Hanggang ngayon ay hindi ko pa din maintindihan kung ano ba yung ibig sabihin ni Eli sa sinabi niya kanina..
I mean, anong sinasabi niyang si Dylan ang nagwagi? Ang gulo ha? Ibig sabihin ba nito titigil na siya sa panliligaw sa akin?
Eh wala pa naman akong sinasagot sa kanilang dalawa kaya bakit kailangan niyang huminto?
Hindi naman sa pagiging malandi o nasisiyahan ako na may dalawang nanliligaw sa akin, ang akin lang naman kasi eh hindi naman yata tama na biglang hihinto sa panliligaw sa akin si Eli eh hindi ko naman siya pinapahinto at the first place.
Sorry na kung hindi ko maiwasang mag-isip ng ganito kasi naman, nagiguilty ako.
Parang ang unfair nito sa side ni Eli saka isa pa, bakit naman kasi pumasok sa isip niya na si Dylan ang gusto ko at sasagutin ko eh duh? Naiinis nga ako sa lalaking yun! Palagi akong naiinis kay Dylan tuwing nagkakausap kami at palagi pa nga kaming nag-aaway diba???
Hindi ko naman maitatanggi na nagiging masaya naman talaga ako kapag kasama si Dylan and at the same time, napapakilig naman ako ni Dylan sa mga corny niya na jokes pero hindi naman sapat na dahilan yun para si Dylan ang sagutin ko eh di hamak naman na mas kinikilig ako kay Eli!
Hmp!
Teka nga, ano bang pinaglalaban ko?
Hays!
Si Eli naman kasi eh! Kung ano-ano sinasabi kaya ayan na naman yung utak ko, kung ano-ano na naman ang naiisip!
"Bakit ngayon ka lang? Saan ka galing?" salubong sa akin ni Dylan habang papasok ako ng gate ng bahay nila.
Nagpanggap nalang akong walang narinig at hindi na nag-abala pang sagutin ang tanong niya.
Buti nalang talaga at hindi na siya nangulit pang magtanong kasi wala ako sa mood ngayon na makipagtalo sa kaniya at makipag-away.
Pagpasok ko naman sa loob ng bahay ay naabutan ko sina Julia at tita Ellen na kumakain na ng hapunan.
Inaya naman nila ako na sumabay na sa kanila kumain kaya naman sumunod na lang ako at hindi na tumanggi.
Nakakahiya maging attitude dito noh lalo't sampid lang ako dito.
"Kinausap ka na ba ng mommy mo, Magi?" tanong ni tita Ellen sa kalagitnaan ng pagkain. "Hindi naman sa gusto na kitang pauwiin sa inyo ah? Ang akin lang naman, sana wag ng tumagal yung galit ng mommy mo sayo. Explained to her kung ano talagang nangyari."
"Hindi niya po ako papakinggan." sabi ko at mapait na ngumiti. "Kahit anong gawin kong pagpapaliwanag, still mali pa din sa pandinig niya. Si Macy lang naman po ang pinapaniwalaan ni mommy eh."
"I understand. Kung sabagay, ano pa nga bang aasahan natin sa mommy mo?" aniya saka napabuntong-hininga.
Kasabay nun ay ang pagpasok ni Dylan at sumabay na din siya sa aming kumain.
"Magi, hindi mo ako sinagot--" hindi ko na siya pinatapos pa sa sasabihin at tumayo na sa inuupuan ko.
"Salamat po sa masarap na hapunan. Matutulog na po ako." sabi ko at umalis na dun.
Ewan ko, hindi ko din maintindihan ang sarili ko kung bakit iniiwasan ko si Dylan basta ang malinaw sa akin eh ayoko siyang makausap muna ngayon.
Hindi ko alam kung dahil ba 'to sa nakita ko kanina na magkasama sila ni Macy o dahil kay Eli?
