Chereads / Near The Window / Chapter 12 - Kabanata 12

Chapter 12 - Kabanata 12

"SHOTI! Buksan mo itong pinto. Huwag mo kaming pagtaguan ng Mama mo. Alam kong gising ka pa ng ganitong oras," katok ng ama niyang pinipilit maging kalmado.

"Anak, sige na. Sabihin mo sa amin ang problema. Puwede namang ipa-reschedule ang party kung hindi ka pa handa," parang maamong tupang sabi naman ng ina niya.

Nagtalukbong lang ng kumot si Wang Ai at nagtakip ng tainga.

"Ai, akala ko ba handa ka na," kalabit sa kanya ni Whartoner.

Natauhan siyang bumalikwas ng bangon at pagkuwa'y hinaplos ang mukha ng nakahigang binata.

"Wharty..."

"Hmm?"

"Puwede mo ba akong samahang harapin sila? Hindi ko 'to kayang mag-isa."

Nang tumango si Whartoner ay agad niyang tinulungang bumangon.

"Tara!"

Makailang ulit pang huminga nang malalim si Wang Ai bago pinihit ang seradura ng pinto.

PAGKALITO ang makikita sa mukha ng mga magulang niya nang makita siyang hawak ang kamay ni Whartoner.

"Dad, Ma... I'm gay."

Nailing ang mag-asawa. Ayaw tanggapin ng sistema nila ang narinig mula sa anak.

"Ano 'to, Shoti? Nagbibiro ka lang naman di ba? Ayaw mo ba kay Kimchi? Puwede ka naman naming hayaang pumili nang maiibigan mong babae. Huwag naman ganito," nagbabasakaling sabi ng ina na hinawakan pa siya sa balikat.

"Hindi, Ma. Ito ako. Lalaki ang gusto ko. Kagaya niya," paninindigan niyang tumingin saglit sa kasintahan bago bumaling sa ama. "Bakla ako, Dad..." aniya.

"Tigilan mo ako niyan, Wang Ai. Unico hijo kita, tagapagmana tapos magiging bakla ka? Paano mo ako mabibigyan niyan ng apo?" madiing sabi ng ama niya at saka tinignan nang masama si Whartoner. "Ikaw? Alam ba ito ng ama mo? Balita ko, isa lang siyang pipitsuging negosyante roon sa China. Baka naman ginagamit mo lang ang kahinaan ng anak ko para perahan siya lalo na ngayong naghihirap na kayo, Whartoner Lim," akusa nito.

Sunud-sunod ang pag-iling ni Whartoner. "Hindi ko ho magagawa ang mga 'yan kay Wang Ai dahil mahal ko siya kung sino siya at hindi dahil sa pera," sinserong turan niya sa kabila ng pang-iinsultong natamo.

"Palalagpasin ko ito, Wang Ai kahit wala na akong mukhang ihaharap sa pamilyang Tan. Siguraduhin mo lang na hindi ka magsisisi sa huli," may pinalidad sa boses ng ama saka hinila ang maybahay. "Umuwi na tayo, Hon."

Nag-flying kiss pa si Mrs. Liu sa anak at  nagpatianod na paalis doon.

Napakamot naman sa batok si Wang Ai. Akala niya kasi ay makakatikim siya nang malulupit na salita mula sa magulang.

"Okay na ba? Malaya na tayo?"

Sumulyap siyang nakangiti sa kasintahan at saka tumango. "Oo, Wharty. Malayo na tayong gawin ang anumang maibigan natin, Mahal ko," aniyang may kasamang paglalambing. 

Hindi na niya hinintay pang muli itong magsalita. Hinila na niya agad si Whartoner patungo sa silid kung saan unang nangyari ang matatamis na sandali.

NATAPOS na ang isang linggong bakasyon. Mga kaklaseng may hawak na report card ang bumungad sa kanila nang marating ang classroom. Ang iba ay nakasimangot, ang iba ay walang paglagyan ang mga saya.

"Kayong dalawa! Ipinapatawag kayo ng Guidance Councilor. Doon ninyo raw kunin ang report card ninyo," boses mula sa likuran nila.

Paglingon nila, ang nakahalukipkip na si Kimchi ang nakita nila. Bagong gupit. Sobrang iksi kaysa sa usual nitong buhok. Panay rin ang ngata nito ng chewing gum at dahil hindi iyon ang madalas nitong ginagawa ay pareho silang nagpalitan ng tingin.

"Bakit ang weird yata ninyo? Kayo lang ba ang puwedeng magladlad? Ako rin 'no!" pairap na sabi ng dalaga. 

Nanlaki ang mga mata nila. "Isang kang tom---"

Mabilis tinakpan ng dalaga ang bibig ng dalawa. Luminga muna sa paligid bago tumango.

