SA study room sila nagkaroon nang masinsinang pag-uusap na mag-ama. Ipinagtapat na sa kanya nito ang totoong dahilan kung bakit siya isinama ng China.
"Tuluyan nang nalugi ang negosyo ng Angkong mo kaya tinanggap ko ang offer na ito na magturo ng kahit dalawang lengguwahe sa mga bata. Sana pumayag ka nang maging tutor nila dahil pera naman ang kapalit nitong ipinapagawa ko sa 'yo," paninimula ng ama niya.
" Sige na, Anak, isang buwan lang naman tapos pupunta na rin sa Pilipinas ang mga 'yan. Ito lang din ang tanging paraan para kahit paano ay makabayad tayo ng utang..." pangungumbinsi pa nito at saka siya hinawakan sa balikat.
Tinimbang niya ang sitwasyon at alam niya sa sariling bibigay na siya sa hinihiling ng ama.
"Kapag natapos naman ito, puwede ka na rin bumalik sa pag-aral. Kahit anong kurso pa 'yan," dugtong pa.
Awa ang sumunod niyang naramdaman. Mukhang hindi na siya makakahindi.
"Pasensiya na, Apo kung naging pabigat ako."
Napasulyap siya sa nakisali na ring matandang nakaupo sa wheelchair. Maga ang paa nito at may malaking sugat doon.
"Pinipilit ko namang magpagaling. Nahihiya na ako sa inyo. Napunta lang lahat sa pagpapagamot ang lahat ng perang inipon ko. Kung malakas lang sana ako baka tumatakbo pa ngayon ang kaisa-isang kompanya ng mga laruang ipinatayo ko nang ilang taon."
"Pa, hindi mo kasalanan."
Umalog-alog ang balikat niyang tumakbo palabas doon hanggang dalhin siya sa likod-bahay na mayroong palaruan. Napapunas lang siya ng luha nang mapansing pinagtitinginan siya ng mga batang naroroon.
"Kuya Whar..."
"O-okay lang ako. Sige, mula bukas tuturuan ko na kayo rito mismo."
Sa sinabi niyang iyon ay napapalakpak na ang mga bata.
Basic na wikang Tagalog ang inumpisahan niyang ituro. Siya muna ang nagbabasa ng isinulat niyang pangungusap sa pisarang isinabit lang niya sa isang puno at sinasabayan naman iyon ng mga batang nakaupo sa damuhan. Kapag hindi naintindihan ay ita-translate niya sa wikang Mandarin o kaya Fukien, madalas ay Ingles.
Hindi naging ganoon kadali ang trabaho niya pero natuto naman siyang maging mahaba ang pasensiya. May tig-isang thumbs up pa siya mula sa ama at lolo niya habang pinapanood siya sa ginagawa kaya naman walang dahilan para hindi niya gustuhin ang pagtuturo.
Ilang araw pa ang lumipas at paunti-unti na silang nakakaahon. Hindi man umabot sa kalahati, ang mahalaga nakakabayad sila sa mga pinagkakautangan.
Samantala, si Wang Ai naman mas sinipagan pang pumasok sa eskuwelahan. Kapag bakanteng oras, makikitang tambay siya sa swimming pool. Minsan nasa Calligraphy Club o di kaya sa may bintanang sinulatan niya ng maliliit na salitang 'window of love' na hindi basta mababasa ng iba.
Kapag wala nang pagpipilian ay sa rooftop naman siya. Tila ba iyon lang ang tanging paraan para kahit paano ay makasama niya ang mga alaala nila Whartoner noong sila pa. Hanggang sumapit na nga ang araw ng pagtatapos. Iiwan man niya ang Senior High ngunit ang mga bakas ng pinagsamahan nila ay mananatili roon.
Nagpatuloy siya sa buhay. Ang sundin ang kagustuhan ng ama. Hindi sa paghahanap ng kaparehang babae kundi bilang pangalawang tagapangasiwa sa kompanya nilang WA Home Furnitures And Appliances. Gusto niya naging produktibo at kapaki-pakinabang na anak. Gusto niyang ibalik muli ang tiwala nito at patunayang mayroon siyang mararating. Kahit bakla siya.
"O, tapos na ba ang order slip ng Cheng-Tan Foam and Furnitures?" tanong ni Wang Ai sa isang empleyadong abala sa computer.
"Gagawin ko pa lang Sir."
"Bakit? Ayusin na ninyo agad dahil bayad na iyon. Ayokong may masabi ang business partner ni Dad," aniyang napahilot sa sentido. Hindi naman niya ugaling magsungit sadyang naging mabusisi lang siya lalo na kapag wala roon ang ama. Ayaw niya itong biguin.
Si Valeria naman ikinasal na kay Jared sa Shanghai, China. Nasunod ang traditional wedding na kagustuhan ng mga magulang nila.
Sa araw na iyon, kapansin-pansin na panay haplos niya sa manipis na tiyan at hahalikan lang siya sa pisngi ng asawa.
"It's okay. Puwede naman tayong gumawa ulit," pabulong na sabi ni Jared dahilan para mapasandal siya sa balikat nito.
Si Kimchi ay papalit-palit na lang lagi ng karelasyon mula nang magladlad ng totoong pagkatao. Hindi pa rin iyon matanggap ng mga magulang kaya kilos babae pa rin siya kapag family gatherings.
