Chereads / BE MINE AGAIN / Chapter 5 - CHAPTER FIVE

Chapter 5 - CHAPTER FIVE

WALA pa sana siyang balak umalis ng Isabela dahil hindi pa tapos ang bahay na pinapagawa niya nang biglang tumawag ang Mama niya. Bihira lang itong tumawag kaya lumuwas agad siya ng Manila. Gusto niya sanang puntahan si Mercilita tulad ng pangako niya, na ito ang una niyang pupuntahan kapag nakabalik siya ng Manila pero hindi niya nagawa. Agad siyang nagtungo sa address na binigay ng Mama niya. Umuwi daw kasi ng bansa si Pinky, kababata niya ito simula ng mag-migrate sila sa ibang bansa. Ito ang kasa-kasama niya sa panahon na nalulungkot siya.

Nang una ayaw niyang tanggapin na nagkakagusto na siya kay Mercilita, simple lang ito kung manamit pero kahit napakasimple nito hindi niya maikakaila na napakaganda nito. Ang totoo nga marami siyang classmate na may gusto dito noon pero walang pinapansin si Mercilita sa kahit sinuman. Hindi niya rin magawang aminin dito ang nararamdaman dahil alam niyang kinasusuklaman siya nito at natatakot rin siyang pagtawanan nito. Siya din ang nagbibigay ng mga prutas dito pero pinapadaan niya lang sa Mama niya, alam niya kasing paborito nito ang mangga at bayabas. Pinilit niyang ibaling ang atensiyon niya sa kahit sino pero tanging si Mercilita ang palaging hinahanap ng puso niya.

Umuwi siya ng Pilipinas hindi para kanino man kundi para sa nag-iisang babaing una niyang minahal at ngayong napaibig niya rin ito ngayon pa nagkaraoon ng problema. Dahil kay Pinky hindi niya mabibigyang laya ang isinisigaw ng puso niya. Napag-alaman niyang may Brain Cancer ang kaibigan at ang tanging hiling nito ay makasama ang lalaking minamahal at siya nga daw yon. Pinakiusapan lang siya ng mga magulang nito na kung pwede gawin niya ang lahat para maging masaya lang si Pinky sa huling mga araw nito sa mundo lalo pa at may taning na ang buhay nito. Kahit ayaw ng puso niya hindi naman maaatim ng konsensiya niyang ipagkait kay Pinky ang kasayahan na tanging siya lang ang makakabigay kaya inalok niya ito ng kasal. Gusto niya ng bumigay kanina habang umiiyak si Mercilita, gusto niya itong yakapin at halikan para sabihin na walang problema at pag-unawa lang ang hinihingi niya pero ayaw niya naman itong itali sa kanya habang kasal sila ni Pinky. Alam niyang galit na galit na naman sa kanya si Mercilita dahil sa nakita niya kanina, kulang nalang patayin siya nito kaibsan lang ang sakit na nararamdaman at hindi niya ito masisisi.

"Mahal mo ba siya?" mahina ang boses na tanong sa kanya ni Pinky. Hindi niya namalayan na kanina pa pala ito sa tabi niya. Galing palang ito sa chemotherapy kaya mahina pa ang katawan nito. Kung hindi niya hinarang ang katawan dito kanina tiyak na hinimatay ito sa gagawin ni Mercilita. Half Canadian and Filipino si Pinky pero tulad niya laking Pilipinas din ito.

"Don't mind her." Umiiwas niyang sagot. Inalalayan niya itong makaupo sa tabi niya.

"Alam kung mahal mo siya at sana kapag wala na ako balikan mo siya. Pakisabi na rin na sorry dahil kung hindi dahil sa akin hindi siya masasaktan."dagdag pa nito. Inakbayan niya ito bago hinagkan sa noo.

"Don't worry. Mercilita is understanding tiyak na kapag nalaman niya ang dahilan ng lahat ng ito ay mapapatawad niya ako pero sa ngayon gusto ko maging asawa mo."

