Chereads / Near The Window / Chapter 9 - Kabanata 9

Chapter 9 - Kabanata 9

"TAO PO! Tao po!" 

Tinatamad pa siyang bumangon nang maulinigan ang tawag mula sa labas. Maliwanag na talaga at dapat nasa eskuwela na siya kaya lang dahil sa nangyaring hiwalayan nila ni Valeria ay parang gusto niya munang magluksa nang ilang araw.

"Tao po! Nandiyan ka ba, Shoti? Tao po!"

Nang marinig ulit ang boses ay nagmadali na siyang magsuot ng tsinelas para harapin iyon. Ilang hakbang din bago niya narating ang gate at nabungaran ang isang ale.

"Sulat iyan galing sa tatay mo. Noong isang linggo pa ito dumating kaso hindi naman kita mahagilap. Mabuti na lang at may nakapagsabing umuwi ka raw kagabi," mahabang sabi nito sabay abot sa kanya ng isang sobreng puti.

"Salamat po..." hindi na niya naituloy dahil tinalikuran na siya nito. Halatang iyon lang talaga ang sadya.

Pagkasara ng gate ay sabik siyang bumalik sa sariling silid upang buksan iyon. Nasorpresa pa nang hindi lang sulat kundi may pera ring kasama.

Shoti, 

Ni hao! Kumusta ka, 'Nak? Ibinalita na sa akin ni Mrs. Chua ang totoong nangyari at ginawan ko na ng paraan. Hindi ka naman ba nahihirapang mag-isa? Matagal akong hindi nagparamdam dahil sa maraming dahilan. Nalugi ang negosyo ng Angkong mo kaya pansamantalang ipinasara.

Iyang pera ay pagkasyahin mo muna habang inaayos pa namin ang problema.

Hayaan mo...

Hindi na niya tinapos pang basahin ang nilalaman. Ang importante ay alam niyang hindi siya nito pinabayaan.

"Salamat, Tay! O, paano kailangan ko nang pumasok sa eskuwela. Ingat kayo riyan," nakangiti niyang pagkausap sa hawak na papel pagkatapos tinuping muli at ibinalik sa sobre.

BAGO makarating sa classroom ay may iilan siyang nakakasalubong. Isa na nga roon si Valeria pero parang wala itong nakitang nilagpasan siya. Subalit kahit nakalayo na ito ay naiwan naman ang halimuyak nitong isa sa minahal niya. Pasimple niya pa nga iyong sininghot pero mabilis nalukot ang mukha nang may ma-realize siya.

Hindi ka nga pala naging akin kahit kailan. Buntis ka na sa iba.

"Kapag wala ka buhay ko'y walang sigla..."

Masama ang tinging nilingon ang mga kaklaseng pinanggalingan ng kantang iyon.

"Mukhang broken na naman si Lim!" hula ng isang lalaking pumapangalawa kay Bobby sa galing.

"Nandito naman kasi ako," banat naman ni Bobby na kung saan kumuha ng lakas ng loob ay hindi niya alam.

"Ayiiieee!"

"Bobby! Bobby! Bobby!" cheer ng mga ito.

Tumayo nga ang namumulang si Bobby. Pinagtulungan pa itong itulak papunta sa kanya kaya pareho silang nabuwal. At kagaya nang hindi inaasahan, tumama ang labi nito sa labi niya pero saglit dahil may bumagsak na kung ano malapit sa kanila.

"Whartoner Lim!" malakas niyang sigaw sabay bitiw sa hawak na handbag.

Lahat ay napatanga sa kanya, ang iba ay napaatras pero tinuloy pa rin ang binabalak. Iyon ay hatakin palayo si Bobby sa ibabaw ni Whartoner dahil naiirita siya.

"L-Liu, nagkakamali ka," natatarantang paliwanag ni Bobby nang higpitan niya ang pagkakahawak dito. 

Hindi niya iyon pinansin bagkus binalingan niya nang masamang tingin si Whartoner.

"Bumangon ka riyan bago ko pa bugbugin ang kumag na 'to!" banta niyang dagliang nagpabangon sa lalaki.

"Oo na. Oo na. Heto na nga."

Noon lang pinakawalan ni Wang Ai si Bobby at siya naman ang hinatak nito palayo. Sa hallway kung saan ilang dipa ang layo sa mga iyon.

