Chereads / Ka-ibigan [BL] / Chapter 6 - Ka-ibigan - Chapter 06

Chapter 6 - Ka-ibigan - Chapter 06

"Ngayon pwede?" ang mensaheng pumasok galing kay Harold.

"Ano ba to? Bakit ngayon na?" ang nasabi ko sa aking sarili.

"Ndi pwde ngyn.Nkpgcomit n q s brkda q e.Bks s ofis?" ang reply ko kay Harold.

"Cge.Bks n lng.Thx!Mwah!" ang reply nmn s akin ni Harold.

Habang ako'y abala sa aking telepono ay bigla akong ginulat ni Rafael mula sa aking likod akmang titignan sana ang aking telepono.

"Huy! Tara na uwi na tayo! Kanina ka pa nakaganyan masnatch pa yang iPhone mo." Ang pabirong pagyayaya niya sa akin.

"Oo na. Daan muna tayo 7-eleven may bibilin lang ako." Ang yaya ko kay Rafael.

"Ano pa bibilin mo dun eh naggrocery na nga tayo oh." Ang sabi ni Rafael na iniaangat pa ang groceries na dala niya sa magkabilaan niyang kamay.

"Nakalimutan ko bumili ng "poppy corn" ni Jeremy." Ang sabi ko kay Rafael.

Tumawa siya ng malakas sa pagkakarinig ng salitang "poppy corn".

"Hala!! Nahawa ka na sa boyfriend non sa kalambingan niya kay Jeremy. Nagbebaby talk ka na rin." Ang pananakot niya.

Kung alam lang niya na hindi lang sa bagay na iyon ako nahawa doon sa dalawa at kung alam lang niyang hindi ko na kailangang mahawa pa sa AC/DC mode nila.

"Hay Rafael kung di ka lang straight malalaman mo na rin ngayon na dual voltage ako." Ang nasabi ko sa aking sarili.

Nakatitig lang ako kay Rafael habang ako'y nagmumuni-muni.

"Huy!! Tulala ka nanaman diyan!!!" ang pangungulit ni Rafael.

Ibinaba niya ang isa sa mga bitbit niyang plastic bag at hinawakan ang aking baba at magkabilang pisngi upang alugin ang akin mukha.

"Ano ka ba! Nagbibilang ako!!" ang palusot ko sa kanya.

"May Excel spreadsheet ka na ba sa utak mo? Nag pivot ka ba o combination nanaman ng mga connected formulas mo ng mga "sumproduct" at arrays mo? Nagvlookup ka pa ba ng poppy corns diyan sa utak mo? O may macro ka na diyan tititigan mo lang yung poppy corns maluluto na?" ang pabiro niyang sagot sa akin sabay tumawa ng tumawa. Kupara kasi sa akin at kay Rafael pagdating sa technical know-how ay di hamak na lamang na lamang ako sa kanya.

"Maluluto sila sa inis ko sa iyo pag tinitigan ko ang mga pack na bibilin ko. Tara na nga!" ang pikon kong paghila sa kanya tungo sa 7-eleven.

Madali akong naglalakad dahil ang bitbit ko lang ay ang mga pinamili naming DVD at siya ang dala niya ay ang mga groceries namin.

"Seph! Hintay naman ang bibigat nitong dala ko." Ang narinig kong sinabi niya habang nanatili lang na mabilis ang aking mga paa sa paglalakad.

Hindi ako nagbagal sa paglalakad upang hintayin siya. Tinungo ko ang 7-eleven at tinumbok ang counter upang bumili ng limang pop-corn.

Hinintay lang ako ni Rafael sa labas ng 7-eleven hanggang sa lumabas akong bitbit ang aking binili.

Malungkot si Rafael na tumingin sa akin.

"Sorry na Seph… Please?" ang sabi niya.

"Alam mo namang pikunin ako diba? Bakit inaasar mo ko lagi?" ang tanong ko sa kanyang naiinis.

"Wala lang. Habit ko na yata to." Ang sabi niya.