"Hindi naman natin kailangan maging mag-asawa para maging masaya ako dahil sapat na sakin ang ganito tayo." Masaya nitong turan sa kanya. Alam niyang labis itong nahihirapan sa sakit nito lalo na kapag sinusumpong na ito ng sakit.

"Pero gusto ko palagi akong nasa tabi mo. Gusto kong mapasaya kita every single day para naman marami kang mabaong alaala natin." Malungkot niyang pahayag, hanggang ngayon kasi hindi niya pa rin matanggap na iiwan na siya nito lalo pa at napakabata pa nito para mamatay.

"Maraming salamat Seb." Sagot nito nito bago humilig sa balikat niya. "Napakaswerte ni Mercilita sayo, kung wala lang akong sakit kukunin kita sa kanya pero hindi ko yun gagawin dahil alam kung sa kanya magiging masaya." Dagdag pa nito.

Sa kagustuhan niyang mapasaya ng lubusan ang kaibigan pinili niya pa rin itong pakasalan, lalo pa at napag-alaman niyang pangarap nitong maging asawa siya. Kahit mahirap sa kanya ang magpatali sa babaing hindi niya naman mahal, inisip niya nalang na mapapasaya niya si Pinky. Sa huwes lang sila nagpakasal dahil hindi na kaya ni Pinky ang maraming ginagawa, mahinang-mahina na ito kaya habang kinakasal sila ay nakawheelchair na ito. Akmang kakatapos lang ianunsiyo ng judge na kasal na sila ng bigla itong mawalan ng malay, agad nila itong dinala sa hospital pero wala na itong buhay. Kahit tanggap na nila ang maaaring mangyari dito anumang oras hindi pa rin nila maiwasang malungkot.

ONE YEAR LATER

ISANG taon nang wala si Pinky at nakakapagbabang-luksa na rin siya. Sa loob ng mahigit isang taon labis na siyang nangungulila kay Mercilita. Wala na siyang maiharap na mukha dito dahil sa kasalanang ginawa. May mga araw na gusto niya itong lapitan lalo pa at palagi niya itong binabantayan mula sa malayo. Kontento na siya sa pagtanaw-tanaw at pagmamasid dito. Napakahirap para sa kanya ang makita itong malungkot.

"Si Mercilita na naman ba ang iniisip mo?" puna sa kanya ng ina. Umuwi na ito ng Pilipinas kasama ang asawa nito na kasundo niya na rin ngayon.

"Wala namang ibang gumugulo sa isip ko kundi siya lang Ma." Malungkot ang boses niyang sagot dito.

" Bakit kasi hindi ka makipag-usap sa kanya. Aminin mo lahat kung bakit mo siya nasaktan at kung bakit mo pinakasalan si Pinky. Alam kung mahal na mahal mo si Mercilita kaya nga pinahanga mo ako sa naging desisyon mo, mas pinili mong masaktan ka at ang babaing minamahal mo para lang mapasaya ang kaibigang malapit ng mamatay." Turan nito sa kanya.

"Galit na galit siya sa akin Ma. Hindi ko kayang makita siyang galit sa akin."

"Pero kaya mong hindi siya makasama, ganoon ba?"

"Hindi naman po sa ganun. Naghahanap lang po ako ng tiyempo."

"Its about time anak na unahin mo naman ang sarili mo total nakapagbabang-luksa ka na rin sa pagkawala ng asawa mo at diba yan din ang sabi sayo ng mga magulang ni Pinky? Hangad din nila na magiging masaya ka." Turan pa nito. Malaki kasi ang pasasalamat ng mga magulang ni Pinky sa kanya dahil binigyan niya ng katuparan ang hiling ni Pinky bago ito nawala.

BUO na ang desisyon niya ng gabing iyon, makikipagkita na siya kay Mercilita kahit pa magalit ito sa kanya. Tatanggapin niya ang galit nito kasehoda pang isumpa siya nito. Susuyuin niya ito para muli siya nitong mahalin.

