Chereads / MissA_begail16's Short Stories / Chapter 2 - ~ Kinang ~

Chapter 2 - ~ Kinang ~

"Ayoko na sa ganitong buhay! Sawang-sawa na ako!" sigaw ni Sonia habang naglalakad patungo sa direksyon ng pinto bitbit ang isang malaking bag. "Hindi ito ang inaasahan kong buhay nang sumama ako sa iyo!"

"Hindi pa ba sapat ang mga pagsisikap ko para sa pamilya natin? Ibinibigay ko naman ang kaya ko, hindi tayo sumasala sa pagkain!" galit ding sigaw ni Andrew habang nakasunod sa papalabas na asawa.

"Hindi ito ang inasahan ko sa mga binitiwan mong pangako! Dalawa na ang anak natin pero hindi mo pa rin naipaparanas sa akin ang marangyang buhay na gusto ko," mariing sabi ni Sonia sabay piksi sa kamay ng asawa na humawak sa kanyang braso.

"Mama!" Sabay na palahaw ng kanilang mga anak. Si Joan, sampung taong gulang at si Andrei, walong taong gulang.

Binalewala lahat iyon ni Sonia at nagtuloy sa sasakyang naghihintay sa kanya. Lulan niyon ang bagong karelasyon na isang mayamang lalaki.

---

Napatigil si Andrew sa pagsunod nang makita ang magarang sasakyang nilapitan ng kanyang asawa at mabilis na sumakay doon dahil hindi niya inasahan na may kapalit na agad siya sa buhay nito. Tanging pagtanaw na lamang ang kanyang nagawa habang unti-unting lumalayo ang sasakyan kung saan naroon ang babaeng pinakamamahal niya.

Kasunod niyon ang hindi na napigilang paglalandas ng kanyang mga luha habang dahan-dahang gumuguho ang lahat ng mga plano at pangarap na kanyang binuo at pinagsisikapang makamit para dito at sa kanilang mga anak.

"Bakit nagawa mo sa `kin `to? Sa pamilya natin? Kaunting panahon na lang naman ang kailangan ko at maibibigay ko na ang buhay na gusto mo, kaunting panahon nalang at makakapagpakasal na tayo…" Nanghihinang bulong niya habang naglalakad pabalik sa loob ng bahay kung saan patuloy na nag-uumiyak ang kanyang mga anak. "Tahan na kayo... `Wag kayong mag-alala nandito pa naman si papa eh," alo niya sa mga anak na mabilis na tumakbo at yumakap sa kanyang mga binti nang makita siya.

"Hindi na po ba babalik si mama?" humihikbing tanong ni Joan. "Ba-bakit po siya umalis?"

"Ssshhh. Pasensya na anak, hindi ko rin alam kung babalik pa ang mama mo." Tanging sagot niya habang inaakay ang mga ito patungo sa kanilang sofa.

Tahimik siyang lumuluha habang kalong ang dalawang anak at dinadampian ng mga halik sa tuktok ng ulo hanggang sa makatulog ang mga ito dala ng pagod sa pag-iyak.

"Hindi ko kayo pababayaan," bulong niya sa natutulog na mga anak. "Ipapakita ko sa mama ninyo kung ano ang sinayang niya. Kusa siyang umalis dapat marunong siyang bumalik…"

— Five Years Later —

Hindi ako makapaniwala na ganito ako ngayon. Akala ko kapag sumama at nagpakasal ako kay Hector ay giginhawa ang buhay ko dahil mapera siya, nabibili ang lahat ng gusto ko, napupuntahan ang mga lugar na gusto kong puntahan.

Ang yamang inaakala kong walang katapusan ay naglaho sa isang iglap nang mahuli ang 'boss' nito na isa palang pinuno ng sindikatong nagbebenta ng droga.

Pero ito ako ngayon, nakatanaw sa pamilyang dating akin na ipinagpalit ko sa kinang ng salapi. Ang pamilyang dating akin, pero ngayon iba na ang nagmamay-ari dahil wala na akong karapatan simula ng magpakasal ako sa iba at iwan sila.

Ngayon kitang-kita ko ang masaya nilang mukha habang nagkukwentuhan sa terrace ng bagong gawang bahay habang nakakubli ako sa gilid ng isang poste ng ilaw.

Wala na ang dati naming bahay na kaunting tulak na lang ay tutumba na. Ngayon sementado na at may dalawang palapag.

Ngayon sementado na at may dalawang palapag. Nakita ko ring may kotse na rin sila. Kitang-kita ko ang masayang mukha ng aking mga anak habang kaharap ang babaeng sa tingin ko ay kaedad ko lang.

At nang makita ko si Andrew na lumabas at nakihalubilo sa mga ito na may buhat na isang batang babae ay para akong binuhusan ng malamig na tubig, lalo na nang dampian nito ng halik ang babae.

Ang buhay na iniwan ko dahil sa hindi ko na kaya ang hirap at dala na rin ng inggit sa mga dating kabarkada ko ang siyang kinasasadlakan ko ngayon. At alam kong wala na akong kawala dahil legal ang kasal namin ni Hector, hindi tulad ng magkasama pa kami ni Andrew na nag-live-in lang.

Sising-sisi ako dahil sa maling desisyon ko noon. Sinayang ko ang lahat ng meron kami, ngayon ko lang naisip na kahit hindi marangya ang buhay namin ay masaya naman kami, ako lang ang hindi nakontento.

Wala na ring saysay magsisi man ako dahil huli na ang lahat. Humahagulgol na tumalikod na ako para umalis sa lugar na iyon at hindi na nagpakita pa.

Dala sa dibdib ang walang katumbas na panghihinayang at pagsisisi. Kung naghintay lang sana ako katulad nang sinabi noon ni Andrew at hindi nasilaw sa perang ibinabalandra sa akin noon ni Hector ako sana ang nasa lugar ng babaeng iyon ngayon. At masaya pa rin ako kasama ang tunay kong pamilya.

Tunay ngang nasa huli ang pagsisisi.

End.