Chereads / Salamin [BL] / Chapter 27 - Salamin - Chapter 27

Chapter 27 - Salamin - Chapter 27

Tuluyang tumigil ang aking mundo. Unti-untiang nawala ang ingay ng kapaligiran at kasabay nito'y unti-unti rin nagdilim ang aking paningin.

Huli kong nakita na lamang aking mundo'y biglang tumagilid bago tuluyang magdilim.

"Si tatay..."

"Si bunso..."

"Si nanay..."

"Wala na silang lahat..."

"Anong kasalanan ko pati para si Mariah na natatanging tumatayong kamag-anak ko ay nawala rin?"

Madaling nagbalik ang aking ulirat sabay ng aking paggising.

"Boy? Okay ka lang?" ang tanong ng mukha ng isang lalaking ngayon ko lang nakita. Naka-asul siyang kasuotan at ako'y kanyang akay.

"N-nasaan ako? Anong nangyari?" tanong ko habang pilit na inaalala ang lahat habang hirap na kinikilala ang aking kapaligirang hindi nabago ang lagay.

Nasa gilid lang namin ang pulis na kumakausap sa akin kanina.

Nang mapansin ng lalaki na ako'y nasa ayos na kalagayan na a tinulungan niya akong tumayo at iniwan upang kausapin muli ng pulis.

"Kasama po ako ni M-mario sa bahay. Kalaguyo po niya si Abet. Hindi ko po siya ganoon kakilala at di ko rin po alam kung saan siya nakatira. Nakikita ko lang po siyang kasama ni Mario sa parlor, computer shop o dito sa bahay." ang wika ko sabay hanap ng kilalang mukha sa mga tao sa paligid na makapagtuturo kung saan si Abet.

Agad kong tinuro ang isa sa kabarkada ni Maria na nakatingin sa akin.

"Sir, siya po ang tanungin ninyo." ang paumanhin ko sa kanya at agad naman niya itong nilapitan tulad ng aking nasabi.

Wala nang ibang taong pumasok sa aking isipan sa mga oras na iyon kundi si Rodel. Masyado na akong naguguluhan at nais kong sana'y makausap man lang siya ngunit alam kong hindi siya agad makasasagot.

Dumating ang pinsan ni Mariah kinabukasan at agad na ipinalibing ang kanyang pinsan. Nanatili naman akong naninirahan sa kanila sa pakiusap na huwag akong paalisin kapalit ang aking paninilbihan sa kanila.

Ipinasara niya ang parlor at pinaupahan sa iba ang lugar. Ganoon din ang computer shop ngunit lahat ng laman lang nito ang kanyang ipinagbili dahil sa ako ang nagmamay-ari ng kinatitirikan nito.

Pinaupahan ko ito sa kaibigan ng pinsan ni Mariah na umarkila sa murang halaga dahil sa walang gustong umupa.

Hindi maganda ang dinanas kong pakikisama sa pinsan ni Mariah. Ang upa sa aking dating tahanan kinukuha ng pinsan ni Mariah

tulad ng kasunduan nila. Alam kong ninanakawan na ako ngunit wala na akong magagawa pa.

Nagmistulang katulong ako sa bahay kapalit ng kaunting halaga upang ako'y makaraos sa isang araw kasama na dito ang pamasahe papunta at pauwi ng school. Tirang pagkain nila ang aking kinakain sa agahan at hapunan kung mayroon pa akong naaabutan. Kung nagkakamali o napagtitripan, nabubugbog nila ako kadalasan kahit walang dahilan.

Nagagalit sila kung lumalabas ako para mag-ensayo kaya't napadalang na ang pakikisama ko sa aking mga kabanda. Sa paaralan ko na lamang natutulungan si Simon at Alice sa pag-aaral. Hindi na ako dumadayo sa kanila sa maraming dahilan.

Walang alam kahit si Alice sa mga nangyayari sa akin. Hindi nila alam na wala na si Mariah. Pansin naman nila na may inililihim na ako sa kanila pagbabago sa aking mga galaw at mabilis na pangangayayat. Hindi ko rin naiwasan ang mga pagkakataong mapuna nila ang mga pasa na aking nakukuha sa pagmamaltrato sa akin ng kasama sa bahay.

