Chereads / MissA_begail16's Short Stories / Chapter 4 - ~ Pagod ~

Chapter 4 - ~ Pagod ~

"Trish, kailan ka ba maghahanap ng trabaho? Isang linggo ka nang nakatengga dito sa bahay. Marami tayong gastusin at bayarin, alam mo namang kulang ang kinikita ng tatay mo sa pamamasada ng tricycle," sabi ni nanay habang kumakain kami ng hapunan ng gabing iyon. "Maging ang kinikita ko sa paglalabada ay hindi na sapat dahil sa pagbubukas ng laundry-han diyan sa labasan. Nabawasan na ang mga nagpapalaba sa akin."

"`Nay, `di ba sabi ko magpapahinga lang ako ng isang buwan pagkatapos maghahanap na ulit ako ng trabaho?" malumanay na sagot ko dito.

"Bakit kailangan mo pang magpahinga at ang tagal naman? Eh ang tatay mo nga walang pahinga sa pamamasada mula madaling araw hanggang gabi. Araw-araw. Ang bata-bata mo pa ang dali mo namang mapagod?"

"`Nay naman…."

"Sabihin mo kung bakit kailangan mo pang magpahinga bago ka humanap ulit ng trabaho at ng maintindihan ko. At isa pa hindi kami nagpakahirap na pagtapusin ka ng pag-aaral para maging tambay. Ano'ng silbi ng pinag-aralan mo kung hindi ka magsisikap makahanap ng magandang trabaho para na rin sa sarili mo at makaipon ka ng sarili mong pera. Bukod sa pagtulong-tulong mo sa mga gastusin natin."

Nanatili na lang akong tahimik na ipinagpatuloy ang pagkain dahil hindi ko magawang tugunin ang hinihinging sagot ni nanay.

Napatingin ako kay tatay bago bumaling sa tatlo ko pang nakababatang kapatid na pare-parehong pang nag-aaral. Hanggang sa matapos kaming kumain at hinuhugasan ko na ang mga pinagkainan ay tahimik pa rin ako.

At doon ko napagtanto na tama si Nanay, bata pa ako pero sumusuko na agad ako sa hirap at pagod na nararanasan ko sa pagtatrabaho samantalang sila ni Tatay simula ng mga sanggol palang kami hanggang ngayong malalaki na ay walang tigil sa pagtatrabaho para lamang patuloy kaming masuportahan at maitaguyod.

Na kahit na kumikita na ako ay patuloy pa rin silang kumakayod upang may maipangtustos sa pag-aaral ng aking mga kapatid dahil ang iniaabot ko lang naman ay ang pambayad ng kuryente o ng tubig na tuwing katapusan lang dumarating pero ang pang-araw-araw na gastusin ay ang mga magulang ko pa rin ang sumasagot.

"Tama si Nanay…." bulong ko ng matapos makapaghugas at patungo na ako sa sariling silid para matulog. At nang makahiga ay ilang sandali akong natulala sa kawalan. "Bukas maghahanap na ulit ako ng trabaho."

###