to fall in love is to lose yourself
"Thanks for reminding me about that, Alice. Hindi ko talaga inaasahan ang mga pinaggagawa mo sa anak ko." sabay baling ng seryosong titig ni mommy kay Brian. Pinagmasdan muna niya maigi ang kanyang kakausapin at umiling bago nagsimulang magsalita. Inakbayan niya si Simon at hinimas ito sa balikat habang nananatili siyang nakatitig kay Brian na ngayo'y nakayuko na sa hiya.
Napatingin ako kay Alice. Inaabangan ko ang mga magiging reaksiyon niya at hindi nga ako nagkamali dahil nakita ko siyang nakatingala, nakatitig sa kisame at nakatakip ang bibig habang itinatago niya ang kanyang di mapigilang ngiti na aabot na sa kanyang mga tengang pumapalakpak sa kaligayahang makapaghiganti. Batid kong humahalakhak siya ngayon sa loob ng kanyang isipan sa mga oras na iyon.
"Talaga itong si Alice." napailing kong bulong sa sarili habang pinanonood siya bago ilipat ang aking atensiyon pabalik kina mommy.
"You should be thankful. Wala tayo sa tamang lugar para pag-usapan natin ang tungkol sa bagay na iyan o ilabas ko ang galit ko sa iyo ngayon. Disappointed lang ako ng sobra sa iyo. Mabuting kaibigan pa naman namin ang mga magulang mo bago pa kayo nagmigrate sa US. Para ka na rin naming anak nung umalis ang parents mo habang inaayos nila ang papeles mo doon. Pinilit ko kayong unawain ni Randy kahit labag sa amin at sa mga mata ng Diyos ang ginagawa niyo ng panganay ko. Inilihim ko sa asawa ko ang bagay na yan hanggang sa ilibing si Randy. Ako na mismo ang nakikiusap sa iyo sa na tulungan mo si mon-mon sa dami ng duktor sa Amerika dahil may tiwala ako sa iyo na magagamot mo anak ko at wala kaming sapat na pera para iparehab siya... pero... ito pala ang isusukli mo sa amin ng asawa ko... ito pala ang gusto mo, ang tikman lahat ng mga anak ko." ang malalim na mga sinabi ni mommy kay Brian at nagsimula na pumatak ang kanyang mga luhang may galit. Napapailing si Simon habang galit tinititigan niya si Brian.
Biglang bumangon si Simon sa kanyang puwesto upang bumaba ng kama. Matapos makatapak ang kanyang mga paa sa sahig ay mabilis niyang nilapitan si Brian upang kuwelyuhan. Nahatak ang nakasaksak sa kanyang suero at agad itong natanggal dahil hindi ito gaanong nakakabit sa kanyang kamay. Sinundan ko ng tingin ang pagtalsik nito mula sa kanyang kamay hanggang sa pagbagsak nito sa ibabaw ng kama kasama ang mga dugong sumama galing sa kamay ni Simon.
Nabigla ang lahat sa mga nangyari. Napatayo sa kanyang upuan si Mrs. Tiongco at walang magawa kundi ang nerbyusin.
"Putang ina mo anong ginawa mo sa akin?!" ang galit na galit na sigaw ni Simon habang magkalapit ang kanilang mukha ni Brian. Bakat ang mga ugat sa leeg ni Simon sa gigil. Ang mga mata niya'y parang lalamunin na ng buhay ang kaawa-awang si Brian. Hindi siya makapagsalita.
Binalibag ni Simon si Brian sa sahig at pinagtatadyakan gamit ang lahat ng kanyang pwersa. Wala kaming magawa ni Alice tulad ng ina ni Simon. Nanigas lang kami sa aming kinatatayuan habang pinanonood ang lahat ng pangyayari.
"Tumawag kayo ng nurse! Sabihin niyo nagwawala si Simon!" ang natatarantang utos ni Mrs. Tiongco sa dalawang katulong na agad din tumakbo paalis upang gawin ang inutos sa kanila. Bakas ang matinding takot sa mga mata ni Mrs. Tiongco ng makita ko siya. Hindi ko alam kung kanino siya natatakot. Para kay Brian ba? Para kay Simon? O para sa pagwawala ni Simon.
Impit na iniinda ni Brian ang bawat tadyak ni Simon na dumadapo sa kanya. Hindi naman nakuntento si Simon sa pagsipa kay Brian. Yumuko ito at pinaulanan ng suntok sa mukha ng duguan niyang kamay. Di alintana ang kanina pang pagdaloy ng dugo na nagmumula sa sinaksakan ng suero niya.