Si Rodel ay hindi na sumasagot pa sa aking mga mensahe. Hindi na ako nakaririnig ng balita mula sa kanya. Sa paglipas ng mga araw ay lalong tumitindi ang aking pagnanasang kahit makabalita man lang ako sa kalagayan niya.

Isang taon ang lumipas. Nasira na ang aking pag-aaral sa matinding pagod at puyat sa paglilinis at pagsisilbi sa mga kumupkop sa akin. Wala na ang aming banda dahil sa kundisyon ni Simon at sa aking mahigpit na kalagayan. Masasabing hindi na kami nagkaroon ng panahon pa para sa bagay na iyon.

Bumigay na ang pag-asa kong makarinig pa kay Rodel kaya't isinauli ko na kay Simon ang telepono bukod sa hiya.

Si Simon, naging dominante na sa kanya ang katauhan niyang si Randy kaya't parang nagbalik lang ang dati sa lahat sa kanya na lugod namang ikinatuwa ni Alice. Hindi ko na nakikita si Andrew sa kanyang mga galaw ngunit may mga isinusulat siyang mga bagay minsan sa aking kwaderno na combination ng titik at numero. Patuloy naman ang obesrbasyong ginagawa sa kanya ni Brian dahil sa hindi pa rin natitiyak kung sino ang tunay na katauhan ni Simon.

Kung tutuusin, para na akong tanga sa ginagawa ko sa aking buhay. Pilit kong niyakap ang pamumuhay ng mahirap sa kabila ng isang magandang alok na naghihintay sa aking tanggapin.

Hindi ko pa rin makuha ang alok sa akin ng mommy ni Simon bukod sa takot na mamuhay kasama ang isang taong nawawala sa sarili. Marami ng taong malapit sa akin ang namatay, hindi ko na gustong madagdagan pa sila. Tanggap ko na sa aking sarili na ako ay may kamalasang kasama.

Sa isang banda, si Abet ay nahuli na matapos ang kanyang matagal na pagtatago na nalaman ng lahat nang lumabas siya sa mga balita sa tabloid at telebisyon. Napatunayan ng imbestigasyon nila ang kuneksiyon niya sa paggamit at pagpuslit ng droga at ang pagkamatay ng iba pang gumagamit tulad ni Nestor at ni Vincent. May mga kakilala pala siyang mayayaman na nagsusupply ng shabu sa Muntinlupa.

"Mamaya na iyan! Linisin mo na itong kubeta." ang utos sa akin ng pinsan ni Mariah na kalalabas lang ng palikuran. Isang nakasusulasok na ako'y ang agad na sumunod sa kanyang mula sa kanyang pinanggalingan.

Natigil ako sa wawalis sa kusina at napabuntong hiningang ibinalik ang walis at daspan sa gilid ng kalan. Bumaligtad ang aking sikmura habang ako'y naglalakad tungo sa kubeta. Nang makarating ako sa pintuan ay binuksan ko ang ilaw. Mabilis na tumakbo ang lahat ng laman ng aking tiyan tungo sa aking bibig na agad ko rin pinigilang lumabas sa aking nakita. Hindi man lang niya binuhusan ang kanyang basura.

Matinding awa sa sarili ang aking nadarama habang tiis kong sinikmura ang lahat sa paglilinis.

"Pagkatapos mo diyan itapon mo na ang mga basura. Linisin mo maigi yan kundi malilintikan ka ulit sa amin." ang dagdag na utos sa akin habang kinukuskos ko ang sahig na may bahid ng kanyang mga dumi.

Natapos ang lahat ng aking gawain nang magsiesta ang magkalaguyo sa dating silid ni Mariah na ngayo'y kanila na. Sa pagkakataong iyon ako'y maliligo na sana ngunit pagbukas ko ng aking aparador puna kong halos lahat ng aking damit na bigay ni Rodel ay wala na. Kinuha ng boyfriend ng pinsan ni Mariah dahil sa kaming dalawa ay magkasukat lang ng pangangatawan.

