Chereads / The Former Villain / Chapter 4 - Chapter 2

Chapter 4 - Chapter 2

Kitkat Reyes

Nagmamadali akong pumunta sa unang klase kasi medyo late na ako dahil sa traffic. Okay lang naman kasi may allowance pa na five minutes pero kapag lumagpas na, 'di na ako makakapasok. At ayokong mangyari iyon sa unang araw ng klase.

Pagkaliko sa corridor ng 2nd floor, bigla kong nakita sa malayo sina Clark at ang grupo niya. Automatic naman akong tumalikod at nagtago sa gilid lang ng dingding kasi paparating sila sa kinaroroonan ko. Kailangan ko silang iwasan hindi dahil sa sobrang ayaw ko sa kanila dahil gangsters sila, kundi dahil nandiyan si Clark at 'di ko alam kung anong gagawin ko kung magkaharap kami.

'Di ko kayang harapin ang ex-boyfriend ko!

Sobrang lakas ng tibok ng puso ko sa kaba. Pinagpawisan ako ng todo!

Matagal na akong nag-aaral sa University na ito. Mula first year highschool hanggang 2nd year college na ako ay dito na talaga ako nag-aaral kaya kabisado ko na ang lahat ng pasikot-sikot sa paaralang ito at pati na rin ang tungkol sa hierarchy system at rankings.

Simple at mapayapa noon ang pag-aaral ko rito at ayoko noon pa sa mga gangsters o sa kahit anong basagulero.

Ayoko sa gulo.

Wala naman kasi ang hierarchy na ito sa highschool dito lang sa college. Magkalayo kasi ang college at high school area.

Pero n'ong last year na niligawan ako ni Clark, isang leader ng rank one group sa rankings nilang mga gangsters, unti-unti ko silang nagustuhan. Pero dahil sa nahulog na ako kay Clark no'n, nagsimula na ring gumulo ang buhay ko. Palagi ko siyang sinusuportahan at pati na ako naapektohan na ng hierarchy. Sa tuwing may competition, nanunuod ako at nati-thrilled.

Naging kami at umabot iyon ng six months. Sa loob ng mga buwang iyon, minahal ko siya nang husto at nararamdaman ko rin namang totoo ang feelings niya sa 'kin. Pero nagsimula siyang naging malabo sa 'kin nang may isang babaeng transferee na dumating. Isang napakaganda at sexy.

Naging sikat siya sa paaralang ito 'di dahil sa kagandahan niya kundi dahil marunong at magaling siyang makipaglaban. Maraming gangsters na mga babae at lalaki na humahamon sa kanya at palagi siyang panalo. Nakaaway niya rin si Clark ng one on one at sobrang galing niya. Siya lang sa lahat ng nakaaway ni Clark ang pinuri nito.

Lahat bilib sa kanya.

Sa huling buwan naming ni Clark, nalaman ko na lang na naging sila na habang kami pa. Ni hindi man lang ako kinausap ni Clark tungkol dito. One time hinarap ko na siya at sumisigaw na parang tanga para lang magpaliwanag siya sa 'kin. Pero sabi niya lang nahulog na siya kay Noreen at nawalan na siya ng feelings sa 'kin. Iniwan niya ako sa gan'ong dahilan.

Narinig ko pang pinag-usapan ako ng mga kagrupo niya, silang lahat fake pala sa 'kin. Ayaw pala nila sa 'kin at napipilitan lang na kaibiganin ako dahil kay Clark. Mas mabuti na raw na sila na ni Noreen at may silbi pa sa grupo.

Simula noon, iniiwasan ko na sila. Palagi ko ring nakikita na magkasama silang lahat kasama si Noreen. Kabilang na kasi ito sa grupo ni Clark at one of the boys siya kumbaga. Palagi silang magkasama at naglalambingan, isa sa dahilan kung bakit ayoko silang makita.