Maaga palang ay lulan na sa siya sa sariling sasakyan papunta sa parlor na pag-aari ni Mercilita. Malakas ang kabog ng dibdib niya ng mga oras na iyon kung pwede nga lang tumakbo siya pauwi gagawin niya. Natatakot siya sa maaaring reaksiyon ni Mercilita kapag nakita niya. Kilala niya ito at alam niyang hindi niya ito madadaan sa magandang pag-uusap. Sumagap muna siya ng hangin bago bumaba ng sasakyan. Tumuloy siya sa tapsilogan sa tabi ng parlor nito. Doon muna siya magpapalipas ng oras habang inaabangan niya si Mercilita. Tanda niya na kasi ang oras ng pasok nito sa opisina, don niya ito lalapitan. Akmang mag-oorder na siya ng pagkain ng makarinig siya ng ingay mula sa kalsada. Nahagip ng mata niya ang isang babaing may dalang bakal na tubo habang hinahataw ang mga salamin ng kotse niya, hindi na siya nagulat ng makita kung sino ang nagbabasag ng salamin, si Mercilita. Alam niyang kilala nito ang sasakyan niya, inawat ito ni Ernesto pero hindi ito nagpapigil sa pagbabasag at maging ang side mirror nito ay hindi nito pinatawad. Naglapitan ang ibang tao dito pero siya ay napako sa kinatatayuan, hindi niya alam kung lalapitan niya ang ito baka kasi mamaya sa kanya pa ihataw ang tubong dala.

"Sir kotse niyo yata ang sinira ni Mercy?" turan sa kanya ng cashier habang tinuturo ang sasakyang basag. Hindi niya na ito pinansin, lumabas siya ng kainan at dahan-dahang lumapit sa kotseng wasak. Wala pang dalawang taon niyang nabili ang Montero pero ngayon parang hindi na mapapakinabangan.

"May gana ka pa talagang pumunta dito pagkatapos ng ginawa mo sa akin!" nanlilisik ang mga mata na bulyaw sa kanya ni Mercilita. Malaki ang ipinagbago nito makalipas ang isang taon. Kung dati tigre ito ngayon dragon na ito. Hindi niya kayang salubungin ang galit nito pero hindi siya nagpakita ng takot.

"Hindi ikaw ang pinuntahan ko." Nakaarko ang kilay na sagot niya. "At isa pa hindi naman siguro ikaw ang may-ari ng kalsada dito." Dagdag niya. Nakakabingi ang tibok ng puso niya habang kaharap ito, gusto niya itong ikulong sa mga braso pero sa nakikita niyang panginginig ng katawan nito sa galit nagtimpi siya sa nararamdaman.

"Kahit na! Umalis kana ngayon din dahil kung hindi ka aalis baka makapatay pa ako ng wala sa oras." Katwiran pa nito. Gusto niya sana itong lapitan pero mahigpit ang kapit nito sa tubong hawak nito.

"Paano ang sinira mong kotse?" sabay turo niya sa sasakyan.

"Eh di iuwi mo ang barusa mo! Magkasama kayo!" mataray nitong turan sa kanya bago tuluyang pumasok sa loob ng parlor kasunod din nito si Ernesto. Naiwan siyang tulala sa nangyari, paano ngayon siya uuwi kung wasak na wasak ang sasakyan niya. Napatingin siya sa mga usyusero sa paligid panay ang bulungan ng mga ito.

"Pogi, gusto mo ihatid na kita?" alok sa kanya ng isang bading. Kung hindi niya ito pinakitaan ng kamao hindi siya nito tatantanan.

Kahit wasak ang kanyang sasakyan napangiti pa rin siya sa naisip na magiging plano.

"This time mamahalin mo ulit ako Mercilita. Be mine again."

