Chereads / Near The Window / Chapter 14 - Kabanata 14

Chapter 14 - Kabanata 14

SAKAY ng eroplano hanggang pagbaba sa Beijing Airport ay walang ibang nasa isip niya kundi si Wang Ai. Kahit sabihin pa niyang kakalimutan na niya ito ay alam niyang imposible dahil sa puso niya ay naroon pa rin ang pag-asang magkakabalikan silang muli.

"Shoti, halika na. Bakit ka ba natitigilan diyan?" untag sa kanya ng amang nahinto sa paglalakad at pagkuwa'y sinipat ang oras sa suot na relo. "Mahaba pa ang gabi kaya bilisan mo na nang makapagpahinga pa tayo," dugtong nito nang hindi siya kumibo.

Noon naman siya napahakbang, hila ang maletang wala namang halos laman pero ewan pakiramdam niya kaybigat-bigat.

"May problema ba, 'nak?"

Umiling siya. Nahihiya siyang magkuwento sa ama. Hindi siya kasinglakas ni Wang Ai para ipagtapat kung anong nasa puso niya.

"Kapag ready ka na, magsabi ka..." anitong kumaway na sa paparating na taxi bago siya nilingon. "Nandito lang ang tatay."

Sa wikang Ingles nakipag-usap ang ama niya sa taxi driver para sabihin ang lokasyon ng pupuntahan nila pero nang bigla itong magsalita ng Mandarin ay ganoon na rin ang ginawa.

"Xièxiè," sabi naman niya nang tulungan siyang ilagay sa trunk ang magaang maleta.

At noon din ay matiwasay na silang nakasakay.

MGA bata ang agad na sumalubong sa kanila sa gate pa lang ng isang simpleng bahay. Gusto niya sanang magtanong sa ama pero mas pinili niyang huwag na lang.

"Wǎnshàng hǎo, Lim Lǎoshī!" bati ng mga ito at doon ay paunti-unti niyang naintindihan.

"Magandang gabi rin sa inyo, mga bata! Bakit gising pa kayo? Si Angkong Wally ninyo?"

Humagikhik ang mga ito nang inosente at umiling. "Lim Lǎoshī, hindi maintindihan."

Yumuko ang ama niya saka nginitian ang mga ito at isa-isang ginulo ang buhok.

"Hayaan ninyo, tuturuan ko pa kayo nang mas marami para kapag nag-migrate na kayo sa Pilipinas, hindi kayo kulelat," masiglang sabi at binalingan siya. "Siya ang magiging kuya ninyo, puwede kayo sa kanyang magpaturo," sabi nito kaya nagtatalon sa tuwa ang mga bata.

"Tay! Ayoko," protesta agad niya. Napaatras tuloy ang mga bata pero hindi niya babawiin ang nasabi. Hindi siya pumunta roon para maging babysitter.

Pabiling-biling siya sa higaang kutson na nilatag lang sa sahig. Hindi siya makatulog. Iniisip niya na naman si Wang Ai. May ibang bagay rin namang gumugulo sa kanya kagaya ng pagkadismaya sa mukha ng ama kaninang tinanggihan niya ang gusto nito. Bukod sa hindi siya mahilig sa bata, hindi rin niya alam kung paano magtuturo sa malumanay na paraan. Wala pa naman, nahihirapan na agad siya.

Sa muling pagtagilid ng higa ay ginapi na siya ng antok. Doon lang din nagpasiyang matulog na ang amang nagmamasid lang sa may pintuan.

KANTAHAN. Halakhakan ng mga bata ang pumukaw sa himbing niyang tulog. Ang iba ay nagtatakbuhan na. Maliwanag na rin sa labas. Wala siyang nagawa kundi bumangon dahil nag-aalburuto na rin ang tiyan niya sa gutom.

Nawala lang ang lahat ng iyon nang marinig ang nag-uusap sa sala. Pagsilip niya ay nakita ang ama at isang dayuhan ang naroon.

"... about his teaching skills in Filipino. It's a big help to pay the debt."

"I'm trying to convince him, Teacher Mcknight!"