I have this thought na dumistansya muna ako kay Dylan kasi ayokong maging unfair kay Eli kasi pakiramdam ko kaya niya nasabi sa akin kanina na parang sa tingin niya eh si Dylan na ang sasagutin ko kasi nakikita niya sigurong mas marami akong oras na kasama si Dylan lalo na ngayon at magkasama kami sa iisang bahay.
Ayokong isipin ni Eli na biased 'tong ligawan na 'to. I mean ayokong maging unfair 'to sa kaniya kaya hangga't maaari, gagawin ko 'tong pantay sa pagitan nilang dalawa.
At sa totoo naman eh wala pa din naman akong napipili sa kanilang dalawa eh.
WALA PA.
CAPSLOCK PARA DAMA!
*ring*
Napatingin naman ako sa cellphone ko nang makitang tumatawag si Delancy.
Napangiti muna ako ng nakakaloko bago sinagot ang tawag.
"Kamusta ang date--"
[KINIKILIG AKO MAGI!!!!!!!!!! SALAMAT!!!!!!!!]
Nailayo ko bahagya sa tenga ko yung cellphone sa napakalakas niyang tili.
Jusko po si Delancy, parang nanalo sa lotto kung makatili eh.
"Aayaw-ayaw ka pa ah?"
[TANGA! NAGPAPAKIPOT ANG TAWAG DUN!]
Natanga pa nga.
[BUKAS KO NALANG IKUKWENTO YUNG....] napatigil pa siya ng ilang segundo sa pagsasalita bago nagpatuloy. [SA MONDAY PALA HAHAHAHAHAHAAH WALA NGA PALANG PASOK BUKAS. AH BASTA! KUNG KAILAN NALANG PALA TAYO MAGKITA, KASI MALAY NIYO DIBA MALIGAW AKO DYAN KINA DYLAN. BASTA KINIKILIG AKO! PAKYU KA UNIVERSE!]
"Hindi halatang kinikilig ka. Promise, hindi talaga halata, Delancy."
[Ahh basta! Change topic na lang! Hindi kasi yun ang itinawag ko sayo.
Makikichismis lang talaga ako kung sino na ang nakakalamang sa mga manliligaw mo? Yung manok ko ba o si Dylan? Ilang linggo na din kasi, Magi. May balak ka bang magpaligaw sa kanila ng isa o dalawa o tatlong buwan? Aba! Ang haba naman ng hair mo!]
Leche talaga 'tong si Delancy. Nahahawa na siya sa kagagahan ni Julia.
"Balak ko ngang magpaligaw sa kanila ng isang taon eh tapos matira matibay ganun." natatawang sabi ko.
Napalingon naman ako nang bumukas ang pintuan ng kwarto ko.
Ay nako.
Eto pa ang isang chismosa.
"Ang papanget ng ugali niyo ha? Hindi niyo ko sinasali sa chikahan niyong dalawa." reklamo ni Julia saka kinuha sa akin yung cellphone ko. "HOY DELANCY, ANO HA?! CHINICHISMIS MO NA NAMAN BA AKO KAY MAGI? SIGURO BINABACKSTAB MO NA NAMAN AKO NOH?!"
[GAGA! HINDI IKAW ANG PINAG-UUSAPAN NAMIN. GRABE 'YANG KAPAL NG MUKHA MO HA? IBALIK MO KAY MAGI 'YANG CELLPHONE, DALI!]
Ibinalik nga sa akin ni Julia ang cellphone ko pero ni loudspeaker naman ng gaga para eka marinig niya pinagchichismisan namin.
Pft.
[So ano na, Magi? Excited na ako malaman kung sino ang sasagutin mo kina Dylan at Eli--]
"Tinatanong pa ba yan? Malamang si Dylan na noh! Wag ka na umasa, Delancy. Walang laban manok mo sa kapatid ko! Duh?"
[HOY MAGI, PALAYASIN MO NGA YAN SI JULIA. NAPAKAEPAL.]
"I-e-end call ko 'to, sige." pananakot pa ni Julia kay Delancy.
