tingnan bagkus ay napakaamo.
"Isa akong demonyo."
Napaigtad ako nang bigla itong magsalita na nakarating na pala sa aking harapan at kumurap kurap na tiningala siya.
"Ha?"
"Miss.... Isa akong demonyo at kalahating tao na kalahating bampira."
Napabuntong hininga ito nang hindi makakuha nang komento sa akin. Inilapag nito sa kama ang bandehadong dala sabay upo at harap sa akin.
" Ako si Trafalgar. Pero kung masyado kang nahahabaang bigkasin ang pangalan ko, maaari mo naman akong tawaging Traffy."
Inilahad nito ang kanyanng kamay na tila nais nitong makipag kamay subalit ako ay nanatiling nakatitig lamang sakanya. Nangangati ang aking kamay na hawakan at pakiramdaman ang maliit na sungay na nasa noo niya.
"Isa akong demonyo – kita mo naman sa maliit kong sungay diba? Pero may dugong bampira at dugong tao na nananalaytay sa aking katawan kaya't hindi ako baliw na nilalang. Hindi buo ang pagiging demonyo ko at higit sa lahat may katangian akong magisip nang tama at mali na wala sa mga demonyo."
Marahan akong napatango tango sa detalyadong eksplinasyon nito. Nang bumaba ang aking paningin sa nakalahad niyang kamay ay kumaway kaway ang mga iyon na tila hinihintay niyang kunin ko ang kamay niya.
Nang ibalik ko sa kanya ang aking tingin ay nginitian niya ako na siyang nanghikayat sa aking iabot ang kamay ko sa kanya subalit--- nang magdaop ang kamay naming dalawa, tila may nahigop sa aking pagkatao.
Nanlalaki ang aking matang napatingin sa kanya at gayon na lamang ang aking pagtataka nang makita ang reaksiyon nito.
Malungkot ang mga matang nakatingin siya sa akin. Sa kanyang postura ay tila ba siya'y pinagbagsakan nang langit ng mga problema at nakaukit sa kanyang mukha ang simpatya at awa.
Bakit? Bakit ganito na lamang siya kung tumingin sa akin?
Tila alam niya ang mga emosyong nakabaon sa loob ko. Mga emosyong nagtatago sa rurok ng aking pagkatao.
Tumikhim ako nang hindi nito maalis ang tingin sa akin at naiilang na binawi ang aking kamay.
"Ubusin mo iyan, Miss Nadia."
Ngumiti ito na siyang ikinatango ko. Mabilis na nawala sa kanya ang kani-kani lamang na emosyong naglaro sa kanyang mukha o baka naman marahil ay pinaglalaruan lamang ako nang aking paningin.
"Napakalakas mong tao. Napakatatag. Walang duda, nararapat ka para sa kanya. Natatakpan man ng kasamaan ang iyong kabutihan, malinis pa rin ang iyong puso. Iyon nga lang.....punong-puno iyon ng mabibigat na emosyon na kahit mismo si Master ay mahihirapang gamutin."
Matapos nitong magsalita ay agad na itong nagpaalam at lumabas nang kwarto. Samantalang ako naman ay naiwang tulala at naguguluhan sa mga binitiwang salita ni Traffy.
~
"Kamusta ang araw mo, Miss Nadia? Nakakatuwa naman at tinggal na ni Rayve ang iyong mga tali subalit alam ba ito ni master?"
Umiling ako kay Mocca na ngayon ay nasa aking harapan habang pinapanuod ako nitong magsulat nang mga pangungusap.
"Hindi ko alam kung ipinaalam na ba nina Elvis at Rayve sakanya. Kapalit ito nang kapatawarang hinihingi nila sa akin."
Natigilan naman si Mocca sa aking sinabi at napatiim bagang ito. "Ganoon ba? Masama ito."
"Pati rin ba ikaw, Mocca? Walang tiwala sa akin?" Madamdaming tanong ko sakanya.
Umiling ito at masuyo akong nginitian. "Hindi sa ganoon, Miss Nadia. Subalit utos ni master ang nilabag nilang dalawa. May kakatwang iyong kaparusahan. At tiyak kong mabigat iyon lalo pa't sangkot ka."
"Paanong mabigat? "
Napabuntong hininga ito at tumayo sa aking harapan matapos ay nagsimulang maglakad nang pabalik-balik na tila kinakabahan.
"Hindi maganda ito. Sigurado akong hindi maganda ang magiging bunga ng ginawa nila sa oras na malaman ni master ang pagsuway nila. Ibang usapan na ang nangyayari kapag kasama ka Miss Nadia, Tiyak, kahit gaano pa kalapit kay master ang dalawang iyon mas mabigat na parusa ang matatanggap nila mula sa kanya." Nagaalalang sambit ni Mocca.
"Huminahon ka nga, Mocca. Hindi sila parurusahan ni master naiintindihan mo ako? Maupo ka rito sa harapan ko at kumalma. Dapat ay magalak ka sapagkat pinatawad ko na sila kung kayat ang ibig sabihin lamang niyon ay patatawarin na rin sila nang hari."
"Kung gayon... ito ang dahilan kung bakit wala sina Vita,Traf,Elvis at Rayve.".
"Anong ibig mong sabihin?"
Mabilis na napatingin sa akin si Mocca at umupo sa aking harapan.
"Si Elvis. kapag sobrang saya niya, nakakalimutan niya ang iba. Sapalagay ko ay sumugod siya sa palasyo upang personal na ibalita kay master ang kaganapang nangyari kanina. Ang tungkol sa kapatawaran mo. Kung kaya't nalimutan niya ang kanyang tungkulin na iniatang sa kanya mismo ni master. Maaaring sumama sina Vita at Traf pero si Rayve... hindi ko alam kung nasaan siya dahil siya mismo ang pinakamatalino sa aming lahat. Siya kadalasan ang nagiisip at nakakakita nang mga resulta ng mga kaganapan para sa hinaharap."
"Kung ganoon naiwan tayong dalawa rito?"
Tumango ito matapos ay problemadong napabuntong hininga.
"Ang masama pa nito.... Paano na lamang kung may mga kalabang bigla na lang dumating dito at sumugod? Kahit kabilang ako sa Elites na napapabilang sa pinakamagagaling na mandirigma, ang aking angking kagalingan ay nakarango lamang sa paggamot. Kung kaya't kahit may kakayahan akong lumaban ay wala iyong kasiguraduhang maipagtatanggol kita sa kanila."
"Ano ba iyang mga sinasabi mo Mocca? Tumigil ka na nga at ipagpatuloy na lamang natin itong leksiyon. Nakalimutan mo na ba kung sino ako? Hindi ko kailangan ng proteksiyon mo. Kaya kong protektahan ang sarili ko."
Ilang sandaling debatihan pa at pangungumbinsi kay Mocca ang ginawa ko bago ito tuluyang kumalma. Mabilis ding natapos ang aming leksiyon kung kaya't ngayon ay magisa na lamang ako sa aking kwarto. Nakahiga at hinihintay ang pagdating ni Vita. Gayumpaman, hindi rin maiwaksi sa aking isipan ang mga alalahaning binanggit ni Mocca.
Makakatanggap nang mabigat na parusa sina Rayve at Elvis – dahil iyon sa akin. Ginamit ko sila.
Niloko at sinira ko ang tiwalang ipinagkaloob sa akin ni Elvis.Hindi maiwasang sumundot nang munting konsensya sa aking dibdib – subalit kapalit naman niyon ay maililigtas ko ang aking kaibigan.
Sana..... sulit ang gagawin ko.