"Putang ina mo! Puta ka! Mamatay ka na putang ina mo!" ang galit na paulit-ulit na sinisigaw ni Simon na naririnig na sa corridor sa labas ng kanyang silid habang sinusuntok niya si Brian. Ilang sandali silang nasa ganoong lagay. Napayakap na lang si Alice sa akin sa matinding takot.
Di nagtagal ay may pumasok na apat na lalaking nurse na parang varsity ng basketball ang bulas at isang doctor na mestiso at kasing laki ko lamang. Nagmamadaling tumakbo papasok ng silid at agad na pinigilan ng dalawa sa kanila si Simon. Magkabilaan nilang hinawakan ang mga braso ni Simon. Ang dalawa naman ay inalalayan si Brian na tumayo habang ang duktor ay nanonood sa ginagawa nila.
Nagsisigaw si Simon habang dinadala siya ng mga nurse pabalik sa kanyang kama. Pinipigilan ang kanyang pagwawala.
Awang-awa kami ni Alice sa kanya. Hindi napigilan ni Alice na umiiyak sa aking mga balikat habang nakatakip ng kanyang kamay ang ibabang bahagi ng kanyang mukha. Sa kabilang banda, tulad ng mga katulong ni Mrs. Tiongco ay nanonood lang sa mga nangyayari.
Nang maigapos na ng mga nurse si Simon sa kanyang kama ay lumapit ang duktor sa kanya at ipinatong sa mesa na katabi ng kama ang isang bote at nakapack pang syringe. Inalis muna ng duktor ang syringe sa plastik na lalagyan nito at itinusok sa isang bote ng gamot. Kalmado lang niyang ginawa ang paghahanda ng ituturok kay Simon. Lalong idiniin ng mga nurse ang kanilang paggapos kay Simon ng handa na ang duktor na turukan si Simon ng gamot.
"Tarantado ka Brian! Ano ginawa mo sa akin! Binaboy mo na kuya ko at namatay na siya dahil sa iyo! Putang ina mo!" ang patuloy na hiyaw ni Simon bago siya turukan ng duktor.
Mabilis ang mga pangyayari matapos bumaon ang syringe sa braso ni Simon. Agad siyang kumalma at nawalan ng malay.
Nang masigurado ng duktor na tumalab na ang binigay niya kay Simon ay pinauna na niyang lumabas ang mga nurse na kasama niya. Si Brian ay hindi inasikaso ng dalawang nurse na umalalay sa kanya dahil tumanggi siya.
Naglakad sa kanya papalapit ang duktor na dumating. Napansin ko ang kakaibang tingin niya kay Brian. Hinaplos niya ang mukha ni Brian at tinignan ang pumutok na kilay nito.
"Tsk! tsk! tsk! Later darling ha? Don't forget our date." ang narinig kong mahina nitong sinabi kay Brian bago naglakad paalis. Gumulong ang mga mata ko sa aking narinig.
"Ang landi talaga ng Brian na ito. Bagay talaga kayo ng gagong Rodel na iyon." ang sabi ko sa aking sarili habang umiiling.
Nilapitan ni Mrs. Tiongco ang kanyang anak at hinalikan ito sa kanyang noo. Nakita ko ang pagpatak ng kanang mga luha sa pisngi ni Simon. Matapos noon ay bumalik siya sa kanyang upuan at hinabol ang kanyang hiningang ninakaw ng mga nangyari kanina. Bumalik ang galit na titig niya kay Brian na sa mga oras na iyon ay matinding hiya pa rin ang nararamdaman sa kabila ng kanyang mga natamong sugat at pasa.
"Don't worry, Brian. Hindi kita kakasuhan pagbalik natin sa Amerika pero sasabihin ko sa mga magulang mo sa New Jersey ang kahayupan mo para magtanda ka na. Hinding hindi na kami hihingi ng tulong sa iyo kahit kailan. Sana maging leksiyon na sa iyo ang bagay na ito dahil kung ibang tao ang ginawan mo nito sa kangkungan ka na pupulutin kapag tinanggalan ka ng lisensiya ng mga ka-anak ng mga pasyente mo." ang huling sinabi ni Mrs. Tiongco kay Brian na ngayong ay nilalamon na ng sahig na kanyang kinatatayuan.
