Chereads / A Love To Last (DWEIYAH series #1) / Chapter 20 - CHAPTER 19

Chapter 20 - CHAPTER 19

Bandang alas kwatro ng hapon natapos ang event and after ng awarding eh nagsiuwian na din naman ang lahat.

Ngayon ay nandito na ako sa labas ng bahay at kakaparada ko lang ng kotse ko.

As in binilisan ko talagang magmaneho dahil excited akong umuwi ngayon ng bahay para ibalita kay mommy na nanalo ako sa contest.

Hindi kasi siya nakapunta dahil na din sa hindi ko siya sinabihan kaya ibabalita ko nalang sa kaniya. Baka malay niyo dahil dun eh maging okay na ulit kami ni mommy at mawala na yung galit niya sa akin. 

Saktong byernes ngayong araw at day-off ni mommy sa trabaho kaya sigurado akong nandito siya ngayon sa bahay at siguradong nagpapahinga.

"Si mommy po?" salubong na tanong ko kay nay Cora na naabutan kong nagluluto ng malamang na hapunan namin sa kusina.

"Nasa kwarto niya." sagot niya sa akin at hindi na nag-abala pang lumingon. "Mukhang masaya ka yata ah? Nanalo ka ba sa contest na sinalihan mo?"

Wag na kayong magulat na alam ni nay Cora na sumali ako sa contest kasi alam niyo na, lahat ng nangyayari sa buhay ko eh naikukwento ko sa kaniya. Kaya nga close kami at nagkakasundo sa mga bagay-bagay.

"Opo." masaya kong sabi.

Agad naman niya akong pinasadahan ng tingin saka ako nginitian.

"Sabi ko naman sayo, hindi ba? Mananalo ka talaga basta magtiwala ka lang sa sarili mo na kaya mong manalo." aniya kaya naman tinanguan ko siya. "Ibabalita mo ba 'yan sa mommy mo? Nako, matutuwa yun."

"Sana nga po."

"Puntahan mo na, mukhang kanina ka pa excited." natatawa niyang sabi.

Tinawanan ko na lang din siya dahil tama naman siya. Kanina ko pa talaga gustong-gusto ibalita kay mommy ang pagkapanalo ko.

Pumanhik na ako sa taas at tinahak ang direksyon patungo sa kwarto ni mommy nang makita kong bahagyang nakabukas ang pintuan ng kwarto niya.

Agad akong lumapit sa pintuan at bahagyang sumilip.

"Hay nako anak, huwag kang magpapagutom dyan ha? Ayokong mag-alala dito.. Stress na nga ako sa kapatid mong si Magi eh."

Kausap niya pala ngayon via Skype si Macy.

[Ano na naman pong kalokohan ang ginawa?]

"Nako napakarami. Siguro kung iisa-isahin ko eh baka sa isang taon pa tayo matapos. Ewan ko ba dyan sa kapatid mo, tingin ko wala ng pag-asang tumino pa yun. Naiinis na nga ako eh, ilang beses ko na siyang pinagsasabihan pero ewan ko, parang hindi niya naman ako pinapakinggan."

[Sabi sayo mommy eh, masamang impluwensya talaga kay Magi yung mga kaibigan niya. Hindi naman siya dating ganyan diba? Pero simula nang maging kaibigan ni Magi 'yang sina Julia at Delancy, tignan niyo naiba bigla ugali. Ayan nga at hindi ka na pinapakinggan.]

Hindi na bago sa akin itong mga sinasabi ni Macy kay mommy dahil nga sa pamimilog siya ng utak magaling.

Ako sa totoo lang, ayokong magtanim ng sama ng loob kay Macy kasi kahit papaano ay mahal ko siya kasi kapatid ko siya pero minsan hindi ko na talaga maiwasan na mainis sa kaniya sa mga sinasabi niya kay mommy. Tignan niyo ngayon, ginagawa pang masama ang pakikipagkaibigan ko kina Julia at Delancy!

"Sinabihan ko na siya na tigilan na kako ang pakikipagkaibigan sa mga yun kaya lang matigas na talaga ang ulo ng kapatid mo eh. Hindi na marunong makinig! Ang sakit niya sa ulo, sa totoo lang!

Kung pinipili lang talaga ang magiging anak, hinding-hindi ko siya pipiliin! Jusko naman kasi, matagal ng naubos ng kapatid mo ang pasensya ko!

