ANG tunog nang bawat pagbaon ng karayom ang mas nangibabaw sa silid na iyon. Tagaktak ang pawis ng karamihan kahit may aircon naman. May iilang nagbubulungan habang ang guro ay nakadukdok naman sa mesa. Nang tumunog ang timer nito ay saka lang umayos nang upo.
"Class, puwede nang lumabas ang tapos na."
Noon lang nabuhayan ang mga estudyante para bitiwan ang ginagawa.
"O, paano, mauna na ako. Good bye, class!" sabi pa ng guro.
"Good bye, Mrs. Tiangco!"
Pagkaalis lang ng guro ay naghanda na ang iba para umalis maliban kay Whartoner na abala pa rin.
"M-Magpapaiwan ka ba, Lim?" ang mahinang tanong mula kay Riley.
"Oo, e."
"Hmm... kung may time ka, gusto ko sanang..." ang salitang hindi natuloy dahil hinila na ito ng isang kaklase.
"Bakit kasi ang bagal mo? Kapag hindi tayo nakaabot sa libreng potato fries, lagot ka sa 'kin."
"Suna naman, e!"
Nagkatinginan na lang sila ni Wang Ai.
"Hindi ka pa rin tapos?" mamaya ay tanong nito.
"Parang gusto ko na ngang tapusin, nang matikman ang libreng potato fries na sinasabi nila," pabirong sabi niya.
"Ako, Wharty mayroon alam na pinakamadaling kainin kaso nakakaubos nang lakas."
Nanlaki ang mata niya nang matukoy iyon.
"Ai, huwag ngayon."
Humalakhak lang ang kasintahan pero nahinto nang pumasok ang umiiyak na si Hiroshi.
"Whartoner, buntis ako. Anong gagawin ko? Tulungan mo ako," humagulgol nang sabi at lumuhod na sa harap niya.
Dala nang pagkabigla ay hindi siya agad nakapagsalita.
"I guess, kailangan ninyo ng privacy," tumayo nang sabi ni Wang Ai.
Nang tuluyan nang makaalis ang kasintahan ay saka lang niya hinarap ang dalaga.
"Pasensiya na, Hiroshi," iyon lang at iniwan na ito habang ang nasa isip niya ay si Wang Ai lamang.
"LIM, kung hindi mo mahanap, sa rooftop ka pumunta!" imporma nang nakasalubong niyang si Bobby. Mukhang may ideya na ito kung bakit siya nagmamadali.
Iyon nga ang tinahak ng mga paa subalit ilang hakbang na lang ay may naulinigan siya.
"Ang mahalaga naman tayo lang ang nakakaalam kung sino ang totoong ama nito."
"Ilang buwan ba bago mahalata?"
Napalunok siya ng laway. Hindi siya puwedeng magkamali lalo na sa boses na alam niyang kilala ng puso niya.
"Hmmm... hindi ako sure, kasi mag-aapat na buwan na 'to pero hindi pa naman maumbok."
Kahit na pinanginginigan ng kalamnan ay pinili pa rin niyang humakbang papalapit sa mga ito. Ang babae ay nakasandal sa balikat ng lalaki, isang bagay na pumipiga nang paunti-unti sa puso niya pero kailangan niyang tumuloy dahil iyon naman talaga ang orihinal na plano.
"Gusto kong makita siyang lumabas, Val. Kahit iyon lang."
Hindi siya puwedeng dumepende lang sa mga haka-haka sa isipan. Kailangan niyang malaman ang totoo kung bakit nag-uusap ng ganoon ang mga ito. Pinilit pa niyang kalmahin ang sarili pero ayaw nang paawat ng kanyang bibig.
"Ginagago ninyo ba ako?"
Halos sabay na lumingon ang walang iba kundi sina Wang Ai at Valeria. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagkagulat sa mga ito.
"W-Wharty, may kailangan kang malaman," paninimula ni Wang Ai. Lumapit pa ito sa kanya kaya kahit gusto niya nang magalit ay naghintay siya.
"Huwag, Wang Ai!" natatarantang sabi ng pumagitnang si Valeria kaya bigla siyang nagtaka.
"Please, Valeria. Kung iniisip mo ang nararamdaman ko, isantabi mo dahil kailangan na niyang malaman ang totoo," pagsusumamo ni Wang Ai.
"Wang Ai, pinag-usapan na natin 'to, e."
Hindi na niya napigilan ang mainis sa dalawa. Wala kasi siyang maintindihan.