"Puwes, humanap ka ng maaasar mo wag lang ako." Ang sabi ko sa kanya.

Tinungo namin ang sakayan papuntang Sunshine at umuwi na sa amin.

Sa harap ng bahay ni Jeremy, napansin kong naroon pa rin ang motor ni Kevin.

"Dexter! Jeremy!" ang salitan naming tawag mula sa labas ng bahay nila Jeremy.

Ako ang nasa harap mismo ng pintuan at nasa likod ko si Rafael. Hindi naming inaasahang lalabas sa pintuan si Kevin ng naka boxers lang gawa ng mainit na panahon.

Nanlaki ang aking mga mata nang bumugad sa akin ang kabuuan ni Kevin. Napatitig na lang ako sa kanya ng ilang saglit sa kanyang mukha. Alam kong natatawa na siya sa aking itsura pero para akong nanigas sa aking nakikita.

"Seph? Okay ka lang?" ang tanong ni Kevin na nagpabalik sa akin sa katotohanan.

"Ah.. O-okay lang… N-nandiyan ba ang m-mag-asawa?" ang tanong ko sa kanyang nauutal.

Natawa si Kevin at di na niya napigilang gawin ito sa aking harapan.

"Alam mo parang magkapatid lang kayo ni Jemimi… Pakiramdam ko marami kayong similarities kahit hindi pa kita gano kakilala… saglit lang ha? Tawagin ko lang sa itaas. Mukhang napuyat kagabi eh. Dito ako sa sala natulog hindi mo kasi ako pinatulog sa bahay mo kagabi eh" ang sabi niyang sabay bitiw ng isang kindat at matamis na ngiti.

Iniwan lang ni Kevin na nakabukas ang pinto at nang makaalis si Kevin ay bigla akong pinalo ni Rafael sa aking balikat.

"Tsong… trip ka yata nung kasama nila sa bahay… kilala mo yun?" ang sabi sa niyang may halong inis.

"Yun si Kevin yung pinsan ni Dexter. Hindi ko alam kung bakit siya nandito ngayon. Pre, mabait lang iyong si Kevin." Ang sagot ko sa kanya pilit iniiwas ang tuloy pang usapan tungkol kay Kevin.

"Guwapo naman pare ah. Nababading ako sa kanya. Kung bading lang din ako liligawan ko na siya." Ang panunukso pa niya.

"Eh di ligawan mo na! Magsama kayong dalawa. Ampotek naman oh!" ang irita ko nang sagot sa kanya.

Mula sa pintuan ay nakita naming pababa ng hagdan sina Jeremy at Dexter na kasunod naman ay si Kevin.

"Anong movies yan?" ang pabati ni Jeremy.

"Ah… ewan ko dito kay Rafael… basta puro horror movie kinuha niya." Ang sagot ko sa kanya habang si Rafael naman ay panay ang tangong pagsang-ayon niya sa aking mga sinabi.

"Ayun! Wala naman matatakutin sa atin diba? Maghahanda kami ni Joseph ng dinner natin." Ang pagmamayabang naman ni Kevin.

"Ha?! Experimental pa lang ako magluto at wala pa akong specialty. Isa pa wala kaming nabili para sa dinner na planong ihanda ng mokong na ito. Baka nakuwento ng dalawa pero… ano ang lulutuin namin?" ang mga umikot na tanong sa aking isipan.

"Diba Joseph? Tayo magluluto ngayon?" ang nakangiting si Kevin na tinatanong ako na parang sigurado siyang papayag ako.

Humarap ako kay Dexter at nagbitiw ng isang nagtatakang tinging nakataas ang aking isang kilay.

"Wag na Kevin pagod si Joseph, pa-deliver na lang tayo sa McDonald's o kaya sa Jollibee." Ang suhestiyon naman ni Dexter upang hindi matuloy kung ano man ang binabalak ni Kevin.

Nakahalata siguro si Jeremy at agad na kinuha ang kanilang landline upang tumawag sa dalawang nasabi ni Dexter.