"Mommy, may tanong po ako." ang mahina at nahihiya kong tanong sa kanya. Agad lumipat sa akin ang kanyang galit na mga tingin at mabilis itong nawala. Gusto ko na mabago ang daloy ng kanilang usapan dahil sa awa ko para kay Mrs. Tiongco.
"Ano iyon anak?" ang sagot niya sa mapag-aruga niyang tono. Batid ko sa kanyang mga mata na handa siyang pakinggan agad ang aking mga sasabihin.
"Paano po kung aalis na kayo ni kuya? Paano na po ako?"
"Jasper, anak. Pagpasensiyahan mo na kung hindi ka namin maisasama sa Amerika dahil sa madalian din ang pagbalik namin doon at kailangan na namin magtipid ngayon dahil mahal ang pagpapagamot ni kuya mo doon. Emergency lang talaga ngayon." nalungkot ako sa aking mga narinig dahil mamumuhay nanaman akong nag-iisa. Parang ako na ang pumalit sa pwesto ni Simon sa pamamahay nila. Pakiramdam ko rin na parang naging pabigat pa ako sa kanila ngayon.
Isang katahimikan ang nanaig sa buong silid habang ako'y nag-iisip ng aking sasabihin. Nagbuntong hininga bago sumagot muli sa kanya.
"Magiging pabigat na pala ako sa inyo. Kung hindi niyo po mamasamain, gusto ko na po tuparin ang pagiging Elizalde ko. Kung mag-isa na lang din ako sa bahay at magiging dalahin niyo pa, mabuting ganoon na lang po." ang nahihiya kong sinabi sa kanya. Nagulat naman si Alice at Brian sa kanilang narinig. Halata ko ang biglang pagbabago ng mukha ni Mrs. Tiongco sa pag-aalala.
"Naging mabuting pamilya po kayo sa akin at si Simon ay tinuring akong isang tunay na kapatid tulad ng kanyang pagmamahal na ibinigay sa akin kahit isa lang po sa katauhan lang niya. Kung aalis na po si Simon, mabuting umalis na lang din ako dahil ang tanging dahilan lang naman kaya ako nagpaampon bukod sa ako'y ulila na ay ang tulungan ang isang mabuting kaibigan. Gusto ko po suklian ang lahat ng ibinigay niyo sa aking pagmamahal na parang isang anak na rin. Balang araw ay gaganti rin po ako ng kabutihan sa inyo." ang malungkot ko nang nasabi sa kanya habang tinitimbang ang bawat salitang aking sinasabi.
Lumapit si Alice sa akin at ako'y inakbayan na may halong panlalambing habang sumisinghot dahil katatapos lang niyang umiyak.
"Minahal po ako ng isang katauhan ng anak ninyo pero hindi ang tunay na si Simon. Parang isang malaking palabas lamang ang lahat ng iyon kung tutuusin ngunit hindi ko po pinigilan ang sarili ko na mahalin ang anak ninyo ng lubos." unti-untian nang nagkakalaman ang bawat aking salitang binibitiwan. Sa mga oras na iyon ay kalungkutan para kay Andrew and bumabalot sa aking sarili. Alam kong wala akong pag-asa at minahal ko siya ng higit pa kay Rodel ngayon pero kailangan ko na gisingin ang aking sarili. Kailangan ko na ayusin ang aking buhay.
Hindi ko napigilang lumuha at paulit-ulit na nagsabi ng "I'm Sorry" sa kanya, kay Alice, kay Brian. Nagugulumihanan na sila sa takbo ng aking mga sinasabi.
"Mrs. Tiongco... Alice... Brian... " isa isa kong tinawang ang kanilang pangalan habang isa-isa ko silang tinitignan.
"Sorry sa inyo kung ano man ang nagawa kong kasalanan." habang nakayuko na ako sa kahihiyan.
"Mrs. Tiongco, sorry po pero bakla din ako." ang nanginginig kong pag-amin sa kanya. Agad naging seryoso ang kanyang mukha nang marinig ang aking sinabi.
"Hindi ko maintindihan. Naguguluhan ako.. Ano ibig mo sabihin, tito? Bakit ka sa akin nagsosorry?" ang wika ni Alice. Hinarap ko siya't ipinakita ang namumugto kong mga mata upang tignan ang pagkalito sa kanyang mukhang tinatakpan ng kanyang mahaba at bagsak na buhok.
"Alice, may kasalanan din ako sa iyo. Hindi man kami nagkaroon ng relasyon pero kasalanan kong ibigin ng higit pa kay Rodel si Simon." agad na tumaas ang kilay ni Alice sa aking sagot na naputol sa kanyang raksyon.