Hay nako.
Nag-away pa sila.
"Wala pa talaga akong napipili sa kanilang dalawa. Ang hirap kasing mamili nang maaga tapos baka pagsisihan ko din nang maaga.
Nahihirapan pa akong magdesisyon kasi sa totoo lang, parehas nilang deserved na masagot ko ng oo. Kung dalawa lang talaga ang puso ko, sasagutin ko talaga sila parehas kaya lang hindi eh.
Kaya hangga't maaari, ayokong i-pressure yung sarili ko na mamili sa dalawa. I mean, dadating naman siguro yung araw para diyan."
[I agree with you, Magi. Wag mong madaliin ang mga bagay-bagay.
Lahat ng bagay ay may oras na nakalaan. Hindi ka naman nila minamadali na pumili sa kanilang dalawa kasi hindi biro ang gagawin mong desisyon ha? Kaya wag kang ma-pressure, okay? Hindi ka namin pinepressure. Take your time.]
"Hindi naman magiging mahirap para sayo ang pagpili, Magi kung ang paiiralin mo eh 'yang puso mo dahil 'yan ang magtuturo sayo dun sa tao na gusto nito. Kung paiiralin mo ang utak mo, talagang hindi ka makakapagdesisyon ng maayos dahil hindi naman utak ang nagmamahal diba kundi ang puso?
Kaya kung ako sayo, Magi.. Use your heart and not your brain. Hindi sa lahat ng bagay, utak ang pinapagana."
[May point din si Julia. Mas magiging madali sayong pumili kung susundin mo yung tinitibok ng puso mo.
Sino ba sa kanilang dalawa yung mas nakakapagpasaya sayo, nakakapagpakilig at nakakapagpangiti sa mga mata mo.
Kung sino ba sa kanila yung mas naipakita sayo kung gaano ka nila kamahal at kahalaga para sa kanila.]
Impernes sa kanilang dalawa at nagkasundo sila sa gantong bagay ha? Nakakagulat.
"Tama na 'to. Nasestress na si Magi. Kailangan na naming matulog, Delancy kaya ikaw, magtinder ka muna. Pampaantok din yun." sabi ni Julia at hindi na hinintay pang makapagsalita si Delancy at binaba na ang tawag.
"Basta tandaan mo, Magi. Anuman ang maging desisyon mo eh suportado ka namin." dagdag niya pa at tinanguan ko na lang siya saka siya lumabas na ng aking kwarto.
Naging mahaba ang gabi na 'to at ang daming ganap kaya kailangan ko ng ipahinga ito at itulog.
Sa ngayon, ayoko munang isipin kung sino kina Dylan at Eli ang sasagutin ko kasi mukhang matatagalan pa bago ako makapagdesisyon ng maayos.
-
Alas sais ng umaga nang magising ako at hindi ko din alam kung bakit napaaga ang gising ko ngayon kaya bilang hindi sayang ang paggising ko ng maaga ay lumabas ako ng bahay at nagjogging.
Bago ako makaalis ay nadaanan ko pa si Dylan na mukhang galing sa malapit na tindahan.
'Ang aga din naman yata niyang nagising ngayon?'
"Magkape ka muna, Magi--" hindi ko lang siya pinansin at sinadya ko talagang hawiin yung buhok ko para ipakita sa kaniyang may suot ako na earphone para malaman niyang kahit anong gawin niyang salita ay hindi ko siya mapapakinggan.
Tingin ko naman effective kaya napahinto siya sa pagsasalita.
Iniwan ko na siya dun at nagsimula ng magjogging.
Alam ko sa sarili ko na nakakahalata na siya sa pag-iwas ko sa kaniya pero wala akong pakialam.
Ano naman kung malaman niya na iniiwasan ko siya? Eh sa kailangan ko yun gawin eh, may magagawa ba siya dun?
Tsk.
Abala ko sa pagtakbo at pakikinig ng music sa earphone na suot ko nang may bumangga sa akin na kung sinong demonyo.