Habang kausap na ni Jeremy ang isa sa nabanggit ay pumasok na kami sa sala. Nilapitan ako ni Dexter at hinawakan sa aking kaliwang balikat.

"Naiintindihan ko Seph. Sorry kung naoffend ka. Nais lang kasi namin ang kaligayahan mo. Hindi din pa kasi alam ni Kevin ang tungkol sa tinatago mo kay Rafael." Ang malumanay na sinabi sa akin ni Dexter na nagpangiti sa akin.

Tumunog ang aking telepono at naalala ko si Harold. Nilabas ko ang aking telepono sa harap ni Dexter at siya ang una kong pinabasa nito. Isang abot tengang ngiti ang sinagot sa akin ni Dexter. Naunawaan na niya ang ibig kong sabihin.

"Ah… mukhang may nakarinig na pala sa itaas sa mga hinaing mo ha. Sige, good luck kaibigan!" ang sabi niya sa akin.

Tinignan ko ang akong telepono at binasa ang mensahe.

"Ayw m tlga ngyn?pls?cge n.mit nmn tau.sgot q lht." Ang pangungulit ni Harold sa akin.

Nangiti ako sa aking nabasa at nagsimulang kiligin. Napatingin ako kay Rafael na nakakunot ang noo at balot ng pagtataka ang kanyang mga tingin. Hindi ko na siya masyadong inintindi dahil nais kong sagutin agad si Harold.

"Cge.San tyo?" ang reply ko.

"Tga Laguna me.San k b?" ang agad niyang pinadala sa akin. Mukhang hawak niya ang kanyang telepono ngayon.

"Cavite pro mlpit kmi s San Pedro at Biñan." Ang sagot ko.

"Tga San Pedro ako!" ang sagot niya.

"Good!San tau mgkkta?" ang sunod kong tanong sa kanya. Desidido na akong tanggapin ang alok niya.

"Pwde s Pacita Complex?Sn m b gus2?" ang sagot niya.

"Cge dun lng tyo.Ano b plan m?" ang sgot ko.

" Bhla n bsta sgot ko lht. :-j " Ang sabi niya.

"Kita tau s hrp ng 9pm" ang reply ko at ibinalik ang aking telepono sa aking bulsa.

Hindi ko namalayang nakangiti pala ako ng mga oras na katext ko si Harold. Napansin ko na lang na nakatitig na pala ang lahat sa akin. Si Rafael naman ay bakas ang nagtataka naman niyang maka titig.

"Anong meron? Ngayon lang kita nakitang ngumiti ng ganyan Seph." Ang tanong ni Rafael.

"May date ako ngayon!!! Sorry guys! Next time ako babawi sa marathon." ang maligla kong ibinahagi sa kanilang lahat.

Dali-dali akong palabas na sana ng bahay ngunit kumapit si Rafael sa aking kanang braso upang ako'y pigilan.

"Sandali tol…" ang sabi niya.

Nagtitigan lang kaming hinihintay ko ang sunod niyang sasabihin ngunit hindi na niya itinuloy ay pinakawalan ang aking braso. Nakita kong biglang binalot ng lungkot ang kanyang mukha.

"Tol, pagkakataon ko nang lumigaya! Wish me luck pare!! Yung poppy corns ni Jeremy ikaw na bahala tapos yung groceries natin ha? Iuwi mo na lang sa bahay pagkatapos niyo manood. Puro delata at instant noodles lang naman yan." ang masaya kong sambit sa kanya habang tinatapik-tapik ang kanyang mga balikat.

Tinungo kong bumalik sa bahay upang magshower at magbihis ng akma sa aking lakad. Habang ako ay naliligo, tila bumalik sa aking ala-ala ang malungkot na mukha ni Rafael nang ako ay paalis kila Jeremy.

Nagblack slim-fit low-rise na pants ako at fitted na pink v-neck shirt na medyo maikli ang bandang tiyan. Gusto ko kasi ipangalandakan ang aking garterline kay Harold.

