Hindi siya mapakaniwala sa sinabi ng mga magulang na sa bahay nila mananatili si Sebastian at ang masaklap pa isang buwan ito mananatili sa bahay nila, kung hindi ba naman talaga minamalas siya. Isang buwan din kasi ang bakasyon na hiningi niya sa opisina at pinapagawa niya rin sa ngayon ang salon niya.
"Isang buwan? Isang linggo lang naman ang fiesta sa atin ah?" angal niya sa pag-uusap ng mga ito habang kumakain sa hapag.
"Nag-usap na kami ni Sebastian anak, at isa pa hindi lang naman fiesta ang ipinunta niya dito. Naghahanap siya ng lupang bibilhin para patayuan ng bahay at isa pa, wala siyang kamag-anak dito sa Isabela at tanging tayo lang ang malalapit sa kanya." Sagot ng ama niya sa kanya. Hindi niya malaman kung ano ang nakita ng mga magulang niya sa lalaki at ang bait-bait ng mga ito samantalang palagi siyang naaagrabyado ng lalaking ito. "Malapit? Kailan nangyari na naging malapit sila sa isat-isa?" Pagkakausap niya sa sarili.
"May mga hotel naman ah? Bakit dito pa sa amin? Wag mong sabihing magkakalat ka na naman ng lagim?" pauyam niyang tanong sa lalaki.
"Nasa bayan pa ang mg hotel at isa pa namiss ko rin itong lugar natin." Nakangiti nitong sagot sa kanya kaya pinagtaasan niya ito ng kilay.
"Hanggang ngayon ba parang aso at pusa pa rin kayo sa isat-isa? Mamaya niyan kayo ang magkatuluyan." Panunukso ng ina niya kaya agad siyang umalma.
"Excuse me Nay, hinding-hindi yan mangyayari dahil hanggang ngayon hindi ko pa rin nakakalimutan ang ginawa niya. Baka nakakalimutan niyo po na siya ang may kasalanan kong bakit ako nahulog sa liguan ng kalabaw?" paalala niya sa ina.
"Wait Mercilita, hindi kita hinulog sa sapa. Ikaw ang tumalon dun kaya wala akong alam sa sinasabi mo." depensa ni Sebastian sa sarili nito.
"Tsk!! Ikaw pa rin ang may kasalanan! Kung hindi ka kasi sumigaw na may ahas hindi ako tatalon sa putik!" bulyaw niya pa dito.
"Pwede bang kumain na muna tayo? Mamaya niyo na pag-usapan ang mga bagay na yan." Awat ng ama niya sa kanila kaya tumahimik nalang siya nang biglang may pumasok sa isip niya. Agad niyang iniwan ang mga ito at tinungo niya ang kusina. Agad niyang nilagay sa bulsa ng short ang chili sauce at tamang- tama naman dahil nag-cr si Sebastian. Lihim niyang binudburan ng chili ang pagkain nito bago bumalik sa sariling pwesto. Alam niyang hindi nakita ng mga magulang ang ginawa niya dahil akala ng mga ito kumuha lang siya ng tubig.
Lihim siyang napangiti ng biglang umubo ng malakas si Sebastian nang isubo nito ang sopas na ginawa ng ina niya, namula ang gwapo nitong mukha sa lakas ng ubo nito habang tinatapik-tapik ng ama niya ang likod nito. Gusto niya sanang tumawa pero nagpigil siya, may natitirang awa pa rin siya sa puso para sa lalaking kinamumuhian.
Natarantang inabot ng ina ang tubig at inabot dito. "Anong nangyari sayo?" nataranta nitong tanong sa lalaki. Hindi siya makapagsalita dahil guilty siya sa nangyari, tiyak na lagot siya sa ama kapag nagkataon. Napansin niya ang matalim na titig ng ama sa kanya. Nagsisi tuloy siya kung bakit niya ginawa yon sa harapan ng mga magulang.
"Nabulunan lang po ako." Sagot ni Sebastian na nakatingin sa kanya. Nagtaka pa siya kung bakit kailangan nitong magsinungaling samantalang tuwang-tuwa ito kapag napapahiya o napapagalitan siya.
"Bakit parang namumula yang dila mo?" tanong pa ng ama niya dahil bahagyang namula ang dila nito at maging ang ilong nito ay umuusok sa dami ng chili na nilagay niya.
