Hindi nawala ang pagkakabigla sa mukha ni Rafael nang ilang minuto nang biglang tumunog ang kanyang telepono at siya ay natauhan.
Tinignan namin siyang kinukuha ang kanyang telepono habang tinitignan niya ang mensaheng pumasok dito. Nang matapos niya itong basahin ay tinignan niya kaming tatlo.
"May masasakyan pa ba dito papuntang Biñan ng ganitong oras?" ang parang nagmamadaling tanong niya sa amin.
"10:45 na. Meron pa yan pero madalang na. Gusto mo hatid at samahan ka muna namin sa sakayan?" ang tanong ni Dexter kay Rafael.
"Kung hindi naman nakakahiya, sige Dex samahan niyo naman ako. Please? Pinapapunta kasi ako ng girlfriend ko sa kanila." ang kuwento niya.
Nakapanglakad na shorts at t-shirt naman kami ni Rafael at sasakay naman kami sa kotse ni Dexter kaya hindi na kami nagpalit ng aming mga suot. Kinuha lang ni Dexter ang kanyang susi sa kotse na nasa silid nila sa taas at madaling bumalik sa sala upang tunguhin na namin ang kanyang sasakyan.
"Mga tol, wait lang ha." ang sabi ni Dexter na nagmamadaling tinungo ang kabilang side ng kotse upang pasakayin si Jeremy bago siya sumakay. Sumunod na lang kami ni Rafael at naupo sa likod. Gawain na ni Dexter na unahin si Jeremy na pasakayin lagi.
"Adik, parang babae talaga ang turing niya kay Jeremy. Nakakainggit." ang nasabi ko sa aking sarili.
Binaybay na namin ang kalsadang diretso sa sakayan sa buong baranggay Francisco De Castro na hindi minamadali ni Dexter ang pagmamaneho. Tulad ng dati, magkahawak ang kamay nila at nakapatong ito sa kanang hita ni Dexter.
Hindi ko na napansin si Rafael sa kadahilanang tutok na tutok ako sa panonood ng lambingan ng dalawa. Si Rafael ay kanina pa naman panay ang reply sa kanyang girlfriend mula sa kanyang telepono.
"Ano ba yan, kasama ko nga sila pero sila-sila may sariling kalampungan." ang nasabi ko sa aking sarili.
Nagpark ang kotse sa tapat ng waiting shed na mukhang bagong gawa lang at lumabas kami upang umupo muna dito upang samahan ni Rafael sa paghihintay ng masasakyan.
"May papuntang CDCP o Carmona na dadaan dito kung di diretsong Biñan pwede ka sumakay alin man sa tatlong iyon. Kung di diretsong Biñan sa bababaan mo sa Carmona o CDCP pwede ka na sumakay ng pa-Biñan." ang sabi ni Jeremy na sa lugar na ito lumaki kahit sa Maynila siya ipinanganak. Hindi sumagot si Rafael dahil buo ang atensyon niya sa kanyang pagtetext.
Hindi ko pa rin matigil ang panonood kay Jeremy at Dexter sa kanilang lambingan. Sa pagkakataong ito ay kahit papaano ay wala na akong tinatago sa kanila ngunit nandoon pa rin ang pakiramdam na lubos na pagiging mag-isang walang minamahal.
Hinarap ko si Rafael nang may maalala ako.
"Taga Biñan pala girlfriend mo? Kala ko ba taga San Pedro siya?" ang tanong ko sa kanya.
"A-ah... wala na kami nun.. hindi ko talaga.... sineryoso yun. Yung taga... Biñan yung... matagal ko nang.... girlfriend." ang napuputol sagot ni Rafael habang tuloy pa rin siya sa pagpipindot sa kanyang telepono.
"Ah.. so dalawa girlfriend mo? Kumag ka talaga Rafael!!! Ang tinik mo na ang hilig mo pa!! " ang pabiro kong sabi sa kanya.
Natawa lang sa aking sinabi ang dalawang nakikinig pala sa amin ni Rafael.
Hindi na namin natuloy ang usapan nang biglang may pumaradang jeep at nagtatawag ang driver ng Carmona ng paulit-ulit.
Kumaway na lang sa amin si Rafael na nagmamadaling sumakay ng jeep at hanggang sa ito ay nakaalis na.
Tinignan ako ni Dexter at Jeremy at parehong ngumiti nang may awa sa akin.
