Chapter 22 - 22

KATE

"Go candidates, one and two and turn left, candidate number 1! Then right, candidate number 2! And one and—teka, teka candidate number 3! Sa'n ang punta mo? Sa ilog? Gad, from the top! Nakakailan na tayong practice, kenkoy pa rin!" sigaw ulit ni sir Ramona habang todo paypay na naman sa kanyang sarili.

Nandito kami ngayon sa gym ng cheerleading squad. Nagpapractice para sa upcoming pageant.

'Tong baklang 'to, sarap itulak pababa ng stage. Ang arte-arte masyado, eh kung siya kaya rito sa pwesto namin. Parang 'di nakakapagod 'yong paulit-ulit niya kaya walang natatapos, tsk.

"Isa pang ulit, 'wag na kayong sumama sa pageant! Ang dali-dali lang ng steps, natatanga pa kayo lalo ka na number 3!" banat na naman sa'kin ni baklang Ramona. Napairap na lang ako sa isip dahil kung di ako makapagpigil, itutulak ko talaga 'yang prof na 'yan.

Nadagdagan lalo ang inis ko nang may marinig akong witch na mahinang tumawa na walang iba kung di 'yong bitch president ng student council.

Laugh all you can, witch bitch habang nakakatawa ka pa at habang may oras ka pa. 'Pag ako tinopak, di ako magdadalawang-isip na tapilukin ka nang matikman ng nagmamagandang mukha mo 'yang sahig.

Nagsimula na ulit kaming magpractice with music. Di ko na pinansin pa si bakla pati si witch at nagpokus na lang sa aking sarili at sa mismong practice.

Di ko rin alam kung paano nakapasok 'yang witch na 'yan sa pageant let alone na pinayagan 'yang ganyang pagmumukha't pag-uugali.

"Good job, candidates! Finally, nakuha niyo rin ang itinuro ko, keep it up! Fifteen-minute break muna then start ulit tayo, am I clear?" maarte na naman niyang sigaw sa'min matapos kaming magpractice.

"Yes sir!" sabay-sabay na sagot ng candidates maliban sa'kin. Naintindihan ko naman ang sinabi niya but...whatever.

Pababa pa lang ako ng stage nang biglang may tumawag sa'kin.

"Kate, babe!" Pagtingin ko ay si James na nakangiti at may hawak pang bottled water at paper bag.

"Hi, James. Anong ginagawa mo rito? I mean may practice kayo di ba?" bati ko pabalik nang makalapit na ako sa kanya.

"Bayaan mo na 'yong practice namin. Mas mahalaga 'yong mapanood kita saka mas mag-eenjoy ako rito kasi nakikita kita," sabay kindat nito na siyang ikinatawa ko nang mahina. James kasi, parang ewan.

Sasagot na sana ako nang biglang may tumikhim at nagsalita. "Ehem, dre, di mo ba kami ipapakilala sa napakagandang binibini na kaharap natin ngayon?"

Palihim namang sinagi ni James ang lalaking nagsalita at tinapik naman siya no'ng isa.

"Babe, mga kaibigan ko nga pala at kasama sa team, si Diego at Luis. Siya nga pala, nagdala ako ng snacks para sa'yo babe. Nagugutom ka na ba? Tara, kumain ka na," alok niya sa'kin at hinila na ako paupo sa bleachers.

Inasikaso na ako ni James habang 'yong mga kaibigan niya ay nakasunod lang sa'min.

"Ang galing mong rumampa kanina. Panigurado, ikaw ang mananalo niyan sa pageant. Nandito lang kami na susuporta sa'yo," masayang sabi ni James na siya ring ikinasipol ng kanyang mga kaibigan.

"Naks dre! Naaapply mo na 'yong itinuro ko sa'yo ah. Alam mo Kate, walang halong biro o pambobola pero sa puso pa lang ni James panalong-panalo ka na, sa pageant pa kaya? Daming nagkandarapa diyan pero sa'yo natisod," pangangantiyaw no'ng Luis at may pahilot-hilot pa ito sa balikat ni James.

'Yong Diego naman ang nagsalita. "Pero ang tanong Kate, gusto mo ba si pareng James?"

Bigla naman silang tumahimik lalo na si James at ako nama'y kinabahan. Di ako makatingin sa mata ni James dahil tila nangungusap ang mga ito. Nag-aabang at umaasa.

"Sa totoo kasi niyan—"

"Mahal mo na si James? Galing talaga ng alaga ko, wooh! Dre, wait na lang namin go signal mo, ready-ng ready na kami ni Diego," patuloy pa rin na panunukso sa'min ni Luis at nag-apir pa sila nito. Actually, sila lang ang maingay dito at feel ko pinagtitinginan na kami.

"Hoy mga ulol, magtigil kayo! Doon kayo manggago, 'wag dito at naabala ang pagkain niya. Babe, 'wag mo na silang pansinin," bwelta naman niya sa mga kaibigan ngunit humalakhak lang ang mga ito.