"Sa kanya ko nakita ang mga hindi ko nakita kay Rodel. Sa kanya ko naramdaman ang kaligayahang di ko naranasan kay Rodel. Sa kanya ko naranasan ang lahat ng pagmamahal at naibigay ko sa kanya lahat ng pagtitiwalang hindi ko na muling naibigay kay Rodel." ang ang dagdag ko pa.
"I thought giving Rodel a second chance before would help me na ibalik ang lahat tulad ng dati. Pero hindi. Kahit naging kami na ulit, hindi na naging tulad ng dati ang pagtingin ko sa kanya. Yung taon na nawala siya sa tabi ko. Doon ko natutunang mahalin si Andrew.... pilit kong tinanggi sa aking sarili ang mga ito at nilihim ko sa iyo dahil ayokong magalit ka sa akin. Mahalaga ka sa akin Alice bilang kaibigan at ayaw kong sirain iyon." at hinaplos ko ang mahaba niyang buhok habang tinititigan ko siya ng aking mga nagmamakaawang mga mata.
Bakas naman sa kanyang mukha na naunawaan niya ako at agad na napalitan ito ng lungkot.
"Sigurado ka diyan, tito ha? Hindi naging kayo ni Andrew? I trust you. Sabagay, you were just brothers na mahal na mahal ang isa't-isa. I was with you guys all the time." ang nanlalambing niyang sinabi sa akin. Para akong nabunutan ng troso sa dibdib nang makita ang reaksiyon ng aking pamangkin at kaibigan.
"Baka infatuated ka lang, Jasper. It was the first time you had a brother, right?" ang paliwanag naman sa akin ni Mrs. Tiongco habang nakakrus ang kanyang mga braso sa ibabaw ng kanyang tiyan.
"Sa bagay na iyon po ay lubos na akong napuno ng inyong anak. May mga bagay lang po siyang nagawa upang umusbong ang pagtingin ko sa kanya." ang depensa ko.
"Tulad ni Brian at Alice, minahal namin pareho ang anak ninyo. Minahal namin pareho ang isa sa katauhan ni Simon." ang wika ko pa. Tumama naman ito sa kanya.
"Andrew, was a brother to me but he was showing me more tuwing kami lang ang magkasama. Nagdalawang isip ako na ampunin niyo ako dahil dito. Nung burol ng nanay ko ay bigla niya akong hinalikan. Naulit pa ito ng ilang beses kasama na rin ang pagakataong nagkausap tayo sa araw ng birthday niya na tanggapin ko ang alok niyong magpaampon sa inyo. Hindi ko na po pinahintulutan lumala pa ang mga bagay na iyon. Hindi po humantong sa punto na kami'y nagsiping ng kuya ko."
Tahimik lang na nakikinig ang lahat sa akin.
"Pilit kong itinanggi ang lahat sa aking sarili. Ang pagiging malambing niya, ang pagiging mapag-alaga niya. Inisip ko bilang kapatid lang ang lahat ng iyon pero dumating na sa punto na tinatanong na rin niya kung higit pa sa kapatid ang pagmamahal ko sa kanya. Natakot na ako pero hindi ko rin napigilan ang puso kong ibigin siya ng patago. Kagabi lang nalaman ni Brian ang tungkol dito nang mag-inuman kami at dala ng kalasingan ay napaamin na ako." ang paliwanag kong tinitimbang muli ang bawat salitang aking bibigkasin na hirap dala ng paghikbi.
"Kaya mabuti na rin po na umalis na ako. Para hindi na rin ako maging pabigat pa lalo sa inyong pamilya. Kanina rin po kasi, mismong si Simon na ang tinanong ko. Mukhang, hindi naman niya ako kailangan bilang isang kapatid." ang huli kong sinabi kay Mrs. Tiongco. Mabilis na hinaplos ni Alice ang aking bigat na bigat na likuran sa kaiiyak habang nagsasalita.
Inayos ko ang aking sarili at tinitigan muli ang naaawang si Mrs. Tiongco.
"Patawarin niyo na po si Brian. Nadala lang din po siya ng kanyang damdamin. Nauunawaan ko po siya. Si Alice, may pag-asa, dahil gusto rin siya ni Simon kahit mawala na si Randy. Ngayong alam niyo na po ang lahat. Sana'y maunawaan niyo. Bibisitahin ko na lang kayo sa Amerika kung payagan ako ng pagkakataon." ang mabagal kong nasabi sa kanya.