"May allergy po kasi ako sa manok." Pagsisinungaling pa nito bago tinuro ang chicken soup.
"Dapat kasi sinabi mo kanina bago mo kinain. Ang tindi pala ng allergy mo. Akala ko pa naman may ginawa na naman itong si Mercilita." Turan ng ama niya kaya napaubo siya. Bigla siyang napahiya sa sarili. Tahimik siyang sumusubo ng pagkain habang nakatingin kay Sebastian. Hindi niya ito nakitaan ng galit dahil sa ginawa niya kaya napahiya na naman siya sa sarili. Siya pa ngayon ang nagmumukhang masama samantalang gumaganti lang siya. Masayang natapos ang kanilang tanghalian sa kabila ng ginawa niya, nakikinig lang siya sa pinag-uusapan ng mga ito at iwan niya kung bakit kinikilig siya sa boses ni Sebastian. Lalaking-lalaki kasi ang dating ng tinig nito dagdagan pa ng accent nito sa pagsasalita. Pasimple niya itong pinagmamasdan lalo pa at silang dalawa ang magkaharap sa hapag.
Tahimik siya sa likod bahay habang pinapakain si Chow ng biglang may nagsalita sa likod niya. Hindi niya na kailangan pang lumingon dahil ang tinig nito ang nagpapawindang sa puso niya. Hindi naman siya dating ganito noon kapag naririnig niya ang boses nito pero ngayon parang tambol ang pagtibok ng puso niya. Alam niyang kokomprontahin siya nito dahil sa ginawa niya pero nagpatay-malisya siya. Tahimik pa rin siya habang pinagmamasdan si Chow.
"Kumusta kana?" ulit ni Sebastian sa kanya.
"Hindi mo ba nakikita? Buhay na buhay pa ako! Nakasurvive naman ako sa sapa ng kalabaw!"pauyam niyang sagot dito.
"Pwede bang kalimutan na natin ang noon dahil matagal na yon,mga bata pa tayo noon at sa pagkakatanda ko mahigit isang dekada na yata ang nakaraan." Pakiusap nito sa kanya, pero iba ang dating ng mga salita nito sa kanya.
"Bata? Bakit hindi ka pa ba tuli sa panahon na yon?" naiirita niyang tanong dito, napansin niyang pinamulahan ito ng mukha dahil sa sinabi niya.
"Anong dapat kung gawin para mapatawad mo na ako?" tanong pa nito sa kanya.
"Wala kang dapat gawin dahil wala na akong tiwala sayo, mamaya kung ano na naman itong pakulo mo sa pagbalik sa lugar na ito. And please Sebastian, lubayan mo na ako dahil kapag nakikita ko ang mukha mo kumukulo ang dugo ko." Masungit niyang sagot dito.
"Pero nasa iisang bahay lang tayo?" pilit pa nito.
"So? Anong masama? Eh di iwasan mo ako, wag kang haharang sa daraanan ko. Ganun lang kasimple." Turan niya pa habang kinukumpas-kumpas ang mga kamay.
"Hindi pa ang sapat ang pagbutas mo sa gulong ko at pagbudbud mo ng sili sa sopas ko para patawarin mo ako?" tanong pa nito sa kanya.
"Wag kang mangbintang!" sigaw niya dito.
"Hindi kita binibintangan. I'm just telling the truth. Inamin na sa akin ni Enesto na ikaw ang bumutas sa gulong ko at sigurado rin ako na binudburan mo ng sili ang sopas ko, dahil alam kong hindi yon kayang gawin ng mga magulang mo." Pambubuking nito sa kanya.
"Lintik kang Ernesto ka! Lagot ka mamaya!" galit niyang turan sa isip.
"Kulang pa ang lahat ng yan!" bulyaw niya dito bago niya ito iniwan. Malakas ang tibok ng puso niya nang makapasok siya sa sariling silid. Napasandal siya sa dahon ng pinto bago bumuntong-hininga ng malalim.
"Bakit bumalik ka pa Sebastian? At bakit ganito ang nararamdaman ko sayo?" tanong niya sa sarili. Matagal niya ring pinaghandaan ang pagbabalik nito para makaganti pero bakit ngayon parang nag-iba na ang plano niya? At bakit pakiramdam niya kasali na ang puso niya sa pagbabalik nito?
