"Ganyan ka na, Jasper! Sige! Puro sarili mo na lang isipin mo at yang pagmamahal mo kay Rodel! Hindi ka na natuto sa kanya! Ngayon, kung iwan ka na lang niya ganoon lang ka dali! Ako na tinuring kang kapatid kahit di tayo magkadugo basta mo na lang akong ipinagtatabuyan!" ang sigaw niya sa akin. Nanaig ang katahimikan sa aming pagitan.
"Naging makasarili na ba ako?" tanong ko sa aking sarili ng matauhan sa kanyang sinabi.
"Puntahan mo na lang ako bunso sa room ko kung kailangan mo ng makakausap. Sorry ulit. Sana, maisip mong di ko kakayaning mawalan ulit ng kapatid. Mahal kita, Jasper." ang malungkot na paalam ni Simon sa akin. Batid kong si Andrew ang kumausap sa akin dahil sa malumanay at hindi siya magaspang manalita tulad ni Randy at lalong hindi siya parang batang bulol na nagmamakaawa tulad ng isa niyang katauhan.
Masyado akong abala sa aking pagtangis, hindi ko na iniintindi ang lahat kundi ang muling mawala sa aking piling si Rodel. Dumating na sa aking harapan na ako'y isang dugong mayaman ngunit kapalit nito'y ang mabilis na pagkawasak ng aming pagmamahalan. Aanhin ko rin ang mga yamang ito kung ang mismong bagay na ito ang aking kinailangan nung naghihingalo pa si inay.
"Bakit di ako pinagtanggol ni Rodel? Bakit kung ako mismo nagawang tumayo sa harap ng lahat para ipaglaban ang sa amin ay siya namang kanyang sinuklian ng kabaligtaran?" ang tanong ko sa aking isipan habang naninikip na ang aking dibdib sa kaiiyak at labis na hinagpis.
Hindi ko na namalayan ang oras, nahulog na ako sa isang panaginip. Kung ito lang ang tanging paraan upang ako'y magising sa isang bangungot mas tatanggapin ko na lang kung dito magsasama kami hanggang kamatayan ni Rodel.
Dumating ang gabi, ilaw na lang na pumapasok sa bintana ng aking silid ang dumadampi sa sulok ng aking silid. Malapit nang dumating ang pasko kaya't sa mga oras na iyon ay malamig na ang hamog ng gabi na lumulusot sa mga bukas na bintana. Walang kwenta ang air conditioner na nakalagay doon dahil sa hindi din ako sanay sa hangin na galing doon.
Naiwang bukas ang pintuan ng aking silid. Isang lalaking anino lang ang maaaninag ang lumapit sa akin. Isang sandali niya akong pinagmasdan. Siguro, tinitiyak niyang ako'y natutulog pa rin.
Binuhat niya akong parang sanggol. Naalimpungatan ako ngunit dahil sa wala akong salamin ay hindi ko rin siya makikilala. Hindi ako makapagsalita, marahil sa pagod o sawa nang mabuhay pa. Para akong lumulutang sa hangin nang maramdaman kong maglakad siya. Di ko alam kung saan niya ako dadalhin.
Matindi ang sakit ng ulo at mga matang namamaga sa pagluha. Kahit nagising ako pilit pa rin akong hinihila ng aking antok. Hindi ako nakaramdam ng takot sa kanya sa di ko maipaliwanag na dahilan.
"Bunso, dito ka sa tabi ni kuya muna matulog. I love you." ang bulong niya matapos tumigil sa paglalakad. Naramdaman ko na lang na lumatag ako sa ibabaw ng kama at naamoy ang pamiyar na halimuyak ng air freshener na kumapit sa unan, kobre, at kumot na nandito.
"Si Simon pala. Nasa kwarto ako ni kuya." ang sabi ko sa sarili habang nilalabanan ko ang antok na bawiin ang aking ulirat.
Dumampi ang mainit na mga labi ni Simon sa aking noo. Madiin at malambing. Naawa akong masyado sa sarili ko. Wala na akong masasandalan. Iniwan ako ni Rodel. Pinilit kong iabot sa kanya ang aking tulog pang mga braso at agad naman niya itong sinalubong ng mahigpit na yakap padagan sa akin.