Parang alam na niya ang pinag-uusapan ng mga ito kaya nilagpasan na niya. Pero hindi pa man siya nakalalayo, tinawag na siya ng ama.

"Shoti, halika!"

NASA Discipline Office si Wang Ai nang umagang iyon dahil pinatawag siya ni Mrs. Chua. Hindi sana niya ito pauunlakan dahil mas gusto niyang mapag-isa. Iyong malayo kay Whartoner para hindi ito mahirapang kalimutan siya.

"O, heto, tignan mo kung alin diyan ang sa 'yo," abot sa kanya ng medyo may kaliitang mga unan.

Tiningnan nga niya iyon isa-isa hanggang makita ang gawa niyang may burdang kabute. Gumuhit ang kirot sa dibdib niya nang maalala ang taong inspirasyon niya sa pagtahi niyon.

"Nakita ko na po," aniya at akma nang tatayo ang kaso nahagip ng paningin ang isa pa.

Window, ang pagkakabasa niya sa sinulid na ginamit pangdisenyo. Parang nahuhulaan na niya kung sino ang nasa likod ng obrang iyon. Isang kakaibang kiliti ang hatid sa kanya pero sinasabayan ng kirot kapag naalalang wala na sila.

"Huwag ka nang mahiyang kunin 'yan. Hindi na rin naman papasok pa ang batang iyon dahil kaaalis lang niyon kagabi kasama ang ama patungong China."

Nang mag-sink in sa utak niya ang sinabi ng Guidance Councilor ay napangiti siya nang mapait. Mukhang hindi na niya kailangang umiwas dahil ito na ang nagkusa.

"Salamat dito, Mrs. Chua. Iingatan ko po ito," paalam niyang kinuha na nga iyon at nagpasiya nang tumakbo pauwi.

Pagkapasok ng bahay, nilapag niya agad sa sofa ang dala-dala. Ang sumunod na ginawa, hinanap ang kasama sa bahay na walang iba kundi si Manang Cely. Nang maabutan itong abala sa kusina ay doon na nalaglag ang mga luha niya at mahigpit na napayakap sa likuran nito.

"Mama..." aniya at tila batang nagsusumbong.

Nahinto naman ang nagulat na si Manang Cely. "Masyado bang masakit para tawagin mo ako ng ganyan?" anitong nagtataka.

"Mama naman talaga kita. Sige na, Ma, saglit lang 'to, wala naman si Mommy rito. Gusto ko lang din yumakap sa 'yo," giit ng binata na noo'y humihikbi na.

"O, siya. Payag na, kahit ang totoo ay surrogate mother mo lang ako," pagtatama nito pero lalo lang humigpit ang yakap ni Wang Ai.

"Mama, pasensiya ka na kung ngayon lang ako naging ganito. Talagang kailangan ko nang kausap. Masakit, e."

Umiling ang matanda at tinanggal ang pagkakayakap ng anak saka ito hinarap upang punasan ang luha.

"Tahan na. Ibalik kita sa tiyan ko, e!" galit-galitan nito.

"Ma..." aniyang yumakap na naman sa ina.

"Ayokong nagkakaganyan ka kasi nasasaktan ang Mama. Tahan na kasi. Ipagluto kita ng mushroom soup bilang comfort food mo," malambing na sabi ng ginang.

Iyon nga ang naging pananghalian nilang mag-ina. Gumaan na rin ang pakiramdam niya dahil totoo ngang na-comfort siya nang mainit na sabaw mula roon.

"Ma, hindi ka ba nagsisising nawala sa 'yo ang ang kalayaan bilang dalaga? Hindi ka nakapag-asawa dahil sa akin."

Nahinto sa pagsubo ang ginang at ngumiti nang matamis. "Nang iluwal kita at pumayag ang mga magulang mong huwag kang ilayo sa akin ay mas nawalan ako ng dahilan na magsisi. Isa pa, tinatawag mo na akong Mama," masayang turan nito.

"Ma, hindi ko nasabi kay Whartoner ang totoo,"  aniyang malungkot na napayuko.

"Alam ko."