Chereads / MissA_begail16's Short Stories / Chapter 6 - ~ Raw Love ~

Chapter 6 - ~ Raw Love ~

. 'Raw Love'

MissA_begail16

"'Nay…" Daing ng aking anak habang sapo ang tiyan at namimilipit sa sakit. "A-ang sakit po ng tiyan ko."

"Bakit? Halika, pupunta tayo ng ospital," sabi niya at dali-dali itong inakay pero nakailang hakbang pa lang sila ay napasigaw siya at nabitiwan ito nang kagatin ang kanang braso niya.

Nanghihilakbot na sinapo niya iyon nang makitang napingas ang laman doon at umaagos ang masaganang dugo.

Halos panawan siya ng ulirat nang makita ang itsura ng kaniyang anak. May tumutulong dugo mula sa bibig nito habang umuungol at tila sarap na sarap sa nginunguya.

"Ray…A-ano'ng nangyayari sa 'yo?" Nanginginig sa takot na tanong niya. Pero tila wala itong naririnig at patuloy sa pagnguya.

"'Nay, nabawasan na po ang sakit ng tiyan ko," sabi nito na ngumiti pa sa kaniya. Pero nang makita nito ang duguan niyang braso ay parang doon lang ito natauhan. Nanginginig ang mga kamay na pinahid nito ang sariling bibig at doon nito napansin ang dugo. "A-ano'ng nangyari, 'nay?"

"Hindi ko alam, anak. Halika, dadalhin kita sa ospital para malaman natin kung ano'ng nangyayari sa 'yo." Hahawakan niya sana ito sa balikat pero mabilis itong lumayo na tila takot na takot.

"Ayoko, 'nay! Hindi ako pupunta ng ospital! Baka sabihin nilang nasisiraan na ako ng bait at i-confine ako!" Galit na sigaw nito bago dali-daling tumakbo at pumasok sa sarili nitong k'warto.

Naiwan namang umiiyak si Ana na sapo pa rin ang dumudugong braso dahil sa nangyari. Pero wala na rin siyang nagawa dahil sa takot na baka muli itong mawala sa sarili kapag hinawakan niya.

Lumipas ang mga araw na hindi na ulit iyon nangyari at inakala niyang hindi na iyon mauulit. Pero nagkamali siya.

"'Nay, girlfriend ko po, si Mae." Pakilala nito sa kasamang babae nang gabing iyon. "Dito po siya magpapalipas ng gabi kasi po pinalayas siya sa kanila."

Pumayag na rin siya dahil alam naman niyang matinong lalaki ang kaniyang anak, nasa tamang edad na ito at alam na nito ang sarili nitong limitasyon.

Kaya naman masaya silang kumain nang gabing iyon habang nagkukuwento at doon niya rin nalaman na kaya ito pinalayas dahil napagbintangang ninanakaw ang pera ng amain.

Pero kahit nakikipagsabayan sa k'wentuhan ang kaniyang anak ay napansin niyang tamilmil itong kumain. At maging nitong nakalipas na mga araw ay parang wala itong ganang kumain at matamlay ang mga kilos.

Pero nang kaniyang usisain ay idinahilan lang na pagod dahil sa trabaho kaya isinawalang bahala na lang niya ang lahat.

Kaya matapos ang kanilang hapunan ay pinagpahinga na niya ang mga ito at siya na ang nagligpit ng kanilang pinagkainan.

Patungo na siya sa sariling silid matapos maghugas nang makarinig ng kalabog mula sa kuwarto ni Ray kaya dali-dali niyang pinuntahan ang mga ito.

At gano'n na lang ang pagkagimbal niya nang tumambad sa kaniya ang dahilan nang kalabog.

Nakahandusay na sa tabi ng manipis na dingding ang walang malay na katawan ni Mae habang nakasubsob ang aking anak sa ibabaw nito.

"Ray! anong nangyari?" Nag-aalalang tanong niya. Lalapitan sana niya ang mga ito pero natigilan siya nang lumingon ito na duguan ang mukha at mga kamay.

Pakiramdam niya ay namanhid ang kaniyang buong katawan at nanlaki ang kaniyang ulo dahil sa nakita. Hindi niya alam kung lalapitan ba ito o tatakbong palayo dahil sa labis na takot.

"Ray! Ano'ng ginawa mo! Bakit?" Nanginginig ang mga tuhod na humakbang siya palapit dito habang tinatawag ang pangalan nito. "Ray! Anak! "

Nang makalapit siya at yugyugin ito sa balikat ay tila roon lang ito natauhan. At nang mapansin ang hawak at ang ayos ng sariling kasintahan ay walang tigil ang pagsuka nito hanggang sa tuluyan itong manlambot.

"'Nay! ayoko pong makulong," umiiyak na bulalas nito na dali-dali ko namang nalapitan at niyakap. "Hindi ko po sinasadya, 'Nay!"

"Sshh, 'wag kang mag-alala hindi ko hahayaang makulong ka," alo niya rito. "Maglinis ka ng katawan at tulungan mo akong iligpit ang mga kalat."

Kahit nanlalambot ay agad itong kumilos. At habang nasa banyo ito ay mabilis siyang kumuha ng timbang may lamang tubig, pati na rin ang sabon at basahan para linisin ang mga nagkalat na dugo.

"Tulungan mo akong buhatin ang katawan at dalhin sa likod ng bahay." Utos niya nang makalabas ito ng banyo na tahimik naman nitong sinunod.

Pero wala sa hinagap niya na hindi lang pala iyon ang una at huling beses na gagawin niya iyon. Ang maglibing ng katawan ng tao alang-alang sa kaniyang anak. At hindi rin niya inasahan na siya mismo ang magdudulot ng kapahamakan sa iba para lamang mabuhay ang kaniyang anak.

Gustuhin man niyang dalhin ito sa doktor ay hindi niya magawa dahil nagwawala na ito at sinasaktan siya. Pero hindi niya kayang mamuhay sila sa ganoong paraan.

Araw-araw siyang natatakot para sa kalagayan nila hindi lang dahil sa sitwasyon ng kaniyang anak na nahihirapan na siyang kontrolin. Kung hindi dahil na rin sa batas dahil ilang beses na niyang napapanood sa balita ang mga taong nawawala.

Paano na lang kapag nakulong siya? Wala nang mag-aalaga sa anak niya. Wala na itong kasama at baka lalo lang itong mapahamak.

Kaya naman isang mahirap na desisyon ang kaniyang nabuo. Kahit na mapahamak siya ay tatanggapin niya dahil alam niya sa sarili niyang may pagkukulang din siya.

Kung inagapan lang sana niya ang kalagayan nito hindi aabot ang lahat sa sitwasyong kinasasadlakan nila ngayon.

Sa pag-aakalang tulog na ang anak ay mabilis niyang kinuha ang kaniyang cellphone at tumawag sa isang ospital na humahawak sa mga taong may sakit sa pag-iisip. At ibinigay ang buong detalye tungkol sa kalagayan ng kaniyang anak. Nakahinga lang siya ng maluwag nang sabihin sa kaniya na may pupunta ng ambulansiya para sunduin ito.

"'Nay, sino'ng kausap mo?" Tanong ni Ray na ikinagulat niya.

"Ha? Ah… wala iyon, para sa bago mong bisita. Halika doon tayo maghintay sa sala." Yaya niya rito.

Nang marinig niya ang sirena ng ambulansiya ay niyakap niya ito ng mahigpit kahit pa nagwawala na ito at kanakagat na siya.

"Mahal na mahal kita, anak. Patawarin mo ako."

*End*