"Kuya, bakit tumakbo si Rodel? Di ba kung mahal mo ang isang tao ipaglalaban mo siya? Bakit ganoon? Nangako siya sa akin. Nangako siya. Bakit ganoon?" ang tanong ko sa kanya habang unti-unting namumuo nanaman ang mga luha sa aking mga matang nakapikit na. Hindi sumagot si Simon ngunit hinigpitan lang niya ang yakap niya sa akin.
"Hindi lang siguro naging matapang para sa iyo si Rodel. Huwag kang mag-alala, hindi naman kita iiwan, utol ko. Baka nga ako ang iwan mo ngayong Elizalde ka pala. Iiwan mo na ba si kuya?" ang malungkot na tanong niya. Hindi ako nagdalawang isip na sagutin siya. Nagbabaka sakali akong kung ipagpapatuloy ko ang pagiging Tiongco taliwas sa kagustuhan at katotohanan, baka bumalik si Rodel.
"Hindi... kapatid kita di ba?" ang sagot ko.
"Paanong hindi? Kadugo mo sila, tayo, nagkaganito lang tayo dahil na rin sa inampon ka namin." ang pagkukumpara niya.
"Kung dito ako masaya at hindi sa mismong pamilya ko? Bakit pa ako dun pupunta?" ang tanong ko sa kanyang sagot. Sa oras din na iyon, narinig ko ang aking sarili at natauhan. Nagising ako nang balikan ko ang bawat salitang aking binitiwan.
"Nay? Ganito din ba dinanas mo kaya ipinagpatuloy mo ang buhay na walang karangyaan? Kapalit ng lahat ang pagmamahal?" ang bulong ko sa aking isipan.
Ilang sandali akong nag-iisip habang si Simon naman ay tahimik na nakayakap sa akin. Parang ayaw niya akong lumayo. Naaawa na rin ako sa kanya sa kabila ng kanyang sakit sa pag-iisip. Dama ko ang kanyang hiningang mainit sa aking leeg. Malalim ang bawat buga ng hangin na dumadampi sa akin.
"Bunso? Galit ka ba kay kuya?" ang tanong niyang malambing.
"Hindi, wala naman akong salamin kanina di ba?" ang katwiran ko matapos kong itago sa kanya ang tunay kong naramdaman kaninang umaga.
"Bakit ganun ka na lang magtampo kanina kay kuya?" ang tanong niya pa. Ayaw ko nang makipagsagutan pa ng puro tanong sa tanong ng bawat isa. Tama na ang paligoy-ligoy pa.
"Kuya... umamin ka... bakit may nagaganap sa inyo ni Brian? Paano si Alice?" ang tanong ko sa kanyang di na niya nasagot.
"Malalaman mo rin balang araw, bunso. Pag magaling na ako, tanong mo ulit sa akin ang tanong na iyan at sasagutin kita ng dalawang sagot sa tanong na iyan." ang paliwanag niya.
"Kuya naman eh, puro ka pahula. Ang gulo-gulo mo talaga." ang maktol ko sa kanya. Bumangon siya sa akin at humiga na sa aking tabi tulad ng dati naming lagay nung kami'y natutulog sa iisang kama.
Tagalid siyang nakahiga paharap sa akin habang ako naman ay nanatiling nakatihaya dahil wala naman akong makita. Nag-isip sandali si Simon habang nakikiramdam.
"Naalala mo yung pinahuhulaan ko sa iyo?" ang tanong niya. Pilit kong inalala kung ano yung kasagutang aking nakuha base sa mga paglilipat-lipat ng mga letra at numerong ibinigay niya.
"Akala ko ba hindi ko pwede ipaalam sa iyo yung sagot?" ang tanong kong sagot sa kanya. Nakiramdam siyang muli sa kanyang sarili bago sumagot.
"Pwede na ngayon. Kung ano man ang mangyayari, kahit anong gawin ko sa iyo, gusto ko lagi mo iisipin na sa bawat paraan na sasaktan kita ay dalawang beses bumabalik sa akin iyon." ang wika niya. Naguguluhan na ako lalo sa mga pinagsasabi niya.