Napatayo sa higaan si Mercilita sa malakas na sigaw ni Ernesto aka Nessie, daig pa nito ang sirena ng bombero kung makangawa, sinundan ng sigaw nito ang malalakas na katok sa pinto niya."Ano ba naman Nessie, alam mo naman na ito lang ang pahinga ko mag-iingay ka pa!" yamot niyang turan sa kaibigan bago niya binuksan ang pinto.

"May mga pulis sa labas!" natatarantang sigaw ni Nessie sa kanya, nawala ang antok niya dahil sa sinabi nito.

"Bakit?" natataranta niya ring tanong. Muntik pa siyang mabuwal ng hilahin siya ni Nessie palabas ng silid niya. Nadatnan niya ang tatlong pulis sa labas ng parlor. "Anong kailangan niyo sa akin?" mataray niyang tanong sa mga pulis kahit na kinakabahan. Inabot nito sa kanya ang isang sobra. Nanginginig ang kamay niya habang binubuksan ang naturang sobre. "Subpoena?" usal niya sa nabasa. Galing ang reklamo kay Sebastian.

"Oh my God!" turan ng kaibigan niyang napahawak sa dibdib.

"Iniimbitahan mo namin kayo sa presinto."Turan na isang pulis sa kanya.

"Teka Sir." Tutol niya ng akmang hahawakan nito ang braso niya para isakay sa patrol car, parang gusto niyang maiyak sa sitwasyong pinasukan. Akala niya nakaganti na siya kay Sebastian ng sirain niya ang sasakyan nito kahapon pero siya pa pala itong mapapahamak dahil gusto siya nitong ipakulong….

"Pupusasan ka namin kapag nagwala ka Miss." Seryosong babala sa kanya ng pulis.

"Hindi naman po ako magwawala." Mangiyak-ngiyak niyang sagot habang isasakay siya sa patrol car. Napatingin siya kay Nessie, umiiyak na rin ito sa takot. "Humanap ka ng abogoda." Bilin niya dito bago tuluyang umalis.

"Kung hindi ka sana nagwala kahapon, wala ka sana sa sitwasyon mo ngayon. Kung bakit ba kasi sinira mo ang sasakyan na hindi naman sayo. Kung naiinggit ka pwede mo naman tingnan lang." sermon ng matabang pulis sa kanya. Katabi niya ito sa likuran ng police car.

"Hindi niyo alam ang dahilan kung bakit ko sinira ang sasakyan ng Sebastian na yun! Kaya sana bago niyo ako inaresto hinayaan niyo muna akong magpaliwanag." Sumisinghot-singhot niyang sagot. Nakakahiya sa mga kapitbahay niya at lalong nakakahiya ang magkarecord sa presinto.

"Bakit hindi ka nakipag-areglo sa may-ari ng sasakyan para sana hindi kana nireklamo?" tanong pa nito.

"No way!" singhal niya sa mukha nito.

"Eh di makukulong ka."

"Magpapapiyansa ako." Turan niya sa mga ito. Lulan pa sila sa sasakyan papuntang presinto.

"Sabado ngayon kaya hindi ka makakapangpiyansa, sa lunes ka pa makakapagpiyansa." Sagot nito sa kanya.

"So, sa kulungan ako matutulog? Ganun ba?" hindi makapaniwalang tanong niya.

"Tama ka Miss." Nakangiti nitong sagot sa kanya. Kung pwede lang talaga pumatay kanina niya pa napatay ang mga pulis na kasama pero wag na baka madagdagan pa ang kaso niya.

INIP na inip na siya sa paghihintay kay Sebastian, mainit na ang puwet niya sa kakaupo pero wala pa rin ang complainant niya. Paano niya susundin ang sinabi ng pulis na makipag-usap siya ng maayos sa lalaki kung hanggang langit ang galit niya dito?

Napaarko ang kilay niya ng makita kung sino ang pumapasok sa loob ng presinto. Sasalubungin niya sana ito pero inawat siya ng pulis na nagbabantay sa kanya.