"Basta Kate, mag-ingat ka diyan kay James. Ulol pa man din 'yan. Happy eating sa inyo! Goodluck, dre! Supot ka namin!" sigaw ni Luis at tumakbo na silang dalawa palayo bago pa sila maabutan ni James.

"Mga siraulo. Pagpasensyahan mo na si Diego at Luis. Gano'n lang talaga sila kapag may kaharap na babae. Nga pala, may gusto ka pa bang pagkain? Bibili ako."

"Okay na 'to, James, sobra pa nga eh. Maraming-maraming salamat dito ha? Dahil lagi mo akong nililibre, samahan mo akong kumain dito. Di ko 'to mauubos, sayang."

Hinatian ko na siya ng pagkain at sabay na kaming kumain. Habang kumakain ay di na ako tinigilan ni James na subuan kaya pinasakan ko rin ang bibig niya. Habang nagkukulitan kami ay biglang may maingay na nagtatawanan sa bandang kanan namin.

Nang tingnan ko ay biglang bumangon ang inis ko at di ko namalayang nahawakan ko na pala ang bote ng tubig at pinilipit ito.

Ang witch may kasama pang dwarf habang 'yong taong nasa gitna nila todo tawa rin at enjoy na enjoy pa. Mabulunan sana kayong tatlo.

Gigil na gigil? Andiyan naman si James ba't sa iba pa tumitingin?

Shut up brain. The hell na ang iingay nila. Parang mga taga-bundok, pwe.

"Kate? Okay ka lang? Kanina pa kita tinatawag," nagtatakang tanong sa'kin ni James habang iwinawagayway ang kanyang kamay sa harap ko. Kinukuha ang aking atensyon.

Binitiwan ko na ang ipit na ipit na bote ng tubig at hinarap si James. "James, I think busog na ako. Balik na ako sa practice. Tapos na rin ang break namin. See you later." Nawalan na ako ng gana dahil sa nakita ko. Ba't nandito pa kasi 'yang mga 'yan. Panira ng araw.

Lalo ka na Torregozon.

Pumunta lang dito para makipagharutan sa witch at dwarf na 'yon. Wala bang klase ang babaeng 'yon?

"Sige Kate, baka hinihintay ka na doon. Maghihintay lang ako rito hanggang sa matapos kayong magpractice. Galingan mo!" Sinuklian ko naman ng ngiti si James at bumalik na ulit ako sa stage.

"Ms. Hazel, nasaan ang music?" tanong ni sir bago kami magsimula.

"Na kay Dee po, sir," turo niya kay Torregozon na kanina pa nakatulala.

Tinawag na ito ni sir Ramona at nauutal-utal na sumagot. "Ah...s-sorry po sir. I-play ko na po ba?" Sa senyas ni sir ay nagsimula na ulit ang aming practice.

"How are you, bitch? Enjoying your boyfriend's company? Coz I'm enjoying Dee's. Finally, nagka-boyfriend ka na, wala ng sagabal sa'min," nakakalokong bulong sa'kin ni witch. Magkatabi ngayon dahil ito ang pwesto na ginawa sa'min ni sir.

"You know what? I'm not completely desperate as you so if I were you, I'll stop acting like a fucking stupid, begging for someone's attention but not receiving it the way you want. Poor you, also meddling with my personal affairs. Ganyan ba talaga 'pag walang nagkakagusto sa'yo?" I said abrasively.

Akala niya di ko siya papatulan. Well, she started it so I'll give her what she wanted.

"Say whatever you want, dear bestie. I'm glad that you have James on your side now while me, I have my Andrew Torregozon by myself. We have our own happiness now, haven't we? So, goodluck na—"

"Hazel, kanina ka pa tinatawag ni sir. Break time na raw muna. Tara, lunch na tayo."

Naikuyom ko na ang aking dalawang palad dahil sa narinig. Parang wala ako sa harap niya kung makapagyaya sa witch na 'to.

"Libre mo ko, Dee? Sa labas na lang tayo, nakakasawa na kasi sa canteen at alam mo na diyan sa tabi-tabi—"

"Sure," at hinawakan na niya si witch sa kamay. Nakangiting aso na si witch ngayon at bahagya pang itinaas sa harap ko ang kamay nilang magkahawak.

The fuck.

Bago pa sila makaalis ay hinawakan ko agad si Andy sa kaliwang braso. Humarap ito sa'kin na walang mababakasan na kahit anong emosyon sa mukha nito.

"Andy—"

"Mukhang may naghahanap na sa'yo. Mauuna na kami ni Hazel," malamig na sambit niya at umalis na silang dalawa.

"Babe, tara, lunch na tayo," alok sa'kin ni James. Di na ako sumagot pa at hinayaan na lang siyang hilahin ako. Nakatingin lang ako sa dinaanan nina Andy habang maraming tumatakbo sa'king isip.