Isinuot ko ang dalawang itim na krus kong hikaw sa dalawang butas sa kaliwa kong tenga. Konting clay-doh sa buhok kong maikli. Lacoste Red naman sa aking katawan at likuran ng aking tenga hanggang leeg kung pagbigyan man ako ng pagkakataon na makatabi si Harold ay iyon ang amoy na magpapaalala sa akin ng lahat ng gagawin naming dalawa.

Ito na ang unang pagkakataon kong lumandi at ibubuhos ko talaga ang pagkakataong ito para sa aking sarili.

Dali-dali akong lumabas ng bahay. Nang maabot ko ang harap ng bahay nila Jeremy ay napuna kong sarado ang pintuan at may ingay na ng pelikulang pinapanood nila ang maririnig sa labas ng bintana.

"Kuya!!!!" ang biglang sigaw na narinig ko mula kay Jeremy. Natawa ako sa kanyang sigaw. Naiisip ko kung ano ang itsura niya ngayon habang takot na takot na nagtatago at nakayakap sa bisig ni Dexter.

"Si Rafael kaya kamusta na?" ang natanong ko sa aking sarili dahil hindi naman niya kaclose si Kevin at siya lang ang straight doon.

Hindi na ako masyado nag-isip ng tungkol sa kanila. Mas matimbang ang naghihintay sa aking pagkakataon na magmahal ng isang tulad ko.

Nilakad ko ang palabas ng village hanggang sa sakayan sa Sunshine at naghintay ng jeep papuntang Biñan dahil mas madali akong makakapunta ng Pacita sa ganoong daan.

Sa Pacita Complex ay napaaga yata ang aking dating. Maraming tao dahil lingo ngayon. Nag-ikutikot muna ako. Nakakita ako ng mga pirated na DVDs na pelikula, compilation ng tugtog, at installers ng computer mula operating system hanggang sa games meron sila.

Bukod naman sa mga pirata ay may mga estante na naglalako ng mga brand new na mumurahing cellphone at mga second hand na medyo high end ang model.

Tumunog ang aking telepono. Kinuha ko ito agad mula sa aking bulsa walang takot na baka hablutin ito mula sa akin. Matindi ang kilig na aking nararamdaman na makita ang mensahe na mula kay Harold ngunit ako ay nagkamali.

"Tol.Ingat h?Uwi k early h?tc!bltaan m q bks pguwi m.enjoy!" ang sabi ni Rafael.

"Ano kaya ang nakain nitong kumag na to. Siguro narealize na niya na magkakagirlfriend na rin ako sa wakas. Yun lang ang alam niya." Ang natatawang nasabi ko sa aking sarili.

Hindi ko na siya sinagot at nang ibabalik ko na ang aking telepono ay tumunog ulit ito. Tumatawag si Harold.

"Harold!!!" ang sagot kong di napigilan dahil sa lubos na galak.

"Joseph!!!" ang sagot niyang pabiro na ginagaya ang aking masiglang bati.

"Nandito na ako sa Pacita Complex nag-iikot, san tayo magkikita?" ang tanong ko sa kanya.

"Ah… dito na lang sa labas sa tapat ng Max's" ang sagot niyang parang nililibot muna ng tingin ang paligid upang sabihin ang lugar na kung san niya ako tatagpuin.

"Sige papunta na ako diyan." Ibina ba ko ang kanyang tawag at nagmamadaling naglakad tungo sa Max's sa labas.

Sa di kalayuan ay kita kong naghihintay si Harold sa tapat ng Max's. Naka black pants siya at at maluwang na putting shirt na medyo bitin. Kumaway siya nang makita akong papalapit na.

"Saan tayo nakaduty ngayon?" ang pabiro kong bati sa kanya. Tumawa siya ng malakas.

"Timang!" ang nahihiya niyang sagot sa akin sabay akbay sa aking balikat nang kami ay nagkalapit.