"So, ngayon alam ninyo na puwede na kayong pumunta kay Mrs. Chua," anitong nakangising tinanggal ang pagkakatakip doon. Dire-diretso ring naglakad patungong upuan.

Tahimik lang ang magkasintahan habang naglalakad sa hallway. Bukod sa kung ano ang nakuhang marka ay ang ipinagtapat din ni Kimchi ang laman ng isip nila.

"Sabihin mong pareho tayo ng iniisip, Ai..." konsulta ni Whartoner dalawang hakbang bago ang Discipline Office.

"Sayang siya?" subok nito.

Hindi makapaniwalang sinilip ni Whartoner ang mukha ni Wang Ai.

"Seryoso ka?"

"I mean, sayang ang hair niya," anitong biglang pinatinis ang boses.

Napabungisngis siya dahil doon. "Bagay  pala sa 'yong magboses-babae. Parang gusto ko tuloy makita kang mahaba ang buhok. Ang ganda mo siguro kapag nangyari iyon," tukso niya.

"Whartoner Lim!" angil nitong bumalik na sa orihinal na boses.

"Sabi ko nga biro lang," pagsuko niya. Hinawakan na ang kamay nito para hilahin. May kailangan pa silang puntahan.

Nakakunot-noong ginang ang nabungaran nila. Halatang hindi maganda ang araw nito.

"Tumambay pa ba kayo kaya natagalan?" hula nito at pagkatapos may hinalungkat sa drawer.

"O, tignan ninyo! Ang baba ng nakuha ninyo this sem--- ikaw Whartoner, malaki pa naman expectation ko sa 'yo. Akala ko pa naman paghuhusayan mo na ngayong graduating ka na. Aba! Ikakahiya ko nang maging guardian mo kapag naging repeater ka," patuloy nitong pinalipad ang reprt card at nag-landing sa mukha ni Whartoner.

"O, Liu! Bakit dos ka lang sa Business Math? Sinasayang mo lang ang scholarship. Ano ba talaga ang inaatupag mo? Nakakahiyang maging auntie mo!" ngitngit na sabi pa at katulad ng ginawa kanina, pinalipad din nito ang report card sa mukha ni Wang Ai.

Napayuko na lang ang dalawa dahil sila naman itong mali.

"Sorry po..."

"Hindi sorry ang kailangan ko. Ang gusto ko paghusayan ninyo ang pag-aaral. Ang pag-ibig naman ay nakapaghihintay 'yan."

Nagkatinginan sila saka muling yumuko.

"Makakaasa ba ako?"

"Opo!" duet nila.

"Okay! Pumunta na kayo sa Sewing Class ni Mrs. Tiangco."

"Pero Mrs. Chua, hindi iyon ang major subject namin," reklamo nila pero nang tumingin nang masama ang ginang ay agad nila iyong dinugtungan. "Pupunta na po."

Nakangiwi silang naglakad paalis doon. Pagdating nila sa silid na inutos ni Mrs. Chua ay sabay silang nahinto at nagkatinginan nang makitang puro babae ang naroon.

"Ang kulit naman kasi ni Akoh Elaine. More on Math tayo pero pati pagtatahi gusto niya ring subukin natin? Anong akala niya?" protesta ni Wang Ai.

"Pero Ai, wala namang masama kung susubukan natin. Besides, hindi naman tayo lugi kasi ginawa na natin ito noon sa HELE," aniya sa tonong nangungumbinsi.

Masamang tingin ang ipinukol ni Wang Ai.

"Sige na nga!"

Magsasalita pa sana siya pero nilapitan na sila ng guro.

"Kayo na ba 'yong dalawang ABM Student na sinasabi ni Mrs. Chua?"

Napatango siyang tumingin kay Wang Ai.

"Kami nga po!"

"Oh! Okay. Ganito, nakikita ninyo ang dalawang bakante sa magkabila ni Riley?" anitong tinuro iyon. "Doon kayo pumuwesto at magtahi nang kahit anong maibigan ninyo. Is that clear?"

"Yes Ma'am!" tugon nila at pareho nang tumungo roon.

Pagkaupo nila ay noon lang yata namalayan ng dalaga na pinagigitnaan ito. Sumulyap ito kay Wang Ai at ganoon din sa kanya at pagkatapos ay namula ang magkabilang pisngi.

"K-kung kailangan ninyo ng tulong, magsabi kayo ha," nahihiyang sabi ni Riley.

"Sure!"ang mabilis niyang turan. Sumulyap pa siya kay Wang Ai pero tinaasan lang siya ng kamao. "I-ibig kong sabihin, marunong naman ako kahit paano kaya hindi na kailangan," aniyang hindi pa rin inaalis ang tingin sa kasintahan at pasimple pang ngumuso.

Napababa ng kamao si Wang Ai. Mabilis nag-iwas ng tingin pero hindi maitago ang mga ngiti.