Hindi niya namalayan ang oras dahil nakatulog siya sa labis na pag-iisip. Agad niyang sinulyapan ang pambisig na orasan. Nagulat pa siya ng makitang alas-otso na ng gabi. Tahimik na ang paligid tanda na tulog na ang mga tao. Ang ipinagtataka niya lang ay kung bakit hindi siya ginising ng mga magulang samantalang ayaw ng mga ito na hindi siya kumakain sa gabi. Dahan-dahan siyang umupo sa maliit na kama niya, akmang tatayo na siya ng magulat siyang may nakahiga sa sahig ng kama niya, naapakan niya ito kaya nagising. Muntikan pa siyang sumigaw sa takot na baka may ibang tao sa bahay nila pero nang alisin nito ang kumot sa ulo ay namukhaan niya agad ito kahit na madilim sa silid niya.
"Bakit ka nandito?" gulat na gulat niyang tanong dito. Pupungas-pungas itong bumangon mula sa lapag. Manipis na kama ang gamit nito at isang unan na pag-aari niya.
"Dito na ako pinatulog ni Tito." Sagot nito na ikinagulat niya.
"At kailan pa pumayag si Tatay na may matulog na lalaki sa silid ko?" hindi mapakaniwala niyang tanong sa lalaki. Masyado naman yatang kampanti ang ama niya para pumayag na matulog ito sa silid niya.
"Wala kasi akong ibang matulugan, ito lang daw kasi ang silid mo ang malaki kaya nakiusap siya na kung pwede sa lapag nalang ako matulog. Wag kang mag-alala nangako ako sa mga magulang mo na wala akong gagawin sayo na ikakagalit nila at kung gusto mo pa gisingin mo sila para lang masiguro na nagsasabi ako ng totoo at isa pa matino akong tao. Hindi ako gagawa ng isang bagay na ikapapahamak ko." Paliwanag nito sa kanya. Dalawang silid lang kasi ang kwarto sa bahay nila at ang sala naman nila ay ginagawa pa kaya wala talaga itong matutulugan. Pinamulahan siya ng mukha sa naisip na baka pinagmamasdan siya nito habang natutulog, malikot pa naman siya matulog at ang masakit maiksi ang short niya at wala siyang suot na bra. Hindi pa naman siya nakapagkumot dahil wala naman sa plano niyang matulog agad.
"Ano pa nga ba ang magagawa ko eh nakalatag ka na diyan. Sige na matulog kana!" naiinis niyang sagot dito.
"Wait! Hindi ka pa pala kumain. May inakyat akong snack dito para kung sakaling magising ka may pagkain kang makakain." Turan nito sa kanya. Nagulat pa siya ng bigla itong tumayo at kinuha ang pagkaing sinasabi nito. Dalawang burger, at chocolate ang inabot nito sa kanya na nakalagay sa tray. May napansin din siyang maliit na jag sa gilid ng pinto.
"Baka may lason yan?" Nanlalaki ang mga mata niyang tanong dito bago sinipat ang bigay nitong burger. "Oh di kaya sumakit ang tiyan ko niya?" dagdag niya pa. Nagulat pa siya sa ginawa nito nang bigla nitong kinuha ang burger sa kamay niya at agad na kinagatan.
"Patunay yan na wala akong lason na nilagay sa pagkain mo." Sagot nito sa kanya bago bumalik sa higaan nito. Pinagkasya nito ang kumot sa buong katawan para hindi niya makita.
"Hoy!" hindi niya mapigilang tawag dito pero hindi ito sumagot. Niyugyog niya ito pero hindi pa rin siya pinansin. "Saluhan mo naman ako." May halong pakiusap ang boses niya.
"Busog pa ako." Tanggi nito sa kanya. Hindi man lang ito gumalaw sa pagkakahiga kaya tahimik nalang niyang kinain ang bigay nito.
"Salamat nga pala sa burger." Turan niya pa dahil alam niyang gising pa ito. Bahagya niya itong kinalabit ng matapos siyang kumain sa pag-aakalang tulog na ito. Nagulat pa siya ng bigla itong humarap. Napahawak siya sa dibdib sa lakas ng tibok ng puso niya.