"Hmmm… may mga moves na agad siya… pero di agad ako bibigay…" ang bulong ko sa aking sarili habang binabalot na ng kilit ang aking katawan.

"So… saan tayo ngayong gabi?" ang tanong niyang nahihiya.

"Ikaw po bahala. Basta ang mahalaga kasama na kita ngayon." Ang sagot ko naman sa kanyang nahihiya na rin.

Naglakad-lakad lang kami sa loob ng Pacita Complex at hinayaan ko siyang mag-isip kung saan niya ako dadalhin. Makaraan ang ilang ikot.

"Punta tayo ng Malate!" ang bigla niyang yaya sa akin.

"Pupunta tayo sa PWU? Anong meron doon ng ganitong oras ng gabi?" ang nagtataka kong itinanong sa kanya. Hindi kasi ako gumigimik at wala akong alam kung bakit doon niya gusto magpunta.

"Ha?! Seryoso ka?" ang tapatangang tigin niya sa aking tinanong.

"Harold sorry, wala talaga akong alam. Ikaw ang una kong kadate na lalake. Sa totoo lang. Hindi pa ako out maliban kay Jeremy at sa boyfriend niya. Si Rafael alam niya straight ako." Ang seryoso kong paliwanag sa kanya.

"Talaga?! Eh… kasi akala ko kayo ni Rafael…" ang tanong niya sa akin.

"Nge… Straight pa sa ruler yun!! Dami kayang girlfriend noon." Ang natatawa kong sagot sa kanya.

"Ganon?... hmmm… " ang sagot naman niya at biglang nag-isip ng malalim.

Bigla niyang hinawakan ang aking baywang na para bang niyayakap ako at naglakad kami palabas ng Complex upang sumakay ng bus na dadaan ng Mantrade. Wala na kasing diretsong papuntang Lawton sa mga oras na iyon.

Nang makasakay kami sa bus ay hinila niya ako sa duluhang upuan. Kung tama ang bilang ko ay sampu pa lang ang nakasakay doon bukod sa aming dalawa. Natatawa si Harold habang tinutumbok namin ang dulo ng bus hindi ko alam kung bakit ngunit pilyo ang kanyang mga ngiting binibitiwan sa akin tuwing lilingon siya.

"Ano kaya ang nasa isip nito." Ang tanong na nanatili sa aking isipan.

Nang maupo kami sa dulo na kita na lang ang aming mga leeg at ulo at niyakap niya ako ng mahigpit na nakapatong ang kanyang ulo sa aking balikat. Napakasarap pala ng pakiramdam ng niyayakap ka ng mahigpit ng kapwa mo lalaki. Lubos na saya ang bumalot sa aking damdamin sa mga oras na iyon.

Iniangat ko ang aking isang braso upang hawakan ang kanyang ulo at idiin ito sa aking balikat. Ilang minutong katahimikan ang namagitan sa aming dalawa.

"Salamat ha?" ang sabi niyang nakangiti sa akin at nakatitig ang parang maamong tuta niyang mga mata sa akin.

"Ano ito? Bakit ganito kabilis? Bakit magkahalong lungkot at pag-asa ang nasa mga paningin niya?" ang natanong ko sa aking sarili.

"Para saan?" ang tanong ko sa kanya.

"Na nakipagkita ka sa akin at sumama ka. Yun lang." ang sagot niya.

"Yun lang ba? Ang babaw naman non." Ang pabiro kong sabi sa kanya habang kinukuskos ko ang kanyang buhok.

"Opo… Kasi… Ano… ah..." ang sabi niya habang nagsisisimulang mamula ang kanyang mga mata at mamuo ang mga luha. Nakaramdam ako ng lubos na awa sa aking nasaksihan.

"Oh… wag ka na malungkot. Ano ba ang dahilan?" ang sabi ko sa kanyang may halo nang lambing.

