PAKKKK!!!
"Araaaaaaay!!! Nagtatanong lang kung saan ka sasakay bakit mo ako sinampal?!" ang gulat na daing ng barker ng bus na sunog na sa araw ang balat at marahil dahil sa kanyang pinanggalingan, katayuan sabuhay, at dala na rin siguro ng kanyang trabahong laging nakatayo at nagsisisgaw sa sakayan ay mukhang pasmado na ang payat na katawan niya na may suot na lumang maong na tinernohan niya ng shirt na kulay pulang kupas. Hindi matigil ang kanyang kamay sa paghimas ng kanyang namulang pisngi sa lakas ng aking sampal. Hindi ako nahirapan ibigay sa kanyang mukha ang aking pwersa dahil mas matangkad ako sa kanya.
Nagulat ako't inalis ko agad ang aking suot na shades ng maalimpungatang hindi ko kilala ang taong sinampal ko ng pagkalakas-lakas. Mabilis na uminit ang aking mga namumula nang pisngi sa matinding pagkahiya.
Gusto kong magpalamon sa lupa sa mga sandaling kaharap ko siya. Nakatingin sa amin ang mga tao sa aming paligid lalo na ang mga tambay sa yosihan sa bandang sulok ng hagdan kung saan may naglalako ng mga dyaryo, yosi, at kung anu ano pa sa mga malalaking mala-maletang kahoy na stante nila. Tulad ng inaasahan sa mga Pilipino, marami sa mga tambay roon ang nakiusyoso at nagbulungbulungan.
"Manong! Sorry po! Pasensiya na may nakaalitan lang po ako kanina sa inyo ko na nailabas yung sama ng loob ko. Pasensiya na po talaga. Hindi ko sinasadya." ang nagmamadali kong nawika sa kanya sabay luhod sa kanyang harapan.
Tumango sa akin ang barker at tumingin sa akin na magkasalubong ang kanyang mga kilay sa galit. Matapos ang ilang minuto ay biglang tumindi ang galit sa kanyang mukha. Nagtunugan ang mga nagsikipan niyang mga kamao. Mabilis niyang itinaas ito upang bumuwelo sa kanyang igaganting suntok.
Aktong dadapo na sana ito sa aking mukha ng biglang pigilan siya ni Rodel. Agad naman natakot sa kanya ang barker kaya't nagtatakbo itong umalis palayo sa amin nang pakawalan siya ni Rodel.
Nagulat ako sa mga pangyayari ngunit sa loob ko'y pinatay ko na si Rodel. Ayaw ko na siyang kausapin. Nakatitig lang ang mga mata niya sa akin na humihingi ng pang-unawa at kapatawaran. Galit na titig lang ang ibinalik ko sa kanya.
Agad akong tumayo sa aking pwesto at tinalikuran si Rodel. Naglakad ako palayo sa kanya sa kahabaan ng hintayan ng bus sa ilalim ng MRT station. Inip nang makasakay ng bus papuntang Alabang.
"Jasper, please let me explain. This time it's different."
Hindi ko siya pinapansin. Ni ayaw ko siyang lumitaw sa aking paningin kaya't sa kung saan-saan ko ibinabaling ang aking mga mata palayo sa dako kung saan pwedeng maaninag ko siya.
"Jasper, please naman pansinin mo naman ako. Magpapaliwanag lang ako." ang pangungulit niya habang pilit na hinahabol ang kanyang mukha aking paningin. Napapikit na lang ako sa sobrang gigil at napabuntong hininga. Kumapit siya sa aking kamay at hindi na talaga ako nakapagpigil.