May mga times na makasalubong ko talaga sila kahit anong pilit kong pag-iiwas kaya yumuyuko lang ako. Pero si Noreen palagi akong pagtripan, pati na rin ang mga kagrupo nila. Kapag napatingin pa ako kay Clark, nakikita ko lang na natatawa rin siya sa mga pinaggagawa ng members niya sa 'kin. Hindi ko tuloy alam kung totoo ba talaga ang pinakita niya sa 'kin noon o ako lang ang nagmahal ng husto.

Mas lalo akong nagtago sa gilid nang marinig ko ang malakas nilang tawanan. Kinakabahan ako lalo at parang maubusan na ako ng hininga. Bakit palagi na lang ganito tuwing nandiyan sila?

Bigla namang may matangkad na lalaking dumaan sa gilid ko na may hawak-hawak na papel. Isang study load at isang booklet guide sa paaralang ito. So alam kong baguhan siya rito, at ngayon ko lang rin siya nakita.

Maypagkahaba ang buhok niya at sobrang seryoso ng mukha niya. Para pa itong strikto. Napakaputi at makinis din ang balat niya, mas maputi pa sa 'kin. Napakabango rin niya kaya nakapagtataka kung pa'no napadpad ang isang 'to sa paaralang ito. Kahit private ang university na ito, parang hindi talaga siya bagay dito.

"Hahahahah naks pare!"

Muling nanlaki ang aking mata nang marinig sila. Ilang hakbang na lang ay makikita na nila ako. Nang nakita ko na ang anino nilang papaliko na sa pwesto ko, mabilis kong hinablot ang booklet at study load na hawak ng transferee.

"Oy si Kitkat! Pft!"

Kunwaring 'di ko pinansin ang sinabi ng member ni Clark at binasa lang ang nakasulat sa study load. Nagulat pa akong magkaklase pala kami.

"Jax Blaine Connor. Magkaklase pala tayo! H-halika na! L-late na tayo!"

Sinalubong ko ang masama niyang tingin at nag-puppy eyes sa kanya na sana makisabay siya sa 'kin. Agad ko siyang hinila paalis at buti nagpahila naman. Pero pagdaan namin sa gilid nina Clark, biglang hinawakan ni Lance, isang member nila, ang braso nitong Jax Blaine dahilan nang napahinto kami pareho.

OMG! Nanlalamig na ako sa kaba!

'Lord tulungan mo po ako kahit ngayon lang!'

"B-baguhan palang po s-siya rito. 'W-wag niyo namang damayin..." nakayuko kong sabi. Takot akong makasalubong ang mga tingin nila, lalo na kay Clark. Mahigpit ko pa ring hinawakan ang braso nitong transferee para kung may mangyaring 'di maganda, agad kaming tatakbo.

Tumawa naman silang lahat. At alam kong pati si Noreen, pinagtatawanan ako.

Nagulat na lang ako nang mabilis na inagaw nitong Jax ang braso niya sa pagkakahawak ni Lance. Sinamaan pa niya ito ng tingin dahilan ng natigil sila sa pagtawa. Naging seryoso ang atmosphere at nakita ko pang nag-smirk si Clark.

Bago pa may mangyaring 'di maganda, mabilis akong humingi ng tawad sa kanila tsaka nagmamadaling hinila na paalis ang transferee.

"Ito ang unang bagay na dapat mong matutunan sa pag-enroll mo sa paaralang ito... ang iwasan sila, ang iwasan ang gangsters at hindi sila galitin. Para na rin sa kabutihan mo. Jusko parang naubusan ako ng hininga kanina!"

Tiningnan ko saglit ang mukha niya at parang naba-badtrip na siya. Huminga ako nang malalim. "Naku! 'wag ka nang ma-badtrip sa nangyari, ibaba mo muna iyang pride mo. Hindi mo sila kilala kaya okay lang na tumakbo tayo palayo sa kanila."

Mukha kasing ma-pride siyang tao. Baka naapakan ang pagkalalaki niya dahil tumakbo kami nang 'di lumalaban.