"Kung gusto mo tayo mag-usap pa tungkol sa panag-usapan natin kanina okay lang." ang tanong ni Dexter sa akin na sinagot ko lang ng pagtango.
"Gusto mo ba dito tutal wala namang tao dito... o sa bahay na lang?" ang yaya naman ni Jeremy sa akin. Napakabait talaga ng magnobyo at marahil sa pagkakataong ito ay nagpapasalamat akong nakilala at naging kaibigan ko sila.
"Jeremy... gusto ko sana doon tayo sa gusto mo kaninang puntahan natin." ang yaya ko kay Jeremy.
"Sa Tagaytay? Okay lang pero pwede magbihis muna tayo kasi malamig na doon ng ganitong oras siguro at isa pa baka pagtinginan tayo don sa itsura natin." ang natatawang sagot niya sa akin.
Nagtungo kami sa bahay upang magbihis at binaybay ang daanan patungong Tagaytay. Dala ni Jeremy ang kanyang malaking teddy bear na puti.
Hindi kami nagtagal sa biyahe sapagkat malapit lang iyon sa lugar namin. Tulad ng dati at hindi pa rin ako masanay sa dalawa. Magkahawak kamay pa rin silang nakapatong ang mga iyon sa kanang hita ni Dexter habang nagddrive.
Sa Starbucks, natagalan kami sa aming pagorder dahil medyo maraming koreano ang nauna sa amin sa pila at medyo nahihirapan kuhanin ng mga barista ang order nila dahil medyo hirap sila magsalita ng ingles. Nahihiya naman ako para sa amin habang nagtitinginan ang mga tao kay Jeremy dahil sa malaking teddy bear na puting daladala niya at sa lambingan nilang dalawa.
Nang kami na ang oorder ay si Dexter na ang humarap sa kahera. Iisa lang naman ang oorderin naming tatlo; para sa inumin ay Iced Venti Americano with two splendas at blueberry cheesecake.
Nalaman namin na pareho kaming tatlo ng hilig nang baguhan pa lang ako sa aming trabaho at minsang bumili ako sa branch nila sa baba ng opisina namin at nakisabay si Jeremy. Medyo abala si Jeremy noon sa trabaho at ako na ang pinagdesisyon niya ng kukunin ko para sa kanya.
Nang ibigay ko sa kanya ang pareho ng order ko ay gulat na gulat siya dahil nahulaan ko ang mga tanging bagay na kinukuha niya kapag pumupunta siya doon. Doon kami nagsimulang magkalapit at mag-usap ni Jeremy bilang magkaibigan.
"Kuya isang buo na lang kaya kunin natin kulang sa ating tatlo isang slice diba? Hati na lang tayong tatlo ni Joseph sa bill ng cake." ang nanlalambing na sambit ni Jeremy matapos sabihin ni Dexter sa barista ang cheesecake.
"Mahal ko baka may kainin pa tayo mamaya mabusog ka na sige ka tataba ka na." ang pabiro at malambing na sagot ni Dexter kay Jeremy.
"O sige na nga... I love you kuya... mahal na mahal kita. Nagbabalik sa aking mga ala-ala natin sa lugar na ito. Anim na taon na pala ang nakakaraan no?" ang sabi ni Jeremy habang niyayakap siya ng kaliwang braso ni Dexter.
Natawa si Dexter bigla nang may maalala din sa nakaraan nila. Nakaramdam nanaman ako ng nakakamatay na pag-iisa at lungkot sa kabila ng kasayahan nilang dalawa.
"Grabe nga unang halik ko sa iyo noon. Masakit." ang pabirong sabi niya kay Jeremy.
"Alam mo bunso... balak ko na sanang sabihin sa iyo ang lahat noon kundi lang dahil kay Kevin at sa LBC delivery na nakuha mo na. Perfect timing na talaga yun." ang dagdag pa niyang sinabi sa kanyang nobyo.
"Sino si Kevin?" ang tanong ko sa dalawa.
"Pinsan ko na best friend niya. Mamaya malalaman mo ang lahat" ang sabi ni Dexter habang inaabot ang tray ng order namin. "pero mamaya na iyon. Tara doon tayo sa likod" and dagdag pa ni Dexter na yayain kami sa bandang likuran.
Tinungo namin ang likuran ng coffee shop at nanatiling nakatayo sa gilid ng isang lamesa doon.
Marami kasi ang tao noon. Nang may mabakante ay niyaya ko silang umupo doon ngunit umayaw silang dalawa at nagsabing hihintayin daw naming matapos ang nakaupo sa binabantayan naming lamesa. Kinausap talaga ni Jeremy ang nakaupo doon na kung pwede ay kami ang susunod sa kanila na gagamit.