"Bakit?" tanong nito sa kanya.
"Hindi ako makatulog." Pagdadahilan niya.
"Ang haba kasi ng tulog mo." Sagot nito sa kanya. Akala niya babalik na uli ito sa tulog kaya napangiti siya nang sumagot ito.
"Diba kanina tinatanong mo ako kung kumusta na ako? Ito okay naman ako, may sarili na akong business at si Ernesto ang namamahala habang ako naman ay nagtratrabaho. Ikaw?" pagbubukas niya ng usapan. Nakaupo pa siya ng kama at nakamasid dito. Nagulat pa siya ng umupo ito sa lapag at tinitigan siya.
"I'm glad na hindi kana galit sa akin. I'm really sorry kung naging demonyo ako sayo noon. Napagtripan lang kita noon kaya kita pinahabol sa aso at ang tungkol naman sa pagtalon mo sa sapa ng kalabaw, totoong may nakita akong ahas noon kaya ako napasigaw sa takot ko, at iniwan kitang naliligo sa putikan." Paliwanag nito sa kanya kaya napangiti nalang siya. Nababasa niya naman sa mga mata nito na sincere ito sa sinasabi.
"Kung alam mo lang ang inabot ko noong pinahabol mo ako sa aso, kulang nalang maihi ako sa nerbiyos at nang mahulog ako sa liguan ng kalabaw isang araw akong nagbabad sa batya mawala lang ang amoy ng kalabaw sa katawan ko, kaya siguro ganun nalang ang galit ko sayo." Nakangiti niyang kwento dito.
"Don't worry hindi ka naman makakagat ng aso ko dahil wala na siyang ngipin, matanda na kasi yon. Ang bilis mo ngang tumakbo eh at isa pa hindi ko naman hahayaan na makagat ka niya ng tuluyan." Nakangiti nitong sagot sa kanya. Kinilig na naman siya ng masulyapan ang magkabila nitong biloy sa pisngi, dagdagan pa ng pantay-pantay at mapuputi nitong ngipin na lalong nagpapawala sa puso niya.
"Ibang –iba kana ngayon Sebastian. Nang una nga kitang nakita kina Nessie akala ko nga isa kang artista na naligaw sa probinsiya namin. Isipin mo ha, ang Sebastian na patpatin noon, ngayon punong-puno na ng muscles ang katawan. Ang laki ng transformation mo." Humahanga niyang pahayag dito.
"Ikaw rin naman eh. Lalo ka ring gumanda, tumangkad ka pa at kahit napakasimple mo pa ring manamit walang sinabi si Anne Curtis sa ganda mo. Ang hindi nga lang nagbago sayo ay ang pagiging mataray mo. Ikaw na ikaw pa rin ang Mercilitang madaldal at masungit na nakilala ko noon, hindi pa rin kumukupas ang kasungitan mo." Natatawa nitong turan.
"Ayan tayo eh, magbobolahan nalang ba tayo?" humahagikhik niyang tanong dito. Panatag na ang loob niya habang nakikipag-usap siya dito. Hindi na demonyo ang tingin niya dito kundi isang adonis na naligaw sa silid niya.
"Sinasabi ko lang kung ano ang nakikita ko. Bakit hindi ka ba pinupuri ng nobyo mo?" tanong nito sa kanya.
"Nobyo? Naku Sebastian wala pa yan sa isip ko. Carrerwoman ako sa ngayon." Nakangiti niyang sagot dito. Hindi naman siya NBSB at lalong hindi naman siya nagagalit kung may nanliligaw sa kanya, siguro dahil wala rin siyang panahon mag-entertain ng lalaki sa buhay niya at kahit marami namang nagpapalipad-hangin sa kanya sa opisina wa epek sa kanya lahat. Masasabi niyang hindi pa siya tinatamaan ng kupido.
"Inspirasyon naman ang pagkakaroon ng nobyo ah? Ayaw mo non gaganahan ka sa pagtratrabaho kapag may nobyong nag-aalala sayo at nagmamahal?" dagdag pa nito.
"Wag muna ngayon. Mahirap din magkamali, gusto ko kapag nagmahal ako sigurado na ako sa nararamdaman ko at gusto ko panghabang-buhay na, yon bang matatawag mo na siya na talaga ang gusto mong makasama habang buhay." Pahayag niya.