Bigla naman siyang huminto at pwersang hinila ang kamay niya sa pagkakahawak ko kaya napahinto ako bigla at napalapit sa kanya dahil sa paghila niya. Nabunggo ako sa matigas niyang dibdib niya.

'Anong nangyari? Ba't parang napakabilis n'on?'

Umatras siya sa 'kin tsaka nag-crossed arms sa harapan ko. Tiningala ko siya para makita ang mukha niya. OMG! Ang strikto ng mukha niya! Nagkasalubong ang kilay niya at badtrip na badtrip.

"I don't care about them and I'm not even afraid!"

Sa isang tingin palang, masasabi na talagang may kaya 'tong isang 'to. 'Di ko lang talaga inakalang englishero din pala. Oh my god! Pa'no siya napadpad sa cheapest private school na 'to?

Mula sa pagkagulat ko, natawa ako ng kunti. Napailing ako at tinalikuran siya.

"Nasabi mo lang 'yan kasi baguhan ka pa lang at 'di mo pa sila kilala. 'Yan ang palaging sinasabi ng mga transferee pero napatalsik din pala. Tsk! Tsk! Tsk!"

Kinagat ko ang labi ko para pigilang ngumiti. Nahihibang na siguro ako ngayon. Ba't ba ako kinilig sa kagwapohan niya? Kung tutuusin mas attractive pa nga siya kesa kay Clark eh!

Yiieeeh! Gusto kong makipag-close sa kanya! Landi!

Kusa akong tumabi sa kanya sa klase at pilit siyang kinakausap pero wala siyang pake sa 'kin at 'di man lang ako iniimikan. Parang palagi pang malalim ang iniisip niya. Mas na-challenge tuloy ako nang may pagka-mysteryoso siya.

Buti na lang at 'di siya pinatulan nina Clark. Walang pinapansin si Jax Blaine na iba kundi ang mga guro lang. Parang palagi itong bored o parang tamad pero palaging first rank.

Nagsimula lang iyon sa simpleng pagkatuwaan ko sa kanya pero kikiligin ako tuwing tumitingin siya sa 'kin. 'Di man niya ako kinakausap, parang napapansin niya ako sa pagtingin lang niyang iyon.

Hanggang sa 'di ko na lang namalayang nagiging obsess na ako sa kanya. 'Di ko mapigilan ang sarili ko at minsan sinunusundan ko siya sa tuwing break time namin, block section kasi kami kaya magkaklase kami sa lahat ng subjects. Sa tuwing sinusundan ko siya, palagi siyang mawawala na parang bula.

Ilang buwan na at 'di pa rin niya ako kinakausap. Wala rin naman siyang kinakausap na iba kaya okay lang sa 'kin. Minsan dahil sa pagpapapansin ko, kung anu-ano nang kwenento ko sa kanya. Minsan mga sama ng loob ng mga ka-grupo ni Clark. Mga hinanakit sa buhay. Mga nakakatawang nangyari at mga walang sense. Alam ko namang wala siyang paki kaya 'di rin ako nahiya sa pagkekwento ng kung anu-ano.

Pero sa tuwing nakikita niya akong inaapi ng kagrupo nina Clark o ni Noreen, dadaan lang siya at hindi ako tinutulungan. 'Yon lang ang time na pinakanasaktan ako sa kanya kahit hindi ko naman karapatang masaktan.

At sa wakas!

Napansin niya na ako! 'Di lang ako pinansin, binanggit pa ang pangalan ko kaya mas lalo akong kinilig sa simpleng bagay. Tinitigan pa niya ako sa mata! Yiiieeh! Achievements ko na iyon!

Umaakting pa siyang walang pake eh mey peke pele she seken!

Ilang buwan ko pa lang siyang nakilala kaya wala akong alam tungkol sa kanya kahit katiting na bagay. At hanggang ngayon, nacu-curious pa rin ako kung anong klaseng tao si Jax Blaine.