"Para saan pa? Hindi ko na pakikinggan ang paliwanag mo, Rodel. Matagal ka na rin nawala. Iisipin ko na lang na hindi tayo nagkabalikan dahil matagal ko na palang pinagtutulakan na lang ang sarili ko sa iyo. Matagal na akong nagpaloko at umasa sa wala. Ayoko na Rodel." ang malumanay ngunit may gigil kong mga sinabi sa kanya. Gusto kong huwag umiyak kaya't ang boses ko'y halos parang giniginaw sa panginginig. Pilit kong hinatak ang aking braso para bitiwan niya. Saktong huminto ang napadaang airconditioned na bus papuntang Alabang kaya't nagmadali akong tinakasan si Rodel sa pagsakay dito. Bago makapasok ng bus ay nagsuot ako muli ng shades. Nahihiya na akong umiiyak sa harap ng ibang tao. Nararamdaman ko na tutulo nanaman ang aking mga luha.
"Ayoko nang iyakan pa si Rodel. Tama na. He is not worth it." ang pilit kong pagpapatahan sa aking sarili ngunit bago pa ako makahanap ng mauupuan sa dulong bahagi ng bus ay rumagasa na sa magkabila kong pisngi ang aking mga luha. Napabunot tuloy ako ng panyo habang naglalakad patungo sa bakante sa likuran. Kulang na lang itaklob ko ito sa aking buong mukha.
Sa mga oras na nakaupo na ako sa bandang likuran ng bus kung saan walang nakakakita sa akin ay hinayaan ko na ang aking sariling ibuhos ang mga huling luha ko para kay Rodel. Gusto kong may makausap para matulungan akong lumabas lahat nitong aking nararamdaman.
Kinuha ko agad ang aking telepono sa aking bulsa. Agad kong tinawagan ang natatanging taong makakaunawa sa aking nararamdaman ngayon.
"Hello, Alice?" ang pabulong kong bati habang humihikbi sa kanya nang sagutin niya ang aking tawag.
"Jasper? Umiiyak ka ba o may sipon ka? Anong nangyari?" ang tanong niyang nag-aalala.
"Nasa bus ako ngayon pauwi na ng Alabang. Galing kami ni Brian sa Makati pero nauna na ako umuwi." ang kwento ko sa kanya't natigil dahil parang sasabog na ang aking dibdib. Gusto kong sumigaw sa loob ng bus. Gusto kong basagin ang salamin ng bintana ngunit marahang dukdok lang ang nagawa ko. Ilang sandali akong nasa ganoong lagay. Hindi makapagsalita si Alice sa pagkabigla marahil sa marinig akong umiiyak.
"Si Rodel, niloko nanaman ako. Naghintay ako ng matagal, naniwala ako sa pangako niya sa akin, nahulog ako sa mga pinapakita niya. Akala ko mahal niya ako pero..." ang dagdag ko pa nag makabawi ako ng hininga ngunit nang babanggitin ko na kay Alice ang mga kasunod ay naninikip na ang aking dibdib sa matinding hinagpis.
"Tito, nasa hospital ako ngayon binabantayan si lolo. Please come over here. Let's talk about it. Pabubugbog natin siya kay Randy. Mamaya ka na umiyak, friend. Please? For me?" ang malambing na nasabi na lang ni Alice marahil alam niya ang aking pinagdadaanan ngayon.
Nagpaalam agad ako sa kanya matapos niyang sabihin sa akin kung saang room nakaconfine si Don Amante. Matapos kong ibaba ang aking tawag, madali nang namanhid ang aking damdamin. Ang alam ko lang, pagod na akong umibig pero sa mga sandaling iyon, gigil na gigil akong inilabas ang lahat ng ito. Para lang akong galit na sumuntok sa pader at nawala na ang lahat ng aking dinadalang galit.
Natulala na lang ako sa bintana ng bus, hindi na lumuluha, walang iniisip habang pinagmamasdan ang papalubog na araw sa kabihasnan. Trenta minuto akong nasa ganoong lagay. Hindi katulad ng dati halos mawala talaga ako sa aking sarili. Nakalimutan ko na rin magbayad ng pamasahe nang di ako daanan ng kunduktor para singilin.
