"Hindi mo naman kailangang gawin iyon sa kanilang dalawa. Kasalanan ko. Tumakas ako at si Rayve mismo ang sumundo sa akin, hindi mo na sila kailangang parusahan."Pagbasag ko sa katahimikan sa loob ng silid.
Naalala ko ang sinabi sa akin ni Rayve noong nasa gubat ako patungo sa Algerioun.
'Inisip mo ba ang magiging sitwasyon naming naiwan doon sa oras na malaman ni Master na tumakas ka?'
'Lahat kami Miss Nadia ay makakatanggap nang matinding parusa dahil pinabayaan namin at hinayaang makatakas ang tinatangi at pinakaiingatang mate ni master'
Ngayon, kinakain na ako nang konsensyang itinaboy ko habang ginagawa ko ang pagtakas ko.
Napabuntong hininga na lamang ako habang hinihintay siyang magsalita.
Nakaupo ang hari sa may sopa at may hawak itong kopita na maya't maya niyang nilalagok habang nakatitig sa akin.
Hindi ako sanay sa pagiging tahimik nito at hindi ko rin maiwasang makaramdam nang kaunting takot sakanya lalo pa't patuloy na naglalaro sa aking isipan ang ginawa niya sa dalawa – lalong lalo na ang pagiiba nang kulay nang mata nito at ang galit na nakita ko mula roon.
"Bakit mo ginawa iyon? Ganoon ba ang pagkasuklam mo sa akin kaya't pinili mo na lang tumakas? Kung hindi naman, babalik ka pa ba sa oras na umalis ka? Babalikan mo pa rin ba ako?"
Natigilan ako sa sunod sunod na tanong nito. Hindi ako makahanap nang tamang salita para sagutin ang mga tanong niya.
Bakit ko ginawa? Dahil kailangan ako ng kaibigan ko.
Ganoon ko ba siya kaayaw? Hindi. Hindi ko alam ang sagot diyan dahil sa tuwing dumadating sa puntong sinasabi ko na ayaw ko sayo....tumatanggi naman ang puso ko.
Babalik pa ba ako? Hindi ko rin alam. Wala sa plano ko ang pagbalik, lalong lalo na sayo – subalit sa isiping hindi na kita makikita ulit tila ba'y nagkaroon nang malaking puwang sa aking puso. Pinipiga ito sa kaalamang wala ang larawan mo kasama ako.
Imbes na sabihin ang lahat nang sagot ko sakanya mula sa aking isipan, nagtanong akong muli.
"Ako na lang. Maaari bang ako na lang ang tumanggap nang parusa na ihahataw mo sa kanila? Ang mga Elites..... mababait sila. Maalaga. At masaya ako dahil nakilala ko sila....maliban kay Vita." Bulong ko sa huling bahagi bago nagpatuloy sa pagsasalita.
"Hindi nila gustong suwayin ang utos mo pero ginawa kong dahilan na kapag tinanggal nila ang tali sa akin ay patatawarin ko na rin sila, hindi ba't ang kapatawaran ko ay ang kapatawaran mo rin? Tama na ang ginawa mo kanina. Sapat na iyon para sa kanila----"
"Wala kang karapatang pangunahan ako sa disisyon ko tungkol sa kanila. Sila ang nagkasala kaya't sila ang tatanggap nang parusa. At ikaw, ibang kaparusahan ang matatanggap mo. Naisip mo ba ang panganib na haharap sayo sa oras na lumabas ka sa bahay na ito? Kulang pa ba ang pagtali ko sa kamay at paa mo? Marahil masyado akong maluwag sayo. Siguro mas marapat na itali ka nalang mismo sa kama. Yung tipong ni umupo ay di mo magawa."
Naginit ang aking ulo sa sinabi nito at matalim siyang tiningnan.
"Anong karapatan mong gawin iyan?! Sino ka ba para ikulong ako sa bahay na ito?!" Hindi ko maiwasang bulyaw sa kanya na agad ko ring pinagsisihan nang makita ang dumaang sakit sa kanyang mata. Mabilis iyong natakpan ng blangko at napakalamig na tingin.
"Sino ako? Ako ang mate mo. Ang prumoprotekta sa buhay mo. Ako ang nagmamayari sayo kaya't may karapatan akong gawin ang mga bagay na alam kong makabubuti sa iyo lalo na sa kaligtasan mo." Kalmadong sagot nito.
Napasinghal ako sa sinabi niya at hindi ulit maiwasang sumagot.
"Makabubuti? Kailan naging mabuti sa akin ang maitali rito – sa mismong kama na ito na labag sa kalooban ko?! Kailan ako naging ligtas kung ikaw mismo ang kalaban ko?! Nakakalimutan mo na ba kung ano ka? Puwes! Pinaaalala ko lang sayo, ikaw ang hari ng mga bampira! Bampira! Na siya mismong kinasusuklaman ko – kalaban ko! Kaya ko ang sarili ko at hindi ko kailangan ng proteksiyon mo! Itigil mo na ito at mabuti pang pakawalan mo na ako."Mabilis ang pagtaas baba nang aking dibdib habang nagbabaga ang aking matang nakatingin sa kanya.
Tahimik lamang itong nakatingin sa akin. Wala na roon ang blangko at malamig nitong emosyon kundi napalitan iyon nang hindi ko maipaliwanag na emosyon. Habang nakatitig sa mata niyang nagiging abuhing kulay, tila ba nasasalamin ko roon ang isang kahinaan, nakikita ko ang kanyang nararamdaman. Ang kahinaang malaya niyang ipinapakita sa akin at ang kalayaan kong makita ang kanyang damdamin.