"Sigurado ka, ha?" pasintabi ko muna bago paisa-isang binigkas ang mga letra ayon sa kanilang pagkakasunod-sunod. "TuLuNgAnMoKoNgMaKaWaLaKayRaNdYaKoSiAnDrEwAnGtUnAyNaSiSiMoN." at nangiti si Simon sa aking nasabi.
"Tama ka bunso, matalino ka talaga. Pag magaling na ako, sasabihin ko na sa iyo kung ano ang nangyari. Sa ngayon, hindi ko kaya pero balang araw mawawala na rin si Randy dahil nandiyan ka na. Sa tulong mo, Jasper, basta nandiyan ka, gagaling din ako." ang pangako niya sa akin kapalit ng paniniwala sa kanyang mga sinasabi.
"Kuya, dahil sa nag-uusap na tayo tungkol sa kalagayan mo na alam mo na pala, sino yung maliit na batang nakakalaro ko?" ang parang batang tanong ko sa kanya. Natawa siyang saglit.
"Ah iyon ba? Siya si Simon liit." ang sagot niya. Natigil siyang bigla sa kanyang sasabihin at nanahimik.
"Kuya? Ano iyon? Bakit?" ang tanong ko agad nang mapansin ang biglaang pananahimik niya.
Mabilis masyado ang mga biglaang pangyayari. Napalundag si Simon sa kanyang pagkakahiga at tumayo sa gilid ng unan.
"Anong ginagawa mo dito?! Bakit di ka dun sa kwarto mo natutulog?! Tapos na kwarto mo ha! Umalis ka nga dito!" ang gulat at galit na sinabi niya sa akin.
"Ano ba yan? Ang gulo naman!" ang sabi ko sa aking sarili sabay bangon at umupo sa gilid ng kama.
"Randy, sorry. Wala akong salamin nabasag kanina hindi ko na alam kung saan ngayon. Nagkamali pala ako ng kwartong napuntahan." palusot ko nang mapansing nagpalit nanaman siya ng katauhan."Samahan mo naman ako kuya, wala akong makita eh."
"Wala bang kontrol si Andrew sa kanya?" ang bulong ko sa sarili sabay kamot ng ulo.
"Kaasar naman ito oh! Natutulog na yung tao eh nanggugulo pa!" ang reklamo niya habang nagdadabog na lumapit sa akin at may kaunting dahas na hinila ako patayo sa aking upuan.
Nagmamadali siyang lumakad nauna sa akin. Bwisit na bwisit habang ako'y sinasamahan pabalik sa aking silid. Hindi ko mapigilan matawa sa kanya. Nang mailapit niya ako at makahiga na ako sa aking kama.
"Good night, kuya Randy! I love you!" ang alaska ko sa matapos tumalikod upang maglakad pabalik sa kanyang silid.
"Bwiset! Pasama ka nga sa driver natin bukas magpagawa ka ng salamin mo! Paopera mo na lang kaya para permanente na. Tang-ina naman oh!" ang patuloy niyang reklamong malakas na akin pa ring naririnig bago niya isara ng malakas ang kanyang pinto.
Sa mga oras na iyon, natuwa akong pagtripan si Randy. Pakiramdam ko, nakakatikim ako ng isang matamis na paghihiganti sa kanya sa tuwing makakahanap ako ng pagkakataon.
Tumagilid na ako upang dumapa na sana't matulog ngunit naamoy ko ang naiwang pabango ni Rodel sa aking unan. Pilit kong kinalimutan pero masyadong mabilis na bumalik ang sakit kaya't parang wala lang din ang aking kaninag pagtahan. Nalamon na lamang akong muli ng antok habang naglalabas ng pighati.
Kinabukasan, agad akong nagpasama sa aming driver upang magpagawa ng salamin at bumili ng bagong telepono bago sana puntahan si Rodel sa kaniyang tinutuluyan. Nasa harapan na ako ng pintuan ng kanyang unit at kumakatok.
"Rodel, si Jasper 'to. Rodel?" ang paulit-ulit kong panawagan ngunit walang sumasagot sa loob.