"Ano ba talagang nangyayari? Sabihin ninyo!" nahihiwagaan niyang sabi at bumaling sa kasintahan. "Ai, ano?"
Pero imbes na sumagot ay umalis na lang ito nang walang paalam. Napasabunot tuloy siya sa buhok at si Valeria naman ang binalingan.
"Valeria, ano ba kasi 'yon? Kanina lang gusto kong isipin na may malalim kayong pagkakaintindihan pero ngayon hindi ko na alam," aniyang litong-lito na.
"Bahala ka kung anong isipin mo sa amin, Whartoner pero wala akong sasabihin," pagmamatigas ng dalaga at nagmartsa na rin paalis.
Tinanaw na lang niya ito. Wala siyang balak sumunod. Ayaw na niyang mangulit sa isang bagay na ayaw ipagsabi. Nang mawala na sa paningin ay saka lang siya humiga sa konkretong upuan at pumikit.
"Aalis na si Valeria patungong China pero wala pa rin siyang sinasabi. Ni ayaw niyang malaman mo ang totoo. Kunsabagay kung ako lang ang masusunod ayoko ring sabihin. Unang-una, baka mawala ka sa akin, kaso hindi na kaya ng konsensiya ko."
Napamulat siya sa narining. Luminga sa paligid hanggang mahagip ang nakatalikod na si Wang Ai. Base sa pag-alog ng balikat nito ay alam niyang umiiyak ang kasintahan. Binalot na naman siya ng kuryusidad.
"Diretsuhin mo na lang ako, Wang Ai bago pa ako masiraan," aniya.
Humarap na ang lumuluhang binata. "Maghiwalay na tayo, Whartoner."
Napabangon siya at mabilis itong nilapitan.
"B-bakit? Anong dahilan?" usisa niyang naroon na ang nagbabadyang luha.
"Kasi kailangan ka ng mag-ina mo. Ikaw ang totoong ama ng bata."
Nang makuha niya ang ibig sabihin niyon ay doon na tuluyang pumatak ang luha. Hindi iyon ang inaasahan niya. Ayaw tanggapin ng sistema niya na kapalit ng pagiging tatay ay mawawalay naman siya kay Wang Ai.
"Wang Ai, bakit mo ba ito ginagawa?"
"Ito ang alam kong nararapat, Whartoner. Pakasalan mo si Valeria basta huwag lang si Hiroshi ha. Ayoko siya para sa 'yo, e."
Sunud-sunod ang pag-iling niya. "Wang Ai, please. Ayokong makasal dahil lang may pananagutan. Masaya na tayo, e. Kontento na ako sa 'yo. Wala akong gusto kundi ikaw lang. Minsan, mapaghinala ako pero kapag ipinaliwanag mo naman nang maayos, okay na ulit," aniyang hinaplos pa ang mukha ng katipan.
"Buo na ang desisyon ko. Huwag na nating gawing kumplikado dahil kahit sino ang tanungin alam nating talo ako."
Hindi siya sumagot. Mas pinili niyang tumakbo. Hindi na niya pinansin ang pagtawag sa kanya ng guwardiya. Tila ba naging bingi na siya. At tanging pagtakas na lang ang alam niyang kayang gawin. Baka sakaling kapag pinagod niya ang sarili ay mawala na ang nadaramang sakit.
Nang tumapat sa sariling bahay ay saka lang hinihingal na huminto. Bukas kasi ang gate pati ang tarangkahan. Marahan siya humakbang papasok. Kumuha ng isang bakal sa tabi para sa seguridad. Ngunit naibaba niya iyon na makita ang isang malaking maleta at ang nakaupong lalaki sa sofa.
"Wala bang welcome hug galing sa Shoti ko?"
"Tatay?" iyon lang at sinalubong na ng yakap ang ama.
"Kailan pa ho kayo bumalik?" masayang usisa niya. Bagaman hindi siya ganoon kalapit dito pero hindi niya puwedeng itago ang kagalakan.
"Teka, hindi mo ba natanggap ang sulat ko? Akala ko pa naman nabasa mo na ang nakalagay roon na isasama kita sa China kaya ako narito."
Napakamot siya sa batok nang bumitiw sa pagkakayakap sa tatay niya.
"Hindi ko tinapos basahin, e."
Tumawa lang ito nang mahina bago itinuro ang maleta. "Umpisahan mo nang mag-impake dahil mamayang gabi na ang alis natin."
At kagaya ng isang taong gusto munang makalimot ay walang pag-atubili niyang sinunod ang utos ng ama.