Dapat kasi  ikaw nalang talaga Macy ang naging anak namin eh, bwiset kasi ang daddy mo, sinabi ko noon na magpapatali na ako para hindi na makapagbuntis pero ang sabi niya eh gusto pa niya ng isang anak kaya ayan, nagkaanak nga kami eh jusko sakit naman sa ulo!

Hindi ko na talaga alam ang gagawin kay Magi. Siguro habang buhay niya na lang yata pasasakitin ang ulo ko. Puro na lang problema ang dinadala niya, jusko! Kapag ako talaga eh nainis, hahayaan ko na siya sa buhay niya. Magsama-sama sila ng mga kaibigan niyang mga wala namang kwenta."

[Easy ka lang, mommy. Magtitino din 'yan si Magi. Bigyan mo lang siya ng oras.]

Hindi ko na pinakinggan pa ang sunod nilang pinag-uusapan at tumakbo nalang ako sa kwarto ko at dun umiyak.

Ewan ko ba, ginawa yata itong kwarto ko para iyakan ko lang at hindi para maging tulugan at pahingahan.

Nakakaawa naman itong kwarto ko, punong-puno na kasi 'to ng sama ng loob.

Sino ba naman kasing hindi sasama ang loob pagkatapos marinig yun at mula pa talaga sa mismo mong nanay?

Hindi ko masisisi ang sarili ko kung maiiyak man ako ngayon hanggang bukas kasi sobra na talaga yung mga narinig ko. I mean, todo na talaga yung mga masasakit na salita na sinabi ni mommy para sa akin.

Hindi ko maiwasang masaktan kasi mismong sa kaniya na nanggaling na hindi niya ako kailanman ginusto na maging anak.

Kung hindi lang pala siya napilit ni daddy, edi sana wala ko ngayon sa mundong 'to. Edi sana walang pinoproblema si mommy ngayon. Edi sana walang Magi na magpapasakit sa ulo niya. At higit sa lahat, edi sana wala silang anak na walang kwenta kagaya ko.

Nakakatawa lang isipin na sa kabila ng mga ginagawa kong pagsisikap sa pag-aaral eh still walang kwenta pa ding anak ang turing sa akin ni mommy.

Ang unfair naman kasi, yung pagkakamali ko lang yung nakikita niya samantalang yung mga achievements na nakukuha ko eh parang hangin lang na sandaling dumapo sa balat niya kung ituring.

Gaya nito, yung pagkapanalo ko sa contest na sinalihan ko. Hindi niya nakikita yung mga achievement ko na gaya nito pero yung mga contest na natalo ako eh nakikita niya.

Ang unfair nga naman talaga.

Kung napipili din sana ang mga nanay, hinding-hindi ko pipiliin si mommy!

Okay pa ako kay daddy kasi kahit papaano eh pantay yung pagmamahal niya sa amin ni Macy. Hindi niya lang yun madalas naipapakita at naipadadama kasi masyadong busy na tipo ng tao si daddy kaya naman understandable yun.

Kaya lang si mommy, napakabiased niya. Damang-dama ko na si Macy lang ang itinuturing niyang anak habang ako naman, parang pinaparamdam niya sa akin na sampid lang ako sa pamilya nila. Parang pinaparamdam niya sa akin na isang malaking kasalanan na nabuo nila ako.

Kaya sinasabi ko ngayon sa sarili ko na kapag ako nagkaroon ng sariling pamilya sa hinaharap, hinding-hindi ko tutularan ang pagiging isang ina ni mommy.

-

Sabado ngayon kaya naman kahit tamad na tamad ako ngayong pumasok eh kailangan kong pumasok. Kapag kasi college ka na, iisipin mo talaga na kapag umabsent ka ng isang araw, feeling mo marami kang lesson na namiss kaya ako, hangga't sa maaari ay iniiwasan kong umabsent lalo na at hindi naman ako katalinuhan para makahabol agad sa lesson na namiss ko.

Pero sinigurado ko na bago ako pumasok ngayon eh malinis ang mukha. I mean, yung wala na talaga kahit sino, maski si Israel, ang makakapansin na umiyak na naman ako kagabi.

Sa totoo lang kasi, hindi ako komportable na maay ibang nakakapansin na problemado ako.