"Ano 'yon, Whartoner? Nawala lang ako saglit may kahalikan ka nang iba? Alam ba ito ni Valeria? Hindi ba nagbalikan na kayo noong araw na hinatid mo ako sa airport? Tapos ano?" mahina ngunit galit pa ring sabi ni Wang Ai.

Palaki nang palaki ang mata niya sa bawat binibitiwan nitong salita.

"Nakabubuwisit ka, alam mo ba? Ni hindi mo na nga ako itinuturing na kaibigan tapos magiging sweet ka pa kay Bobby. Ano ba kasi 'yon? Para saan?"

Napangiti na siyang nagsalita. "Ai, wala akong nobya. Iyong sa amin ni Bobby, napagtripan lang kami." 

"T-teka, anong--- sorry. Naging eskandaloso yata ako kanina samantalang--- shit! Nakakahiya! Ano ba 'yong ginawa ko? Kasalanan mo 'to," sabi nitong pahina nang pahina ang boses kaya natawa na siya.

"Ai, makinig ka..." sabi naman niyang hinawakan ito sa magkabilang pisngi pero ginalaw lang nito ang nguso pakaliwa at pagkatapos pakanan.

"I like you. Ibig kong sabihin dahil sa ginawa mo kanina... A, paano ba 'to?" dugtong niyang hindi masabi-sabi dahil baka mas lalo lang itong mainis.

"Sinasabi mo bang gusto mo na ako bilang kaibigan?" nakakunot-noo nang tanong ni Wang Ai.

"Hindi sa ganoon. Gusto kita sa ibang aspeto gaya ng--- basta gusto kita, Ai."

Nagpipigil ng tawang pinalobo ni Wang Ai ang pisngi at payukong sinubsob ang ulo sa dibdib ni Whartoner.

"Gusto rin kita."

Nanlaki na naman ang mata niya nang makarating sa pandinig ang sinabi nito. Hudyat para iangat niya ang mukha ni Wang Ai, mabilis isinandal sa pader saka maalab na hinalikan. Sandali lang siyang hihinto at huhulihin naman ang labi nito hanggang maramdaman niyang gumaganti na ito sa parehong paraan.

MAY ngiti sa mga labing bumalik sila ng classroom na hindi nakaligtas sa mga mapang-usisang mata ng mga kaklase.

"Huwag ninyong sabihing in love kayo?"

"Mismo," siya ang sumagot at inakbayan pa si Wang Ai.

Parang binagsakan ng langit at lupa ang mga kadalagahang naroon maliban kay Kimchi na lihim na napakuyom ng kamao.

"Dad! Bakit naman si Wang Ai pa? E, ayoko sa kanya!"

"Buo na ang desisyon ko, Kimchi! Wala kang karapatang suwayin ako."

"Stupid, engagement!" galit nitong hampas sa armchair saka tumayo at naiiyak na lumabas.

"Anong problema niya?" nagtatakang tanong ni Whartoner kay Wang Ai pero sinagot lang siya nito nang pabulong.

"She's my fiancee."

Sandali siyang nagulat pero muling nagsalita si Wang Ai.

"Last week ko lang nalaman."

"I see."

Naging tahimik si Whartoner sa buong period at sa mga sumunod pa. Iniisip niya kung ano nang mangyayari ngayong nagkaaminan na sila ng nararamdaman ni Wang Ai. Matutuloy pa rin kaya ang kasal nito kay Kimchi? Parang bigla niyang gustong maging makasarili. Gusto niyang magalit. Gusto niyang tutulan iyon. Natatakot siyang maiwan ulit.

Nang sumapit ang bakanteng oras, nagpaiwan lang siya. Ganoon din si Wang Ai na hindi niya sana kikibuin pero hindi niya natiis nang magsalita ito.

"May pakiramdam akong kontra rin si Kimchi kaya malamang hindi matutuloy ang mga napagkasundan."

May kagalakan sa puso niyang nilingon ang sinisinta. 

"Sure ka?"

"Trust me," seryosong sabi nitong umupo na sa gilid ng bintana.

"Ai..." 

"Hmmm?"

"Kung mahal mo ba ang taong ipinagkasundo sa 'yo, itutuloy mo?"

Nakangiti itong sinenyasan siyang lumapit at nang maabot na siya ay mahigpit na hinawakan ang kamay niya.

"Siyempre! Lalo na kung ikaw iyon?"

"Sira!"

Sa isang sulok naman, nagliwanag ang mukha ng kanina pa palang nakikinig na si Kimchi at patakbo ring umalis. Kung ano man ang pinaplano nito ay walang nakakaalam.