Pagpasok ng tollgate ng Alabang ang bus, inayos ko ang aking sarili upang bumaba. Taas noo at mabagal akong naglakad tungo sa Asian Hospital. May kalayuan mula sa aking binabaan ngunit sanay naman na akong maglakad kaya't balewala lang sa akin ang layo ng aking nilakad. Habang naglalakad, wala akong ibang iniisip. Blanko ang aking isip at damdamin. Parang nagkaroon na yata ng switch ang aking puso at isipan sa mga bagay dumaan sa aking buhay. Tila lahat ng ginawa sa akin ni Rodel ay nagdulot ng malaking pagbabago sa aking sarili ng hindi ko namamalayan.
Nang makapasok sa Asian Hospital, dumeretso na ako sa mala-hotel na kuwarto kung saan nakaconfine ang aking tiyuhin. May mga nakasalubong akong bumati sa akin na empleyado ng ospital ngunit hindi ko sila napansin dahil na rin siguro sa suot kong shades o marahil nagsarado muna ang aking pandinig sa lahat ng bagay. Tumigil nga yata ang mundo ko dahil sa mga pangyayari. Pagod na yata talaga ako.
"Tito...?" ang nahihiya kong bati nang buksan ko ang pintuan ng kanyang silid. Una kong nakita ang round table na may apat na upuan at sa di kalayuan ay ang sala set.
"Pasok ka jiho. Nandito ako." ang masiglang bati ni Don Amante na nanggagaling sa kabilang banda ng silid. Pumasok ako't pinuntahan kung saan nanggagaling ang boses ni Don Amante. Nakita ko sa tabi niya si Alice kinakalikot ang kanyang iPad. Si Don Amante ay nakakangiti na. Parang wala lang ang nangyari sa matanda. Nawala si Alice sa kanyang ginagawa at napatingin sa aking kinaroroonan. Isang abot na ngiti ang ipinakita niya sa akin at nagmamadaling tumungo upang ako'y kanyang yakapin ng mahigpit.
"Aray!" ang agad kong daing nang madiinan niya ang mga pasa ko sa aking likuran. Kumawala siya bigla at nagtataka kung ano ang dahilan ang aking daing.
"Okay ka lang?" ang bulong niya sa aking tenga.
"Okay na ako. Naiwan ko na sa bus." ang sagot ko sa kanya sabay pakawala ng isang pilit na tawa.
"Eh bakit ka umaaray? Niyakap lang kita." ang naiintriga niyang tanong sa akin. Naalala kong wala pala siyang alam sa nangyari sa amin ni kuya.
"Naglasingan kami ni kuya. May mga pasa at sugat ako sa likod. Mahabang kwento pero naconfine kami si kuya na lang naiwan sa baba." ang kwento ko sa kanya.
"Anong nangyari sa kanya?" ang nababahala niyang tanong sa akin.
"Okay na siya. Mamaya ko na lang ikukuwento." ang pilit ko sa kanya.
"How are you doing, tito?" ang nahihiya kong tanong sa matanda. Hindi ko siya matingnan sa mga mata niyang nakapako sa akin.
"I'm doing good. I'll be out of here very soon. How about you? Bakit nakashades ka, jiho?" ang maayos niyang sagot sa akin nang mapunta ang kakaiba kong itsura.
"Oo nga, you went here without your glasses?" ang pansin naman ni Alice sabay hugot ng aking shades mula sa aking mukha.
Nakita nilang dalawa ang namumugto kong mga mata. Napakagat labi ako at tinitigan ng masama si Alice sa kanyang ginawa. Tumawa lang siyang malakas. Yumuko ako pilit itinatago kay Don Amante ang aking mga mata.
"Friend, it looks good on you. Buti naman naisipan mo na magcontact lens, Jasper." ang natatawang sabi ni Alice.
"I couldn't agree more to what Alice said, Jasper. You looked more like your mother now." ang masayang dagdag ni Don Amante. Napakamot na lang ako ng ulo sa aking narinig sa hiya.