Makalipas ang ilang sandali, sa katabing unit ay may lumabas na isang babaeng mahaba ang buhok at mestisa. Agad niya akong napansin nang siya'y lumabas.
"Umalis na kagabi yung nakatira diyan. Nagmamadali nga eh. Sayang hindi mo naabutan. Kontakin mo na lang siya." ang balita sa akin ng kapitbahay ni Rodel.
Parang biglang naubos ang aking lakas. Gusto kong umupo sa sahig sa biglaang panginginig ng aking tuhod. Para akong nalugi sa negosyo.
"Salamat ha? Sige, tawagan ko na lang siya." ang sagot sa kanya matapos ngumiti ng pilit. Agad kong nilabas ang aking telepono at sinubukan siyang tawagan ngunit 'out of coverage' na talaga ito.
"Busy yung phone eh. hehe. Salamat ulit at paalam!" ang huli kong sinabi sa kanya at naglakad na pababa ng building upang umuwi.
Alas tres na ng ako'y makauwi at naisip kong yayain si Simon na kumain sa labas dahil hindi pa ako nananaghalian at gusto kong makabawi sa inasal ko kagabi. Nagmamadali akong umakyat papunta sa kanyang silid ngunit di ko ito naabutan. Sa mismong harap ng pinto ng kanyang kwarto nang tumalikod ako upang bumaba at magtanong sana sa mga katulong kung nasaan si Simon, narinig ko ang mahinang boses nilang dalawa ni Brian na naggagaling sa kabilang silid. Mabilis kong naibaling ang aking tingin doon at napunang medyo nakabukas ang pinto. Dahan-dahan akong lumapit dito at patagong nakinig sa kanilang usapan sa likod ng pintuan.
"Naririnig mo ba ako?" ang tanong ni Brian sa malumanay niyang boses.
"Oo." ang mahinang sagot ni Simon.
"Sa silid na iyan, may makikita kang maraming pintuan na nakapalibot sa iyo, buksan mo ang isa sa kanila." ang utos ni Brian. Labis akong napaisip kung ano ang ginagawa nila sa loob ng silid. Unti-unti kong nilapit ang aking sarili sa awang ng pintuan upang sumilip.
Nakaupo si Brian sa upuan na nasa kanyang study table habang si Simon naman ay nakapikit na nakahiga sa kanyang kama.
"Ano ang nakikita mo sa likod ng binuksan mong pintuan?" ang mahinhin na tanong sa kanya.
"May lalaking nakatalikod, pareho kami ng damit at buhok." ang mabagal na sagot sa kanya ni Simon.
"Lapitan mo siya, tanong mo kung ano ang pangalan niya." ang malumanay pa rin na utos sa kanya ni Brian. Maingat niyang kinuha ang kanyang yellow pad na nakapatong sa kanyang study table at nagsimula na siyang sumulat.
Ibinaling ko ang aking mga tingin kay Simon. Parang natutulog lang siya at nananaginip. Naabutan ko ang unti-unting pag-asim ng kanyang mukha. Parang nasasaktan siya.
"Huwag! Ayoko! Hindi ka lalabas dito!" ang sigaw ng mukhang nahihirapang si Simon.
"Anong nangyayari? Sino nananakit sa iyo? Ano ang gusto niya?" ang tanong ni Brian na hindi nababahala sa kung anong nangyayari kay Simon.
"Si Randy! Nasa kanya kasi yung susi ng bahay! Ayaw niya kaming pakawalan!" ang mabilis na sagot ni Simon kay Brian.
"Miguel, pakinggan mo boses ko. Umalis ka na diyan. Subukan mong iwan si Randy. Hanapin mo si Andrew at siya ang palabasin mo ulit diyan." ang utos niya kay Simon na sa mga oras na iyon ay nagsisimula nang pawisan at mukhang binabangungot.
"Miguel?!?! Ilan ba si Simon?!?!?" ang tanong ko sa aking sarili sa pagkagulat na marinig ang tawag ni Brian sa kanya.
Naghihirap na si Simon, walang magawa ang mga sinasabi ni Brian sa kanya. Hindi na siya masunod ng kung sino man ang kausap niya sa mga oras na iyon. Bumilang pabalik mula sampu hanggang isa si Brian at gumising na si Simon matapos niyang tawaging 'Andrew' si Simon.