***

Sa canteen na lang kami naglunch ni James dahil wala akong ganang lumabas ngayon. Nakakapagod din ang practice namin para sa pageant at marami pang dapat asikasuhin lalo na't malapit na 'yon.

"Babe, labas tayo mamaya? Mukha kasing nai-stress ka na, para marelax ka. Kung okay lang sa'yo?" aya niya sa'kin habang kumakain kami.

"Sige kung di kami pag-oovertime-in mamaya ni sir Ramona. Alam mo naman 'yon, masyadong perfectionist. I'll text you na lang. Ikaw ba, wala kang klase?" tanong ko naman sa kanya saka sumipsip sa choco shake na binili niya sa'kin.

"Meron akong klase ngayong 1-3pm. Ihahatid muna kita sa gym bago ako pumasok. Pupuntahan na lang ulit kita kapag uwian na namin," nakangiting sagot niya at sumubo ulit ng pizza.

Nagkwentuhan pa kami at nagtawanan dahil sa mga jokes niya kaya di ko na rin namalayan ang oras.

Ilang saglit lang ay umalis na rin kami at inihatid na niya ako pabalik sa gym.

"Babe, kung di kita mapuntahan mamaya sa break time niyo, may papadala na lang ako. Goodluck at mag-iingat ka." Di kaagad ako nakareact nang bigla niya akong hinalikan sa pisngi at nakangiti nang nakakaloko na tumakbo paalis.

Sakto ay nandoon na rin ang iba pati na si sir Ramona at mukhang dumating naman ako on-time. Pumwesto na kami at nagsimula na ulit ang aming practice.

"Alright candidates! Konting effort at polishing pa, all goods na kayo sa pageant!" sabi sa'min ni sir sa kalagitnaan ng practice. Nakapamaywang pa ito habang nagpapaypay.

Nagpatuloy lang kami sa pagpapractice nang biglang mahagip ng paningin ang dalawang tao na mukhang masayang nag-uusap sa bleachers kaya di ko namalayang nasipa ko na pala ang isang light na wooden props na magkakapatong at nahulog ang isa.

"What are you doing candidate number 3?! Don't mess with the props kung ayaw mong ikaw ang gawin kong palamuti rito!" Nagsisimula na namang manggigil si Ramona.

"I'm sorry sir," hinging paumanhin ko na lang kay Ramona.

"Of course you are! Everyone, repeat from the top!"

Nagsimula na ulit kami at may dinagdag pang ilang steps at pati ang mga introductions namin ay aming prinactice.

"Five-minute break muna. Balik din agad kayo," sabi samin ni sir matapos ang isang oras.

Papunta na ako sa bleachers kung nasaan ang aking bag upang magpahinga nang mapansin kong may isang bottled water na paborito ko. Pocari Sweat. Sa tabi nito ay isang puting towel.

Palihim akong napangiti dahil dito. Di ko na kailangang magtanong dahil isang tao lang naman ang nakakaalam ng mga paborito ko.

Agad akong tumingin sa gawi niya kanina kung saan kasama niya si dwarf pero wala na sila doon. Di ko alam pero nakaramdam ako ng lungkot.

Nang biglang mapatingin ako sa ibang direksyon ay nagtama ang aming paningin. Nandoon lang pala siya sa bandang itaas, di gaanong malayo sa pwesto ko at kanina pa nakatingin sa'kin ngunit agad din siyang nagbawi ng tingin.

"Binibining Kate, para nga pala sa'yo. Padala ni pareng James," si Luis at iniabot sa'kin ang isang paperbag saka dalawang inumin na tubig at in-can soda.

"M-maraming salamat. Pasabi kay James," tanging sagot ko. Bigla namang tumunog ang aking phone. Nagtext siguro si James.

Nilapag ko muna ang paperbag at kinuha ang aking phone.

"Kate, aalis na ako. May klase na kami. Hinintay lang kita pati 'yong break niyo. Btw, ang galing-galing mo magperform at ang ganda...mo."

Nang mabasa ko ang text ay automatic akong napangiti at muli siyang tiningnan. Nabura agad ang ngiti ko dahil kasama na naman niya si dwarf at daig pa nito ang tuko kung makakapit kay Andy. Bumaba na sila at umalis na.

"Sige Kate, balik na rin ako sa klase ko," paalam din sa'kin ni Luis. Di na ako sumagot. Kinuha ko na ang towel at nagpunas ng aking pawis saka uminom ng Pocari Sweat.

Hay, namimiss ko na ang amoy niya, sabi ko sa aking isip habang inaamoy itong towel niya. Itinago ko na ito sa aking bag at bumalik na ulit sa stage.

Inis ako buong practice dahil kay witch pati na rin kay dwarf dahil daig pa ang aso kung makabuntot kay Torregozon.

Nang matapos ang aming practice ay nandito na rin si James at umalis na agad kami. Iritado akong sumama sa date namin ngunit di ko na lang ipinahalata.