"Kasi… alam mo… pilit kong gustuhin na magmahal ngunit wala naman taong tatanggap nito mula sa akin… kahit mga kaibigan kong malalapit sa akin… nang mahulog ako sa kanila sa kanilang kabaitan… inamin kong mahal ko sila… ngunit dahil doon… isa-isa nila akong iniwasan… Ang sabi ng officemate natin na kaclose ko na babae… masyado lang daw puno ng pagmamahal ang aking puso… kaya kahit sino handa kong mahalin ng buong pagkatao ko… pero wala pa raw akong direksyon… wala pa raw nagmamahal muna sa akin binibigay ko na daw ang lahat ko… malas ko lang daw siguro… " ang kuwento niya habang umaagos na ang kanyang luha.

Habang pinagmamasdan ko siya sa kanyang pamamahagi niya ng kanyang dalahin ay hindi ko na rin maiwasang lumuha.

Nakarelate ako sa mga sinabi niya ang kaibahan nga lang namin ay medyo iba na ang pinagdaanan niya ng dahil sa kagustuhang magmahal. Kumbaga sa giyera, siya tira na ng tira kahit walang target at ako naman walang target at iniipon ang bala. Swak pala ang pagkakakilala namin. Sana siya na nga ang hinihintay kong matagal na mamahalin ko habang buhay tulad ng pagmamahalan ng dalawa kong kaibigan.

"Marami na akong nakadate… sobra… karamihan pagkatapos kong makaeyeball yung mga nakakachat ko… either pangit talaga kasi pangit sila kaya iniiwasan ko na… yung iba naman… okay nga… pero may boyfriend na pala… masaklap pa… naibigay ko sa isa sa kanila ang una kong pagkakataon na ibigay ang aking sariling katawan maging kami lang… walang nag-workout kahit isa… either parausan lang ako , di ko type, o di ako type… Sa dami nila wala na akong maalalang pangalan kahit isa sa kanila… Sinubukan kong manligaw sa office pero… ginamit lang ako financially at sexually…" ang kuwento niya sa akin.

"Buti na lang pala nakakilala ako ng isang taong napagdaanan ang mga bagay na iyon dahil kung hindi baka parehas na rin kami ng dinadala ngayon." Ang sabi ko sa aking sarili.

"Joseph?... tanong ko lang… kasi medyo napagod na ako… gusto ko lang makasiguro sa pagkakataong ito…" ang seryoso niyang sinabi sa akin habangnagpupunas ng mga luha.

"Ano iyon Seph?" ang tanong ko sa kanya dahil naudlot ang kanyang itatanong sa akin.

"Kasi… noong una kitang makita… alam kong iba ka sa lahat ng nakilala ko… basta… iba ang kutob ko… pero gusto ko malaman… lalaruin mo rin ba ako tulad ng ginawa nila o iiwasan matapos ang gabing ito?" ang mga mata niya ay nagmamakaawang nakatingin sa akin habang siya ay naghihintay ng sagot.

"Harold… sa totoo lang… pareho tayo ng pinagdaanan… at sa kagustuhan pareho rin tayo… pero hindi kita iiwan… alalahanin mo first date pa lang natin ito… gusto ko muna sumibol ang ating relasyon mula sa pagiging mabuting magkaibigan… yun kasi ang alam kong paraan para makasigurado tayo sa ating bibigyan ng ating pagmamahal. Malay mo di mo pala ako type… malay mo hindi mo pala ako kayang mahalin… alam mo iyon? Ayaw kong may masasaktan ang isa sa atin sa bandang huli…" ang paliwanag ko sa kanya.

"Ang masisiguro ko lang sa iyo ngayon ay… masaya akong nakilala kita… at gusto kong makasama ka lagi at makilala ka pa… at kung di man maging tayo… gusto ko maging mabuting magkaibigan tayo… dahil… nakita ko sarili ko sa pinagdaanan mo… isa pa… wala akong kinatatagpong iba maliban sa iyo at ikaw ang pinakauna kong makakadate… Sana magclick tayo sa isa't-isa. Hirap kasi ng walang minamahal at nagmamahal diba?" ang malambing kong sinabi sa na nagpangiti sa kanya.