I mean, alam niyo yung feeling na minsan ayaw niyong ishare yung problema niyo sa iba.. Mas ginugusto na lang natin na minsan sarilinin na lang yung ganitong problema lalo na at tungkol sa pamilya.

Gaya nga ng sinabi ni Israel nun,

Saka hindi naman kasi lahat ng problema ay dapat alam ng isang matalik na kaibigan. Minsan kasi, yung mga seryosong problema, mas mabuting tayo na lang ang nakakaalam niyan kaysa ikwento mo pa sa iba, hindi ba?

Agree ako sa sinabi niyang yun kasi minsan kailangan din natin ng privacy. Hindi kasi dapat sa lahat ng pagkakataon ay ilantad mo ang problema mo sa public.

Basta yon!

Ayokong magshare, yun yon!

"Papansin ka talaga noh? Hindi ka ba pinapansin sa bahay niyo ha??!"

Jusmiyo.

Umagang-umaga eh bunganga agad ni Julia ang naririnig ko.

At siguradong nag-aaway na naman sila ni Delancy na hindi naman ako nagkamali kasi pagkapasok na pagkapasok ko sa room eh naabutan kong magkaaway na naman ang dalawa sa upuan namin.

"CONGRATULATIONS MAGI!" nawala sa dalawa kong kaibigan ang atensyon ko at nalipat sa mga kaklase kong sinalubong pa ko ng confetti nila at ibinalandra pa talaga yung banner na ginamit nilang pancheer sa akin kahapon.

Ano ba 'tong mga 'to???!

Masyado silang supportive. Para tuloy gusto ko na namang maiyak.

"Salamat sa inyo, salamat sa mga suporta niyo." natutuwang sabi ko sa kanila.

Kung hindi naman kasi dahil sa walang sawa nilang suporta eh baka hindi ako ganahang kumanta ng bongga kahapon eh.

"Worth it naman yung pagkapaos namin. Ginalingan mo naman!" sabi ni Mica na halata nga sa boses niya na napaos nga siya kasi isa siya sa todo kung makasigaw sa akin kahapon eh. I mean makasuporta. Sila ni Krystal.

"Yeah, ang galing galing mo talaga kahapon. Deserve mo talaga na ikaw ang nanalo." sabi naman ni Krystal na paos din ang boses.

"Sulit na sulit yung magdamag kong paglettering sa banner!" natatawa namang sabi ni Samantha.

Natawa din ako kasi paano ba namang hindi? Halatang gamit na gamit yung banner dahil na din sa itsura nito ngayon na akala mo mas marami pang pinagdaanan kaysa sa akin eh.

Pagkatapos din nung maikli nilang pagsorpresa sa akin ay dumiretsyo na ako agad sa upuan ko.

Hindi ko naman naiwasang mapalingon sa katapat kong upuan nang mapansing walang laman yun.

Bakit wala yata ang DEI ngayon?'

"Mahal ako ng mama ko! Ikaw ba? Mahal ka ba n'yang ka MU mo??!" naagaw ang pansin ko nang marinig ang sinabi ni Delancy.

Hay nako.

Hindi pa din pala sila tapos mag-away.

"Sige pa, Delancy! Ipagduldulan mo pa na hindi ako mahal nitong panget kong ka MU! Alam mo inggit ka na naman sa akin eh kaya talak ka na naman ng talak!"

"Ano na naman bang pinag-aawayan niyo?" hindi ko na napigilan at nagtanong na sa kanilang dalawa.

"Heart-broken ako, Magi eh tapos sinabayan ba nitong salbaheng si Delancy! Talagang nang-aasar eh!

Hindi na talaga ako natutuwa sa kaniya, baka ipasundo ko na 'to mamaya sa demonyo!"

"Gaga! Ikaw ang susunduin non palibhasa kayo magkamukha! At.. Magkaugali pa!"

"Teka nga! Ano ba kasing nangyari?" tanong ko kasi ba naman, halo-halo ang topic eh!

Tinatanong ko lang kung anong pinag-aawayan nila tapos napunta sa demonyo ang usapan!

"Ayun nga, heart-broken daw siya.. Kailan ba hindi?? Aysus! Kasi nga yung bago niyang ka MU eh napakabait daw masyado kaya ayun, ghinost niya daw kasi ayaw daw niya sa masyadong mabait na lalaki.