At..
Demonyo nga talaga.
Inis akong tumayo sa pagkakasalampak ko sa kalsada at hinarap ang walang-modo na si Yuwi.
"Bulag ka na din ba o nananadya ka lang talaga?!"
"Sinadya ko talaga para sirain ang aaraw mo." sabi niya saka siya nauna ng tumakbo sa akin.
Kung mamalasin ka nga naman, nakasabay ko pa siyang magjogging.
Hay nako.
Bakit ba napadpad dito yung lalaking yun eh ang pagkakaalam ko kasi na taga subdivision namin siya eh?
Hindi kaya lumipat sila dito sa subdivision kung nasaan ang bahay nina Dylan?
Aywaw.
Sana all palipat-lipat nalang ng bahay no?
Naghanap muna ako ng mauupuan dito dahil napagod na ako sa kakatakbo at saktong may nakita akong bench kaya dito ako naupo.
Gosh.
Nakalimutan ko pang magbaon ng tubig. Hindi ko kasi naisip na nakakauhaw pala itong pagtakbo.
Alam niyo kasi, ngayon lang ulit ako nakapagjogging kasi nga isa akong dakilang tamad.. Kung kailan nalang maisipan, saka gogora.
Nagulat naman ako nang biglang may lumulutang na bote ng tubig sa harap ng mukha ko..
Luh--
Ay joke lang. May kamay palang kasama.
At si Yuwi pala ang nagbibigay.
Ayoko talaga sanang abutin kaya lang bilang uhaw na ako eh hindi ko na tinaasan pa ang pride ko at kinuha yung tubig na inaabot niya.
Aba, biyaya din yun.
"Wala man lang thank you? Ayos ah?" aniya saka naupo sa bench na inuupuan ko.
"Wala man lang paalam na uupo ka dito? Ayos ah?"
"Akin na nga 'yang tubig na 'yan at baka maibuhos ko sayo." inis niyang sabi at pilit kinukuha sa akin yung bote na paubos na din naman ang laman.
Pft.
Akalain niyo, nainis ko si Yuwi.
"Saksak mo sa baga mo." sabi ko saka binigay sa kaniya yung bote.
Tinawanan niya lang ako at hindi na pinansin pa yung bote na inaabot ko.
Luh?
Tingin ko pangalawang beses ko na 'tong nakitang tumatawa.
Nakakagulat ha, as in.
Kasi una kong pagkakakilala kay Yuwi eh siya yung tipo ng lalaki na hindi marunong magsmile man lang.
"Alam kong ang gwapo ko, pero pwede ba wag mo kong titigan."
Tsk.
Mayabang pa din.
"Alam mo, Magi. Bata palang ako.."
Automatic na nag focus ang atensyon ko sa kaniya dahil mukhang magpapa story telling na siya.
Impernes sa kaniya, nagiging madaldal na din siya at pala kwento.
"Bata pa lang ako eh alam ko ng gwapo ako. Alam mo bang na stressed yung tatay ko sa akin pagkalabas ko kasi baby pa lang daw ako eh heartthrob na ako at artistahin ang mukha. Hindi daw ako nagmana sa kanila ng nanay ko kasi yung kagwapuhan ko daw eh kakaiba."
-_-
Lintek na Yuwi 'to. Ang sarap niyang ihulog dito sa upuan.
"Hindi na talaga ako aasa na makakausap pa kita ng matino eh."
"Sinasabi mo bang hindi ako matino kausap, Magi?"
"Talagang nagtanong ka pa?" natatawang sabi ko at tumayo na sa upuan. "Mauuna na ako sayo, baka kasi mamaya tangayin ako ng kahanginan mo."
Naglakad na ako pabalik sa bahay nina Dylan at isa pa, hindi naman gaano kalayo itong natakbo ko kaya nakarating ako agad.
Nakasalubong ko pa nga si Dylan na kakababa lang at as usual, binati niya na naman ako at pilit gumagawa ng pag-uusapan namin pero ako eto, todo siya kung iwasan.
