Chereads / FIND ME: A Love Through Eternity (FILIPINO VERSION) / Chapter 43 - CHAPTER 42 "MOMENT OF TRUTH"

Chapter 43 - CHAPTER 42 "MOMENT OF TRUTH"

KATULAD ng sinabi ni Daniel sa kaniya nasa malaking bahay ang mga magulang at kapatid niya at doon nga niya inabutan ang mga ito. Nakangiti si Marielle nang salubungin siya nito at yakapin.

Pagkatapos ay mabilis rin siyang niyaya ng mga ito kasama ang mga magulang at pati narin ang bunsong kapatid niya na kumain na dahil nakahanda narin ang hapunan sa komedor.

Puno man ng pagtataka ay mas pinili narin ni Ara ang hindi magtanong at hintayin nalang ang sasabihin ni Daniel tungkol sa naging resulta ng pagpapasuri nito.

Pagkatapos kumain ay niyaya siya ng binata sa garden kung saan naroon ang isang swinging bench na may canopy at yari sa bakal. Naupo sila doon ng magkatabi.

Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan. Parang walang kahit isa sa kanila ang may gustong magsimula ng usapan dahil alam din naman nila pareho kung ano ang magiging topic nila kaya sila naroroon.

Nang hawakan ni Daniel ang kamay niya ay noon minabuti ng dalaga na ihilig ang kaniyang ulo sa balikat ng kaniyang nobyo.

Kinakabahan siya pero ayaw niyang magpa-lamon ng husto sa kabang iyon. Alam niyang kapag nangyari iyon ay tuluyan nang mawawala ang lahat ng tapang na pilit niyang inipon nitong nakalipas na mga araw.

"H-Hindi na matutuloy ang birthday celebration ko, sweetheart," iyon ang bumasag sa tila ba walang katapusang katahimikan na kanina pa naghahari sa paligid nilang dalawa.

Maang siyang napalingon saka napatitig kay Daniel. "W-What?"

Hindi man maganda ang kutob niya ng mga sandaling iyon ay pilit parin niyang iniignora ang lahat kung anumang nararamdaman niya at pinagsikapan na gawing mas kalmado ang kaniyang sarili.

"As soon as possible kailangan ko nang dumaan sa treatment," ang binatang ngumiti pa pero pilit naman, pagkatapos ay nilingon siya.

Mabilis na naramdaman ni Ara ang pag-iinit ng sulok ng kaniyang mga mata. Pati narin ang hindi makatarungang sakit na gumuhit sa kaniyang dibdib.

"I-Ibig bang sabihin nito---,"

"Oo," ang binatang pinutol na ang kaniyang pagtatanong. "nakakatawa nga eh, parang recorded ang sinabi sa akin nung naunang doktor. Parang inulit lang nitong pangalawa para marinig mismo ng nanay at kapatid ko," pagpapatuloy pa ni Daniel saka tumawa ng mahina.

Ramdam ni Ara ang kapaitan sa tawang pinakawalan na iyon ng kaniyang nobyo. Pero ayaw niyang maubusan ng pag-asa kaya kahit mahirap ay pilit niyang pinasigla ang kaniyang tinig nang muli siyang magsalita.

"K-Kumuha tayo ng third opinion, tapos---,"

"Tapos ikaw naman ang isama ko para ikaw naman ang mismong makarinig ng parang recorded na sasabihin na naman ng doktor? Hindi nalang sweetheart, ayokong makita ka sa ganoong sitwasyon, mas mahihirapan ako," anitong itinaas ang kamay niya saka iyon hinalikan.

Nang mga sandaling iyon isa lang ang naramdaman ni Ara, ang unti-unting pagtakas ng lahat ng lakas ng loob at positibong pananaw na inipon niya sa nakalipas na mga araw. Iyon rin ang dahilan kaya hindi na niya napigilan ang mapaiyak habang nanatiling nakahilig ang kaniyang ulo sa balikat ng binata.

"Ano ka ba, magpapagamot pa ako, malay mo iyong four to six months na sinasabi ng doktor maging six months to one year?" si Daniel na pinasigla pa ang tono saka sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.

Lalong nagtumindi sa paghihirap na nararamdaman ni Ara sa sinabing iyon ng kaniyang nobyo. "Ibig sabihin ba nun talagang hanggang doon nalang kita makakasama? Four to six months?" aniya sa pagitan ng pagpupumilit niyang magpakatatag kahit ang totoo ay gusto na niyang umatungal ng malakas ng iyak.

Noon hinawakan ni Daniel ang magkabila niyang balikat saka siya maingat na pinihit paharap rito. Pagkatapos noon ay hinawakan nito ng mahigpit ang kaniyang mukha. Hindi alitana kung basang-basa man iyon ng kaniyang mga luha.

