Chereads / Salamin [BL] / Chapter 44 - Salamin - Chapter 44

Chapter 44 - Salamin - Chapter 44

Napuna ni Rodel ang aking reaksyon ng makita ang dalawa na ngayo'y naglalakad na palayo sa abot ng aming matatanaw. Inakbayan lang niya ako ng mahigpit at sa harap ng maraming tao ay hinalikan niya ang kanan kong pisngi.

"AY! Hinalikan niya yung kasama niya oh!" ang gulat na nasabi ng isang babaeng may edad na na nasa bandang kaliwa namin na papasok yata ng Penshoppe. May kasama siyang dalaga na tingin ko ay anak niya yata. Parehong gulat ang dalawa na nakatitig sa amin. Ibinaling ni Rodel ang kanyang tingin sa kanila at nginitian bago sinabing "Mahal ko ito. Mas maganda sa inyo itong kasama ko." na biro niya.

Naalimpungatan ako sa sinabi ni Rodel at nakaramdam ng agarang pag-init ng aking pisngi dala ng hiya.

"Huy! Ano ba?! Tumigil ka nga!" ang inis kong sinabi sa kanya pilit itinatago ang aking hiya. Tumawa lang si Rodel nang ibalik niya ang titig niya sa aking nangungusap. Nagkasalubong ang aming mga mata't nakita ako ang sigla sa kanya dahil sa kanyang ginawa.

"Baliw ka talaga. Iwasan mo na yan ha? Iwasan mo." ang utos kong seryoso na ang aking tono sabay kabig sa kanya upang maglakad na kahit di ko alam kung saan kami tutungo. Ngunit dahil sa mga nangyari dinala kami ng aking mga paa sa direksyon kung saan namin nakita sila Simon kanina. Napansin ito ni Rodel.

"Oh… San tayo pupunta?" ang gulat na tanong niya. Natigil ako bigla sa paglalakad. Hindi ko alam kung bakit nga kami tutungo roon.

"Ah… Eh… Saan ba talaga tayo pupunta? Kanina pa tayo ikot ng ikot dito eh!! Nahihilo na rin kasi ako." ang palusot ko habang kumakaot ng aking ulo.

"Ayusin mo muna yang sarili mo. Namumugto pa mga mata mo, Jasper." ang sabi niya bigla kaya't kinuskos ko agad ang aking mga matang may namumuo pang mga luha. Kinabig ako ni Rodel sa paglalakad muli. Sa pagkakataong ito, tungo ito sa daan kung saan tumungo sila Simon.

"Susunod ba tayo?" ang tanong ko sa kanya na sinagot lang niya ng pagtango.

"B-Bakit? Guguluhin ba natin ang date nung dalawa?" tanong ko pa habang naglalakad na katabi ni Rodel.

"Hindi naman. Mahal kita, Jasper. Kung ano ang tingin kong gusto ng puso mo. Gagawin ko para sa iyo. Mahal mo si Simon. Kahit masakit sa akin gagawin ko para lang sa iyo." ang malalim niyang sinabi. Awa lang ang naramdaman ko para sa kanya sa kanyang sinabi. Hindi na niya kailangan gawin pa ang bagay na ito. Nahulaan niya marahil na hindi pa rin ako makapaniwala na masayang magkasama ang dating magnobyong si Alice at Simon.

Sa aming paglalakad, naabot naming muli ng aming tanaw ang dalawang sinusundan namin. Mabagal sila maglakad kaya naabutan namin sila sa di kalayuan. Minabuti na naming nasa ganoong distansiya sa panonood sa kanila.

Hindi ko maalis ang mga mata ko kay Simon. Nasabik akong makita siyang muli kahit na sa mga sandaling iyon ay di ko na makita ang dating aura ng katauhan ni Andrew sa kanya. Marahil ito na talaga ang kahahantungan ng ginawa ko sa aking sarili. Ang panoorin na lang siya na mabuhay bilang siya. Si Simon na wala na marahil ang ibang katauhan niya. Marahil nabaon na rin sa limot ang aming pinagsamahan dahil straight talaga si Simon.

"Rodel. Kung maibabalik ko lang." ang bigla kong nasabi kay Rodel habang pinanonood sila. Hinigpitan lang ni Rodel ang akbay niya sa akin. Alam niya marahil ang aking ibig sabihin. Kabisado na niya kung paano ako mag-isip.