Parang baliw nga eh, siya na nga nang ghost, siya pa ang nasaktan!" paliwanag sa akin ni Delancy.

"Bakit naman kasi choosy ka pa?" natatawang taong ko kay Julia at aba???! Inirapan lang ako!

"Sorry naman ha?!" sagot ni Julia at aba ha? Siya pa ngayon ang galit? "Hindi ko kasi talaga trip kapag seryoso at mabait yung guy.. Gusto ko yung gago. Tapos maggagaguhan kami ganon."

Sabay namin siyang tinalikuran ni Delancy; si Delancy na nagkunwaring nagdodrawing at ako naman na kunwaring nagcecellphone.

"Ang kakapal naman ng mukha niyo na talikuran ako?! Balik!" aniya saka kami pilit pinaharap sa kaniya.

"Kasi naman Julia, minsan ang sarap mong sapakin. I mean, alam mo yun? Para lang matauhan ka at magseryoso ka na sa buhay mo?"

"Hindi ba ako seryoso sa buhay ko?" maang-maangan niya.

Mukhang namatayan din yata siya ng isang brain cell.

"Ang ibig lang sabihin ni Magi ay maging seryoso ka na sa mga nagiging karelasyon mo! Tama na ang laro, Julia! Hindi ka na bata, okay? Kasi kung patuloy kang magiging ganyan, ikaw din ang masasaktan sa dulo." at sinang-ayunan ko naman ang sinabi ni Delancy.

"May tamang panahon para maging seryoso. May tamang panahon para pumasok sa isang seryosong relasyon at alam kong hindi pa ito yung tamang oras para dyan kaya ine-enjoy ko muna na makipaglaro at makipaglokohan sa mga lalaki na kagaya kong gago.

Masama bang enjoy-in ang gantong buhay at mag explore habang hindi pa naman dumadating yung tamang panahon kung saan may mabibigat na responsibilidad na tayong kailangang gawin?

Alam niyo kasi, magkakaiba ng perspective ang tao. Kung para sa akin eh nag-e-enjoy ako sa ganto, malamang yung iba; sa paningin nila eh hindi yun maganda at tamang gawin. Kaya ang maipapayo ko lang, wag niyong pakialaman ang buhay ng iba kung may sarili naman kayong buhay na mas kailangang pagtuunan ng pansin."

"Julia--"

"Tama na 'to! Masyado ng seryoso ang pinag-uusapan natin. Alam niyo minsan hindi talaga healthy na palaging seryoso ang mga tinotopic niyo!" galit niyang sabi saka tumingin kay Delancy. "Ikaw pasimuno nito, Delancy eh! Kung maldita lang talaga ako, baka nakalbo na talaga kita!"

"Wow? Ano ba tingin mo sa sarili mo? Anghel ka?" sagot naman ni Delancy saka hinimas-himas pa ang baba nito. "Ahh.. Anghel nga may sungay naman."

"Nanghahamon ka ba, Delancy? Baka gusto mong ilaglag kita kay Warren?" nakangising sabi naman ni Julia at ito namang si Delancy eh tila nabahag ang buntot.

Pfft.

Takot pa din siyang umamin.

"Bakit naman kasi ayaw mong umamin sa kaniya? Wala naman akong nakikitang masama sa pag-amin." sabi ko naman.

"Hindi pa ako ready na masaktan ulit." sagot naman ni Delancy at kitang-kita ko sa mata niya yung lungkot na nararamdaman niya ngayon. "Natatakot akong masaktan ulit. Natatakot ako na baka mabigo na naman ako. Natatakot ako na baka kagaya ni Dylan eh may iba na pala siyang gusto na babae."

"Eto na naman tayo sa drama--"

Tinakpan ko ang bibig ni Julia dahil sasabat na lang siya eh yun pang wala namang kwenta ang sasabihin niya.

"Alam kong wala ako sa posisyon na sabihin 'to kasi ako mismo sa sarili ko, takot din ako. Duwag din; takot masaktan kagaya mo.

Pero bigla kong naalala na may nakapagsabi sa akin na oo, lahat tayo ay mayroong kinatatakutan pero hindi makakatulong sayo kung palagi mo yung paiiralin at hahayaang makain ng takot na yun ang buo mong pagkatao.

