SUMAPIT ang sembreak na tambay lang siya sa bahay ni Wang Ai. Kain. Tulog. Kuwentuhan lalo na sa gabi.
"Kumusta pala ang competition? Wala ka pang kinukuwento," tanong niya kay Wang Ai na nakadapa sa kama.
Abala ang lalaki sa paglalaro sa laptop.
Bumangon lang para halungkatin ang isang flat bag.
"O! Tignan mo na lang!" anitong inabot kay Whartoner ang certificate saka bumalik sa pagkakadapa at hinarap muli ang ginagawa.
"Whoa! Second place ka?" nasa tono niya ang paghanga.
"Hmmm..."
"Alam na ng magulang mo?" Dumapa rin siya at sinilip ang seryosong mukha ni Wang Ai.
"Hindi ka close sa kanila?" hula niya.
"Ikaw ba may ka-close sa inyo?" balik tanong naman nitong sumulyap sa kanya saglit.
Nahiga siya. Nag-aalangan kung anong dapat sabihin pero sa huli ay nagsalita rin, "Hindi ko alam kung mayroon ba. Hindi kasi showy ang nakalakihan kong pamilya," aniyang napangiwi saka siya tumingin kay Wang Ai na noon ay nakatitig sa kanya.
"Mga kulang na ba tayo nito sa aruga?" natatawang sabing tumabi na sa kanya.
"Ibig mong sabihin, wala ka rin ni isang ka-close? Paano kapag may problema ka? Ako kasi, mayroong Mrs. Chua na puwede kong konsultahin kung sakali," sunud-sunod niyang sabi.
"Mayroon din naman ako, si Manang Cely," nagmamalaking turan ni Wang Ai.
"Kaya swerte pa rin tayo," duet nilang tumatawa.
"Maiba ako, mahilig ka ba sa movies?" ani Wang Ai na tumagilid ng higa. Paharap iyon sa kanya kaya ganoon din ang ginawa niya.
"Bakit mo ako tinatanong?"
Natotorpeng nagkamot sa ulo si Wang Ai.
"Ai, bakit nga?" nahihiwagaang usisa na niya.
"Sagutin mo na lang kasi."
"Dati. Noong kami pa ni Valeria."
Nakasimangot na tumalikod si Wang Ai.
"Siya rin ba ang nakauna sa 'yo, Wharty?"
"Ai, ang mga tanong mo naman, e!"
"Sagutin mo na lang kasi," ulit na naman nito.
"Oo, lahat---kasi naman. Ai, naiilang na ako. Ayoko nang pag-usapan 'yon."
"Okay. Ganito na lang, gusto mo bang malaman kung sino ang first love ko?"
Maluwang ang pagkakangiti niya sa sobrang excitement. Bihira lang maging open si Wang Ai kaya hindi na niya pinatagal pa.
"At sino naman 'yan? Chic ba?"
"Si Valeria, wala nang iba pa," walang gatol na wika nito.
"Ha? Paano? Teka, huwag mong sabihing naging kayo nang hindi ko alam? Sino sa atin ang nauna sa buhay niya kung ganoon?" aniyang hindi maitago ang sama ng loob. Kung ano-ano na agad ang pumapasok sa isip niya.
Natatawa tuloy na bumangon si Wang Ai at kinubabawan si Whartoner.
"Ang bilis mong maghinala ha. Huwag ka nang mag-alala, hindi niya alam ang tungkol doon dahil hindi naging kami. Sapat nang hanggang tanaw lang ako sa kanya."
"Puwede na bang masabing first love mo siya nang hindi kayo nagkakausap man lang?"
"Oo nga pala, nagkausap na kami. Isang beses nga lang. Ako lang ang nag-iisa noon sa classroom nang lapitan niya ako. Gusto niya raw ng kausap pero hindi niya alam kung kanino lalapit. Malakas talaga ang tama ko sa kanya noon kaya sinamantala ko na ang pagkakataon. Sinabi ko sa kanyang puwede ako anytime. Noon din ay nagkuwento siya tungkol sa lalaking mahal niya pero malabo na siyang mapatawad pa," pagkukuwento nitong sinundan ng ngiti.
"Minahal mo nga siya," nakangiti nang pagsang-ayon ni Whartoner.
"Pero nagbago ang lahat nang makita kitang pumasok na gusot ang uniporme. Tawang-tawa ako noon sa 'yo pero mas pinili kong pigilan. Ewan basta, ang weird ng pakiramdam ko dahil gusto kitang makilala pa at makipagkaibigan sa 'yo. Madaldal ang ibang kaklase natin kaya nalaman kong ikaw ang pala iyong tinutukoy ni Valeria sa kuwento niya. Nag-alangan nga ako pero wala, ginusto pa rin kita. Nalaman ko na lang isang araw mahal na kita."
"Kailan 'yon?" aliw na usisa niya.
"Noong nasa swimming pool tayo tapos 'yong labi mo sa labi ko," namumulang pag-amin ni Wang Ai nang maalala ang eksenang iyon. "Bakit ikaw?" dugtong pa.
"Ako? Noong umalis ka patungong Japan," pagtatapat niya saka kumagat-labi.
Namagitan ang kasiyahang hindi kayang pantayan ng mga sandaling iyon.
"Wharty..."
"Ai..."
"Wharty..."
"Ai..."
Paulit-ulit na ganoon habang unti-unting naglalapit ang mga labi nila.