"Wag kang magwala dito Miss kung ayaw mong ikulong kita." Banta nito sa kanya kaya tumahimik nalang siya at hinintay na lumapit sa kanya si Sebastian.

"Kumusta ang bagong bahay?" pang-aasar nito sa kanya. Bihis na bihis ito sa suot na light blue polo at black slacks, nakacoat din ito tanda na galing pa ito sa trabaho. Nawindang na naman ang puso niya ng makita ang matamis nitong mga ngiti.

"Masaya kana ba ngayon?" pauyam niyang tanong.

"Busy akong tao Miss,andito lang ako para singilin ka sa pagsira ng sasakyan ko." Sagot nito sa kanya na akala mo hindi siya kilala.

"Ang pagsira sa puso ko bayad ka na ba? Siningil ba kita?" galit niyang tanong dito.

"Matagal na panahon na yon at sa pagkakaalala ko humingi na ako ng tawad sayo." Pauyam nitong sagot.

"Pero hindi kita pinatawad."

"I don't care. All I want now is your payment." Turan nito. Nasaktan siya sa unang sinabi nito sa kanya pero tama ito hindi na dapat siya magpaapekto sa nakaraan dahil parang wala nalang dito ang lahat ng sakit na nilikha nito sa puso niya. Limot na nito ang nakaraan nila. At alam niya ring kahit minsan hindi siya nito pinahalagahan dahil kung may halaga pa siya dito bakit siya nito ipapakulong.

"Magkano ba ang sira ng kotse mo?" kinakabahan niyang tanong. May sapat naman siyang ipon pero alam niyang kulang ang ipon niya para ibalik ang bago nitong sasakyan. "Dalhin mo sa parlor ang kotse ko at dadalhin ko sa kasa."

"Nadala ko na sa pagawaan at ito ang mga dapat mong bayaran." Sagot nito sabay abot sa kanya ng mga resibo.

Isa-isa niya ng tiningnan ang mga resibo. Nanlaki ang mga mata niya sa nabasa, maging talampakan niya yata ay pinagpawisan sa gulat.

"Five hundred thousand? Niloloko mo ba ako?" sigaw niya dito. "Sira naman yata yang kotse mo at gusto mo lang na ako ang magpagawa." Dagdag niya pa.

"Magbabayad ka o gusto mong makulong?" seryoso ang boses na tanong nito sa kanya, kaya muli siyang nataranta.

"Saan naman ako hahagilap ng five hundred thousand aber?" nanlalaki ang mata na tanong niya.

"Hindi ko na problema yan. "sagot nito sa kanya. "Pano Sir kayo na ang bahala sa babaing ito." Turan pa nito sa matabang pulis, akmang tatalikuran na siya nito pero pinigilan niya ito.

"Ayokong makulong. Maawa ka!" nataranta niyang pigil dito. Muli itong humarap sa kanya at inalis ang kamay niya sa braso nito.

"Eh di magbayad kana."

"Wala akong ganyan kalaking pera." Amin niya. "Gagawin ko lahat wag mo lang akong ipakulong, magtratrabaho ako sayo kung gusto mo." Pakiusap niya pa dito.

"Pag-iisipan ko." Sagot nito na akmang aalis.

"Sebastian, please!" mangiyak-ngiyak niyang pakiusap.

"Okay makakalaya ka sa ngayon pero kailangan mong magtrabaho sa akin para mabayaran mo ang utang mo." Turan nito kaya nabuhayan siya ng loob kahit na kinakabahan.

"Deal!" agad niyang sagot. "Anong trabaho ba yang ibibigay mo?"

"Ako ang boss mo kaya maghintay ka kung kailan ko sasabihin.. Bukas puntahan mo ako sa condo, kapag hindi ka dumating alam mo na ang maaaring mangyari." Sagot nito sa kanya bago tuluyang umalis. Naiwan siyang nanghihina sa loob ng presinto.