Alam kong mali 'tong ginagawa ko pero hayaan niyo na.
Dumiretsyo akyat muna ako sa kwarto ko at hindi muna kumain dahil hindi pa naman ako gutom eh. Saka feeling ko gusto kong matulog ulit kasi bigla akong inantok sa pagjojogging.
Wala man lang kasi nag inform sa akin na nakakaantok pala ang magjogging.
Pabalik na ako sa pagtulog nang biglang tumunog ang cellphone ko.
Shocks.
Naiwan ko palang open ang wifi nito kaya walang duda na nakatanggap ako ng video call sa kung sinong pashneya 'to.
Si Israel?
Agad ko naman itong sinagot.
[Hi, Magi. Sorry kung maaga kitang iistorbohin ha? Pero pwede mo ba akong tulungan?]
"Saan?"
[Pwede ka bang magpanggap na girlfriend ko? Para lang tigilan na ako ni Tricia.]
"Sinong Tricia?"
[Nakilala ko siya sa bar nung isang araw and lasing na kasi ko that time.
Base sa kwento niya, sinabi niyang pumayag daw ako sa kaniya na maging girlfriend ko siya eh wala naman akong naalala na ganun. Siguro nangyari nga yun pero lasing kasi ako kaya hindi ko na maalala.
Kaya kailangan kita, Magi. Magpanggap kang girlfriend ko para maniwala siya na hindi talaga ako seryoso sa sinabi kong kung ano man yun. Please.]
Ano ba 'tong si Israel, gusto pa akong idamay sa kalokohan niya!
"Si Julia nalang. Sasabihan--
[Wag mong sasabihin kay Julia ang tungkol dito. Ayokong malaman niya. Sa atin lang 'tong dalawa, Magi. Please?]
Gusto ko pa sanang tanungin siya kung bakit kaya lang mukhang nanghihimasok na ako kapag ganun kaya umoo nalang ako kay Israel.
Hay nako.
Sabi ni Israel, sa gc kami maghaharap nung Tricia. Gumawa kasi si Israel ng gc na kaming tatlo lang ang kasali para dun kami makapag-usap-usap na tatlo.
Aba at kailangan na kasama si Israel kasi baka mamaya may mali akong masabi, nako.. Mahirap na.
At ayun nga, mayamaya lang din ay may tumatawag na sa gc.
Hay nako.
Mukhang mapapalaban ako dito.
Nako sisingilin ko talaga ng malaki si Israel kapag nagkita kami!
Aba, inistorbo niya ang pagtulog ko nang dahil lang dito?!
Nag join na ako sa call habang poker face ang mukha.
"Hi."
[So ikaw si Magi?]
"Hindi ba obvious? Tatlo lang tayo dito oh tapos magtatanong ka ng ganyan?"
[Whatever! Ang concern ko lang dito ay si Israel. Sinabi niyang magiging girlfriend niya ako at ngayon na nameet kita na girlfriend niya daw, ang sakit! Ang sakit sakit! Naiintindihan mo ba ako?]
"Paano muna yung sakit?"
[Hindi ko alam na may pagka isip-bata pala ang girl friend mo, Israel!]
"Let me tell you something, lady. Una sa lahat, kung magrereklamo ka, kay Tulfo ka lumapit, maliwanag? Siya ang sumbungan ng bayan, baka lang kako nalilito ka.
Pangalawa, lasing kasi si Israel noon eh at malay ba natin kung alam o aware siya sa mga sinasabi niya o hindi. Wag mong ipagpilitan 'yang sinasabi mo dahil 'yung lalaking inaangkin mo na boyfriend mo ay boyfriend ko!
Kung ako sayo, tigil-tigilan mo na si Israel kasi baka maipapulis kita nang di oras dyan. Tandaan mo, nasa sampong utos ng Diyos ang WAG KANG MAKIKIAPID. Hindi ka lang sa batas ng tao magkakasala kundi pati din sa Diyos kaya sinasabi ko sayo, BACK-OFF.