Nakakatakot talaga na masaktan pero kung iisipin mo, kaya naman tayo nasasaktan ay para matuto at hindi para maging tanga lang lalo diba? Magbebenefit ka pa nga eh kasi dahil sa pain na yun eh mas magiging matibay ang pundasyon mo at ito ay magiging motivation mo to change to a better person."

"Lerisse be like: KAILANGAN MONG MASAKTAN PARA MATUTO KA! PARA HINDI KA NA MAGING TANGA!!! With tatlong exclamation point para damang-dama." sabi naman ni Julia habang natatawa.

Gaga talaga, lakas-lakas ng boses niya! Mamaya marinig siya ni Lerisse eh nakooo! Baka abangan pa kami ng tatlo niyang musketeers mamaya sa gate kung nagkataon.

"Basta! Dadating naman yung time na makakaamin na din ako kay Warren eh at alam kong hindi pa ito yung oras na yun." sabi ni Delancy.

Pagkatapos din ng chikahan namin na yun ay saktong alas otso na ng umaga kaya naman dumating na ang prof namin sa araw na ito.

Kaya lang nandito na yung prof pero sina Dylan, Eli at Israel eh wala pa din hanggang ngayon?

Hayy..

Baka hindi nalang sila pumasok dahil tinamad.

Kasi naman, sino bang hindi tatamarin pumasok ngayong araw eh isang subject lang ang papasukan namin ngayong araw kasi nga sabado ngayon..

Art appreciation lang ang subject namin pero tatlong oras yun.. Pero kahit na, nakakatamad pa din talagang pasukan kasi after nitong subject eh uwian na agad!

Hindi naman sa aral na aral ako ah pero nakukuha niyo ba yung point ko??

Basta yun na yon!

At mabalik tayo sa klase..

Kasalukuyang dinidiscuss ng prof namin yung about sa self-portrait na pinagawa niya sa amin noong nakaraan..

"Self-portrait is used to distinguish between the object depicted in a painting and the artist' way of seeing the medium of painting and does not necessarily abide by the laws of reality. "

BLABLABLABLABLABLA

At marami pang iba.

Sorry na, sinumpong kasi ako ng katamaran ngayon kaya tinamad akong makinig sa discussion.

Hayyyy.

Imbes kasi na natutulog ako ngayon eh eto, nag-aaral ako. Nakakainis talaga! Antok na antok ako!

"The most famous self-portrait artists are: Frieda Kahlo, Vincent Van Gogh, Rembrandt, Andy Warhol, David Hockney, Lucian Freud, Gustave Courbet, Leonardo Da Vinci, Albrecht Durer, and Claude Monet.

Now, I want you to do a research with this ten famous artist. About their backgrounds, how they start their career, etc. To be passed on our next meeting and don't forget our format.. Arial 12, Normal margin, 1.5 spacing and NO COPY PASTE. Describe their backgrounds in your OWN words. Good bye."

Parang imposible naman yata ang pinapagawa niya?

Hays.

Bahala na, si Delancy naman ang gagawa niyan kaya diskarte na ng aming Delancy yan.

Kaya lang syempre, kailangan magbigay din naman kami kahit papaano ng konting idea. Hindi naman yata pwede na si Delancy na nga ang magtatype tapos kay Delancy pa namin iaasa lahat, as in yung lalamanin ng buong document.

Ako kasi kahit papaano ay nagbibigay ako ng idea kung anong ilalagay niya sa mga ganung assignment namin pero kasi itong si Julia eh hindi. Palibhasa makapal mukha!

So dahil ngayon na dinismiss na kami kahit 30 mins pa ang natitira sa time eh lumabas na din kami nila Julia.

Nagpaalam sila ni Delancy na dadaan daw silang library at sinabihan nilang mauna na daw ako sa kanilang umuwi.

Bilang antok na antok na ako at gusto ko ng umuwi ay sinunod ko na lang din sila at nauna na sa kanila.

Nakakapagtaka nga dahil hindi nila pinag-awayan sa harap ko ang mga manok nilang si Dylan at Eli? Nakakapagtaka talaga.

"Hi, Magi." sabi ni Alec na nakasalubong ko habang pababa ako ng hagdan.

Magkasama sila ng nakabusangot na mukha ni Yuwi.

"Hello."

"Wag na tayong mag paligoy-ligoy pa, bro." sabi ni Yuwi kay Alec na pinagtaka ko naman..

Anong ibig niyang sabihin?