"Ako rin, Jasper. Gusto kong ibalik ang panahon."

"Hindi na sana tayo ganito ngayon." ang dagdag ko sa sinabi niya sa akin.

"Pero may dahilan ang lahat, Jasper."

Napansinghal na lang ako sa aking isipan. "Kung ano man iyon. Nangyari na ang lahat at ganito na tayo ngayon."

"Magkaibigan." ang dugtong niya sa aking nasabi.

"Kahit paano, nandito pa rin tayong lahat. Nandiyan ka, nandito ako. Patawad talaga Rodel, pikit na mga mata ng puso ko sa iyo." ang pambara ko sa kanya. Hindi naman niya ito dinamdam bagama't lalo pa niyang hinigpitan ang kanyang akbay sa akin. Kulang na lang ibalot na rin niya ang isa pa niyang bisig sa akin at magmukhang naglalambitin sa aking mga balikat habang kami'y naglalakad.

"Baka tumumba ako Rodel. Ang laki mong tao. Baka nakakalimutan mo." ang mataray kong sagot sa kanya.

"Oh ano nanaman?"

"Wala." ang sabi ko. Hindi ko napigilan ang aking sarili.

Si Alice, puno ng saya at sigla. Ganoon din si Simon. Nakaabay pa siya kay Alice habang naglalakad at nag-uusap ang dalawa. Parang walang nangyaring gulo sa pagitan nila. Parang si Randy pa rin siya kay Alice. Mabigat na ang puso kong bugbog sa kanilang eksena. Hindi ko na makayang manood pa. Tumigil ako bigla sa paglalakad.

"Sa iba na lang tayo pumunta." ang yaya ko kay Rodel.

"Saan tayo pupunta?" tanong niya.

"Aba malay ko sa iyo. Ikaw ang nagyaya sa aking pumunta dito dahil may bibilhin ka di ba?" ang masungit kong buwelta sa kanya. Napakamot lang si Rodel ng kanyang bunbunan.

"Ehehehe… Wala pala dito nun eh…" ang palusot niya.

"Baliw. Sumakit lang paa ko sa iyo." ang pagsusungit ko pa.

"Ang taray mo na talaga, Jasper. Huwag ka nga ganyan. Mas maganda sa iyo yung dati na mahiyain ka eh." ang puna niya sa akin.

"Eh ano naman magagawa mo kung mataray na ko?"

"Wala." ang malungkot niyang sagot. Hinawakan niya ng mariin ang aking kaliwang kamay. Nakayuko. Ilang saglit kaming nasa ganoong lagay sa harapan ng Body Shop bago niya ako hilahin palapit sa kanya at balutin ng mahigpit na yakap.

"Jasper." ang bulong niya bago ako marahang pakawalan sa kanyang mga bisig. Wala akong masabi sa kanyang ginawa. Hindi na tumatalab sa akin ang mga panlalambing niya. Ngayon ko lang napatunayan sa aking sarili na patay na talaga ang damdamin ko kay Rodel.

Bigla niyang kinuha ang kanyang telepono at saglit na nagtext. Hindi ko na ito pinansin dahil sa wala naman akong pakialam sa kanya at kung ano ang balak niya sa buhay niya. Pinagmasdan ko muna ang paligid habang abala siya sa kanyang telepono.

"Rodel, pagpasensiyahan mo na lang ako ha? Hindi ko talaga mapipigilan eh. Kilala mo naman ako. Alam ko nasasaktan ka sa mga nangyayari sa akin ngayon. Pero yaan mo lang ako. Wala na rin ako plano magboyfriend magmula sa araw na ito." ang bigla kong sinabi sa kanya. Napatingin sa akin si Rodel habang ibinabalik na niya ang kanyang telepono sa kanyang bulsa.

"Videoke tayo. Miss ko na kumanta. Miss ko na rin boses mo." ang bigla niyang wika sabay ngiti na abot tenga. Napasinghal ako sa imbita ni Rodel.

"Date?" tanong ko sa aking sarili sabay gulong ng aking mga mata paitaas sa pagkairita.

"Rodel. I told you it's never going to be us again. Ever. Nagsasalita na ako ng tapos. May tuldok pang kasama." ang sabi ko sa kanya sabay namewang.

"Ito naman. Nandito na rin naman tayo. Mag-enjoy tayo!" ang sagot niya sabay pisil sa aking baba.