Hindi ako nakakatuwang kalaban, Tricia. Sana maging sapat itong sinasabi ko sayo para tantanan mo na si Israel kasi kung hindi, papasabugin ko bahay niyo."
Hindi na nakasagot si Tricia kasi bigla siyang umalis.
Pft.
Takot sumabog bahay.
[Ang galing mo talaga, Magi. Tamang-tama na sayo ako lumapit. Salamat.]
"No worries. Basta kapag maglalasing ka, wag dapat yung mag-isa ka. Isama mo si Warren or pwede din ako." natatawa kong sabi.
[Next time.] aniya saka ibinaba na din ang tawag.
Sa wakas..
Mababalik na din ako sa pagtulog.
-
Nagulat ako nang mapatingin ako sa orasan ng cellphone ko.
Shit.
7pm na pala!
Ang haba masyado ng naitulog ko. Grabe naman, wala akong almusal at tanghalian.
Wala naman akong balak magpakamatay ha? Sadyang napasarap lang ang tulog ko.
Nako, mukhang wala na akong itutulog nito mamaya.
Bumaba na ako para maghanap ng kakainin nang mapatingin ako sa may pool area.
Bakit parang ang ingay naman yata dun? May pa music pa.
May party ba na nangyayari nang hindi ko alam?
"Gising ka na pala! Tara dun." sabi ni Julia na mukhang galing sa kusina at may bitbit na pichel na may juice.
Hinatak niya ako papunta sa pool area at nadatnan ko dun ang DWEIYAH at nakita ko din dun si Delancy.
Anong meron?
"Good morning, Magi!" bati sa akin ni Warren.
Lecheee.
Hindi pa ako nakakapaghilamos, baka mamaya may panis na laway pa ako sa gilid ng labi.
Hays, nakakahiya.
"Ang aga natin nagkita kanina ah? Hinimatay ka siguro sa kagwapuhan ko noh?" sabi naman ni Yuwi na walang pagbabago sa buhay.
Tsk.
"Pinasok ng kahanginan mo ang utak kaya ayan tuloy, nakatulog ako." pang-aasar ko pa.
"Bakit ka pa nagising? Sana sumama ka na sa liwanag." aniya kaya naman sinamaan ko siya ng tingin.
Nakakaasar talaga. Ang galing niya lang mang-inis ng mga kagaya kong maiikli ang pasensya!
Naupo na ako sa isang hindi kalakihang round table at sakto namang kaharap ko si Dylan habang katabi ko naman sa upuan si Eli.
Himala yata at hindi niya ako kinakausap?
"Wala talagang pinipiling oras 'yang kahanginan mo, Yuwi noh? All-around eh." inis na sabi ni Julia saka inilapag sa lamesa yung hawak niyang pichel na may juice.
Agad naman itong hinaluan ni Alec ng gin at hinalo-halo.
Iww.
Gin + Juice = Eww.. Kadiri.
"Pake mo ba, Julia? Palibhasa kasi hindi ka pinipili. Okay lang yan, wag mong damdamin ha? Hindi ka naman kasi talaga kapili-pili."
"Wow naman! Palibhasa ikaw hindi ka nasasali sa mga choices kaya matik hindi ka na talaga pipiliin." sagot naman ni Julia.
"Ikaw lang ang tangang nakilala ko na proud pang maging ISANG CHOICES. Payag ka non, Julia? Choices ka lang? Pipiliin ka lang kapag walang-wala na sila?"
"Nakakainis ka talaga, alam mo yon?!" at halata nga sa mukha ni Julia na inis na inis na siya kay Yuwi.
"Alam ko kaya wag mong kakalimutan ha? Pwedeng-pwede kang mamatay sa sobrang inis. Walang pipigil sayo. Hayaan mo, ako ng bahala kung saan ka ililibing, okay?"
"Pakyu!"