"Gusto kong makita kuya mo. Puntahan natin." ang yaya ni Alice at nagpakita ng isang pilyong ngiti.
"Eh bakit di mo siya puntahan? Sino magbabantay kay Don Amante?" ang sarkastiko kong nasabi sa kanya.
"As if naman alam ko kung saan siya nakaconfine ngayon di ba? Isasama ba kita kung alam ko? Ikaw, naging kapatid mo lang si Simon kinalimutan mo na ako." ang nagtatampo niyang sagot sa akin na parang bata.
"Oo na. Sasamahan na kita." ang napilitan kong sagot sa kanya. Ibinaling ko ang aking tingin kay Don Amante na kanina pa natatawa sa aming dalawa sa panonood.
"Tito, puntahan lang po namin si kuya. Nasa baba lang po nakaconfine." ang magalang kong paalam sa kanya.
"Ano nangyari sa kanya?" ang tanong ng matanda at kumunot ang kanyang noo.
"Nauntog po ng malakas. Makulit kasi." ang palusot ko na lang sa kanya.
"Kawawang bata naman. Sige, puntahan niyo muna saglit si Simon. Parating na rin siguro ang mga alalay ko." ang pagpayag naman ni Don Amante habang tumatangong nagsasalita. Ngumiti kami ni Alice sa kanya at agad na nagpaalam.
Saktong paglabas ng pintuan ng kwarto ni Don Amante ay agad na isinara ito ni Alice at nakita ko sa kanyang mga mata ang maraming katanungan nang kami'y magkatitigan habang nakatalikod siya sa pinto. Hinawakan niya ng mahigpit ang isa kong braso.
"Jasper, ano nangyari? Sa inyo ni Rodel? Bakit? Ano nanaman ginawa niya?" ang naiintriga niyang mga tanong agad sa akin. Napayuko ako't nag-isip. Pumakawala ng isang malalim na buntong hininga bago sagutin siya.
"Pumunta kami ni Brian sa Park Square kanina pagkalabas ko ng ospital kanina. Sabi niya mas bagay daw na magcontact lens ako kaya pumunta kami doon. After namin lakarin itong para sa mga mata ko, kumain muna kami sa Yoshinoya. Nung kumakain na kami ni Brian, nagkwentuhan kami tungkol sa boyfriend niya." ang mahina at mabagal kong kwento kay Alice. Inaalala ang bawat pangyayari habang nagkukuwento ako sa kanya.
"Tapos? Tapos? Ano naman ang kinalaman ni Brian? Ano kinalaman ng sa inyo ni Rodel? Ano?" ang hindi makapaghintay niyang mga tanong sa akin na nagsusumigaw na makarinig ng sagot. Hindi ako kaagad nagsalita. Dahil sariwa pa ang lahat, sobrang pait, sorbang hirap balikan.
"Nagkwentuhan kami ni Brian ng tungkol sa boyfriend niya na nakilala niya sa Amerika. Sa isang coffee shop kung saan ito nagtatrabaho. Yung boyfriend niya ang unang nagpakita ng motibo na gusto siya daw nito. Siya daw kasi yung barista na kumuha ng order ni Brian." ang hirap kong wika na kay Alice. Batid ko sa mga tingin ni Alice na parang nahuhulaan na niya ang lahat nang banggitin ko ang salitang Amerika. Hindi ko napansin na tumulo nanaman ang aking mga luha.
"Ngayon lang naman kami naging close ni Brian. Alam mo yan. Madalas si kuya ang kasama ko at si Brian, laging wala sa bahay kung wala silang session ni kuya." ang dagdag ko pa tumatango lang sa akin si Alice habang ang mga mata niya'y puno na ngayon ng awa at pagkalinga. Hindi ako makatingin ng tuwid sa kanya. Nahihiya na ako para sa sarili ko sa matinding katangahan na pinahintulutan kong maulit sa akin.
