"FINALLY! Dumating na ang binata namin," salubong ng ama ni Wang Ai nang marating niya ang hapag kung saan naroon na ang kabilang partido.
Labag man sa loob ang mga nangyayari ay sinalubong pa rin niya ng yakap ang ama at ina.
"Hi Dad! Hi Ma!"
"On the way na raw si Kimchi. Mayamaya lang kumpleto na tayo," singit ng isang ginang na nahulaan niya agad kung sino.
"Hello po, Tita Rona!" magalang niyang bati at nakipagbeso.
"Ang bait na bata! Hindi kami nagkamaling ipagkasundo kayo ng anak ko," hirit pa ng ginang at saka hinawakan ang kamay ng katabing asawa. "Di ba, Sweetie?"
Tumango lang naman ang isa.
"Kanino pa ba magmamana? Kaya dapat lang silang magkakilala nang pormal. Naisip naming ang meeting na ito ang pinakamadaling paraan para naman hindi mabigla ang mga bata," pagbibida naman ni Mrs. Liu na sumulyap pa sa asawang abalang sa pagkain.
"Hindi na sana kayo nag-abala dahil wala ring patutunguhan 'to," mula sa likuran ay iritang sabi ng kadarating lang na si Kimchi.
"Oh, narito na rin si Shobe," magiliw namang imporma ni Mr. Tan pero pinanlakihan ng mata ang anak.
Padabog na lumapit si Kimchi papunta sa tabing upuan ni Wang Ai. Pasimple pang tinapik ang balikat ng binata at pagkatapos inilapit ang mukha rito.
"Usap tayo..."
Naguguluhang sumulyap si Wang Ai sa kanya.
"Bagay na bagay talaga kayo, Kimchi Rose at Wang Ai."
"Sa labas," madiing dugtong ni Kimchi na hindi inintindi ang tuksuhan.
"O-okay," ang tugong naging hudyat para hilahin siya ng dalaga papuntang balkonahe.
"Akala ko ba tutol ka sa ganito. Bakit nagagawa mo pang makipagmabutihan sa kanila? Liu, sabihin mo nga! Paano na si Whartoner? Akala ko ba kayo na," anang dalagang agad din siyang binitiwan na hindi na niya ikinagulat.
"Tutol naman talaga ako. Naghahanap lang ako ng tiyempo," malumanay niyang sabi.
"Ganito, magpapatulong ako kay Bobby o kahit kaninong kaklase natin para magpanggap na karelasyon ko," nabuhayang sabi ni Kimchi.
"Teka, teka! Gagawin mo iyon? Hindi kaya may ibang paraan pa?" hindi mapakaling bulalas niya.
"Basta para kay Whartoner kahit ano ay gagawin ko!" napalakas na sabi nito at pagkuwa'y mariing kumagat-labi.
Mangha siyang napatitig sa dalaga nang maintindihan iyon.
"Sabi na nga ba may gusto ka sa kanya."
"May gusto man ako sa kanya o wala, hindi na importante iyon, ang gusto ko lang ipaglaban mo siya dahil hindi iyon nagawa ni Valeria," pairap na sabi at humakbang na papunta sa nakaparadang kotseng pula.
Natauhan lang siya nang marinig na ang pagtunog ng makina niyon.
"Sandali! Ayokong maiwan dito," aniyang nagkumahog na tinungo rin ang sariling kotse.
"So, anong plano natin?" tanong ni Kimchi mula sa bukas nitong bintana dahilan para mahinto siya at saglit na napaisip.
"Tatakas?"
Doon lang nakangiting pinaandar ni Kimchi ang sasakyan. Ilang saglit pa ay nakasunod na siya rito.
KAKAIN. Magbubukas ng tv. Hihilata sa sofa. Titingin sa teleponong naroon sa tabi. Magbubuklat ng mga photo album. Kakain ulit tapos iidlip. Iyon ang paulit-ulit na ginagawa ni Whartoner para hindi mainip sa maghapong kakahintay kay Wang Ai.
Ngunit nakaligo na siya at madilim na rin sa labas, wala pa rin kahit anino nito. Doon na siya nagpasiyang kulit-kulitin ang abala sa kusina na si Manang Cely tungkol sa kung anu-ano hanggang sa hindi na nga niya natiis.
"Hindi pa po siya bumabalik. Hindi kaya mas pipiliin na lang niyang ikasal, Manang? Baka naisip niyang hindi niya pala ako ganoon kamahal---na babae pa rin talaga ang gusto niya."
"Think positive, hijo. Sigurado akong alam niya ang ginagawa," anang matandang naggigisa ng mga rekados para sa pinakbet.
"Pero dapat kanina pa siya narito," giit niyang humalukipkip.
"Hay naku! Tulungan mo na lang ako sa pagluluto ng hapunan para makakain na tayo. Kung anu-ano na kasi 'yang pumapasok sa kukote mo."
Walang imik siyang inabot ang mga gulay sa matanda pero panaka-naka ang silip sa main door mula sa transparent na pinto ng kusina.
Ilang minuto pa ay pareho silang nagitla sa pagtunog ng telepono sa sala.
"Ako na po ang sasagot," aniyang mabilis iyong tinakbo.
"Hello?"