Agad siyang nilapitan ni Brian nang mamulat ang mga mata ni Simon at hinawakan ito sa kamay.
"Andrew? Hon? Are you okay?" ang tanong sa kanya ni Brian na may halong lambing. Ngumiti sa kanya si Simon at humawak ito sa kanyang batok. Hinila siya nito palapit sa kanya at nasaksihan ko mula halikan nila hanggang sa magsimula na silang magtanggal ng damit.
"Gusto ni Andrew si Brian." ang bulong ko habang nanlalaki ang aking mga mata sa kanilang ginawa.
Hindi ko na maatim ang nangyayari kaya't lumayo na ako mula sa pinto at naglakad patungo sa kwarto ni Simon. Sa aking paglalakad, nakaramdam na ako ng matinding pagseselos. Sa pagkakataong ito, siguradong nagseselos na ako sa nangyayari sa kanila ni Brian. Hindi ko naman malaman sa aking sarili kung bakit.
Sa kama ni Simon agad akong humilata. Kahit may sarili na akong kwarto, parang doon na ako dinala ng aking mga paa.
"Ganoon pala ang mga nangyayari na ngayon sa mga sessions nila."
"Bakit? Bakit ganito nararamdaman ko para kay Simon? Ganito ba ang pagmamahal sa isang kapatid? Bakit ako nagseselos?" ang tanong ko sa aking sarili habang pilit na kinakalimutan ang lahat.
Nabasag ang aking sandali ng biglang kumalam ng malakas ang aking sikmura.
"Ano ba yan. Hilahin ko na nga si kuya." ang sabi ko sabay tayo sa kama at bumalik sa silid ni Brian.
Sa nakaawang pa rin na pinto na akin sanag bubuksan ay narinig ko nanaman ang palitan ng kanilang mga ungol. Para akong sinaksak sa mga sandaling iyon. Minabuti ko na lang huwag sumilip. Nagmadali na lang akong tumungo sa hagdan para kumain sa labas mag-isa at lalong makapag-isip na rin ng maayos. Sa aking pagmamadali, hindi ko naiwasan dumagundong ang aking mga yapak sa sahig na nagpatigil sa sagutan ni Simon at Brian sa loob ng silid.
Nang marating ko na ang unang baitang ng hagdan pababa, narinig ko ang langitngit ng pintuan ng silid ni Brian na biglang bumukas. Mabilis kong nilingon ang aking pinanggalingan at nakita ko si Simon na nagtatakip na lang ng kayang shirt na nahubad sa kanyang maselang harapan.
Parang nilaslas ang aking puso sa aking nakita. Hindi ko napigilang lumuha sa di ko rin maintindihang dahilan.
"Jasper?!" ang gulat na tanong ni Simon habang kami'y nagtititigan. Hindi ko na siya sinagot. Tumingin na lang akong muli sa aking dadaanan at namadaling bumaba ng hagdan.
Sa baba, nakatayo ang isa naming mga kasambahay. Sinalubong niya ako ng ngiti ngunit di ko siya nagawang balikan.
"Sir, saan po sila pupunta?" ang tanong niya sa akin. Marahil puna na niya sa aking pagmamadali at itsura ng aking mukha. Pinilit kong magpakahinahon at inayos ang aking sarili.
"May pupuntahan ako ATC. May nakalimutan kasi ako. Hindi ko na dadalhin yung sasakyan magcocommute na lang ako. Paki sabi na rin kay Lupe, sa labas na ako maghahapunan mamaya. Sabihin niyo na lang kay kuya na huwag niya akong hanapin dahil uuwi din ako. Kung tatanungin ako ni kuya, pakisabi sa kanya na hindi ko pa kaya ngayon. Alam na niya ibig kong sabihin tungkol doon." ang maayos kong sinabi sa kanya.
"Sige po, sir Jasper. Ingat po kayo." ang sagot niyang di ko na pinansin dahil agad akong naglakad palabas ng bahay at nilakbay ang daan mula sa amin patungo sa aking pupuntahan.
