Chapter 7 - Chapter 07

«»«»«»«»«»

"Miss Catapang, are you ready?" saad ni Sir Santi sa akin.

Tumayo na ako mula sa kinauupuan ko. Huminga muna ako nang malalim bago nagpatuloy sa paglalakad papalabas ng opisina ni Sir Santi.

Tahimik lang ako habang naglalakad ganoon din si Sir Santi. Pamaya-maya ay biglang huminto si Sir Santi sa paglalakad at humarap sa akin.

"Miss Catapang, may gusto lamang akong ipaalala sa iyo na napakaimportanteng paalala at dapat mong sundin ito bago kita iharap sa magiging trainer mo," saad ni Sir Santi. Mataman nakatingin siya sa akin habang nakataas pa ang kanan kilay.

"Po? Si-sige po, ano po iyon?" tugon ko habang napapalunok pa ako ng laway. Nawiwirduhan naman ako sa sinasabi ni Sir Santi ngunit nagpasya akong sundin na lamang ito kung ano man iyon gustong sabihin ni Sir Santi.

"Bawal umulwa ang mga mata."

"Po-po!"

"Tama ang narinig mo. Bawal umulwa ang mga mata mo. Bawal kung saan-saan parte ng katawan nakatingin iyan mga mata mo. At higit sa lahat bawal ang matulala at maglaway."

"Intiendes!"

"Po?"

"Hay naku! Basta, isa iyan sa mga paraan para pumasa ka bilang PA," muling tugon ni Sir Santi, kasabay ang pag-ikot halos ng mga mata nito.

Hindi na ako muling nagtanong kahit hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi ni Sir Santi.

Guwapo sana si Sir Santi ngunit parang sabog.

Tumunog ang cellphone ko at nabasa ko ang isang text message mula sa kaibigan kong si Scarlett. Nagpatuloy ako sa paglalakad ngunit habang naglalakad ay tumitipa rin ako sa keypad ng cellphone ko. Touchscreen phone ang ginagamit ko pero mumurahin lamang siya.

Scarlett: Hoy! Gaga, magtatrabaho ka na pala pero hindi mo man lang ichinichika sa akin.

Monica: Naku, Sorry! naging busy ako nitong mga nagdaan araw dahil inasikaso ko nga ang pag-aapply at ngayon araw na ito magsisimula ang training ko kaya hindi ko na nabanggit sa iyo. Kinakabahan nga ako dahil baka pumalpak ang unang araw ko.

- Kanina pa ako nagkakamali. Nakakapanibago kasi sapagkat matagal akong tumigil sa loob nang bahay. 😭

Scarlett: Sino ba kasi ang may kasalanan kaya parang nagmula sa ibang planeta na hindi alam ang mga nangyayari sa kanyang paligid?

Monica: Ako! 😢😅 Wala bang pa-goodluck na lang diyan? Huwag mo na akong sermunan.

Scarlett: 😆😆 Ewan ko sa iyo. Anyway, Nakita mo na ba ang Prince Charming ko? 😍❤

Monica: Prince Charming? Sino?

Scarlett: Hay naku! Kunwari ka pa. Alam mo kung sino ang tinutukoy ko.

Monica: Huh?? Hindi ahh! Sa dami ng mga pangalan ng hinahangaan mo na binabanggit mo sa akin, hindi ko na alam kung sino ang tinutukoy mo. Sino ba ang tinutukoy mo?

Scarlett: Si Mr. Juancho Enrico Ayala lang naman Beshy. Magiging Boss mo pero hindi mo man lang kilala.

Monica: Ahh! Akala ko naman kung sino.

Scarlett: Aba, aba Beshy! Parang sa tono ng pagtetext mo, nila-lang-lang mo lang ang Enrico ko. Baka kapag nakita mo iyon malaglag ang panty mo sa sahig.

Monica: Ang OA mo naman Scarlett. Trabaho ang hanap ko hindi jowa.

Scarlett: Dapat lang. Kung gusto mong palitan si James huwag ang Enrico ko. Hindi mo ba alam, matagal ko nang asawa iyan si Enrico ko. Ako ang Legal Wife.

Monica: Puro ka kalokohan Scarlett. Mamaya na lang tayo mag-usap. Baka masita pa ako ni Sir Santi.

Scarlett: Beshy! Bago ka umuwi, kuhanan mo ng picture ang Enrico ko, tutal nandiyan ka na rin lang. Miss ko na kasi ang mahal ko. At huwag kang ma-iinlove sa kanya dahil kung hindi, tapos na ang fifteen years nating pagkakaibigan.

Monica: Grabe siya! Ipagpalit ba naman ako. Tunay ka talagang kaibigan.

Scarlett: Babush na. Congrats Beshy and Goodluck sa First day mo.😉

Pagkatapos namin mag-usap sa pamamagitan ng pagtetext ay tinago ko na ang cellphone ko. Sanay naman ako magtext habang naglalakad pero huminto ako sa paglalakad nang huminto si Sir Santi at pumasok sa loob ng isang opisina.

Nasa ikatlong palapag kami ng building. Habang nasa loob si Sir Santi ng opisina, nasa labas naman ako para magmasid-masid sa buong paligid.

"Napakahusay talaga magpatakbo ng kumpanya ng Boss natin. Biruin mo nakuha niya ang titulong "Most Outstanding CEO" samantalang halos bago pa lamang si Sir Enrico sa posisyon niya bilang CEO.

"Nagka-award din ang ating kumpanya bilang "Most Trusted Company" samantalang noon ay madalas nasa Top 5 lang ang pangalan ng kumpanya."

"Kaya nga, panigurado may dagdag na bonus din tayo. Bukod sa napakaguwapo ni Sir Enrico, napaka-generous pa. Kada may bagong achievements ang company natin nagbibigay siya ng karagdagan bonus sa lahat ng mga empleyado."