Pft.
Nakakatawa sila kung mag-away.
"Lagi nalang kayong nagtatalo, baka bukas nyan magkatuluyan kayo." natatawang sabi naman ni Harris. "Pampawala init ng ulo, kainin niyo 'tong niluto kong sisig." aniya saka binuksan yung isang medyo kalakihan na tupperware na may lamang sisig.
Dahil gutom, ako na ang naunang tumikim dun sa sisig.
Shems.
Ang sarap!
Cookerist pala 'tong si Harris!
"Wag puro sisig, Magi. Inom ka din." sabi ni Warren saka inabot yung baso na may alak.
Aabutin ko na sana ito nang kuhanin ito ni Dylan at siya ang uminom.
Bastos!
"Protective si pareng Dylan!" pang-aasar ni Israel saka tumawa pa ng malakas.
Ilaglag ko kaya sikreto nito?
"Syempre, misis ko yan eh." sabi naman ni Dylan at kinindatan pa ako.
Nakisabay naman sila sa pangangantyaw sa amin.
Hays.
Akala ko napagod na siya sa pagkausap sa akin pero pa hindi din pala.
"Papatalo ka ba kay Dylan pre?" sabi naman ni Alec kay Eli na kanina pa nananahimik.
"Talo na ko kay Dylan, matagal na." seryoso nitong sabi.
Agad ko naman siyang tinignan para sana tanungin siya kaya lang bigla siyang tumingin din sa akin at nagsalita.
"Pero wala namang magbabago, Magi. Mananatili kang may puwang sa puso ko. Mahalaga ka sa akin kaya--"
"Ang cheesy niyo!" pagsingit ni Dylan.
"Selos lang yan, bro." natatawang sabi ni Eli.
Wow, pati siya nakikisali na sa pang-aasar.
Pero clueless pa din ako sa sinasabi ni Eli. Bakit sa mga sinasabi niya, para siyang nagpapahiwatig na nagpaparaya siya na ewan?
I hate my mind!
Aysh!
Saka isa pa, nakakapagtaka naman ang pananahimik ni Delancy?
Hmm.
Bigla kong naalala na may ikukwento daw siya sa amin ni Julia.
HAHAHAHAHAHA
Napangisi ako.
"Uy, Delancy. Nananahimik ka ah? Parang wala kang utang na kwento sa amin ni Julia." sabi ko at si Delancy naman ay masama ang tingin sa akin.
"Oo nga. Kwento na, dali." sabi naman ni Julia.
"Ako nalang magkukwento, nahihiya si Delancy eh." sabi naman ni Warren saka kumain muna ng sisig bago magsimula.
Pft.
Nakita ko pang namumula si Delancy sa sobrang hiya.
"Nag date kasi kami ni Delancy sa Jollibee--"
"BAKIT KA PUMAYAG, DELANCY???" pag-epal nina Harris at Israel.
Mga asungot talaga.
"Paki takpan nga mga bunganga nito at baka maputulan ko sila ng dila dyan." inis na sabi ni Warren. "Nag 1 v 1 kasi kami sa ml tapos kung sino sa amin matatalo ni Delancy eh idedare ni Magi--"
"Luh? Bakit di ko alam yan ha?" reklamo naman ni Julia.
During that time kasi, nasa comlab siya.
"MAGKUKWENTO BA AKO O ANO?" may halong inis na sabi ni Warren.
Pft.
Nakakatawa siya.
"Kwento na." sabi ni Yuwi.
Wow, chismoso na din pala siya?
"Tapos ako natalo sa 1 v 1 kaya ako ang dinare ni Magi at ang dare niya nga sa akin eh idate ko daw si Delancy sa Jollibee kahapon. Edi nagpunta kami ng Jollibee. Sumakay kami ng kotse ko at syempre bilang gentleman--"
"Wag mo ng idetailed bro. Ano nalang nangyari sa date niyo?" sabi naman ni Alec.
"Atat naman kayo!"