Halos magdamag silang nagkwentuhan ni Sebastian. Napag-alaman niya rin na bata palang ay namatay na ang Daddy nito at muling nag-asawa ang Mommy nito at ayon pa mismo dito hindi daw nito kasundo noon ang pangalawang asawa ng Mommy nito kaya nagrerebelde ito at isa nga siya sa nakatikim ng kasamaan nito, lingid din iyon sa mga magulang niya dahil tulad niya ang akala nila tunay na anak si Sebastian ni Tito Leo, ang ama nito pero ngayon daw ay tanggap na nito ang amain. Ang totoo pa nga si Tito Leo daw ang nag-utos dito na bumili ng lupa sa probinsiya nila at iyon ang dahilan ni Sebastian kung bakit ito bumalik ng Pilipinas.
TANGHALI na siya nagising dahil sa pag-uusap nila ni Sebastian. Hinanap agad ng mga mata niya ang lalaki. Nakaligpit na ang higaan nito. Nagtali lang siya ng buhok at agad na bumaba.
"Mercilita?" tawag sa kanya ni Sebastian nasa labas ito ng bahay kaya dumungaw pa siya ng bintana upang makita ito. Nakashort na maong lang ito at nakasando. Nakasakay ito sa kabayo ng ama niya. Hindi niya mapigilang hindi mapakangiti ng makita ito. Hindi niya na makapa sa dibdib ang galit na matagl ng namahay sa puso niya para ditto. "Halika, may pupuntahan tayo!" sigaw pa nito.
"Hindi na, may gagawin pa ako." Tanggi niya.
"Hindi ako aalis dito kapag hindi ka sumama." Pangungulit pa nito sa kanya kaya wala rin siyang nagawa kundi ang sumama ditto, saglit lang siyang naligo.
"Hindi pa ako kumakain." Turan niya ng makalapit sa kabayo.
"Ako na ang bahala sa kakainin mo. Sakay kana." Utos nito.
"Mamaya, ihuhulog mo lang ako." Sagot niya dahil sa takot na baka may plano na naman ito.
"Hindi na yon mauulit pa. Hindi ko na hahayaan na magalit ka sa akin at masaktan pa." sagot nito na lihim na nagpakilig sa kanya. Nagulat pa siya ng bumaba ito ng kabayo at bigla siyang bnuhat para makasampa sa kabayo bago ito sumakay. Nakakulong siya sa mga bisig nito ng bigla nitong pitakbo ang kabayo. Hindi niya mapigilang hindi mapahawak sa mga braso nito. Kung nakikita lang nito ang mukha niya tiyak na aasarin na naman siya dahil mapulang-mapula ang mukha niya sa tensiyon na nararamdaman. Naramdaman niya nag pagdantay ng baba nito sa batok niya. Kung may makakakita sa kanila tiyak na iisipin na may relasyon silang dalawa.
"Matagal kong pinangarap ang araw na ito, ang araw na hindi ka na galit sa akin."bulong nito sa punong tenga niya. Hindi siya nakasagot sa sinabi nito. Siya rin kasi ay minsan niyang hiniling na maging malapit dito. Mula kasi sa malayo palagi niya itong pinagmamasdan lalo na kapag natatanaw niya ito sa bakuran ng mga ito. Gusto niya itong kausapin dahil sa nakikita niyang lungkot sa mga mata nito. Simula ng lumipat ang ito sa ibang bansa hindi niya maiwasang hindi malungkot. Nasanay kasi siyang nasa paligid lang ito at palagi siyang inaasar. Kung alam lang nito na may crush siya dito noong una nilang paghaharap tiyak na pagtatawanan na naman siya nito. Siguro hindi niya lang matanggap sa sarli na may lalaking namumuhi sa kanya kaya, sinuklian niya rin ng galit ang pang-iinis nito sa kanya.
Napapitlag siya ng maramdaman niya ang mga kamay nito na kinukuha ang kamay niya. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit hindi magawang tumutol at bawiin ang mga kamay na hawak nito. Naramdaman niya ang pamamawis ng kamay dahil sa tensiyon na nararamdaman. Huminto sila sa niyugan ng kanyang ama.