"Kaya napakasuwerte ng mga bagong mag-aapply sa company kapag si Sir Enrico ang naging Boss."

Ilan lamang iyon sa mga naririnig kong papuri sa CEO ng kumpanyang pagtatrabahuhan ko sa oras na makapasa ako bilang PA. Medyo malakas-lakas ang mga boses ng mga nag-uusap na mga empleyado kaya dinig na dinig ko ang mga sinasabi nila.

Kaya pala patay na patay itong si Scarlett kay Mr. Enrico. Kahanga-hanga ang ugali at husay.

Naku! Nakalimutan ko. Magpapasalamat pa nga pala ako sa kanya. Kung hindi dahil sa kanya, baka kung ano na ang nangyari sa akin.

«»«»«»«»«»

"Mama, ano nga po pala iyan hawak ninyo?" tanong ko kay Mama.

"Business card. Ito iyon iniabot sa akin ng nurse na tumingin sa iyo. Pinabibigay ng Ginoong nagdala sa iyo rito. Actually Anak! Hindi ko sigurado kung tama ba ang iniisip ko, pero mukhang hindi mo na need problemahin ang pag-aapply." May bahid nang pangingislap sa mga mata ni Mama habang sinasabi ang tungkol sa business card na hawak.

"Po! Bakit naman po?"

"Mukhang nagtatrabaho sa kumpanyang aaplayan mo ang nagdala sa iyo rito sa hospital," saad ni Mama. Nakangiti ito nang makahulugan na tila may iniisip na kung ano.

"Kung ganoon man po. Sino naman kaya siya para makapagpasalamat ako," sagot ko kay Mama. Nagkibit-balikat lamang si Mama.

"Puwede na pong lumabas nang hospital si Miss Catapang, Ma'am Catapang."

"Babalik na lang po kayo kapag follow-up check up," saad ng Doktorang tumingin sa akin habang nakangiti ito.

"Naku salamat po Doktora! Siya nga po pala, sino po pala ang nagdala sa anak ko rito sa hospital?" tanong ni Mama sa Doktorang nasa harapan namin. Pareho kaming nakatingin kay Doktora habang hinihintay ang kanyang sagot.

"Ah, eh! Kasi--"

"Naku, Miss! Napakasuwerte mo sapagkat isang Enrico Ayala lang naman ang nagdala sa iyo rito sa hospital," sabad ng isang nurse na kalalapit lamang sa puwestong kinatatayuan namin.

"Enrico Ayala?" sabay namin sagot ni Mama. Napansin kong pilit na ngiti ang pinakawalan ni Doktora at halos pandilatan ng mata ang nurse na nagsalita.

"Yup Miss! Hindi ninyo po ba siya kilala?" muling tugon ng nurse. Sa mga ngiti at ikinikilos nito tila kinikilig ito habang binabanggit ang pangalan Enrico.

"Pamilyar ang pangalan niya," sagot ni Mama.

"Ahh, apo po siya ni Don Pepito Ayala. Ang may-ari ng isa sa mga sikat na Jewelry Line Business dito sa Makati, kaya napakasuwerte mo Miss."

"Sayang nga lang at hindi mo siya nakita ng harapan. Tulog ka pa kasi kanina nang umalis siya."

"O, Miss Dalahira este Dela Vega, punta ka na sa ibang patient room. Baka kailangan ka na nila roon," saad ni Doktora habang pinandidilatan muli ng mga mata nito ang nurse. Nakuha naman sa tingin ang nurse kaya lumabas na ito.

Sumunod na rin ang Doktora na lumabas ng kuwarto. Nagkatinginan naman kami ni Mama. Napailing na lang si Mama habang pinipigilan ang sarili na ngumiti dahil sa nangyari eksena sa pagitan ni Doktora at nang nurse.

"Hmm! Paano ba iyan anak! Mukhang hindi ka na mahihirapan mag-apply sa kumpanyang binabalak mong aplayan."

"Po? Bakit naman po?" sagot ko kay Mama ngunit hindi ko maiwasan hindi mapakunot ang noo sapagkat hindi ko maintindihan ang ibig sabihin ni Mama.

"Basta anak, maniwala ka sa akin. Maganda ang mangyayari sa iyo," tanging sagot ni Mama sabay kindat pa sa akin.

«»«»«»«»«»

"Tayo na Miss Catapang. Malamang kanina pang naghihintay si Boss nito," anyayang tugon sa akin ni Sir Santi.

Boss?

"Ah, Sir Santi puwede po bang magtanong?" sabi ko habang patuloy kami sa paglalakad.

"Okay, Ano iyon Miss Catapang?"

"Sino po ang magtra-train sa akin?"

"Malalaman mo kapag nandoon na tayo sa opisina niya. Ang bilin ko, iyan mga mata mo hah," saad ni Sir Santi habang bahagya akong tinapunan ng tingin at tila may warning sa tono ng pananalita nito.

Halos mapakamot ako sa akin ulo dahil nagtataka ako kung bakit kailangan pang itago kung sino ang magtra-train sa akin. Pakiramdam ko tuloy bibitayin ako nang hindi ko nalalaman kung ano ang atraso ko.

«»«»«»«»«»

Nasa ikalimang palapag kami. Pumasok si Sir Santi sa isang napakalawak at napakaeleganteng tingnan na opisina. Akala ko iyon mga opisinang nakita ko sa bawat palapag na dinaanan namin ang pinakamaganda ngunit hindi pa pala sapagkat mas bongga ang isang ito.

Mukhang wala ng atrasan ito. Nandito na ako.

Laban lang Monica! Kaya mo ito!