"Hindi ka naman siguro atat, Yuwi?" sabi ni Alec kay Yuwi pero hindi siya pinansin nito at nanatiling nasa akin ang titig.

Char. Tingin lang.

"Magi--"

Naputol sa sasabihin si Yuwi nang biglang takpan ni Alec ang bibig niya.

"Wag mo nalang siyang pansinin." sabi ni Alec saka ako hinawakan sa braso ko.

Luh?

Wag kang ganyan, Alec! Baka ikaw ang sagutin ko imbes na isa kina Eli at Dylan!

"Saglit lang Alec, naging tanga ka na naman eh." pigil naman sa kaniya ni Yuwi nang akmang aalis na kami saka niya nilabas yung panyo at inabot yun kay Alec.

"Oo nga pala." sabi ni Alec saka kinuha kay Yuwi ang panyo at itinali ito para takpan ang mga mata ko.

Hala?

Ano bang meron? Bakit may papiring pa silang nalalaman?!

"Wag mo ng isipin pa na pumalag, Magi at baka binubugbog kita dyan." kahit nakatakip ang mga mata ko ay inirapan ko si Yuwi sa sinabi niya.

Napakasalbahe kasi eh!

Hindi naman ako pumapalag ah!

At ayun nga, naramdaman kong naglalakad na kami habang nakaalalay sa magkabila kong kamay sina Yuwi at Alec.

Saan kaya ako dadalhin ng mga 'to?

Mayamaya lang din ay naramdaman ko ang paghinto namin at ang pagluwag ng mga kapit nila sa akin.

"Ano ng gagawin ko?" tanong ko pero walang sumasagot sa akin. "Nasaan na kayo? Bakit niyo ako iniwan?! Mga bastos!" hindi ko na naiwasang mainis.

Nang wala pa din akong naririnig na sagot ay hindi ko na napigilang tanggalin ang pagkakatali ng panyo sa mukha ko.

Nang imulat ko ang mga mata ko ay laking gulat ko na nandito pala ako ngayon sa kubo at ang mas lalong ikinagulat ko ay nang makita ko si Eli na nakaluhod sa harapan ko.

"Will you be my DUO?" aniya saka iniabot sa akin ang isang..

(LOOK UP MGA BEBE GORL, NASA TAAS PIC)

Isang chocolate na may nakasulat na DUO?

Tangina naman nitong si Eli, napaka effort!

At ngayon lang din ako natauhan na ngayon nga pala ang napagkasunduang date kunno namin.

Naalala kong siya nga pala ang nakaschedule ngayon kaya siguro hindi siya pumasok sa klase kanina.

"Pwede bang tumanggi?" nang aasar kong sabi. "Joke lang, okay lang naman."

Agad siyang tumayo sa pagkakaluhod niya..

"Naalala mo pa, dito tayo unang nagkausap. Down na down pa nga ko nung time na yun tapos sayo ko pa nasabi na wala akong confidence sa pagkanta pero salamat, dahil sayo ay nagkaroon ako ng kumpyansa na kumanta sa maraming tao.

Sana lang yung mga memores natin dito na magkasama ay hindi mawala, kundi sana madagdagan pa."

Dahil sa mga sinasabi niya ay hindi ko na naman maiwasang kiligin.

Jusko naman kasi si Eli, ang galing niya magpakilig ng babae. Wala sa itsura ha?

"Oo naman." sagot ko nalang.

Bigla naman niya akong hinatak patungong gate at lumapit kami sa isang itim na motor na nakaparada sa gilid at..

"Sakay na, Magi." aniya at ibinibigay sa akin ang helmet at pinapasuot.

Hala shit! Hindi ako marunong umangkas sa motor!

"Magtiwala ka lang sa akin, hindi ka mahuhulog. Kung mahuhulog ka man, sisiguraduhin kong sa akin ka mahuhulog at hindi sa kalsada."

Osya, kinikilig na naman ako kasi bumanat na naman siya kaya para hindi niya mapansin na kinikilig ako eh sinuot ko na kaagad yung helmet na binigay niya at sumakay na sa motor.

Medyo may kataasan ang motor niya kaya medyo nalula ako at nakaramdam ako bigla ng kaba.

Kasi naman, ito ang first time ko na makakasakay ako ng motor tapos ganito pa kataas!