"Gusto kong kumain ng buko." Turan nito sa kanya.
"Buko lang pala ang kakainin mo dapat nag-utos nalang tayo ng kukuha."reklamo niyang paiwas ang tingin dahil sa malalagkit nitong titig.
"Ayoko, gusto ko ako mismo ang kukuha ng kakainin natin."
"Marunong ka?" nanlalaki ang mga matang tanong niya. "Hindi pa ako kumakain ng kanin, baka sumakit naman ang tiyan ko kapag kumain ako ng buko." Dagdag niya pa.
"Don't worry may baon akong kanin at ulam para sayo." Sagot nito na ikinagulat niya. Saglit lang itong lumayo sa kanya at kinuha nito ang basket na dala. Hindi niya maiwasang hindi humanga sa ginawa nito. Naglatag ito ng carpet sa damuhan at inalalayan siyang umupo bago ito nagpaalam na kukuha ng buko.
"Baka mahulog ka!" sigaw niya. Nag-aalala kasi siya na baka hindi ito sanay na umakyat sa niyog. Hindi niya maiwasan hindi magdasal ng makita itong nag-uumpisang umakyat. Hindi rin siya makatingin sa tuktok ng puno ng niyog dahil sa takot. Kulang nalang hindi siya huminga sa nerbiyos. Nagulat pa siya ng biglang may humalik sa mga labi niya. Hindi niya nakagalaw sa ginawa nito. Hinampas niya ito sa braso.
"Next time wag kang aakyat sa puno, mamamatay ako sa takot." Naiinis niyang sagot.
"Salamat sa concern." Sagot nito. Nagulat pa siya ng bigla siya nitong niyakap. Muling nagwala ang puso niya sa kilig na nararamdaman. Pinagsaluhan nila ang dalang pagkain at ang kinuha nitong buko. Nakahiga sila sa carpet at nakatingala sa langit.
"May aaminin ako sayo." Turan niya. Dumapa ito sa carpet at napatingin sa mukha niya.
"Ano yon?"
"Alam mo bang crush kita noon? Yon nga lang palagi mo akong iniinis." Amin niya dito. Napansin niya ang pagluwang ng ngiti nito.
"Ngayon ba hindi mo na ako gusto?" tanong nito kaya hindi siya nakasagot. Hindi niya inaasahan ang magiging tanong nito. Umiwas siya ng tingin dito. Pakiramdam niya kasi tinitingnan nito ang mga mata niya. Nagulat pa siya ng umayos ito ng higa at yumakap sa katawan niya. Walang namagitang salita sa pagitan nila. Tanging mga katawan lang nila ang nag-uusap at nagpapakiramdaman.
TULOG na nakayakap sa katawan niya si Sebastian, hindi niya mapigilang hindi ito yakapin. Hindi niya inaasahan na kasama niya ngayon ang lalaking kinamumuhian. Kung tutuusin hindi naman gaanong malaki ang kasalanan nito sa kanya, siya lang talaga ang nagpapalaki ng problema. Hindi niya lang matanggap na may pumapatol sa kabaliwan niya.
Napasulyap siya sa mga labi nito, at iwan niya ba kung ano ang nagtulak sa kanya at dahan-dahan niyang nilapat ang mga labi sa mapupula nitong labi. Hindi niya maiwasang hindi mapangiti ng magtagumpay siya sa ginawang kapangahasan. Hindi man lang kasi ito nagising.
"Mahal na nga ba kita Sebastian? Hindi nga lang ba kita basta crush? Pagmamahal ba ang nakakubli sa galit ko sayo?" nagugulahan niyang tanong sa sarili.
Nagulat pa siya ng bigla itong gumalaw at bigla siyang kinabig palapit sa mga labi nito.
"Ang utang ay utang, kailangan mong magbayad." Turan nito bago siya siniil ng halik. Nang una nagpumiglas siya sa ginawa nito pero ng kalaunan naramdaman niya ang pag-papaubaya at kusang tumutugon sa halik nito. Hindi niya alam kung ano ang iisipin sa halik na namagitan sa kanilang dalawa pero isa lang ang alam niya. Masaya siyang kasama si Sebastian. Masaya siya sa muli nitong pagbabalik.