"That may not be possible, Jasper. Simon is a lunatic. Hindi tulad dito sa Pilipinas na nakakatakas pa ang ganyang kundisyon. Hindi siya ipinaconfine dati dahil sa baka hindi siya agad makaalis ng bansa kung malalaman na ganito ang kundisyon niya. Kaya hindi ko siya ipinasok sa rehab malapit sa atin dahil baka maging balakid pa ito sa mga papeles niya." ang pagtutol ni Brian na sumira sa aking pag-asang makita si Simon kung aking nanaisin.
Natahimik akong saglit.
"Are you sure about your decision, Jasper?" ang tanong ni Mrs. Tiongco.
"Opo. Sigurado na ako."
"But you can still be a part of the family naman. Not because you're an Elizalde or we're interested sa yamang mayroon ka pala. It's not by papers or by names. Napamahal ka na rin sa amin ng asawa ko. Napakabait mong bata at talaga namang ibinabandera ko sa mga tauhan ko sa banko ang mga report card mo dahil sa mga line of nine na grades mo sa school. Isa pa, who will be there to be with us kung tumanda na kami? Who will be there for Simon kung natuluyan siyang mabaliw? Wala akong kalapit na kamag-anak at ganoon din ang asawa ko." ang wika niya sa nagbabakasakali niyang tono.
"Sige po, by papers na lang. Matanda na rin si tito at gusto ko rin ang makaranas ng pagmamahalan ng isang pamilya. Kung mamarapatin niyo lang po ang kahilingan ko para rin po kasi ito sa tiyuhin ko. Marahil ito rin ang gusto ni inay para sa akin, ang makuha ang kayamanang dapat ay sa akin." ang sagot ko sa kanyang unti-untian nang nabibubuhayan ng sigla. Biglang umubo ng kaunti si Alice na parang nilinis ang kanyang lalamunan.
"Tita, jasper is right. I may be loving one of Simon's personality lang and I'm not sure if the real Simon will like me. Matagal ko na rin po ito iniisip but I'm hoping that we'll still be together in the end. " ang singit ni Alice na may ibig sabihin.
"Ano? Hihiwalayan mo si Randy?" ang sabi ko sa aking isipan habang tinititigan si Alice at nakataas ang isa kong kilay.
"Tito naman!" ang pikon niyang sinabi na parang nabasa niya ang nasa isip ko ng mga oras na iyon.
"Don't worry, Alice. I understand and I'm thankful for your patience and for not being afraid of my son. I, too, hope that you and Simon will be together after this. Bigyan niyo ako ng apo ha?" ang masaya nang sagot ni Mrs. Tiongco kay Alice.
"Bakit? Meron ka na bang iba?" ang banat ko bigla kay Alice habang minamata ko siya.
"Si Luther. Yung teammate nila Simon. Nagkita kami sa Festival Mall kaninang umaga nung nagshoshopping ako for myself before I went here to make bantay kay lolo Amante." ang pag-amin niyang sinasabayan ng landi, kilig at hagikgik na parang nakikiliti sa mga tumatakbo sa kanyang isipan habang inaalala ang lahat tungkol sa lalaki na tinutukoy niya.
Si Luther, isang tipikal na lalaking hindi ko napupuna dahil sa tahimik at di rin malapit na barkada ni Simon o ni Rodel. Hindi siya gwapo at hindi rin siya pangit pero malakas ang sex appeal niya dahil sa kayumanggi ang balat niyang bumagay sa buong itsura niya. Tulad rin nila Simon at Rodel, matangkad na lalaki si Luther.
"Ang landi mo." ang sagot ko sa kanya matapos magblanko ang aking mukha sa kanyang mga nasabi. Kinurot ko siya ng mahina sa kanyang tagiliran.
"Eh di humanap ka pa ng magiging boyfriend mo sa mga kateammate nila!" ang parang bata niyang sagot sa akin habang umiiwas sa aking kamay na nakahandang kurutin siya muli.
Tumawa ng malakas si Mrs. Tiongco sa aming dalawa na ngayon ko lang nakita. Natatawa rin si Brian, Lupe, at ang isa pang katulong na nanonood sa amin.
"Nakakatuwa kayo. Thank you, for accepting my son and letting him be a part of your lives. I hope that this will not end sa pag-alis namin para ipagamot siya. We are looking forward to see you guys again. Jasper, Alice, hulog kayo ng langit sa akin at kay Simon. Sana'y ipagdasal niyo siya sa kanyang maagang pag-galing." ang taimtim na wika ni Mrs. Tiongco sa amin na nagpatigil sa nagsisimulang harutan namin ni Alice.