"Ayun, katext kasi ni Brian yung boyfriend niya kaya nabanggit niya sa akin yun kasi nung mga oras na kumakain na kami nasabi niyang nasa Pilipinas din ang boyfriend niya at paalis na ulit papuntang Amerika. Hindi ako nagduda dahil malaki ang tiwala ko kay Rodel at isa pa, nagpunta na si Rodel sa bahay at dun pa natulog. Malapit lang kwarto namin ni Brian. Bakit hindi man lang sila nagkita? Kasi nagulat si Brian nang dumating sa Yoshinoya si Rodel agad ko siyang nilapitan. Naguguluhan ako pero napansin ko kahit si Brian naguguluhan dahil nalaman niya na magkakilala kami ni Rodel." ang sinabi ko pa habang impit ang aking pag-iyak dahil sa nasa corridor lang kami at maaaring marinig ng ibang pasyenteng nasa floor na iyon na bukas ang pintuan ng kwarto. Napatingin ako muli kay Alice, malungkot ang mga mata niya't napapailing sa aking mga ibinahagi sa kanya. Hindi ko man derestahang sinabi na sila ni Brian at Rodel, nakuha na niya ang aking ibig sabihin.
"If Brian is really unaware na ikaw ang boyfriend ni Rodel. So, it is possible that Rodel took the opportunity na itago sa inyo ni Brian ang lahat. Was Brian there when he slept over?" ang tanong ni Alice na parang nag-iimbistiga sa mga pangyayari.
"Ngayong naitanong mo na, wala nga. Nasa Tagaytay yata si Brian noon for two days kasama yung mga nakilala niya sa gimikan niya." ang sagot ko.
"There we go. Now, when you found out about this. Did you get mad at Brian?" ang tanong niyang maayos at dama ang pag-aalala.
"Hindi. Sabi ko sa kanya, mauuna na akong umuwi at magcocommute na lang ako tapos umuwi na ako. Pero sa sakayan sa Ayala Station kanina hinabol pa ako ni Rodel. Nangungulit at gustong magpaliwanag." ang sagot ko.
"Kinausap mo naman?" ang tanong naman ni Alice na parang nakakatanda siya kaysa sa akin sa tono ng kanyang pananalita.
"Hindi na. Hindi ko siya pinansin hanggang sa may dumaang bus, sumakay na ako." ang sagot ko sa kanya. Umakbay sa akin si Alice at hinimas-himas ang aking likuran upang patahanin ako. Nangiti naman ako sa ginawa niya.
"Yaan mo na. Makakalimutan mo rin siya balang araw. Mahal mo pa rin kasi yang si Rodel ngayon pero mawawala rin yan." ang wika ni Alice. Tinamaan ako sa huling sinabi niya.
"Mahal ko pa nga ba talaga si Rodel? Minahal ko pa rin ba siya?" ang tanong ko sa aking sarili. Pakiramdam ko, parang madali lang ang lahat para sa akin ngayon kalimutan ngunit hindi ko maintindihan kung bakit. Natuluyan na ba talaga ako kay Simon o natuluyan lang talaga ang pagkabawas unti-unti ng nararamdaman ko para sa kanya. Iniyak ko lang ang lahat pero may kakaiba talagang nangyayari sa akin sa hindi ko mapaliwanag na dahilan. Pakiramdam ko madali ko lang itong malalagpasan.
"Tara na, punta tayo sa kwarto ni Simon." ang yaya ko sa kanya para maiba ang aming usapan ngunit hindi siya lumakad sumunod sa akin.
"Ano nangyari sa inyo ng kuya mo? Hindi mo pa sa akin kinukuwento eh. Ang daya mo talaga, Jasper." ang tanong ni Alice. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa kanyang tanong. Nagulantang ako dahil hindi ko alam kung paano ko sa kanya sasabihin ang lahat. Babawasan ko ba o ibibigay ko sa kanya ang buong detalye.