TWO YEARS AGO
"Hooo!" hiyaw ni Chloe habang mabilis na pinapatakbo ang kotse. Nagsigawan at nagtawanan din ang mga kaibigan niya sa saliw ng nakabibinging tugtog mula sa car stereo.
"Where's your car? Chloe!" pasigaw na tanong ni Alice mula sa passenger's seat. Galing sila sa birthday party ng ka-batch nila noong highschool at nagpumilit umuwi kahit na mga nakainom.
"Nasa pagawaan!"
"Why? Ano'ng nangyari?!" Usisa ng isa pa niyang kaibigan pero hindi na nagawang sagutin dahil sa pagkabigla ng may sumulpot na motorsiklo sa kanilang harapan.
At dahil sa pagkataranta ay nakabig niya pakaliwa ang manibela at tuluyang nawalan ng kontrol sa sasakyan. Ang malakas na tilian na lamang nilang magkakaibigan ang tanging narinig niya bago tuluyang sumalpok sa concrete barrier sa gitna ng highway ang kanilang sinasakyan at dahil sa lakas ng impact ay halos nayupi iyon sa kalahati.
PRESENT TIME
"Nooo!" Hangos na sigaw niya at biglang nagising. Saglit siyang natulala bago napahagulgol. Gabi-gabi nalang n'yang napapanaginipan ang mga nangyari at halos ayaw na n'yang ipikit ang mga mata sa takot na muli nanaman iyong makita.
Dahil sa pag-iyak ay hindi n'ya namalayang may pumasok na pala sa kanyang kwarto.
"Anak!" Narinig niyang sigaw ng kanyang mommy at naramdaman niya mahigpit nitong yakap. Hindi s'ya nagsalita at isinubsob nalang ang mukha sa dibdib nito habang patuloy sa pag-iyak. "Ssshhh..." Tanging usal nito habang himas ang likod niya.
Hanggang sa hindi na n'ya namalayang muli nanaman siyang nakatulog dahil sa kapaguran.
#
"Anak. Halika na kakain na tayo." Pukaw ng mommy niya sa kanyang pagkatulala habang lumalapit sa ito sa kanyang kama.
"Ayoko pong kumain," tanging sagot n'ya at ipinikit ang mga mata.
"Anak, kailangan mong kumain para makainom ka ng mga gamot mo."
"Ayoko nga pong kumain! At isa pa kahit na sangkaterbang gamot ang inumin ko ay hindi na tutubo ang dalawang binti at kaliwang braso ko! Hindi na rin babalik sa dati ang kaliwang mata ko!" Nanggagalaiting sigaw niya. "Ayokong kumain! Ayokong kumain! Ayoko! Ayoko!" Naghihisteryang sigaw niya habang umiiyak at sinasabunutan ang sarili.
"Anak! Itigil mo `yan!" Natatarantang sigaw ng kanyang mommy naramdaman niya nalang na may mga kamay na pumipigil sa kanya kasunod ang pagkirot sa kanang balikat.
#
Nang muli s'yang magising ay napakabigat ng kanyang pakiramdam. Ni hindi na nga niya alam kung umaga pa ba o gabi na dahil ayaw niyang pabuksan ang makakapal na kurtinang nakatabing sa mga bintana ng kanyang kwarto dahil hindi n'ya matanggap na hindi na s'ya makakalabas at makakakilos ng malaya katulad ng dati.
Bigla niyang naalala ang mga kaibigan. Hindi n'ya matanggap na nabuhay s'ya habang ang dalawa sa mga kaibigan n'ya ay namatay at ang isa ay comatose pa rin hanggang ngayon.
"Sana namatay nalang din ako..." Garalgal ang tinig na bulong niya. "Patawarin n'yo 'ko. Hindi ko sinasadya! Sorry! Sorry!" Palahaw n'ya.
"Anak! Please huminahon ka..." Naiiyak na pakiusap ng kanyang mommy habang yakap s'ya
"Mommy... Mommy! Sana namatay nalang din ako! Mas masahol pa ang kalagayan ko dahil buhay nga ako pero parang pinapatay naman ako dahil sa kalagayan ko. Bakit sila pa ang nawala?! Dapat ako nalang! Kasalanan ko! Kasalanan ko kung bakit sila nagkagano'n!" Palahaw n'ya at halos hindi na s'ya makahinga dahil sa labis na pag-iyak.
"H'wag mong sabihin `yan!" Sigaw sa kanya ng mommy niya na umiiyak na rin.