"But Jasper, I want you to still live at our house. May room ka na doon at sayang naman kung aalis ka. Let that be a promise to us that you'll always be our son and to you our promise that we are your family. Besides, pasasahurin ko pa rin itong mga maids ko tulad ni Lupe at yung asawa niyang driver namin dahil sa amin na sila nakatira. Wala silang kamag-anak. Para na nga bahay ampunan ang bahay namin pero makikita mo naman na masaya naman sila." ang alok ni Mrs. Tiongco sabay turo ng kanyang mga tingin kay Lupe na ngayo'y nahihiyang natatawa sa mga sinabi ni Mrs. Tiongco. Tumingin din ako kay Lupe at sinalubong naman niya ako ng pagtango ng may paggalang.
"Depende po sa magiging kagustuhan ni tito." ang malungkot kong sagot kay Mrs. Tiongco.
Nagmakalipas ang ilang sandali ay nagdesisyon kaming tunguin si Don Amante sa kanyang silid. Nagkamustahan muna sila ni Mrs. Tiongco bago namin napagusapan ang tungkol sa akin. Naging masaya naman ang matanda sa pagkakarinig ng aking pasya ngunit iginiit niyang sa kanya na ako maninirahan kaya't walang nagawa ang aking pamimilit at ang pakikipagkasundo ni Mrs. Tiongco sa kanya.
Umuwi ako sa bahay ni Don Amante ng gabing iyon kasama si Alice at Brian. Inutusan ng aking pamangkin ang aming mga katulong na tumulong sa paghakot ng aking gamit mula sa bahay nila Simon sa tulong ni Brian.
Agad kaming naglipat at ako na ang gumamit ng dating silid ni Luisa sa pamamahay na iyon. Ang silid na kulay puti ang lahat ng pintura mula sa interior hanggang sa mga cabinet, kama, at pati na ang palikuran na may sariling bath tub. Masyado itong malaki para sa akin. dalawang beses ng dati kong tirahan sa Putatan ang laki ng buong silid. Pinalinis muna namin ito sa mga katulong bago ako nagpasok ng aking mga gamit. Si Alice naman sa isang banda ay panay lang ang panonood sa mga nangyayari. Lagi akong pinipigilan na kumilos para sa aking sarili. Pilit niyang inuutos sa akin na kailangan ko nang kumilos at mag-isip na isa na akong mayaman.
Ilang araw lang ang lumipas at nakalabas na rin sa ospital si Simon ngunit hindi na kami nagkita dahil ikinulong na siya sa pamamahay nila. Hindi naman ako makabisita dahil lagi ko nang kabuntot ang aking pamangkin at lagi akong pinipigilan tuwing balak ko nang pumunta. Si Brian ay agad nang umalis ng bansa. Marahil sinundan na kung saan pumunta si Rodel. Wala na akong pakialam sa kanila.
Lumipas pa ang isang buwan ay nakalabas na muli ng ospital si Don Amante. Agad siyang nagpatawag ng mga abogado para sa akin, sa kanya, at para kay Mrs. Tiongco na pumirma ng mga adoption papers ko. Habang nasa bansa pa si Mrs. Tiongco ay nilakad na namin ang pagpapalit ko ng aking apelyido bilang Jasper Cuenca Elizalde. Lahat ng paraan ay ginawa ni Don Amante upang mawala ang apelyido kong Gil sa matinding galit pa rin niya sa aking ama.
Nang makuha ko na ang aking bagong pangalan. Hindi na ako pinahintulutan ng aking tiyuhin na bumisita man lang sa tahanan nila Simon. Mabilis na naputol ang aming komunikasyon dahil ibinigay ni Don Amante ang aking telepono kay Mrs. Tiongco. Kahit labag ito sa kagustuhan din ni Mrs. Tiongco na magkita pa kami ng anak niya ay minainam na niyang pagbigyan ang gusto nito dahil masama na kay Don Amante ang sumama ang damdamin.
Upang makasigurado ang matanda ay inutusan niya ang mga tao sa bahay na ako'y bantayan. Kumuha siya ng isang bodyguard para magbantay sa akin palagi at para na rin ako'y pigilan kung babalakin kong tumakas upang silipin si Simon sa kanila. Hindi na rin kami nagkikita ni Simon sa school dahil pinatigil na rin pala siya ng kanyang ina bago pa siya lumabas ng ospital.