Sa ATC, ninais ko munang maglakad at magpahangin haba ng sa Corte de las Palmas. Mabagal akong naglakad lampas sa Starbucks at pinagmamasdan ang kapaligiran habang nag-iisip ng malalim. Nang-magsawa ako doon at ginalugad ko na ang kalahatan ng mall. Sinubukan kong libangin ang aking sarili sa mga paninda at sa kabutihang palad, nabuo ang aking hilig sa mga electronic gadgets. Natagalan ako sa pagtitingin ng mga tinda sa iStudio. Naalala kong, naideliver na pala ang aking computer sa bahay ngunit hindi pa pala ito ipinapasok sa aking silid.
Sa mga oras na iyon, nawaglit ko rin ang mga gumugulo sa aking isipan. Doon, nagsimula na akong makaramdam ng gutom kaya't naisip ko na lang na kumain sa Fish & Co.. Sa isang sulok ng restaurant ako umupo dahil doon, walang masyadong tao. Isang lalaking waiter ang lumapit sa akin. May angking kagwapuhan at talagang masasabi mong maalaga siya sa kanyang sarili. Inabutan niya ako ng menu at agad ko naman itong kinuha sa kanya para silipin.
Habang tinitignan ko ang menu ay di ko naiwasang ibalik sa kanyang muli ang aking tingin. Hindi ko naiwasang mangiti kaya't agad kong itinataas ang menu sa aking mukha tuwing nagsasalubong ang aming mga tingin.
"Ang landi mo!" ang sabi ko sa aking sarili.
"Ano po order nila, sir?" ang magalang na tanong niya. Dahan-dahan kong binaba ang menu sa aking mukha at pilit na ibinaba ang aking mga labing nakangiti.
"Ummmm... Philadelphia Fish and Chips at.... ummm..... coke zero... large..." ang sagot ko sa kanyang parang batang nagpapabili sa kanyang nakatatanda. Nginitian niya ako pabalik at kinuha ang menu na aking inabot pabalik. Nang makatalikod siya ay agad akong yumuko at nangiting muli.
"Ang landi mo talaga!!" ang bulong ko sa aking sarili.
"Wala na si Rodel, si kuya nilalapa na ng doctor na iyon. Bakit? Ako walang karapatan? Tinutulungan ko lang naman sarili ko ah" ang katwiran ko sa sariling pagtatalo.
Dumating ang aking pagkain at inumin na inihatid ng ibang waiter. Nadismaya ako ng kaunti.
"Napansin niya yata. Landi mo kasi." ang sisi ko sa aking sarili at nagsimula nang kumain.
Maliliit ang aking kagat sa fries at fillet na nakahanda sa aking harapan. Hindi ako nagmamadali at kunwari ay ninanamnam ko ang mga ito ngunit sa katotohanan ay isa-isa nanamang bumalik ang lahat sa aking isipan. Malalim nanaman akong nag-iisip sa harapan ng aking pagkain.
Matapos akong kumain ay muli akong naglibot ng mall hanggang sa manakit na ang aking mga hita at paa. Alas-onse na ako ng gabi nakauwi ng bahay, patay na karamihan ng mga ilaw sa bahay. Sa sobrang pagod ay agad akong bumagsak pahilata sa kama ng hindi nagpapalit ng aking damit. Nanatili akong gising at nakatingala sa kisame. Malalim pa rin ang iniisip.
Nabasag ang katahimikan na aking kasama sa mga sandaling iyon ng tumunog ang aking telepono. Nagmadali ko itong kinuha at nakitang overseas call ang aking natanggap kaya't agad ko na itong sinagot.
"How's my youngest son?" ang malambing na pangangamusta agad sa akin ng aking foster mother.
"Okay naman po. Pagod po. Kakagaling ko lang po sa ATC, nagpahangin lang."
"Don Amante, called us about you. It seems that he wants you to..." ang malungkot na sinabi niya na naputol ko dahil napagpasyahan ko na ang bagay na iyon.
"Mom... I've decided to stay but I want to ask something very important in return." ang pakiusap ko. Narinig ko naman sa kabilang linya ang isang malalim na buntong hininga. Batid kong napangiti ko ang aking tinuturing na ina.
"Anything, Jasper. You can ask anything."