"Totoo naman ang sinasabi ko! Daig ko pa ang isang patay dahil nilalamon ako ng konsensya ko! Ako ang may hawak ng manibela! Nabuhay nga ako nawala naman ang mga kaibigan ko at isa na akong inutil. Inutil!" Sigaw n'ya at pilit na kumawala sa yakap nito. "Inutil na ako! Inutil! Walang silbi!" Paulit-ulit na sigaw n'ya habang sinusuntok ang mga hita.
"Anak. Tama na `yan, h'wag mong saktan ang sarili mo!" Sigaw ng mommy niya kasabay nang paghawak sa nakakuyom n'yang mga kamao na paulit-ulit na inihahataw sa kanyang mga hita."Fred! Ang gamot!" Tawag nito sa kanyang daddy. Pahirapang maiturok sa kanya ang gamot dahil para s'yang sinapian at walang tigil sa pagsigaw at pagwawala.
#
Nang muli n'yang imulat ang mga mata ay nabungaran niya ang mukha ng kanyang mommy na may nakapaskil na munting ngiti sa labi.
"Ayos ka na ba? Kailangan mong kumain dahil halos buong araw ng walang laman ang tiyan mo," malumanay na sabi nito.
Isang tipid na ngiti ang naging tugon n'ya at inalalayan s'yang makaupo. Pagkatapos ay tumayo ito para kunin ang tray na nasa side table at ipinatong sa kanyang kandungan. Ilang sandali pa ay sinusubuan na s'ya ng kanyang mommy hanggang sa masimot n'ya ang laman ng pinggan at makainom ng gamot.
"Mom... Pwede po bang pakiabot sa akin ang laptop ko?" Paos ang tinig na tanong n'ya.
Ngumiti lang ito at kinuha ang laptop sa ibabaw ng study table n'ya na nasa may bahaging paanan ng kama.
Pagkabigay niyon sa kanya ay nagpaalam ito na ilalabas lang ang kinainan n'ya. Tango lang ang itinugon n'ya dahil abala na s'ya sa pagtipa sa kanyang laptop.
"Hahanap ako ng paraan para mabago ang lahat. Alam kong imposible pero susubok pa rin ako." Mariing bulong niya sa sarili habang nag-re-research.
"Chloe. Anak. Kahapon ka pa d'yan. Ni hindi ka nanaman kumain. Hindi ka pa rin natutulog. Baka naman magkasakit ka na n'yan," puna ng mommy n'ya habang umuupo sa gilid ng kama.
"May kailangan lang po akong hanapin," sagot n'ya sa iritadong tinig.
"Kumain ka muna," pangungulit pa nito. "Mamaya mo na ituloy `yan."
"Mamaya na po ako kakain. Hindi pa po ako nagugutom," mariing sabi n'ya dahil sa tinitimping inis.
"Pero..."
"Mommy! Pwede po bang iwan n'yo muna ako. Gusto kong mapag-isa!" `Di na n'ya napigilang ibulalas natahimik naman ito at nagmamadaling lumabas ng kwarto n'ya.
Ni katiting na guilt ay wala s'yang naramdaman sa naging asta n'ya dito at muling itinuon ang pansin sa laptop n'ya.
Naiinis na s'ya dahil sa dami nang na-research n'ya at nabasa ay wala s'yang nakitang nagpapatotoo na tagumpay nga ang isang time machine. Lahat ay haka-haka at teorya lang base sa mga libro at palabas sa telebisyon.
Nabubugnot na s'ya at halos panggigilan na n'ya ang pagtipa sa bawat letra dahil lilipas nanaman ang buong araw na wala s'yang mahanap na katotohanan sa lahat nang nabasa n'ya hanggang sa hindi na n'ya napigilan ang sarili n'ya at ubos-lakas na ibinato ang laptop. Kasabay ng isang mahaba at matinis na tili ay ang pagbagsak ng laptop sa sahig dahilan para magkalas-kalas iyon at masira.
"Bakit wala akong makita? Bakit? Bakit?! Kailangan ko `yon! Kailangan ko!" Panay ang sigaw niya kahit na nananakit na ang lalamunan n'ya. Kinailangan pa muli s'yang turukan ng pampakalma para lang tumigil siya at tuluyang makatulog.
#
"Hooo!!!" Hiyaw n'ya habang mabilis na pinapatakbo ang kotse. Nagsigawan at nagtawanan din ang mga kaibigan n'ya sa saliw ng nakabibinging tugtog mula sa car stereo.