At si Hiroshi, itinakwil na ito ng sariling ina. Dala ang naitabing pera ay nagpasiyang tumungo sa Japan upang doon mamuhay nang tahimik kasama ng ipinagbubuntis na hindi sigurado kung sino ang totoong ama. Sa dami kasi ng lalaking dumaan sa buhay, mahirap sa kanya ang manghula. Pero may iisang tao ang sa naroon pa rin sa puso niya, na minsang nagparamdam na mahalaga siya.
LUMIPAS ANG APAT NA TAON...
Kalalabas lang ng nakaunipormeng pangguro na si Whartoner sa isang bookstore bitbit ang ipinamiling mga gamit-pambata. Ang iba roon ay panregalo niya sa pinakamahusay niyang estudyante.
Napapangiti siyang mag-isa dahil doon. Napawi lang nang may kumalabit sa kanya.
"Whartoner? Ikaw na ba 'yan? Kumusta?" sabi ng isang babaeng nalingunan niya. Saglit siyang napatitig hanggang maalala kung sino iyon.
"O! Ikaw pala 'yan, Valeria," casual niyang bati.
Tumingin ito sa kanya at saka sa dala-dala niya bago muling nagsalita. "Ang dami niyan a! Para sa anak mo?"
Nasamid siya sa huling sinabi nito. "H-hindi. Para ito sa estudyante ko..." aniyang hindi natuloy dahil biglang may sumulpot na batang babae sa hula niya ay isang nursery.
"Mommy! Mommy! Buy me, ice cream, please..." masayang sabi nitong kumapit sa hita ni Valeria kaya nahulaan na niya kung kanino iyong anak.
"No, baby. No more sweets," ani Valeria na malambing na niyuko ang anak bago siya binalingan. "Pasensiya na, medyo makulit, e. Gusto lagi matatamis."
"But I want ice cream!" kulit pa nito.
Natawa lang siyang pinagmasdan ang dalawa at habang ginagawa iyon ay mayroon siyang napagtanto. Kamukha ng bata ang isang taong minsan niya nang kinamuhian.
"Kayo pa rin pala ang nagkatuluyan," aniya upang agawin ang atensiyon ng dating nobya.
"Oo dahil wala namang dahilan para hindi ko siya piliin. Sinuyo niya ako nang sinuyo hanggang natutunan ko na rin siyang mahalin. Hindi nga lang kagaya... I mean," natatawang sagot nitong hindi natuloy dahil kinarga na ang anak.
"Anong nangyari roon sa..."
"Siguro ayaw talaga ng pagkakataon kaya binawi rin siya sa akin isang linggo bago ang kasal namin," sabi pa.
Nakuha niya ang ibig sabihin ni Valeria kaya siya napatango-tango pero sa kaibuturan ng puso niya ay naroon ang panghihinayang. Ang pakiramdam nang may anak, ang tawaging tatay ay pinangarap niya rin kasi minsan.
"Oh! Kailangan na naming umalis. May aaralin pa kami nitong anak ko," paalam nitong kinuha ang kamay ng anak para ipangkaway.
"Say goodbye, Jaja."
"Bye, bye, Teacher Lim!" sabi ng bata at matamis na ngumiti.
Saglit na natigilan si Valeria at ganoon din siya.
"So, ikaw pala ang Teacher Lim na cute at laging banggit-banggit ng anak ko nitong nakaraan," tila nanunukat na sabi nito.
"Hindi ko siya estudyante," ang maagap niyang sabi.
Umirap lang si Valeria at tuloy-tuloy nang naglakad paalis.
Ilang minuto pa, nawala na ang mag-ina sa paningin niya pero nanatili lang siyang nakatanga roon. May kumalabit lang sa kanya kaya nagpalinga-linga. Wala naman siyang nakitang tao sa likuran. Pailing-iling tuloy siyang umalis na lang at nagpasiya nang tumawid. Uuwi na siya.
"Wharty! Wǒ xiǎng nǐ!"
Napahinto siya sa pagtawid. Hindi siya puwedeng magkamali.
"Sabi ko, I miss you!"
Marahan siyang pumihit at anong gulat niya nang malamang tama siya.
"Ai..." ang walang halos tinig niyang sambit. Humakbang na rin siya papalapit. Nasasabik.
"Sorry kung natagalan. Nagtapos muna kasi ako ng pag-aaral para alam mo na... para payagan na nila akong gawin ang gusto ko. Sana puwede pa. Sana ako pa rin. Sana hindi totoo ang sinabi ni Dad na huwag na akong umasa dahil siguradong nakahanap ka na ng iba. Sana hindi pa ako huli."
"W-Wang Ai..." aniyang sinunggaban na ito ng yakap.
"I miss you too..."
Naramdaman niyang yumakap na rin si Wang Ai. Mahigpit. Parang wala silang pakialam sa paligid.
Nang umilaw na ng berde ang stoplight ay napibitiw sila at nagkatitigan. Saglit lang iyon dahil may bumisina ng sasakyan. Ang naging hudyat upang hilahin niya ang kasintahan papuntang ibang direksiyon. Kung saan iyon ay sila lang ang nakakaalam.
WAKAS...