"Hayaan na natin kung saan tayo dalhin ng gabing ito, Wharty. Ang alam ko lang gusto kong manatili sa 'yo at maging iyo nang buo." Ang mga mahaharot na katagang naging hudyat para ikubli ang isa't isa sa makapal na kumot. Sinundan iyon nang marahang haplos hanggang maging mapusok.
NAGISING si Whartoner hindi dahil kalat na ang liwanag kundi dahil nangangalay na ang braso niya na ginawang unan ng katabing si Wang Ai. Marahan niya iyong tinanggal para hindi ito maisturbo pero nagsumiksik lang lalo. Doon niya naramdaman ang hubad nitong katawan na pasimple niyang sinilip sa loob ng kumot saka mariing napakagat ng labi. Hindi pa rin siya makapaniwalang nangyari iyon. Natawa pa siya nang maalala kung paano siya nito pinapak at pinanggigilan.
"Ai..." panggigising niya rito at hinalik-halikan pa sa noo.
Gumalaw na naman si Wang Ai. Ang akala niya magigising na ito pero hindi naman pala. Naiiling na lang siya at sinikap tanggalin ang ulo nito sa braso niya.
"Ai, naiihi na ako. Pasensiya na sa gagawin ko," aniyang walang alinlangang sinipa ito palayo sa kanya at pagkatapos ay dali-dali na siyang bumangon. Hawak pa niya ang ibabang bahagi na patakbong tinungo ang banyo.
"Ah! Success!"
Nang matapos ay sinilip niya si Wang Ai at anong tawa niya nang makitang tulog pa rin ito.
Nakasuot na siya ng sando at shorts nang lumabas ng kuwarto. Sa kusina siya dinala ng mga paa at naabutan si Manang Cely na abala sa paghahalo ng kung ano sa kaldero.
"Good morning ho!" aniyang sumandal sa gilid ng pintuan.
"Sa 'yo rin, hijo."
"Ano pong madalas niyang agahan?"
Mangha siyang sinulyapan ng ginang.
"I mean, bukod po sa machang at oatmeal anong madalas na kainin ni Wang Ai? Iyon lang kasi ang alam kong gusto niya."
"Mapili siya sa pagkain, hijo kaya kung may gusto kang malaman sa kanya mo itanong," sagot nitong bumalik na ang atensiyon sa hinahalong oatmeal.
"O, handa na ito. Puwede mo na siyang gisingin nang sa gayo'y sabay na kayong kumain," anito pang isinalin na iyon sa dalawang mangkok at dinala sa dining table.
"Manang..." aniyang sinundan ang matanda. "Puwede mo po ba kaming ipagluto ng misua soup? Gusto ko siyang sumubok ng ibang pagkain."
Mangha na naman siya nitong tinignan pagkuwan ay sinundan iyon ng ngiti.
"Misua soup ang unang pinakain ko sa kanya noong anim na buwan pa lang siya," saka ito tumalikod at bumalik ng kusina na may luha sa mga mata.
Hindi na siya nag-usisa pa bagkus pinuntahan na lang niya si Wang Ai para gisingin. Sana. Pero nagulat siya nang makitang bihis na bihis na ito. Pinagkikiskis din ang palad at hindi mapakali sa kinauupuang gilid ng kama.
"May biglang nangyari. Baka hindi na kita masabayan mag-almusal. Ipinapatawag ako ni Daddy sa mansion."
"Iyon lang naman pala. Ayos lang iyon," aniyang umupo na sa tabi nito pero nakakunot-noo lang siyang hinarap.
"Puwes sa akin, hindi ayos lalo na kung mamaya na gaganapin ang engagement party."
Inaasahan na niya iyon kaya hindi na nagtaka.
"Sundin mo na lang ang gusto nila."
Napahilot sa sentidong tumayo si Wang Ai at dismayadong nagsalita.
"Ano? Iyan lang ang sasabihin mo matapos nang nangyari sa atin kagabi?"
"Ano bang gusto mong gawin ko? Pigilan kita?
Itakas kita? Ikaw na ang nagsabi dati na walang magagawa kapag nasa ganito nang sitwasyon. Wala akong laban, Wang Ai," giit niya.
"Bahala ka!" malamig na sabi nito at walang lingong lumabas ng kuwarto.
"Wang Ai! Whartoner! Luto na ang misua soup..." natigilan ang ginang nang lagpasan lang siya ni Wang Ai pero sinundan din ito hanggang maabutan sa labas, "Shoti, hindi ka man lang ba kakain?"
"Sa mansion ho ako," iyon lang at pumunta na itong garahe at dali-daling sumakay sa kotse.
Walang nagawa ang ginang kundi pagbuksan ito ng gate.
Nang isasara na iyon ay tinulungan siya ng kanina pang nakasunod na si Whartoner.
"Magiging maayos din ang lahat, hijo. Ikaw ang mahal niya, maniwala ka."
"Alam ninyo po ang tungkol sa amin?"
Natawa si Manang Cely. "Nakita ko ang kislap sa mga mata niya tuwing kasama ka kaya kahit wala siyang banggitin ay alam ko na agad sa umpisa pa lang."
Hindi na siya umimik. Ayaw niyang umasa lang sa sabi-sabi ng iba lalo pa't hindi maganda ang huling pag-uusap nila ni Wang Ai. May tampo ito sa kanya nang umalis kanina at hindi alam kung dapat ba niyang hintayin ang pag-uwi nito para lang masuyo.