"Where's your car? Chloe!" pasigaw na tanong ni Alice mula sa passenger's seat. Bumagal ang pagpapatakbo n'ya sa kotse dahil hindi siya makapaniwala na narito na ulit s'ya at magagawa na n'yang baguhin ang lahat.
"Nasa pagawaan," sagot n'ya habang hinihinaan ang tugtog.
"Why? Anong nangyari?" Usisa ng isa pa n'yang kaibigan na naging dahilan para tuluyan na n'yang ihinto ang kotse. S'ya namang pagsulpot ng motorsiklo sa harap nila para sabay-sabay silang mapatili dahil sa pagkabigla.
"Gosh! Buti nalang at huminto ka kundi nabangga na tayo!" bulalas ni Alice habang sapo ang dibdib.
"Oo nga." Sang-ayon naman ng dalawang nasa backseat. Maging siya ay nakahinga nang maluwag dahil napigilan n'ya ang dapat na mangyari at nakauwi silang lahat ng maayos at ligtas.
"Ano ba? Natutulog ang tao eh!" Reklamo n'ya nang magising s'ya kinaumagahan dahil sa malalakas na katok. Napilitan s'yang bumangon at padabog na binuksan ang pinto dahil sa pagpintig ng ulo n'ya.
"Pasensya ka na iha pero emergency lang. May tumawag na pulis at sinabing nasa ospital ang parents mo. Na-involve raw sila sa nangyaring banggaan kagabi," natatarantang paliwanag ni manang.
"What?!" Nawala ang hang-over n'ya at nagmamadaling bumaba ng hagdan kasunod ang kasambahay na sinasabi ang pangalan ng ospital. Mabilis n'yang pinatakbo ang kotse ng makasakay s'ya. Ni hindi na nga n'ya nagawang ayusin ang sarili sa pagkataranta. Ilang sandali pa ay nakarating na s'ya sa ospital at kaharap ang mga pulis at isang doctor.
"Ikinalulungkot namin pero hindi kinaya ng mga magulang mo ang mga natamong pinsala. Wala na sila." Anunsyo ng doctor na kasama ng mga pulis bago nagpaalam.
Namanhid ang buong katawan n'ya sa narinig at nanikip ang dibdib dahil sa labis na sakit na nararamdaman.
"Hindi totoo 'yan! Hindi!" palahaw n'ya at dahil hindi s'ya maawat ng mga pulis sa pagwawala ay kinailangan pa s'yang turukan ng pampakalma. Naramdaman nalang n'ya ang panlalambot ng katawan hanggang sa tuluyan nang magdilim ang paningin n'ya.
#
Nagising s'yang kinakapos ng hininga at namalayan din n'yang hilam sa luha ang mukha n'ya. Ramdam niya pa rin ang sakit na dulot ng masamang panaginip.
"Anak!" sigaw ng kanyang mommy kasabay ng pagbukas ng pinto. "Tahan na..." Alo nito ng bigla s'yang humagulgol. "Sabi ko naman kasi sa'yo tatabihan na kita sa pagtulog eh," nahihirapang sabi nito. "Ayaw mo naman".
"Mommy... Sorry po. So-sorry!" sigaw n'ya sa pagitan ng pag-iyak at hinigpitan ang pagkakayakap ng kanang braso n'ya rito.
"Bakit ka humihingi ng sorry?" May pagtatakang tanong nito.
"Sorry po kung masyado akong naging pabigat at pasaway. Hindi ko naisip na nahihirapan din kayo dahil sa nangyari sa akin," humihikbing sagot n'ya. "Puro sarili ko lang ang iniisip ko. Sorry po. H'wag kayong mag-alala. Sisikapin ko na pong ibangon ang sarili ko at tanggapin ang nangyari. Magpapalakas na po ako."
"Ssshhh. Masaya ako sa mga narinig ko. At isa pa naiintindihan naman namin kung bakit ka nagkakaganyan."
"Salamat po mommy. Sa inyo ni daddy sa pagtitiyaga at pag-aalaga sa `kin," madamdaming pahayag niya.
"Wala `yon. Anak ka namin at mahal ka namin kahit na ano pang mangyari," garalgal ang tinig na sabi nito kasabay ng paghigpit ng yakap nito. Hindi na nila namalayan na naakatulog na sila sa ganoong ayos.
#
"Chloe. Uy! Chloe! Gising na!" sigaw ng kung sino kasabay nang pagyugyog sa kanya.
"Ano ba mommy? Inaantok pa ako." Reklamo n'ya habang nakapikit pa rin.
"Hoy! Chloe Salzedo! Wala ka sa bahay ninyo para umarte ng gan'yan!" sigaw ng kung sino kaya napabalikwas s'ya at napaupo.