"Eh ano pa ba nga naman magagawa ko, Rodel. Ano pa nga ba?" ang sarkastiko kong wika at inalis ko ang kanyang kamay na nanatili pa rin na nakahawak sa aking baba. Pagkaalis ng kamay niya'y agad niyang inilipat ang kanyang mga daliri naman sa aking kaliwang pisngi at pumisil.

"Ano ba! Kakainis ka na ha. Tama na!" ang galit kong utos sabay tapik sa kamay niyang nakapisil sa aking nabanat nang pisngi. Tumawa ng malakas si Rodel bago siya lumapit sa aking kaliwang tabi at ibinalot sa aking baywang ang kanyang kanang braso.

"Hindi na tayo, Rodel ha. Magtigil ka."

"Eh ano naman masama? Hindi ko naman sinasabing nililigawan kita ah. Masama ba manlambing?"

"Sa kaibigan? Lambing?"

"Oo… bakit? Bawal ba manlambing sa kaibigan?"

"Excuses." sabay singhal kong muli sa kanya bago kami naglakad patungo sa X-Site kung saan kami magvivideoke. Nakayoko lang akong naglalakad na nakatitig sa sahig habang nakakurs sa aking dibdib ang aking mga bisig.

Alam kong pinagtitinginan na kami ng aming mga nakakasalubong. Nahihiya ako sa kanila. Hindi ko naman mapigilan ang pangungulit ni Rodel sa akin.

Masyadong maingay sa X-Site, ayoko ng ingay. Habang papasok na kami sa amusement area ng Festival Mall ay agad na nagkunot ang aking ulo sa inis. Sa bukana kasi sa bandang kaliwa ng entrance ay mayroong videoke roon na may malaking screen kung saan pwedeng umawit ang malakas ang loob para mapanood ng mga taong naroon.

Doon kami mismo dadaan ni Rodel upang tumungo sa token booth. Sa aming paglalakad ay napatakip talaga ako ng aking magkabilang tenga. Natatawa si Rodel sa aking itsura. Hinimas niya ang aking balikat na nagpaparamdam ng kanyang pag-alaga sa akin.

"All… by… my…self!!!" ang makapunit eardrums na birit ng babaeng nakasalang sa videoke. Parang blackboard na kinakamot ng kuko ang kanyang boses sa tinis at kawalan ng tamang tono sa pag-awit na ayon sa kinakanta. Napatingin ako kay Rodel at halos mapapikit na rin siya sa aming naririnig. Nanginig ng kaunti ang kanyang gustong magsalubong na mga kilay. Natawa ako sa kanya na agad niyang nakita. Nagdulot ito ng abot tengang ngiti sa kanyang mga labi. Batid ko'y parang sasabog sa kaligayahan si Rodel nang makita niyang muli ang aking pagtawa. Ang tuwa sa aking mga mata'y saglit na kumislap ng dahil sa tuwa. Hindi na napukaw ang saya sa aking mga labi mula noon. Nakangiti na ako ng kahit kaunti.

Nang makarating kami sa token booth…

"Miss, dalawa nga. Isa sa akin at isa para sa misis ko." ang pakiusap ni Rodel matapos dumungaw sa loob upang kausapin ang kahera. Dumukot si Rodel sa kanyang bulsa at ipinatong ang dalawang limang bisong barya sa tapat ng butas ng salamin. Agad na nag-abot ng dalawang token ang kahera at kinuha ang bayad ni Rodel.

"Ano ka ba Rodel." ang sabi ko sa kanya matapos marinig ang kanyang sinabi. Nangiti lang ang kahera sa aming dalawa.

Nang makuha ni Rodel ang mga token ay agad niya akong inakbayan at sinamahang maglakad muli. Sinipi ko ang kanyang mukhang may pilyong mga ngiti.

"Huwag tayo dun sa labas na videoke ha. Ibabato ko sa iyo ang microphone pag diyan mo ko pinakanta. Matagal na akong di umaawit." ang babala ko sa kanya nang mapansing tungo kami sa kung saan kami dumaan kanina papasok ng X-Site.

"Eh di ako na lang ang kakanta. Para sa iyo. Kaibigan kong mahal." ang mayabang na wika niya.

"Aba. Kumakanta ka na pala."

"Oo naman. Malakas na loob ko. Pahuhuli ba ako sa iyo?" ang sabi niya sabay harap sa akin at hinigpitan ang kanyang akbay sa akin.