Lubos na hindi ko maunawaan kung bakit doon nila gusto pumuwesto sa dami na ng nababakanteng mesa sa paligid namin.
May katagalan ang aming paghihintay ngunit nang makapuwesto na kami. Apatan lang ang mesa.
"Joseph diyan ka uupo dito kami ni Jemykoy ko." ang utos ni Dexter na pinagtaka ko bigla.
"Bakit? Interrogation ba ito?" ang pabiro at natatawa kong sinabi sa utos ni Dexter.
Naupong magkaharap ang dalawa at pinagigitnaan nila ako. Samantalang inupo naman ni Jeremy ang kanyang teddy bear sa bakantend upuan sa aking harap.
"Anong meron? Kailangan ba ganito bago ko kuwento sa inyo problema ko?" ang sabi ko sa kanilang dalawa na tinawanan lang nila.
"Seph... alam mo ba... six years ago nasa parehong kalagayan mo ako pero mas magulo buhay ko noon at sa mismong upuan na iyan ako nakaupo noong gabi na nandito kami ni Dexter. Noong araw na umupo ako niyan ay matagal ko nang inaasam-asam na makita at mahalin ang iisang taong kumukha ng puso ko ngunit maraming gulo ang nangyari sa buhay ko noon. Bago ako pumunta dito ay nalaman sa amin ng papa ko ang tungkol sa katauhan ko." ang seryosong pamamahagi ni Jeremy sa akin habang itinataas niya ang buhok niya sa noo.
"Tignan mo ito." ang sabi niya upang ako'y lumapit sa kanyang mukha at kilatisin ang pinapakita niya sa kanyang noo na may peklat.
"Nabagok ka dito?" ang tanong ko sa kanya. Tumawa silang dalawa.
"Hindi. Pumutok yan noon ng batuhin ako ni papa ng malaki at hardbound na bible sa mukha ko pagpasok ko ng bahay namin noong nalaman niya na ganito ako." ang kuwento niya.
"Noong mga araw na iyon ay gulong gulo ako. May katextmate ako noon na lubhang kinahulugan ng loob ko. Hindi ko pa alam noon na ang kinababaliwan kong katextmate ay dalawang tao pala. Si Dexter at si Kevin. And pagkakakilala ko pa kay Dexter noon ay Ron." sabay tingin siya kay Dexter at nginitian ito. Medyo nagulumihanan ako sa sinabi niya.
"Ano? Teka hindi ko makuha. So, may katextmate ka na minahal mo tapos hindi mo alam na silang dalawa palang magpinsan yung katextmate mo?" ang tanong ko sa kanya.
"Ang pakilala nila sa akin noon ay magjowa sila ni Kevin. Hindi ko rin alam ang buong pangalan ni Dexter noon. Kaya ang alam ko hindi sila connected sa katextmate ko na si Dexter Chua." ang sabi ni Jeremy na lalong nagpagulo ng aking isipan.
Hinayaan ko na lang siyang magpatuloy sa kanyang kuwento upang maunawaan ko ang lahat hanggang sa bandang huli ay nakuha ko rin ang lahat. Kumakain na kami habang si Jeremy ay patuloy lang sa pagkukuwento.
BIglang tumawa si Dexter nang matapos si Jeremy sa kanyang kuwento.
"Bunso... ngayon ko lang narealize. Isang mahabang ligawan talaga nangyari sa atin." ang natatawa pa rin na sinabi niya kay Jeremy habang pinipisil ang kanan niyang pisngi.
"Oo nga kuya... kaya nga mahal na mahal kita eh.. pati pagpapakasal tinupad mo pa kahit fake lang pala lahat noon!!!" ang pabirong sabi niya kay Dexter.
"Pero alam mo kuya... masaya na akong kahit papano ipinadama mo sa akin kung ano ang pakiramdam ng ikinakasal at bukod doon nakumbinsi mo papa ko ha. Ibang level ka talaga mahal ko." ang dagdag pa ni Jeremy na may halo nang lambing.
"Grabe naiingit na ako sa inyo kung pwede lang ako mangalabit na lang ng matitipuhan kong maging jowa matagal ko nang ginawa." ang sabat ko sa kanila sa matinding inggit na nararamdaman ko mula pa kanina.