Gabi-gabi, madaling-araw na akong natutulog. Tahimik akong nakikiramdam sa bintana ng aking silid na katapat lang ng silid ni Simon. Naririnig ko madalas ang nakakaawa niyang sigaw ng aking pangalan sa madilim niyang silid. Umiiyak ng malakas at minsa'y naririnig ko pang pinapatahan siya ng kanyang ina o nasasabayan na ng mga galabog ng mga bagay na marahil ay hinahagis niya sa kanyang pagwawala. Parang hinihiwa ang aking puso sa tuwing naririnig ko siya at ang paghihirap niya. Hindi ko mapigilan na umiyak sa bawat pagkakataong iyon.
"Jasper, mahal na mahal kita. Bakit mo ako iniwan? Sorry kung may nagawa ako sa iyo! Patawarin mo ako! Magbalik ka na dito!" ang paulit-ulit niyang sinasabi sa mga sigaw niya.
"Simon, bakit mahal na mahal kita kahit alam kong hindi dapat? Kahit alam kong wala akong nakikitang kinabukasan sa lagay ng utak mo ngayon?" ang bulong ko sa aking sarili habang ako'y tumatangis.
Isang gabi, nawala na ang ingay na nagmumula sa kanyang silid at nasundan pa ito ng ilang gabing wala na ang ingay at pagluluksa niya para sa akin. Nangulila ako kahit mapait ang marinig ang hinaing niya para sa akin.
Wala akong magawa kundi ang maghintay sa wala. Marahil ay umalis na rin sila ng bansa. Hindi ko na rin nakikita kung sino ang mga tao pa sa loob ng bahay nila dahil sa mataas ang bakuran ng tahanan namin kumpara kila Simon.
Isang gabi pa, nakadapa ako sa aking kama't katatapos ko lang mag-aral para sa aming aralin bukas sa paaralan. Hindi ko maalis sa aking isipan si Simon. Isa-isang kumislap sa aking isipan ang masasaya naming sandali. Nangulila ako sa mahihigpit niyang yakap at ang amoy na nagmumula sa kanyang balat na aking naaamoy sa tuwing natutulog kami na magkatabi. Habang ako'y nakabalot sa kanyang mga bisig. Habang inuunanan ko ang kanyang braso at nakapatong sa aking bunbunan ang kanyang baba. Naaalala ko rin ang mga gabing magkatabi kami na ako'y naalipungatan tuwing hinahalikan niya ng mariin ang aking bunbunan at aking mga labi.
Hindi ko na maintindihan ang aking sarili. Hindi ko na rin matukoy ang aking nararamdaman. Alam kong mali ang magpatuloy pa sa nararamdaman ko kay Simon pero patuloy pa rin ang aking puso.
Bumangon ako sa aking kama at kinuha ang aking iPod sa ibabaw ng aking study table na katabi ng aking backpack at agad na pinakinggan ang paborito naming awitin ni Simon bago pa ako bumalik sa aking kama.
Naalala ko ang magandang mukha ni Simon at ang mga mapupungay sa singkit niyang nangungusap na mga matang nakakatunaw tumitig na umaawit sa akin habang ako'y katabi niya sa kanyang kama. Agad na kinuryente ng lungkot ang aking dibdib at nagsimulang mamuo ang mga luha sa aking mga mata.
Parang sibak na pumukpok sa aking puso ang sumunod na mga linya. Nasasaktan ako sa katotohanang napaibig na ako ni Andrew sa mga oras na iyon. Kanyang kanya na ako at parang nakalimutan ko na ang karamdaman niya. Humagulgol ako at dahan-dahang umupo sa sahig habang hawak ang aking iPod.
"Umasa ako Simon! Umasa ako! Naniwala ako sa mga pangako mo!! Ang tanga tanga ko!!! Bakit hindi kita makalimutan ngayon?! Bakit???!!! Bakit ikaw pa naging dahilan para magsara ang puso ko para kay Rodel??!!! Nasaan ka na ngayon?!?! Hindi na kita kasama kahit ikaw ang pinili ng puso ko!!!" ang hiyaw ko habang sinusuntok ang sahig sa inis at matinding pagkadismaya.
"Bakit malakas pa rin ang tiwala ng puso kong babalik ka?! Bakit naniniwala pa rin sa iyo ang damdamin ko?! Bakit naniwala ang puso ko sa isang sira-ulong tulad mo?!?!" ang pagtatalo ko sa aking sarili habang tumitindi and aking hinagpis. Alam ng isip kong mali at dapat na matapos na ngunit natatalo ito ng aking pusong sinisigaw ang pangalan ni Simon ng paulit-ulit.