"Wala na akong confindence ngayon. Sige, kanta ka lang. Manonood lang ako."

Hindi na nagsalita sa Rodel. Habang kami'y papalapit sa videoke ay kumakanta pa rin ang babae. Labas na lahat ng ugat niya sa leeg at kita na namin iyon sa di kalayuan. Agad akong nagtakip muli ng aking tenga dahil sensitibo na yata talaga ang aking tenga sa ingay at kasulasulasok na boses na kumakanta. Hindi naman sa pagmamayabang. Ayaw ko lang talaga pero wala din sa akin kung may mga umaawit ng wala sa tamang tono. Alam ko namang trip trip lamang ang mga ganyan.

"Don't wanna live by myself, by myself anymore.....!!!" ang kanta ng babae ng babae kanina. Hindi ko maiwasang mangiti habang kami'y papalapit sa kanila. Marami ang nanonood at pansin kong nakakunot din ang mga noo nila at salubong na ang mga kilay.

Natawa ang bigla. Hindi ko matiis. Napatingin ako kay Rodel matapos kong takpan ang aking bibig na nanangiti. Salubong na rin ang kilay ni Rodel. Naramdaman niya ang aking ginawa kaya't tumingin din siya sa akin. Ang asim sa kanyang mukha ay nawala at napalitan muli ng matamis na ngiti at nangungusap na mga titig.

"Pagpasensiyahan mo na siya. Yan lang ang ibinigay sa kanya ni Lord." ang sabi ni Rodel. Lalo akong natawa kaya't bumulwak ako sa halakhak. Napatingin sa akin ang ibang nanonood sa kumakanta. Nangiti din sila. Marahil alam nila ang aming pinag-uusapan.

"Ang sama naman nila." ang sabi ko bigla kay Rodel sabay turo sa mga nanonood gamit ang aking labi. Sinulyapan niya ang mga nanonood at pareho na kaming tumatawa. Pinigil ko siya sa kanyang paglalakad sa paghawak ko sa kanyang tiyan. Matapos noo'y hinila ko siya pabalik sa aming pinanggalingan habang sabay nang nakikihalakhak kay Rodel. Ang saya ng sandaling iyon. Matagal ko nang hindi nararanasan na matawa sa maliliit na mga bagay. Salamat kay Rodel, muling nanumbalik sa akin sa mga sandaling iyon ang aking kababawan sa mga bagay-bagay.

"Tama na, Jasper. Baka gabihin pa tayo kung may dadagdag pa sa mga nakapilang gagamit noon." ang tumatawang wika ni Rodel sa akin. Hindi naman din niya mapigilan ang kanyang sarili sa katatawa.

"Eh… ikaw kasi eh… tara na…" ang sagot ko matapos habulin ang aking hininga at pigilin ang aking tawang gusto pang humirit dahil parang may nararamdaman pa rin akong kiliti sa aking sikmura habang naririnig pa rin namin ang babae na tinatapos ang kanyang kanta.

Nang makarating kami sa videoke, hindi agad nakakanta si Rodel. May mga nauna na kasi kaya't kinailangan din namin ang pagkanta ng mga nauna sa amin. Kaunti lang sa kanila ang may karapatang umawit sa madla. Yun lang ang puna ko sa mga oras na naghihintay kaming dalawa. Wala namang sawa si Rodel na nilalambing ako bagama't di iniiwas ko pa rin ang aking sarili. Wala talagang kiliti dahil siguro manhid na ang aking damdamin.

Nang tignan ko ang mga taong nakikiusi at kasama rin naming naghihintay o nanonood sa kumakanta, napansin kong karamihan sa kanila ay sa amin na nakatingin. Nainis ako't nahiya. Kinagat ko ang aking mga labi at binigyan ng matalim na titig si Rodel.

"Oh? Bakit?" ang tanong ni Rodel habang kunwari'y hindi niya alam ang dahilan kung bakit ganun ang aking mukha. Natatawa siya ng kaunti habang lalo niyang pinaghuhusayan ang panglalambing sa akin. Napabuntong hininga na lang ako't ibinalik ang aking puna sa kumakanta kahit di ko gusto ang umaawit.

Nang si Rodel na ang aawit...

"Diyan ka muna mahal ko ha? Kakantahan lang kita saglit. Makinig ka ha? I LOVE YOU!" at talagang nilakasan pa niya ang pagkakasabi ng 'I LOVE YOU' kaya't napatingin na rin ang aming mga katabi na nakatayong naghihintay.