Lumuluha akong tinitigan ang aking aparador. Pambahay, damit na luma, at pares ng uniporme na lang ang mga nakasampay. Ang mga bigay ni Rodel na damit ay wala na. Tanging ilan sa mga bagay na bukod sa nagagamit ko ay nagbabalik sa akin ng aming mga ala-ala.

"Rodel. Nasaan ka na?" ang tanong ko sa aking sarili habang isinasarang muli ang aking aparador matapos kumuha ng pamalit na damit. Nangungulila na ako sa mga yakap at halik ng aking mahal.

Ganito na ang aking buhay, naubos na ang pag-asa at hirap nang ngumiti.

Halos lahat ay wala na sa akin at sadyang di ko na kayang tiisin pa ang lahat. Kapit patalim na tinalikuran ko ang aking pangarap na umangat sa kahirapan sa pamamagitan ng aking pagsisikap. Desperado na akong kumawala sa aking kalagayan. Tinutulak ako ng tadhanang tanggapin ang nag-iisang lunas sa aking katayuan kahit matagal nang hindi namin napag-uusapan ni Alice.

Biyernes, sa loob ng paaralan, isang hapon habang kasabay kong naglalakad palabas ng silid si Alice upang puntahan si Simon sa basketball court sa campus.

"Alice, pwede ba natin makausap ang mommy ni Simon?" ang nahihiya kong tanong sa kanya. Napatigil si Alice sa kanyang narinig at lumingon sa akin.

"Is there a problem, Jasper?"

"Tingin ko Alice hindi na siguro kailangan pero gusto ko na tanggapin ang alok ng mommy ni Randy mo." ang nahihiya ko pa ring sinabi sa kanya.

Nanlaki ang mga mata ni Alice sa tuwa at yumakap sa akin ng mahigpit.

"Thank you! Tatanungin ko si tita mamaya para makausap na natin siya pero papaano kita sasabihan kung kailan?" ang sagot niya. Naalala ni Alice na wala na nga pala akong telepono.

"Sa lunes na lang pag nagkita na ulit tayo." hindi ako makatingin sa kanya ng tuwid sa matinding hiya. Buhay pa pala ang kagustuhan nilang umampon.

"Can we talk sa chat?" tanong niya. "Oo nga pala, hindi na kita nakikita sa YM online?" dagdag niya matapos maalala na hindi na niya ako nakakausap man lang sa chat.

"Alice, marami kasi nangyari sa akin pagkatapos natin tumugtog sa Padi's noon." ang sabi ko sa kanya sabay yaya sa kaniyang umupo sa gilid ng corridor dahil sa magiging mahaba ang aming usapan.

"Ano nga ba nangyari? Bigla kang nagbago kasi. Madalas ka umiwas, tapos naging busy ka na. Sabi mo lagi sa amin magbabantay ka pa sa computer shop ni Mariah." ang sagot niya habang seryoso at nag-aalala ang kanyang mga titig sa akin.

"Patay na si Mariah. Pinatay siya noong nasa Padi's tayo." nanlaki ang mga mata ni Alice sa aking sinabi.

"Matagal na yun ah! Pano ka namumuhay ngayon? Okay ka pa ba?" ang tanong niya.

"Pinsan na niya ang nakatira sa bahay ni Mariah. Binenta na yung parlor at yung computer shop nagsarado na para paupahan." ang binahagi ko sa kanya na lalo niyang ikinabahala.

"May trabaho ba yung pinsan niya? Buti naman may kumupkop pa rin sa iyo?"

"Walang trabaho mga yun. Umaasa sila sa paupa nung dating parlor at sarado na yung computer shop kaya pinauupahan na rin namin." ang sagot ko.

Inayos ni Alice ang kanyang buhok at ipinatong sa kanyang tabi ang kanyang bag.

"Mabuti naman may pumapasok na pera sa bulsa mo sa rent dun sa place mo."

"Yun nga eh pero hindi sa akin binibigay yung upa kundi dun sa pinsan ni Mariah. Sila humahawak ng pera pang araw-araw namin." tumaas ang kilay ni Alice sa kanyan g narinig.

