Chereads / MissA_begail16's Short Stories / Chapter 5 - ~ Pridencio ~

Chapter 5 - ~ Pridencio ~

.

"Sino ka? Anong ginagawa mo dito sa kwarto ko? Paano ka nakapasok!" Nanginginig sa takot na tanong ni Pridencio sa nilalang na bigla na lamang sumulpot sa may bandang paanan ng kamang kinahihigaan kaya mabilis siyang napabangon at paatras na lumalayo sa nilalang na iyon hanggang sa mapasandal siya sa headboard ng kama.

"Masaya kang nakakapanakit ng ibang tao! Ginagawa mong katatawanan ang kanilang mga kakulangan! Bilang ganti ipaparanas ko sa'yo ang tunay na kalupitan!" sabi ng nilalang sa malagom na tinig bago itinutok kay Pridencio ang dulo ng pulang crystal sa direksyon ni Pridencio. Lalong tumingkad ang mala-dugong kulay niyon. Unti-unting siyang ginigitian ng pawis at habol na rin ang kanyang paghinga habang sapo ang dibdib ng makaramdam ng `di matatawarang init na nagmumula sa kaibuturan ng kanyang katawan kaya halos mamilipit na siya sa labis na sakit.

Ilang sandali pa ay umalingawngaw ang isang nakapangingilabot na sigaw sa katahimikan ng gabing iyon.

Nagising si Pridencio na pawis na pawis kinaumagahan at inakalang isa lamang panaginip ang nangyari ng nakaraang gabi kaya binalewala na lamang niya iyon at nagmamadaling bumangon para maligo dahil may usapan silang magkakabarkada na magba-basketball. Nagtuloy siya sa banyo para maligo. Sinabon at hinilod ng mabuti ang buong katawan at nang makapag-punas ng katawan at makalabas ng banyo ay kinuha ang body lotion na nakapatong sa drawer malapit sa pinto ng para mag-apply sa buong katawan.

"Ang kinis ko talaga.... " Bulong niya sa sarili nang matapos makapag-lotion. Metikulosong nag-apply ng facial cream at ng sunscreen body lotion upang may proteksiyon sa sikat ng araw

Ilang sandali pa ay palabas na siya ng bahay at nakitang nag-aabang na sa nakabukas na gate ang kanyang barkada.

"Dencio! Ang tagal mo naman! Kanina pa kami dito eh!" reklamo ng isa.

"Tsk! `Wag ka nga! Palibhasa sanay ka nang magaspang ang balat! Kailangan ko pang maglagay ng skin protection." Pagyayabang nito. "Tara na sa court." At nauna na itong maglakad na sinundan naman ng mga kasama niya.

Habang naglalakad ay kung ano-ano ang pinagkwentuhan nila. Lahat nang madaanan na mga taong may `di kaaya-ayang itsura para kay Pridencio ay pinupulaan nito at wala itong pakialam kahit na sumosobra na ang mga sinasabi niya at nakasasakit na siya ng iba.

Nang makarating sila sa court ay nag-warm-up muna ang kanilang grupo bago nagsimulang maglaro ng isang friendly game ng hindi sinasadyang masiko ng isa sa kabarkada niya ang kanyang mukha na kanyang ikinagalit.

"Bwisit naman! Sa lahat ng p'wedeng tamaan mukha ko pa talaga?" Nanggagalaiting bulalas niya. At binigwasan ito ng isang suntok sa mukha. Dahilan para magkagulo dahil nauwi na sa suntukan ang kanilang laro. Naawat lang ang mga ito ng may dumating na mga barangay tanod.

Kaya mainit ang ulong naglakad siya pauwi habang pinapahid ang dugo sa gilid ng kanyang labi. Malapit na siya sa kanilang gate ng mapahinto siya sa paglalakad ng makaramdam ng pagkirot sa kanyang kanang pisngi kaya nasapo niya iyon.

"Ah!" daing niya nang tumindi ang pagkirot niyon kaya lalo siyang nainis dahil iyon ang parteng nasiko kanina.

Muli na sana siyang maglalakad ng muling mapahinto dahil naramdaman niyang parang lumobo ang kanyang pisngi at ng sapuhin niya iyon ay naramdaman niyang mayroon iyong malagkit na likido. Nang tingnan niya ang kanyang kamay ay nakita niyang meron iyong malagkit, mamula-mula na may pagkadilaw na likido.

Nanginginig na muli niya iyong sinapo upang sana ay pahirin ng maramdaman niyang parang natuklap ang kanyang balat, halos panawan siya ng ulirat ng tingnan ang bagay na kanyang nahawakan.

"A-anong nangyayari sa `yo Dencio?" Nangingilabot na tanong ng isa sa barkada n'ya na sumunod pala sa kanya. "Ba-bakit natutuklap ang balat sa mukha mo?" Napaatras pa ito ng lingunin niya.

Napatingin siya sa kanyang mga braso ng mapansing unti-unti iyong natutuyo na para bang kaliskis ng isda hanggang sa mag-angatan ang mga iyon at dahan-dahang matuklap habqbg nilalabasan ng malapot at matingkad na dilaw na likido at may masangsang at animo'y nabubulok na amoy.

Hindi na niya napigilang maduwal dahil hindi na niya kinaya ang amoy. Nanghihilakbot na napaatras siya at napaupo ng makitang mga buhay na kulay itim na uod ang isinuka niya.

Narinig niya ang tilian ng mga taong nakakasaksi sa nangyayari sa kanya pero wala man lamang kahit na isa ang lumapit at tumulong sa kanya.

"Dencio!" Sigaw na ilan sa barkada niya at patakbong lumapit sa kanya ngunit agad ding napahinto ng makita ang kanyang itsura.

Halos lumuwa ang kanyang mga mata nang masaksihan ang unti-unting paglitaw ng mga sugat sa kanyang mga binti na nilalabasan ng maliliit na uod at may kasama pang malapot at kulay dilaw na likido. Dahan-dahan iyong kumakalat at lumalapad paakyat sa kanyang mga hita.

"Aaahh! Tulooong!" Hilakbot na palahaw niya. Mistulang naaagnas na ang kanyang katawan at halos mamilipit na siya sa labis na sakit.

Napahinto siya sa pagsigaw ng isa-isang malagas ang kanyang mga ngipin at ang kanyang dila ay kusang lumabas sa kanyang bibig at nalaglag sa lupa.

At kahit hindi na niya magawang magsalita ay patuloy pa rin siya sa pagsigaw habang sapo ang bunganga. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin lalo na ng isa-isang malaglag ang kanyang mga mata.

Ang mga kapitbahay niya ay nanatili lang na nakatayo at nanonood sa nakapangingilabot na pangyayari, na ang iba ay nasuka na rin dahil sa nasaksihan. Maging ang sariling pamilya niya ay hindi man lang siya nilapitan.

At sa kanyang nahihindik na alaala at unti-unting naglalahong buhay ay nagbalik sa kanya ang pangyayaring inaakala niyang isa lamang panaginip.

'Masaya kang nakakapanakit ng ibang tao! Ginagawa mong katatawanan ang kanilang mga kakulangan! Bilang ganti ipaparanas ko sa'yo ang tunay na kalupitan!'

"Hindi! Hindi `to totoooo!" sigaw ng isip niya bago tuluyang bawian ng buhay. At kahit sa huling hininga ay hindi pa rin ito nagsisisi o humingi man lang ng tawad sa mga masasamang nagawa.

End.