Natawa ang dalawa sa aking sinabi ngunit dahil dito di ko na napigilang lumuha. Inabot ni Jeremy ang dalawa kong kamay at mariiing pinisil ang mga ito.
"Joseph.. ang kinabahan lang natin ay may taong mahal na talaga ako kahit di ko pa nakikita... ikaw naman... handang magmahal pero walang mapagbibigyan talaga ng pagmamahal mong nag-uumapaw diyan sa puso mo." ang sabi ni Jeremy na naluluha na rin dala ng matinding awa para sa akin.
"Kung nakilala lang kita noon pa... ikaw ang pipiliin kong maging nobyo ni Kevin...." ang dagdag pa niya nang tumulo na rin ang mga luha niya. Tumayo si Dexter ng makita iyon.
Hinimas ni Dexter ang likod ni Jeremy. Pinunasan niya ang mga luha sa pisngi ni Jeremy at inabutan ako ng tissue.
"Mahal kong bunso... sandali lang ha?... washroom lang ako..." ang sabi ni Dexter habang pinipisil ang balikat ni Jeremy.
Tumango lang si Jeremy at tumungo si Dexter sa loob ng coffee shop kung saan naroon ang palikuran.
Nagpatuloy kami ni Jeremy sa aming drama habang pansin na rin namin na nagtitinginan na yung ibang tao sa paligid sa aming iyakan.
"Mga letche talaga mga tao dito puro usisero. Moment ng may moment eh." ang natatawa't naiiritang sinabi sa akin ni Jeremy.
"May shooting ba?!! May shooting?!!!!! Nasaan ang production staff?!!! Ano kami nasa silver screen??!!! Gusto niyo ba ng live?!!! Pumunta nga kayo sa Kamuning o sa Mother Ignacia bagay kayo doon!!!" ang pagpaparinig na malakas na sinabi ni Jeremy at biglang nagsi-alisan ang mga tingin ng tao sa aming paligid.
Nako nagalit na si Jeremy. Mahinahon siyang tao pero ayaw na ayaw niya talaga ang mga usisero.
Medyo natawa ako sa ginawa niya.
"Huy... yaan mo na sila... baka humingi pa ng authograph yang mga yan..." ang natatawa kong sinabi kay Jeremy habang sumisinghot ng uhog gawa ng aking pag-iyak.
"Okay na ako... kasi naman lagi ganito mga uri ng tao dito... six years ago rin... noong gabi na nandito kami ni Dexter at Ron pa ang pagkakakilala ko sa kanya, hinalikan niya ako dito in public. Siyempre masaya pero istorbo talaga ang crowd. Bwisit!" ang naiiritang sabi niya habang natatawa ako sa itsura niya. Ang cute niya kasi mainis tumutulis ang nguso lalong nagppout tapos namumula ang pisngiat ilong.
"Hindi ako magtatakasa pangigigil sa iyo ni Dexter mo. Ang kulit mo grabe!!! " ang komento ko sa kanyang nagawa at sunod-sunod na pinakawalan ang aking malalakas na halakhak.
Nabigla kami nang lapitan kami ng isang barista at inimbitahang pumasok sa loob ng coffee shop. Ubos naman na ang mga cakes namin at nauna na si Dexter kaya hindi na kami nag-abala pang iwanan ang aming inumin sa mesa at ang puting teddy bear ni Jeremy.
Parang bata niyang niyakap iyon at ako na ang nagdala ng inumin niya.
Sinamahan namin sa paglalakad tungo paloob ang barista.
Sa labas ay kita namin ang kaunting ribbons na pula na naka sabit sa kisame na kanina ay wala. Nang makapasok kami sa loob malapit na sa harap ng counter ay biglang bumaba mula sa second floor ng coffee shop si Dexter na may mga dalang lobo na pula, pink, at puti ang kulay.
Si Jeremy ay hindi napigilang lumuha sa saya. Agad niyang tinakbo si Dexter sa kanyang kinatatayuan at niyakap ito ng mahigpit.
Isang masakit na kirot ng pagkainggit ang naramdaman ko sa aking nakikita.
"Happy anniversary mahal kong bunso!!! Six years na tayo!!!!" ang sigaw ni Dexter kay Jeremy na masayang masaya.
Hinayaan ko na ang dalawa at hindi na matiis pa ang manood sa kanila. Napansin kong nakangiti ang mga baristang nakatingin sa kanila. Nilapitan ko ang isa.