"Letche!" ang sagot ko sa kanya. Nangiti ang katabi ni Rodel na babae at nakita ko iyon nang umalis si Rodel sa aking tabi.

Naghulog muna si Rodel ng token sa videoke bago pumili ilang saglit ng kanyang aawitin. Nang makapili ay agad niyang pinindot ang mga numero sa harapan at umubo ng kaunti upang linisin ang kanyang lalamunan habang iniisa-isang tinitignan ang ibang taong naroon. Nagsimula nang tumugtog ang intro ng kanyang aawitin.

"Para ito sa pinakamamahal kong tao sa buong buhay ko. Para sa taong nilalaman at lalamanin ng puso ko hanggang sa mamatay ako. Kahit hindi na kami, nagpapasalamat ako sa kanya dahil tinanggap pa rin niya ako bilang kaibigan niya." ang mala announcement na sinabi niya sa mikropono habang tinitignan ang mga tao sa paligid. Napangiti ang ilan at ang ilan naman na kanina pa nanonood sa amin ay pumalakpak.

"Kung hindi ko man maiwasan na ipadama ang pagmamahal ko sa iyo. Sana'y tanggapin mo na lang ito ng buong buo. Kahit kaibigan mo na lang ako. Hindi ako umaasa na mahalin mong muli pero masaya na akong ganito tayo, Jasper." ang dagdag niya matapos niyang ipako sa akin ang kanyang mga mata. Natinginan na sa akin ang ibang mga tao kaya't nayuko na lang ako sa hiya.

"Maraming pinagdaanan sa buhay ang kaibigan kong ito. Isa ako sa mga naging dahilan kung bakit siya nagkaganito at dahil naghirap ang damdamin niya." ang sabi pa ni Rodel sabay lakad patungo sa akin at inabot ang aking mga kamay upang anyayahan akong tumabi sa kanya sa harapan habang kumakanta. Hindi ako lumaban. Hindi ko alam kung bakit. Nadala yata ako ng tugtugin o ng mismong mga sinabi ni Rodel.

Ang inawit ni Rodel habang kami'y magkaharap na nakatayo sa paningin ng lahat upang kami'y panoorin. Ang ilan sa kanila ay umalis. Marahil ayaw nila na makita ang sinasabi nilang kalaswaan ng tulad naming mga bakla.

Para kaming nasa prom ni Rodel habang hinaharana niya sa harap ng ibang tao. Medyo nakaagaw na ng pansin ang malamig na boses ni Rodel sa paligid. Unti-unti ng nagtitipon ang ilan na napaparaan sa entrance ng X-Site. Tumalikod ako sa kanila sa matinding hiya. Si Rodel naman ay lalong lumalakas ang loob sa kanyang ginagawa. Napapahanga ako sa tindi ng pagmamahal na sinasabi niya sa akin. Naniniwala na akong tunay ang kanyang sinasabi para sa akin ngunit hindi talaga ako makaramdam ng kahit kaunti dahil sa si Simon ang laman ng aking dibdib.

Bigla akong niyakap ni Rodel ng pahigpit habang patuloy ang kanyang pag-awit. Hindi siya nahirapan dahil sa matangkay siya sa akin kahit ang ulo ko'y nakadiin sa kanyang dibdib. Naghiyawan ang ilan sa mga nanonood.

"Nililigawan mo ko sabi ko huwag na eh!" ang inis kong bulong sa kanya. Lalo lang niyang hinigpitan ang kanyang yakap sa akin. Malakas ang tibok ng dibdib niya. Damang dama ko rin ang kanyang paghinga upang bumawi sa kanyang pagkanta para hindi masira ang kanyang kanta.

Mahal na mahal kita Jasper ko...

Honey ko!!

Mahal ko!!

I Love You!!

Mahal na mahal kita!

Nagpalakpakan ang mga tao ng matapos kumanta si Rodel. Mas malakas ang palakpak ng lahat kaysa sa nauna kanina. Natawa ako ng kaunti at nawala ang aking inis. "Sira ka talaga Rodel." ang natatawa kong bulong sa kanya.

Bumitiw si Rodel sa kanyang yakap sa akin at nagkukumaway sa mga tao sa paligid.