"Nasaan ako?" tanong n'ya habang nakapikit at sapo ang ulo dahil sa pagkahilo.
"Party? Hello? Nakalimutan mo na ba? Nakatulog tayo dahil sa kalasingan," sagot ni Alice.
Dahil sa narinig ay mabilis s'yang napadilat at iginala ang paningin. Doon lang n'ya napansin na nasa mahabang sofa s'ya at napansin din n'ya ang ilang mga nakabulagta sa sahig dahil sa kalasingan.
Mabilis n'yang inenspeksyon ang kanyang sarili at nakahinga s'ya ng maluwag ng makitang kumpleto pa ang mga bahagi ng kanyang katawan. Napatayo rin s'ya at isa-isang tiningnan ang mga kaibigan n'ya na takang-taka sa kanyang inaasal. Napatingin siya sa bintanang natanaw n'ya at nakitang madilim pa.
"Anong oras na?"
"One a.m. na."
"Mamaya na tayo umalis kapag maliwanag na," sabi n'ya at pilit ipinaloob sa yakap ang mga kaibigan.
"Ano bang nangyayari sa `yo?"
"Wala naman. Masaya lang ako. Umidlip muna ulit kayo tatawagan ko lang sila mommy."
Bago pa sila muling mag-usisa ay inilabas na n'ya ang kanyang cellphone at tinawagan ang mommy niya. Alam n'yang tulog pa ito sa mga oras na iyon pero hindi na s'ya makapaghintay na makauwi. Ilang ring lang at sinagot na ang tawag.
"Hello?" Bakas ang antok sa tinig.
"Hi mom, sorry po kung nagising ko kayo. Nandito pa po ako sa party kapag maliwanag na po ako uuwi."
"Ganoon ba? Sige mag-ingat kayo d'yan."
"Opo. Ah... Mom?"
"Hmm?"
"I love you. You and dad. I love you both," pahayag niya sa mahinang tinig.
"I love you too anak. May problema ba?"
"Wala po. Masaya lang ako. Sige po matulog na ulit kayo."
Ilang sandali pa at pinutol na n'ya ang tawag at bumalik sa sofa para mahiga. Napatitig siya sa kisame at hindi pa rin makalimutan ang naging panaginip n'ya. Pakiramdam niya ay totoo lahat ang nangyari dahil sa mabigat na pakiramdam sa kanyang dibdib.
Muli s'yang pumikit at umusal ng pasasalamat dahil isa lamang iyong masamang panaginip.
#
Toot Toot Toot
Dahan-dahang nagmulat ng mga mata si Chloe. Medyo malabo sa umpisa at dis-oriented pa s'ya hanggang sa unti-unting luminaw ang lahat at puro puti ang nakikita n'ya. Sinubukan n'yang kumilos pero hindi n'ya maramdaman ang kanyang katawan.
Doon n'ya napansin na may takip ang kanyang isang mata at nang alamin n'ya kung bakit wala siyang maramdaman sa kanyang mga binti at kaliwang braso ay halos panawan s'ya nang ulirat sa natuklasan. Putol na ang kanyang mga binti at isang braso at nang kapain n'ya ang kaliwang mata ay may tahi iyon na natuyo na.
"Hindi. Hindi `to totoo! Hindi! Mommy! Mommy!" Naghihisteryang sigaw niya habang umiiyak at dahil sa pagwawala n'ya ay nabunot na ang karayom ng IV dahilan para dumugo ang braso n'ya.
"Nurse! Nurse!" sigaw ng kung sino.
"Hindi `to totoo! Mom! Hindi `to totoo `di ba? Panaginip lang `to!" sigaw n'ya kasunod ang isang malakas at matinis na tili.
"Chloe...." Narinig n'yang sabi ng mommy n'ya matapos s'yang turukan ng pampakalma at naramdaman niya ang panghihina ng kanyang katawan.
"Mommy.... Hindi `to totoo `di ba? Panaginip lang `to `di ba?" Mahinang tanong n'ya.
"Sshh... Totoo ang lahat ng ito Chloe. Naaksidente kayo ng mga kaibigan mo at dalawang taon ka nang nasa coma..." Narinig n'yang sagot ng mommy n'ya habang unti-unting napapapikit ang kanyang mata
"Noooo...." Nagawa pa niyang iusal bago s'ya tuluyang lamunin ng dilim kasabay ang pagbagsak ng ilang butil ng luha mula sa nag-iisa n'yang mata.
Wakas.