"Dapat binibigay nila sa iyo yung kita dun sa rent ng place niyo."

"Maliit lang kasi yung kita sa dating parlor kaya dinadagdag na lang din nila yung upa na nakukuha nila sa dating computer shop. Tulong ko na yun sa pagkupkop nila sa akin." ang pilit kong pagkumbinsi sa kanya na maayos lang ang lahat.

"Then why all of a sudden you want to accept the offer? What is the real reason? Huwag mo na gawing maganda pa yung mga sinasabi mo. Tell it to me straight." may hinala na si Alice na hindi maganda ang aking kinalalagyan ngayon.

Namuo ang aking mga luha. Hindi ko mapigilan ang sakit at paghihirap na sumisigaw sa loob ng aking damdamin.

"Ginawa nila akong alila, mga gamit ko parang di na akin kahit damit ko kinuha na nung nobyo ng pinsan ni Mariah. Nahihirapan na ako." ang pag-amin ko sa kanya sabay tulo ng aking mga luha sa magkabilang pisngi.

Nahabag si Alice sa kanyang nakikita at napakamot ng kanyang ulo.

"Jasper, you're the smart kid hindi ako pero bakit nagpakatanga ka? Ano ba? Pride mo? Look at you now? You look miserable. You're not the same Jasper I know."

Hindi ako nakasagot sa kanya. Alam kong naging mali ang mga desisyon ko kung bakit humantong pa ako sa ganitong buhay. Iisa lang naman ang pinanghawakan ko, ang magsumikap umangat ang aking buhay tulad ng pangako ko sa aking inay. Balang araw yayaman ako sa pamamagitan ng aking pagsusumikap.

"Alice, tama ka sa 'pride'. Noong buhay pa kasi si nanay, pinangako ko sa kanyang yayaman ako sa sarili kong sikap. Naiisip ko kasi dati na may paraan pa at kaya kong tumayo upang makamtan ko mga pangako ko sa nanay ko. Parang shortcut kasi kung magpapaampon ako. Isa pa, sino ba naman ako para ampunin ng mga Tiongco?" ang sagot kong wala nang itatago pa.

"Yan ang problem sa iyo, Jasper. Masyado ka matalino kaya tingin mo lahat ng bagay kaya mo. For some reason, I can't blame you for the pride part."

Pilit kong tinahan ang aking pag-iyak bago sumagot kay Alice.

"Na nilulunok ko na ngayon." ang sabi kong pilit tumawa.

"I know your mother would have understand and she would have wanted you to get the opportunity."

"Tumatalino ka na nga, Alice." Ang natatawa kong biro sa kanya na tinaasan lang niya ng kilay.

Tumayo si Alice sa kanyang pagkakaupo at binitbit muli ang kanyang bag. Gumaya na lang ako sa kanyang ginawa at naglakad na kami papunta kay Simon. Sa basketball court, naghihintay na ang babad sa pawis at nakaupo sa sahig na si Simon dahil katatapos lang pala ng kanilang laro.

"Babe, Jasper wants to stay at your place for the time being." ang bati sa kanya ni Alice habang kami'y papalapit na naglalakad sa kaniya.

Nagulat ako sa kanyang sinabi at sabay hila sa kanyang braso.

"Huy! Ano ka ba? Bakit mo sinabi yun? Wala naman sa usapan natin yun!" ang bulong ko sa kanya habang nilalamon na ako ng hiya.

"Jasper, parang di ka na nasanay. Hello?!?" ang sabi ni Alice sabay ikot pataas ng itim ng kanyang mga matang halos magtago ang mga ito sa talukap ng kanyang mga mata.

"Dati may dahilan ngayon iba na dahilan! Isa pa bakit ako tutuloy sa kanila?" wika kong pabulong pilit na umaayaw sa kung ano man ang pinaplano niya.

"Maglalayas ka mamaya at dun ka na titira sa kanila."

"Ha?! Teka ang bilis naman yata!"