"Humawak ka." sabi niya kaya naman agad akong humawak sa hawakan sa likod na inuupuan ko nang bigla siyang magsalitang muli. "Sa akin ka kako kumapit hindi diyan." natatawa niyang sabi.

Bullsyet ka!

Ang engot naman, Magi!

So ayon, humawak naman ako sa balikat niya at inaasahan kong aandar na siya nang bigla niyang hinawakan ang dalawa kong kamay at pinakapit yun dun sa tiyan niya..

Shit! Ramdam ko yung tigas, I mean yung abs!

HOLY MARY!!!!!!!!! SIYA BA ANG FATHER OF THE ABS??

Aysh! Iniling-iling ko ang ulo ko at pinilit ang sarili na magfocus sa daan. Yun bang kunware hindi nasasarapan sa pwesto pero ang totoo--

Tama na! Masyado ng lumalalim ang imagination ko!

Mayamaya lang din ay inihinto niya na ang motor niya kaya naman bumaba na ako sa motor at hinubad ang suot kong helmet.

Nandito kami ngayon sa Creston College; hindi naman gaanong kalayuan ito sa campus namin kaya nakarating kami dito agad.

At nandito kami ngayon sa oval ng Creston.

"Bakit tayo nandito?" nagtataka kong tanong kay Eli.

"Let's have fun at sumali tayo sa color run nila." nakangiti niyang sabi saka hinawakan ang kamay ko at sinalubong namin yung mga estudyanteng tumatakbo habang punong-puno ng colored powder ang buong katawan nila.

Malaki kasi itong oval ng Creston kaya may lima yatang station ang nakaantabay at sila yung mga naghahagis ng colored powder para paliguan yung mga kasali dito sa color run.

'So magdudumi pala kami dito?'

Pero di bale na, nandito na rin lang kami kaya nakisali na kaming tumakbo dun sa mga estudyante.

Mabuti na lang talaga at hindi mahigpit ang Creston kasi kahit hindi taga campus nila eh pinapapasok nila sa school nila at pinapasali sa mga ganito.

"WOOOOOAHHHHHHH!" nagulat naman ako sa biglang pagsigaw ni Eli na katabi ko.

Halata sa mukha niya na nag e-enjoy siya.

"MORE COLORED POWDER!!!!!!!!" dugtong niya pa.

Baliw talaga! Punong-puno na nga ng colored powder ang damit ko eh saka mukha tapos gusto niya pa?

Mayamaya, nang mapagod, ay huminto muna kami ni Eli sa isang station saka namahiga muna.

Impernes kahit pa jogging lang yung ginawa naming pagtakbo ay napagod ako dun ng bongga.

Hayyyyy!

"Oh." sabi ni Eli saka binigay sa akin yung kinuha niyang colored powder sa katabing sako na kinaroroonan namin.

Hala? Hindi kaya siya pagalitan nyan?

"I want this date to be colorful so.." hindi niya na tinapos ang sasabihin niya nang pahiran niya ako sa mukha nung hawak niyang colored powder.

Tinawanan niya naman ako at bilang hindi ako basta basta nagpapatalo ay kumuha din ako ng colored powder at hinagisan siya sa damit.

Grabe..

Ang dungis na naming dalawa!

"I want to see more of that smile, Magi." nakangiti niyang sabi dahilan para kumalma ako kasi sa totoo lang eh yung tawa ko parang wala ng bukas.

"Pagmasdan mo ako from head to toe." utos niya kaya naman ginawa ko yun bilang masunurin ako. "Kagaya ng itsura ko ngayon, ganyan ka colorful ang buhay ko nung makilala kita.

Back then, ang alam ko lang na kulay ay itim pero dahil nakilala kita.. Dun ko nalaman na may red, blue, pink, yellow, green at marami pa palang kulay ang nag-e-exist. Akala ko habang buhay akong magtatago sa dilim pero salamat sayo, binigyan mo ng kulay ang blankong papel ng buhay ko."

Hindi ko alam ang isasagot ko sa kaniya kaya imbes na magsalita ay nginitian ko na lang siya.

Siguro ay sapat na ang ngiting yun para iparating sa kaniya ang YOU'RE WELCOME kong mensahe.

-

Mabuti nalang at may libreng pa tshirt at pants itong Creston kaya after ng color run ay naligo muna kami ng bahagya ni Eli saka nagpalit ng damit.