"Kakaiba po pero... Gusto kong dalhin ang apelyidog Elizalde. Baka yun din ang gusto sa akin ni nanay at para na rin sa aking mga kamag-anak." ang wika kong umaasa.
"I guess that can't be helped! Regardless of your last name. You're still a part of this family if that's what you have decided upon, my son. Weird but it's there na. Ayaw mo ba sa tito Amante mo?" ang sagot niya.
"Mom, in time. I'll tell you but for know, my reason for staying is... I love this family and Simon has been a good brother to me. I want to help Simon din." ang sagot ko sa kanya na pinasalamatan naman niya. Natahimik akong sandali at tinimbang ang aking pahabol na sasabihin.
"Mom, I think, I love kuya." ngunit ang ibig sabihin kong pagmamahal ay higit pa sa isang kapatid.
"That's good!" ang masaya niyang marka tila. Walang kaalam-alam.
"Oo nga pala. How about your kuya? Hindi kasi niya sinasagot tawag namin kanina." ang tanong niya.
"Umm... Titignan ko sandali kung gising pa." ang sagot ko sabay bangon sa kama at pumunta sa kwarto ni Simon. Sinubukan ko ang door knob kung bukas at hindi naman ako nagkamali sa aking akala.
Bukas ang ilaw sa kanyang silid. Una kong tinignan ang sahid at napansin kong nagkalat ang kanyang mga gamit. Nang tuluyan kong mabuksan ang pintuan ay bumulaga sa akin ang mga nagkalat at nagkasira-sirang mga gamit sa kwarto ni Simon. Mistulang dinaanan ng bagyo ang lahat. Ang mga librong nakalagay sa shelf ay nagkalat sa sahig. Ang ilang mga pahinang punit ay nagkalat din. Ang computer ni Simon, nakadapa at nagkalat ang mga bubog sa paligid nito dahil sa salamin ang nakalagay sa monitor nito. Ginalugad ko ng aking mga mata ang buong sulot ng silid ng aking kuya at nakita siyang nakaupo sa ibabaw ng kanyang kama. Nakataas ang kanyang mga tuhod sa kanyang mukha at yakap niya ang kanyang mga hita. Tulala na parang may kinatatakutan at namamaga ang kanyang mga mata.
"Mom, he's asleep now. I'll tell him tomorrow." ang kasinungalingan ko na lang na nasabi upang di siya mag-alala.
"Well, I need to get back to work now. I love you! Bye!" ang paalam niya at agad kong binaba ang kanyang tawag. Dali-dali kong binalik sa aking bulsa ang aking telepono at nagkadarapang lapitan si Simon.
"Kuya! Anong nangyari sa iyo? Nandito na ako. Hinding hindi kita iiwan. Mahal na mahal kita." ang nag-aalala kong nasabi sa kanya. Nagulat ako sa aking sinabi.
"Mahal na mahal kita" ang sariling salitang umalingaw-ngaw sa aking isipan.
"Gaano?" ang tanong ko sa aking isipan habang binabalot ng yakap ang parang nasisiraan na kapatid.
Hinarap ako ni Simon. Para akong lalamunin ng kanyang mga nagmamakaawang mga titig. Namumuo ang mga luha habang ito'y kumakausap sa akin.
"Sorry ha? Nagawa ko lang kasi yun para sa iyo... kasi..." ang wika ni Simon sa naginginig niyang boses.
"Sshhhh... tahan na kuya." sabay haplos sa buhok na tumatakip sa kanyang noo.
"Jasper. Mahal mo ba ako?" ang tanong niya.
"Oo. Mahal kita."
Ngumiti si Simon at niyakap din ako ng mahigpit. Humagulgol siya habang nakabaon sa aking dibdib ang kanyang mukha. Nasasaktan ako sa aking nakikita.
"Mahal mo ba ako bilang isang kapatid o higit pa?"
"A-ano?" bumilis ang tibok ng aking dibdib.
"Sagutin mo ko... mahal mo ba ako bilang kapatid o higit pa?" at ibinalik niya paharap sa akin ang kanyang nakakaawang mukha. Hindi ko naiwasang tumitig sa kanyang mga mata.