"Bro... kelan pa kayo kinuntsaba ni Dexter?" ang nagbabakasakali kong makasagap ng tsismis upang maialis lang ang isipan sa kanilang dalawa.
"Kanina lang po. Handa naman kami sa mga ganyang impromptu." ang sagot ng barista sa akin.
Nagpasalamat na lang ako sa kanya at tumingin na lang sa labas ng bintana ng coffee shop. Hindi ko na pansin na tumutulo na ang luha ko. Hindi ko na rin naalala na kitang kita ako ng mga tao sa labas ng bintana sa likod ng coffee shop. Namaraming nanonood sa kanila. Bahala na. Ang mahalaga nailalabas ko pa rin ang kaungkutang ito.
Napansin ng dalawa na hindi ako nakatingin sa kanila. Nakita ko na lang sa reflection ng salamin na papalapit na silang dalawa sa akin.
Ipinatong ni Dexter ang kamay niya sa aking balikat.
"Okay ka lang Joseph?" ang tanong niya.
Pinunasan ko ang aking mga luha bago siya harapin na may mga pilit na ngiti.
"Okay lang ako. Ang ganda niyong dalawa kasi panoorin. Naiinggit nanaman ako." ang sabi ko sa kanya. Bumakas ang awa sa mga mata ni Dexter dahil alam niyang walang makakatulong sa akin maliban sa aking sarili at sa taong darating sa buhay ko na hanggang sa ngayon ay wala pa.
Iniba na lang ni Dexter ang aming usapan.
"Uwi na tayo Seph. Hindi pa pala natutuloy usapan natin. Kung kailangan mo umiyak wag tayo dito. Marami manonood. Baka awayin ni Jeremy lahat yan." ang pabirong sabi ni Dexter sa akin.
Tinungo namin ang kanyang kotse at tulad ng dati ganon pa rin ang pusisyon namin.
Nasa bandang Silang na kami tungong Pala-Pala nang biglang may nakamotor na sumusunod sa amin. Tumapat siya kay Dexter at kinatok ang bintana nito.
Binaba ni Dexter ang salamin ng bintana niya at lahat kaming tatlo ay nakatingin sa nagmomotor.
Labas sa helmet na suot niya ang kanyang mahabang buhok na may kulay na caramel brown. Maganda ang tikas ng driver ng motor. Balikat hanggang baywang pa lang maganda na ang dating.
Nagsign lang siya kay Dexter at nakipagkawayan kay Jeremy. Bumagal ang pagpapaandar ng kanyang motor upang bumuntot na sa amin.
Nagtaka ako kung sino iyon pero naiirita ako sa mga kasama kong lobo ni Jeremy sa likod ng sasakyan dahil sa akin nila pinahawak ang nga iyon. Paulit-ulit na humahampas sa akin ang mga lobo sa lakas ng hangin sa biyahe dahil nakababa ang bintana ng sa aking dahil gusto kong tignan ang tanawin sa lugar na iyon pag gabi.
Ibinalik ko na lang ang aking pansin sa nakikita ko sa labas na dinaraanan namin. Hindi ko na napansin na nawala na ang sumusunod sa aming nakamotor.
Matapos ang ilang sandali ay nasa tahanan na kami nila Jeremy. Hindi muna nila ako pinauwi upang kami ay makapag-usap.
Tatlo kaming tumungo sa sala at naupo sa sofa. Hindi ko na napigilang umiyak nang titigan nila akong dalawa habang naghihintay na magsimula sa aking sasabihin.
"Jeremy... Dexter... sorry... alam kong nasira ko ang araw niyo... at alam kong ako lang ang makakaayos ng problema ko kung tutulungan ko sarili ko pero.... hindi natin kayang kontrolin ang sarili nating damdamin dahil pag ito na ang nagdidikta sa isip natin pati logic natin mawawala... okay na akong nakapagbukas ako sa inyong dalawa at nailalabas ito... alam niyo masayand masaya ako para sa inyo... pero hindi ko talaga maiwasan na isipin ang aking sariling kalagayan... sana maunawaan niyo..." ang sabi ko sa kanila.
Tumayo ang dalawa at sabay akong niyakap ng mahigpit.
"Wawa naman si Sephy.... " ang sabi ni Dexter kay Jeremy na may awa at lambing para sa akin.
"Oo nga kuya... wawa si Sephy... hanap natin siya ng kuya?" ang sabi ni Jeremy na parang batang malungkot.
Nasa ganoong lagay kami nang may lalaking tumawag mula sa labas ng bahay nila Jeremy.