Kumakamot ng ulong pinanood kami ni Simon mula sa kanyang kinauupuan. Napansin kong tatayo na siya upang lapitan kaming dalawa kaya't humarap ako sa kanya na may pilit na mga ngiti.

"Wag na, please. Ayaw ko maglayas. Dalin mo na lang laptop mo tapos kausapin muna natin mommy niya." ang sinabi ko kay Alice habang pilit na nagpanggap na nakangiti lang na hindi nagsasalita habang nakatingin kay Simon na papalapit na sa amin. Hinarap ni Alice si Simon nang mapuna ang aking ginawa.

"Babe! Jasper will runaway from home tonight. Long story. Can you help him?" ang sabi niya kay Simon nang ito'y makalapit.

"Lalayas ka tol?! Maganda yun! Stay over ka muna sa amin!" ang excited na tanong sa akin agad ni Simon.

"Ah.. Eh.. Huwag na Randy, nagbibiro lang girlfriend mo." ang nahihiya kong pagtanggi sa kanya habang pilit na pinanatili ang nagpapanggap na ngiti.

"Ows? Long story daw sabi ni babe eh.Hindi mo na ba maatim kasama si Mariah? Okay lang tol! Dun ka muna sa bahay." pamimilit niya.

Walang kaalam-alam si Simon na tatanggapin ko nang mag-paampon sa magulang niya at magiging kapatid ko na siya. Sa isang banda nanaman ay nagsisimula na akong sumaya sa takbo ng mga nangyayari.

"Patay na si Mariah last year pa. Tatakas lang ako sana sa mga kumupkop sa akin. Inaalipin na nila ako eh." ang nahihiya kong sagot kay Simon.

"Buti naman patay na yung baklang manyak na iyon." parang nakatikim ng katarungan si Simon sa kanyang mga narinig.

"Layas ka na ngayong gabi! Gusto mo ngayon na?" ang pangungulit ni Simon.

"Paano?" ang tanong ko kahit may idea na akong naiisip.

"Hatid ka namin ni babe sa kanto ng bahay mo dun ka namin hintayin, dalin mo na gamit mo tapos balik ka sa amin." ang pagtulak pa sa akin ni Simon. Natutuwa akong lubos sa suportang ipinapakita nila sa akin. Si Alice naman ay halatang excited sa aming gagawin.

Tulad ng plano ni Simon, hinatid nila ako sa kanto sa aming lugar at naghintay sa aking bumalik kasama ang aking mga gamit. Nagmamadali akong naglakad pauwi at dali-daling nag-alsabalutan nang mapansing abala sa pagluluto ang pinsan ni Mariah at wala naman ang nobyo nito sa bahay.

Pakiramdam ko'y para akong nakalaya sa kulungan sa mga oras na iyon. Lubos na kaligayahan ang nanaig sa aking dibdib habang binabaybay ko ang daan pabalik sa kung nasaan naghihintay si Simon at Alice. Hinatid namin si Alice sa kanyang bahay bago kami tumuloy ni Simon sa kanila.

Sa harap ng malalaking itim na gate ng tahanan ni Simon ay nakatayo si Brian na nagsisigarilyo. Nakapambahay. Kinikilatis ang paligid sa labas ng bakuran ng tahanan ng mga Tiongco.

Lumapit ito sa amin matapos kaming makita. Nabigla naman siyang ako'y makita matapos ibaba ni Simon ang salamin ng bintana ng kotse sa kanyang banda bago sila nag-usap.

"Aren't you, Jasper? Long time no see." ang agad niyang bati sa akin habang nadungaw paloob sa kotse. Tumango lang ako sa kanya at nahihiyang ngumiti ng pilit.

"He's going to stay here. Naglayas siya at huwag kang makikialam. Pabuksan mo ang mga gate sa mga maid." ang seryosong sinabi naman sa kanya ni Simon. Agad nawala ang ngiti ni Brian sa kanyang narinig at umalis upang pumasok sa loob ng bahay. Ilang sandali lang at bumukas na ang malalaking pinto at naipark na sa loob ng garahe ang kotse ni Simon.