"Fans mo? Sige na artist ka na. Singer ka, singer ka. Ginamit mo pa akong props. Letcheng to." Ang pambasag trip kong wika kay Rodel. Parang wala naman siyang narinig sa akig mga sinabi dahil tuloy lang siya sa kaanyang pagkaway sa mga tao. Nanatili lang din akong nakatalikod sa kanila. Nahihiya at nagsisimula ng makaramdam ng matinding hiya.

"Tapusin mo na rin yang isa mong kanta. Dun na lang ako sa paligid. Ayoko na dito sa harapan." ang dagdag ko pa. Gusto ko na umalis sa mga mata ng maraming tao. Tumawa lang si Rodel sa akin. Hindi ko naman alam kung bakit kaya binalikan ko siya ng mga nagtatakang titig.

"Hehehehehe… kinain yung isang token ko eh… Gusto mo bili pa tayo?" ang sagot niya.

"Hay buti na lang. Huwag na. Tara na. Alis na tayo dito."

"Bakit? Pangit ba boses ko?"

"Hindi. Pangit lang ng arte mo. Ang baduy mo!" ang natatawa kong sagot sa kanya. Inakbayan na lang niya ako at sinabing "Ikaw talaga, Jasper." at tumawa.

"Teka, gabi na ah. Ano yung surprise mo sa akin?" ang tanong ko nang bigla kong maalala.

"Ah… Wala yun. Joke lang yun para sumama ka sa akin ngayon." sabay kamot siya ng ulo.

"Letche ka pinaasa mo ko." sabay dabog ng aking paa at sambakol ang aking mukha sa kanya.

Umalis na kami sa X-Site at naggala pa ng kaunti bago napag-isipang umuwi. Sa labas ng Festival Mall ay naghiwalay na kami ng landas. Hindi ko siya pinauwi sa bahay kahit na nangungulit siya dahil ayokong may mangyari sa amin at isa pa gusto ko talagang tigilan na niya panliligaw niya sa akin.

Kinagabihan sa bahay, sa bintana ng aking silid, muli kong pinagmasdan ang bintana ng silid ni Simon mula alas nueve hanggang alas onse ng gabi. Kataka-taka dahil hindi man lang bumukas ang ilaw sa kanyang bintana. Marahil hindi na siya don umuwi. Marahil kasama na niya si Alice sa kung saan. Hindi ko napigilan ang lumuha habang naghihintay. Inaalala ang mga huling sandali na makita kong muli si Simon hanggang sa ako'y nakawin ng antok mula sa sarili kong ulirat.

Kinabukasan, habang nasa hapag kaming dalawa ni Don Amante kumakain ng almusal bago ako pumasok sa iskwela.

"How was your day yesterday, jiho?" ang tanong ni Don Amante bago sumubo ng isang kutsarang oatmeal.

Hindi ko siya matignan ng mata sa mata. Dahil namamaga pa ng kaunti ang mga talukap ng aking matang malamlam dala ng kaiiyak kagabi at puyat dahil alas kwatro ng umaga ako gumising.

"Okay naman po."

"Did things work out?"

"No. I don't love him anymore."

"Oh. I'm sorry to hear that, jiho. I hope you guys will still remain as friends."

"Yes, we are. We're still friends and it will always stay that way na ngayon." hindi pa rin ako makakain. Tinutunaw ko lang ng aking titig ang aking almusal na sinangag at pritong hotdog na tinernuhan ng pritong itlog .

"I guess some day you'll get back together again. You can never can tell, jiho. Masyado pa kayong mga bata para magsalita ng tapos sa ganyan." sabay subo niya muli ng isang kutsarang oatmeal.

Hindi ako sumagot kay Don Amante. Kahit tama siya pilit ko pa rin pinaninindigan na wala na kaming pag-asa ni Rodel.

Nang makalunok ni Don Amante ang laman ng kanyang bibig ay hinabol niya ito ng panulak na juice bago nagsalita, "Jiho, try dating girls. Hindi naman sa pinipilit ko but it's for you din naman. You'll get old like me and wala mag-aalaga sa iyo." Napasinghal ako sa idea ni Don Amante.

"I don't want to marry a woman because I'd be making a fool out of her and it's a big joke for a gay to marry a woman. I have a better idea, tito. Have our people look for a woman willing to bear my own child and after that pera-pera na lang ang usapan. I don't want to get married talaga sa isang babae. I want to be at least honest to myself on that." tumawa lang si Don Amante ng malakas sa aking mga nasabi.