"Wang Ai? Ikaw ba 'yan, Shoti? Si Mama ito. Nasaan ka? Bakit hindi ka nakarating? Huwag mo naman kaming ipahiya. Si Kimchi, kasama mo ba? Saan ba kayo nagpunta? Magsabi kayo. Huwag naman ganito. Please, anak... pumunta ka rito---"
"Akin na nga 'yan! Shoti, ang daddy mo 'to. Pumunta ka rito kasama si Kimchi kung ayaw mong tanggalan kita ng karapatan sa bahay na 'yan! Alam mong kaya ko 'yang gawin. Wang Ai, hello! Hello. Hello. Hel---"
Naibaba niya ang telepono sa narinig. Parang may kung anong pumipiga sa dibdib niya kahit hindi naman siya sigurado kung anong dapat isipin.
"Sino raw iyon, hijo?" alalang tanong ni Manang Cely.
"S-si Wang Ai wala raw ho sa engagement party."
"O, bakit ganyan ang mukha mo? Hindi ba dapat matuwa ka?"
"Manang, paano naman mangyayari 'yon? Pareho silang wala roon ni Kimchi. Hindi malayong nagtanan sila."
Ang pag-aalala sa mukha ni Manang Cely ay napalitan ng tawa kaya naman nagtaka siya.
"Ano pong nakakatawa, Manang?"
Umupo sa tabi niya ang nakatawa pa ring ginang saka siya inakbayan.
"Alam kong maloko minsan ang batang iyon pero nasisiguro kong hindi niya magagawang itanan si Kimchi. Maniwala ka sa akin, uuwi siya rito."
"Hindi ko lang po maiwasang magduda, Manang. Pasensiya na," aniyang nagyuko ng ulo pero kasabay niyon ang pagbukas ng main door.
"Nandito na ako! Hindi mo na kailangang magduda."
Nanlaki ang mga mata niyang sumulyap sa pinanggalingan niyon. Nang makita ang nakahalukipkip ngunit blankong mukha ni Wang Ai ay muli siyang bumalik sa pagyuko. Bigla kasi siyang nahiya sa mga nabitiwan niyang salita.
"Lagot! Narinig ng mokong," aniyang halos pabulong at mariing pumikit.
"Manang, maghain ka na po para sabay-sabay na tayong kumain," dinig niyang sabi nito. Sinabayan iyon ng mga yabag dahilan para sunud-sunod na kumalabog ang dibdib niya.
"Wharty..." tawag nito.
Naramdaman niyang hinawakan na ni Wang Ai ang baba niya.
"Hey!"
Nagmulat siya pero nagkunwaring galit.
"Bakit ang tagal mong bumalik? Bakit wala ka man lang pasabi na hindi ka pala matutuloy sa engagement party mo?"
"Magpalinis ako ng sasakyan. Nag-isip-isip na rin," anitong nasa boses ang pagod. Pasalampak ring umupo. "Ipagtatapat ko na sa kanila," buo ang loob na sabi pa.
"Ai..." aniyang inayos ang pagkakaupo paharap dito. Gusto niyang makita ang reaksiyon sa mukha ng minamahal. Isasantabi muna niya ang tampo dahil naisip niyang hindi iyon makakatulong sa ngayon.
"Alam ko sa mga oras na ito, papunta na sila. Handa na ako," nakangiting baling nito sa kanya.
Napayakap na lamang siya kay Wang Ai. Sa pamamagitan niyon ay maiparamdam man lang niya ang suporta. Handa na rin siya.
ORAS na nang pagtulog. Nasa higaan na rin sila nang marinig ang ugong ng sasakyan sa labas. Sabay silang napabangon. Tinungo ang bintana para dungawin iyon. Pareho pa silang nagkatinginan nang makitang pinagbubuksan iyon ng gate ni Manang Cely.
"Sila na 'yan," imporma ni Wang Ai at hinawakan nang mahigpit ang kamay ni Whartoner na noon ay namamawis na sa nerbiyos.
"Matutusta yata tayo nito," ani Whartoner na nagawa pang magbiro.
Ilang saglit lang ay natahimik sila nang makitang bumaba ang lalaki at babae roon.
"Magandang gabi ho, Mr. and Mrs. Liu!" pagbibigay-galang ni Manang Cely.
Galit ang unang mababasa sa mukha ng mag-asawa kaya imbes bumati pabalik ay nilagpasan lang ang kasambahay.
"Si Wang Ai ang pinunta namin, Cely. Kailangan namin siyang makausap," ani Mrs. Liu.
"Pero nagpapahinga na po si Shoti," anang matanda na mabilis sumunod para harangan ang dalawa.
"Wala akong pakialam! Gisingin mo siya. Masyado mong ini-spoil ang batang 'yan kaya lumaking suwail at walang paninindigan," giit ni Mr. Liu.
Biglang gumuhit ang sakit sa mukha ni Manang Cely pero agad nakaisip ng sasabihin.
"Magdahan-dahan naman po kayo sa pananalita. Siguradong may dahilan siya kung bakit nagkaganito."
"Ano namang dahilan? Isa pa, huwag mo akong sagut-sagutin diyan, ako pa rin ang nagpapasuweldo sa 'yo!" anitong dire-diretso nang naglakad papasok.
Inirapan muna ni Mrs. Liu ang kasambahay bago pakendeng-kendeng na sumunod sa asawa.
Nagpunas na lang ng luha ang kaawa-awang matanda. Hindi iyon nakaligtas sa paningin nina Wang Ai at Whartoner.