"Lalaban ako, para sa'yo. Malay mo maawa sa atin ang Diyos at bigyan Niya tayo ng himala," ang binatang ngumiti pa. "Huwag kang umiyak, kailangan kong makita ngayon iyong matapang na Ara na sumampal ng malakas sa akin kaya ko siya hinalikan," anitong lalong lumapad ang pagkakangiti dahil sa huling sinabi.

Natawa ng mahina doon ang dalaga saka tumango ng magkakasunod. "M-Magpakasal na tayo Daniel, please?" hindi niya pinilit na lumabas siyang parang nagmamakaawa pero ganoon parin ang kinalabasan ng tono niya.

Tumango ang binata. "Hindi na ako babalik sa school. Pero gusto ko habang kaya ko pa tuturuan kitang mag-drive, para hindi mo na kailanganin pa ang mag-commute. Mas safe iyon para sa iyo at mas mapapanatag ang kalooban ko," anito sa kaniya. "Magiging asawa na kita kaya ang lahat ng akin ang magiging sa iyo narin. Alam mo bang sa akin nakapangalan ang bahay na ito? Kaya bilang babaeng pakakasalan ko magiging sa iyo narin ito," ang mabait na kausap sa kaniya ni Daniel na lalong nagpabalong sa kaniyang mga luha.

Dapat sana ay maging masaya siya sa lahat ng naririnig niyang sinasabi ng binata. Pero kabaligtaran ang totoong nararamdaman niya dahil ang lahat ng iyon ay nagiging dahilan lamang ng labis na paghihirap ng kaniyang kalooban.

Mas magiging maganda sana ang bawat bukas niya kung kasama niya ito. Sa lahat ng masasayang pangyayari sa buhay niya. Pero iba ang mangyayari at iba at kalalabasan ng lahat dahil kung ang taning sa buhay nito na ibinigay ng doktor ang paniniwalaan niya hindi magtatagal at ang lalaking ito ay tuluyan nang mawawala sa kaniya.

Napakasakit at parang hindi niya matatanggap ang ganoon. Pero hindi niya kayang ipakita sa binata na nagkakaganito siya dahil kung ito mismo na may sakit ay hindi nawawalan ng pag-asa na gagaling parin ito dahil sa labis nitong pagmamahal sa kaniya.

"Magpapaalam ako sa mga magulang ko, gusto kitang samahan, starting tonight," aniya sa binata.

"Talaga?" ang hindi makapaniwalang naitanong naman sa kaniya ni Daniel.

"Iyon naman ang talagang plano natin hindi ba? Sinabi ko naman sa iyo, mahal na mahal kita at kahit ano pang lumabas na resulta o maging ending ng lahat ng ito hindi ako mawawala sa tabi mo."

Noon siya tuluyang kinabig ni Daniel at mahigpit na niyakap. "P-Patawarin mo ako kung sakali man hindi mo ako makakasama sa pagtanda mo, hindi kita maaalagaan," ang binatang nabasag na ng tuluyan ang tinig sa pagkakataong iyon.

Sa pagkakataong iyon ay hinayaan narin ni Ara na muling kumawala ang kaniyang mga luha. Hindi naman siguro masamang umiyak dahil totoo naman silang nasasaktan.

"Salamat, maraming salamat sa lahat," si Daniel na hindi parin bumibitiw sa mahigpit nitong pagkakayakap sa kaniya.

"P-Parang hindi ko kaya, nasanay na ako na nandito ka," sagot namang niyang gumanti ng mas mahigpit na yakap sa binata.

Wala siyang narinig na kahit anong sagot mula sa binata. Kaya naman sa huli ay nagmistulang ang mga mahihinang paghikbi nalang nila ang nagsasagutan.

Ito ang totoo, pero ayaw niyang maniwala. Sa klase ng sakit na dumapo sa kaniyang nobyo alam niya na kahit gaano katindi ang klase ng gamutan na pagdaanan nito doon rin ang punta ng lahat. Sa huli ay maiiwan parin siyang mag-isa.

Napakasakit tanggapin at hindi niya ma-imagine na ang isang taong kasing buti ni Daniel ang siya pang nagkaroon ng ganitong klase ng karamdaman. Kaya hindi niya maiwasan ang magtanong.

"Sana mamatay narin ako, kasama mo, gusto kong sumama sa'yo, mahal na mahal kita, ayokong maiwan dito ng mag-isa," sa kalaunan ay pinili narin ni Ara na sabihin sa kaniyang nobyo ang totoo.

Hindi na niya kayang itago at kimkimin pa ang lahat. Pakiramdam niya hindi niya magagawang maging matatag kung patuloy niyang itatago mula rito ang katotohanan na sa kaibuturan ng kanyang puso ay hirap na hirap na siya.

"Gumawa ka ng paraan, huwag mo akong iwan ng mag-isa dito, hindi ko kaya, mamamatay ako sa lungkot kapag nawala ka," ang pabulong niyang sambit saka mas hinigpitan pa ang pagkakayakap sa binata sa paraan na parang nandoon ang buhay niya kahit kung tutuusin ay iyon naman talaga ang totoo.