"Wala naman kasi kaming pakialam sa pagiging gentleman mo dahil hindi ka naman ganon! Wag kang plastik!" sagot naman ni Dylan.
"Hindi ko na nga--"
"Ituloy mo na! Naumpisahan na eh." sabi naman ni Julia.
"Puro kasi kayo sabat eh!" aniya saka huminga ng malalim. "Wala namang nangyaring hindi maganda kahapon. Actually kilig na kilig nga sa akin si Delancy kahapon kasi ang sweet ko sa kaniya eh.
Binigyan ko pa siya ng rose habang nasa Jollibee kami pero hindi niya alam, napulot ko lang yun sa ilalim ng table na pinagpwestuhan namin.
Kinikilig din siya sa mga pick-up lines ko kahit lumang-luma na at gasgas. Hindi niya kasi alam na binabanatan ko talaga ng pick-up lines lahat ng mga babaeng nakakadate ko.
Akala siguro ni Delancy na siya ang una kong binanatan non." natatawang sabi ni Warren saka tumingin kay Delancy. "Nako, Delancy. Nagkakamali ka. Actually pang 263 ka sa binanatan ko. Pero nag-enjoy naman ako na kausap ka at nakasama kita kahapon."
"Demonyo ka, pinagyabang mo pa talaga na may 263 kang chix?!" naiinis na sabi ni Julia kay Warren.
Tinawanan lang siya ni Warren.
"Si Israel nga nakaka 500+ na chix na yan." sagot ni Warren.
"ISRAEL LANG MALAKAS." sabi naman ni Harris.
"MAHINA PA 'YAN SI ISRAEL! MARAMI PA 'YANG KAKAINING BIGAS." sabi naman ni Julia
Paramihan ba 'to ng chix?
"Wala kayo kay Dylan, sa sobrang dami hindi na mabilang." pagmamayabang pa niya sa kapatid.
Pft.
Nagpayabangan na nga sila.
"Buti nalang ako gwapo lang, hindi chick boy." sabi naman ni Yuwi at inapiran naman siya ni Alec.
"Wala kasing nagkakagusto sayo, yun ang sabihin mo." sagot naman ni Julia.
"Bakit ba gigil 'to si Julia kay Yuwi?" natatawang tanong naman ni Eli.
"Ang yabang kasi!"
"Crush mo lang ako eh." nakangising sagot naman ni Yuwi kay Julia.
"Ayokong may ka love triangle, Yuwi!" singit naman ni Israel.
Pft.
"Dun ka sa 500+ mong chix!" inis naman na sabi ni Julia kay Israel.
"Iinom niyo nalang 'yan!" sabi ni Alec saka nilagyan ulit ng gin yung pichel na may juice.
"Hindi halatang nasarapan kayo sa luto ko ha?" natatawang sabi naman ni Harris saka ipinakita yung tupperware na wala ng laman.
Mukhang ako yata ang nakaubos nun.
"Si Magi ang may kasalanan kaya dahil dyan, magbalat ka ng mangga!" sabi ni Warren saka inabot sa akin yung mangga at kampit.
Taenang yan, nautusan pa nga.
Ginawa ko nalang ang sinabi niya at binalatan yung mangga kahit sa totoo lang ay hindi ako marunong magbalat ng mangga na ang gamit ay kampit.
Bakit kasi walang peeler?
'Ouch!'
Daing ko nang mahiwa ko ang daliri ko.
Shems.
Natataranta ko sa nakita kong maraming dugo at hindi ko alam ang gagawin.
Bigla-bigla pa naman akong kinakabahan at hindi ko naiiwasang umiyak kapag nakakakita ng dugo kasi may phobia kasi ako sa dugo eh.
Abala ko na mataranta habang pinipigilan kong umiyak nang biglang..
Nang biglang kuhanin ni Dylan ang nasugatan ko na daliri at--
Isinubo yun?
Sinipsip niya yung dugo na lumalabas sa sugat....