Seryoso pa rin ang mukha ni Simon matapos niyang patayin ang makina ng sasakyan. Lumabas ito at agad akong pinagbuksan ng pintuan na aking ikinagulat.

"Akyat ka na sa room. Ako na magdadala ng bag mo. Na-miss kita." ang malambing na sinabi niya sa akin habang may matamis na ngiting nakapinta sa kanyang mukha. Nangilabot naman ako sa aking nasilayan.

Inabot niya ang aking kamay at inalalayan akong bumaba ng kotse. Si Brian naman ay tahimik na nagmamasid pala sa bandang likuran.

"I'll walk with you, Jasper. Don't worry, marunong ako magtagalog dahil dito ako lumaki sa pinas." ang alok ni Brian sa akin na sinagot ko lang ng pagtango.

Naglakad kaming dalawa at si Simon nama'y pinauna namin bitbit ang aking dalahin. Inakbayan akong bigla ni Brian upang bagalan lalo ang aming lakad.

"I would like to give you a warning on Simon." ang bulong sa akin habang ang mga mata niya'y hindi naalis sa likuran ni Simon.

"Hindi mo na po kailangang sabihin. Matagal ko na po alam. Nasabi na rin po sa akin ni Alice ang tungkol dito." ang magalang kong sagot sa kanya na kanyang tinawanan lang.

"Well at least that saves me from telling you the details. Alam ko rin na gusto kang ampunin ng parents ni Simon. Alice and I are quite close now aside from Simon's parents are talking to me all the time." ang sabi niya.

"I hope you reserved their rights to tell this to Simon themselves. Are you up for the challenge?" ang ikinabigla ko namang narinig mula kay Brian.

Napatigil ako sa aking paglalakad at tinitigan siya. Tumigil din siya sa kanyang paglalakad at humarap sa akin.

"Anong challenge po?" ang kinakabahan kong tanong sa kanya. Humalakhak lang siya sa aking tanong at nagpatuloy sa paglalakad. Nagmadali naman akong masundan siya.

"Wala pa rin po siyang alam. Pumapayag na po ako pero napaaga lang ang bagay na ito bago ko pa po sabihin sa mommy ni Simon dahil naglayas po ako sa kumupkop sa akin." ang sabi ko sa kanya.

"Don't worry. I want you to come with me later and we'll talk to his mom on this. Anyways, don't tell me that I didn't warn you." ang sagot niya na lalong nagpakaba sa akin.

Nang makaabot si Simon sa harap ng kanyang silid ay tinitigan niya ng masama si Brian.

"Jasper, bilisan mo. Brian, leave us alone you freak." ang sabi niya sa amin at humalakhak lang si Brian sa kanyang sinabi.

Tumigil ako sa paglalakad nang makatabi ko na si Simon sa pinto ng kanyang kwarto. Pinanood naman namin si Brian na pumasok sa silid na katabi ng kay Simon.

"Huwag mo na pansinin si Brian. Sira na ulo nun." ang sabi ni Simon sabay bukas ng pinto ng kanyang kwarto habang bitbit ng isa niyang kamay ang aking bag.

Agad dinala ni Simon ang aking gamit sa loob ng kanyang closet at ako nama'y tumungo sa ibabaw ng kanyang kama upang umupo.

"Randy, sorry ha? Naabala ko pa kayo." ang nahihiya kong sinabi sa kanya habang siya'y nagaayos ng aking gamit sa kanyang closet.

"Wala lang iyon. Ito naman nahiya pa sa akin." ang sagot niya sa akin.

Lumabas siya ng closet at naglakad tungo sa akin habang abot tenga ang kanyang mga ngiti. Ipinatong niya ang magkabila niyang mga kamay sa aking mga hita at yumuko upang magtapat ang aming mga mukha. Nabigla ako sa kanyang ginawa at sa bilis ng mga pangyayari. Napaurong ako sa ibabaw ng kama't itinukod ang aking magkabilang mga kamay sa aking likod upang hindi ako mapahiga.

"Randy ka ng Randy diyan. Andrew nga di ba? Ano? Nagawa mo na ba yung puzzle?"