Paulit-ulit din ang pagpapatugtog ko ng kantang 'Crazy Over You'. Matapos ang ilang sandali ay nagawa ko rin humiga sa aking kama habang patuloy pa rin na nakikinig sa tugtuging gusto namin ni Simon. Patuloy din ang pag-agos ng aking mga luha hanggang sa ako'y mapagod at makatulog na.
Sa isang banda, hindi man lang pumasok sa aking kokote si Rodel. Marahil dala ng matinding galit ko sa kanya kaya't nagawa kong makalimutan ang lahat tungkol sa kanya at ang nakaraan namin. Parang di ko siya nakilala at naging bahagi ng aking buhay.
Gabi-gabi ako na ang nangungulila ngayon para kay Simon. Sinubukan kong kausapin si Mrs. Tiongco sa email o sa chat ngunit siya rin ay hindi masyado nakapagbigay ng balita sa akin at huli na upang makita ko pa si Simon dahil naipasok na siya sa isang ospital. Bihira lang daw nilang mapuntahan ang kanilang anak dahil din sa abala sila ng kanyang asawa sa pagtatrabaho bukod sa mahigpit ang pamamalakad ng ospital sa pagbisita sa kanilang mga pasyente.
Lumipas ang taon ngunit si Simon lang ang laman ng aking isipan. Kinimkim ko ito eventually sa aking sarili at nagpanggap sa lahat ng aking nakakaharap na nakakakilala sa kanya na wala na ang lahat. Si Alice, naging masaya naman sa piling ni Luther. Masasabi kong masaya naman si Alice at parang nakalimutan na niya ang lahat. Naging malapit kami ni Alice sa lahat ng bagay. Maikukumpara mo kami bilang magkapatid at hindi bilang tiyuhin. Natuto rin si Alice na pigilan niya ang kanyang sarili na tawagin akong 'tito' sa lahat ng pagkakataon.
Natuto kami ni Alice gumimik sa mga bar tuwing weekends sa kung saan-saan. Dahil dito, marami akong nakilalang mga kauri ko. Sinubukan kong buksan ang aking puso sa kanila ngunit karamihan ay nauuwi laman sa pagpaparaos ng init sa kama. Hindi ako masaya ngunit nakakalimutan ko naman ang aking pagngungulila kay Simon.
Marami akong nakilalang bagong kaibigan na kasama ko na rin madalas lalo na sa mga okasyon na hindi mauunawaan o masisikmurang puntahan ni Alice. Sila kasi ang makakaunawa sa akin dahil katulad ko sila.
Isang araw, habang ako'y nakaupo sa bleacher sa basketball court at pinapanood ang mga freshman na kalaban ang team ni Luther naglalaro kasama si Alice.
"Apat na buwan na lang, graduate na tayo, friend." ang biglang sinabi ni Alice.
"Oo nga eh. Ikaw? Ano gusto mong kunin na course?" ang tanong ko sa kanya sabay tingin kay Alice na nakapangalumbaba habang nanonood sa mga naglalaro sinusundan ng kanyang tingin ang kanyang boyfriend.
"Culinary? Accounting? Business Administration? Ewan ko." ang sagot niya sa aking parang walang gana.
"Hindi mo alam? Hindi ka ba nakinig ng orientation natin nung isang lingo?" ang natatawa kong sagot sa kanya.
"Not sure lang, Jasper. Not sure lang as of the moment." ang tamad na tamad niyang wika.
Biglang tumunog ang aking telepono at agad kong kinuha ito sa aking bulsa. Nanlaki ang aking mga mata sa sobrang saya na makita ang mensahe mula sa mabuti kong kaibigang si Hudson na nakilala ko sa isa sa mga aking pinupuntahan.
Si Hudson ay moreno, macho, at lalaking lalaki ang kilos at pananalita. Limang pulgada ang tangkad niya sa akin. Madalas siyang magsuot ng shirt at maong na naglalabas sa hubog ng maganda niyang katawan.
"Ano nginingiti mo diyan, Jasper? Sino nanaman yang katext mo?" ang parang inaantok na tanong ni Alice nang mapuna niyang abot tenga ang aking mga ngiti.
"Si Hudson." ang sagot ko't halos sumabit na ang gilid ng aking mga ngiti sa itaas na bahagi ng aking tenga sa tuwa.