Oo, bahagya lang yung ligo kasi wala silang libreng sabon at shampoo.

Basta ang mahalaga naman ay maalis sa katawan namin yung kulay na kumapit, okay na yun.

Nang matapos makapaglinis ay nag barbecue date kami ni Eli..

Nasa tabi lang halos nitong Creston kaya hindi na kami sumakay sa motor niyang nakakatakot.

"Wala kasi akong budget pang restaurant or food chain man lang kasi next month ko pa makukuha allowance ko eh, pasensya na ha?"

"Ayos lang." sabi ko saka isinawsaw yung isaw sa suka. "Salamat nga kasi dahil dito mo ako dinala eh natikman ko itong isaw na sa tingin ko nung una ay hindi masarap at nakakadiri  talaga siyang kainin pero nung tinikman ko eh masarap naman pala talaga ito."

Natawa naman siya nang bahagya sa sinabi ko.

Pero hindi ko lang maiwasang mapansin na ang cute pala lalo ni Eli kapag tumatawa. Mas lalo siyang naging gwapo sa paningin ko.

"Grabe ka makatitig, Magi. Parang gusto mo na yata akong iuwi ah?"

"Pwede ba?"

Kita kong natigilan siya dun kaya naman ako naman ngayon ang tumawa.

"Gusto din."

"Yung tagalog ng profit, idugtong mo dun sa 'Gusto din' na sinabi mo." nagtataka ko naman siyang tinignan.

Pero dahil wala akong idea sa sinasabi niya ay sinunod ko nalang ang sinabi niya bilang masunurin akong aso.

"Gusto din kita?"

Ay teka? Mukhang naisahan niya ako!

"Ayieeee.. Recorded yan." aniya saka ipinakita sa akin ang cellphone niya. "Iinggitin ko talaga si Dylan saka syempre, palagi kong ipeplay 'to bago matulog para laging maganda ang mapanaginipan ko."

E-eh?

Hindi nalang ako nagsalita dahil hindi ko din naman alam kung ano ang sasabihin ko sa kaniya.

Nagpatuloy nalang ako sa pagkain kahit na todo asar pa din siya.

Kakayamot!

-

Bandang alas sais ng gabi nang matapos kami sa pagkain ng barbecue kaya naman akala ko eh uuwi na kami ni Eli kaya lang nagkamali ako..

Bumalik kami sa loob ng Creston dahil may kung anong kaganapan ang nangyayari sa loob.

"Every month of September ay may pa Lantern Festival talaga sila." aniya saka hinawakan ang kamay ko at dinala sa parang bilihan ng lantern. "Mahal kasi ang isa nito kaya isa nalang ang bibilhin ko ah?" nahihiyang bulong niya sa akin kaya naman tinanguan ko siya bilang sagot.

Nang makuha yung lantern ay inabutan kami nung nagbebenta ng lantern ng tag-isang marker para sulatan yung lantern na hawak namin.

So....

Ano naman kayang isusulat ko dito?

Sana maging maayos na ang lahat. Sana maibigaay na sa akin ni mommy yung pagtanggap at pagmamahal na gusto ko mula sa kaniya.

Sana bigyan Niyo ako ng magandang future.

At sana.. Sana tama ang maging desisyon na gagawin ko.

Dahil magkabilang gilid ang sinulatan namin ay alam kong hindi nakita ni Eli yung sinulat ko, at ayoko ding mabasa niya.

Nang mapansin kong tapos na din siya sa pagsusulat ay agad niyang sinindihan yung parang gasera sa loob ng lantern para lumipad ito.

"Pumikit ka at hilingin mo ulit yung sinulat mo."

Pansin ko lang na panay siya utos sa akin ha????!

Pero ginawa ko nalang din ang sinabi niya. Pumikit ako at inulit sa isip ko yung mga isinulat ko sa lantern.

Mayamaya lang din ay dahan-dahan na naming binitawan ang lantern at hinayaang lumipad habang nanatiling nakapikit ang aming mga mata..

Ilang segundo ang lumipas ay walang nagsasalita sa aming dalawa kaya naman idinilat ko na ang mga mata ko nang biglang..

Bigla kong namalayan na sobrang lapit na ng mukha ni Eli sa mukha ko..

"Sa wakas.. Napagmasdan ko na din ang pinapangarap kong tala sa malapitan."