"Kung ganoon...isang kalaban ang tingin mo sa akin? Matapos nang mga bagay na pinagsaluhan natin? Hindi mo parin matanggap na ako ang para sayo? Na ako ang mate mo?" Mahinang sambit nito bago natawa nang may panguuyam sa kanyang sarili at mapait na ngumiti.
"At heto ako....inakalang ayos na ang lahat. Akala ko tanggap mo ako sa kabila nang pagiging bampira ko – sa kabila ng pagiging kalaban ko, katulad nang pagtanggap ko sayo at pagtalikod sa responsibilidad ko. Mali pala. Isang malaking maling pagaakala lang pala ang lahat."
Napabuntong hininga ito at hindi nakatakas sa aking paningin ang pagdaan nang kabiguan sa kanyang abuhin mata.
"Ngapala, bumalik ako rito para sana sabihing ibinigay ko na ang anunsiyo sa buong Vernum — na ikaw ang pinili ko – ang magiging Reyna ko at ang habang buhay na makakasama ko habang mamumuno sa palasyo kahit pa taliwas iyon sa kagustuhan ng lahat. Narito ako para sana sabihin sa iyo ang magandang balita na kahit mahirap – kahit ilan pang paghamon ay tatanggapin ko – para lang maipaglaban ka. Ang kalayaan mo kasama ako. At ang paghikaya't na tanggapin ka rin ng ibang nilalang na kalaban mo dahil ikaw, ang siyang makakasam kong mamumuno sa lupaing ito. Alam mo bang tinalikuran ko ang buong sangkatauhan para sayo? Sabihin na nating hindi mo naman sinabing gawin ko iyon pero ikaw — Ikaw ang pangarap ko. Ikaw ang babaeng matagal na panahon kong hinintay sa buong buhay ko. Ikaw ang babaeng minsan lang mangyayari sa akin. Kaya't mas ninais kong piliin ka kaysa sa lahat ng nilalang sa mundo. Mas ninais kong makasama ka kaysa tuparin at isakatuparan ang kaligtasan ng lahat ng nilalang dahil ikaw---- nagiisa ka sa mundo. Mas mahalaga ka sa ibang nilalang. Maging sa buhay ko at kapangyarihang taglay ko o katayuan ko sa mundong ito. Sana.... Sa kapalit nang lahat nang sakripisyong ginawa ko sa iyo isa lang ang hiling kong kabayaran.... Bigyan mo ako nang pagkakataong patunayan ang sarili ko sayo. Hindi bilang kalaban kundi bilang hari ng mga bampira na karapatdapat sayo bilang isang mate mo. Iyon lang Nadia, wala nang iba."
"Iyan ba ang paraan mo nang pagsabi sa nararamdaman mo tungo sa isang tao?" Taas ang isang kilay na tanong ko sakanya.
Hindi naman ito makapaniwalang tumingin sa akin. Bubuka at magsasara ang kanyang bibig na tila ba'y isang isda. Marahil hindi nito inakala na sa mahaba at madamdamin nitong sinabi ay iyon ang sagot ko.
"Kasi... kulang ka ng salitang 'mahal kita'."
Matagal itong napatitig sa akin.
Natunaw ang galit na kani kanina lamang ay nadarama ko sa kanya, napalitan iyon ng hindi maipaliwanag at kakaibang saya sa aking dibdib. Naguumapaw at tila walang mapagsidlan. Wala akong masabi kundi iyon sapagkat napuno ang utak ko ng mga salitang binitiwan niya. Kahit pa ba'y parang sumbat iyon sa mga ginawa niya sa akin wala akong pakialam dahil sa loob ng mga sinabi niya, naroon nakasalaysay ang mga nararamdaman niya sa akin.
Malakas ang pagtibok na aking puso at labis ang sayang nararamdaman ko. Hindi ko rin mapigilan ang pagkawala nang isang malapad na ngiti mula sa aking labi kahit gaano ko pa gawing seryoso ang aking mukha at kagatin ang magkabilang gilid nang aking pisngi.
Nang hindi ito natinag mula sa kanyang kinauupuan,nagsalita ako.
"Ang isang pabor na hinihingi mo sa akin ay ibibigay ko....ng buong puso.Subalit, hindi mo na ako itatali mula sa kama katulad nang sinabi mo kanina."
Payapa ang kalooban ko at masaya sa mga salitang sinabi ko sakanya.
Bibigyan kita nang pagkakataon dahil kahit hindi ko man maamin sa sarili ko.....matagal na kitang tinanggap bilang isang mate ko simula nang gabing magtagpo ang ating mga mata.
Ang kailangan mo lang gawin, ay patunayan sa akin ang iyong nararamdaman.
Unti unti, mula sa hindi pagkakatinag gumuhit ang isang ngiti sa kanyang labi. Lumapad iyon hanggang sa mauwi sa tawa at mabilis pa sa kidlat na nakarating ito sa aking harapan. Yakap yakap ako nang mahigpit habang pinupupog naman ng nakangiti nitong labi ng halik ang buo kong mukha.
Napatawa na lamang ako sa masayang reaksiyon nito at ipinulupot ang aking mga braso sa kanyang baywang at ginantihan ang kanyang yakap.
"Salamat. Maraming salamat my Queen."
~