"Jiho, I like how you think. I'll have it arranged mamaya. But can you do it?" ang natatawa niyang sagot sa akin.

"What do you mean?"

"Can you sleep with that woman? Hindi siya mabubuntis kung hindi mo siya… alam mo na…" ang natatawa niyang paglilinaw sa akin. Natawa na rin ako bagama't tila binalot ng kuryente ang aking buong katawan sa bagay na aking gagawin makagawa lang ng anak.

"Viagra to make my soldier stand and kumot to cover her while I do it and… " ang natigil kong suhestiyon kay Don Amante. Sasabihin ko na sana na may kasama dapat na lalaki ngunit ang naisip ko'y si Simon sana kaya't hindi ko na lang sinabi.

"… and?" ang tanong ni Don Amante hinihintay ang karugtong ng aking sasabihin habang bahagya niyang ihinarap ang kanyang tenga sa akin.

"… and I want a man to be with me while I do it or else I won't be able to do it. It'll be an epic fail." ang nahihiya kong dagdag. Biglang umakyat ang lahat ng dugo sa aking pisngi at nagsimula na akong mamula. Humalakhak si Don Amante sa aking nasabi at sa aking pamumula.

"Oo nga naman. Oo nga naman. Why don't you take Rodel with you to help out on that?"

"S-Sige but he's my last resort."

"We'll it's settled then. I'll have my men look for a willing woman then…" ang naputol na sabi ni Don Amante.

"Yung babae siguraduhin nilang walang sabit. Walang kamag-anak. Walang maghahanap sa kanya. Pero dapat hindi pagpuputa ang propesyon niya dahil baka ako naman ang magkasakit. Dapat baby maker lang talaga siya. Dapat mula sa kahirapan." ang mabilis kong sabat sa kanya. Napaisip si Don Amante sandali.

"I get the idea na dapat hindi siya puta pero why have specifics like that? It's easy to silence everyone with our money." ang pagtataka niya't panghihingi ng paglilinaw.

"Tito, money can be spent. Her silence will never be permanent lalo na alam niyang magiging eredero ang anak niya. Malaking eskandalo ito." ang punto ko.

"I really like how you think my dear nephew. Kanina ko pa naiisip yan at hinihintay ko lang kung ano ang magiging plano mo sa bagay na iyan. Let's see kung pareho tayo ng iniisip. She'll bear your child and she'll be pregnant. Everyone will see her and she may tell everyone about you when she finds out na isang Elizalde ang dinadala niya. She'll have claims. Ano ang plano mo jiho?" ang natatawa niyang sabi sa akin. Parang may plano na si Don Amante bago ko pa sa kanya sabihin ang bagay na ito.

"Kasama ba niya sa mga plano niya ito nang tanggapin niya na ganito ang aking pagkatao?" ang tanong ko sa aking sarili sa pagkabigla. Kinakabahan ako sa aking sasabihin dahil lubos na masama ang aking nakikitang sagot. Bumunot ako ng lakas ng loob na sabihin kay Don Amante bago nagsalita.

"Let's have her confined somewhere no one can see her habang binubuo niya ang anak ko. Let's pay for doctors and nurses we can trust to help her until she gives birth to my child. Tauhan natin ang dapat na haharap sa kanilang lahat. Let's stay behind the shadows. After she gives birth…" ang binhagi ko kay Don Amante habang nag-iisip ako na nagsasalita at nakatitig lamang sa aking pagkain na aprang may imaginary whiteboard akong tinititigan kung saan I'm playing the odds of things na parang laro lang ng isang basketball at ako ang coach. Hindi ko na masabi ang huli dahil sa lubos na masama na ang aking naisip.

"Ganito na ba talaga ako ngayon?" ang tanong ko sa aking sarili. Batid naman sa mukha ni Don Amante na hindi na niya mahintay ang aking sasabihin.

"What? After she gives birth? Ano na susunod?" ang inip na tanong niya.

"… Ipapatay natin siya. Sunugin natin ang katawan niya hanggang sa maging abo at ikalat na lang natin sa dagat." ang nag-aalinlangan kong sagot sa kanya. Pumalakpak si Don Amante sa paghanga. Kinilabutan akong natuwa pa ang aking tiyuhin sa aking maitim na plano.

"I know a place where we can burn her to ashes. Pamangkin nga kita. I'm so proud of you."