Chereads / Near The Window / Chapter 7 - Kabanata 7

Chapter 7 - Kabanata 7

WALANG eksaktong petsa kung kailan talaga sila naging close. Basta ang alam niya masaya siyang kasama si Wang Ai. 

Dahil nalalapit na ang competition nito sa Calligraphy Club sila napapadalas tumambay. Ilang araw niya ring pinigil ang sarili na huwag itong asarin o guluhin para hindi mawala sa pokus pero minsan hindi niya maiwasan.

"Wharty?" tawag nito sa kanya nang mapuno nang sulatan ang manila paper. Uminat-inat pa ito bago nilapag ang mopit.

"Oh!" sagot niya na nagkunwaring tumitingin sa magazine.

"Puwedeng doon ka muna sa bahay ko? Gusto ko bago ako lumipad papuntang Japan ay makasama ka muna."

Nabitiwan niya ang hawak dahil sa sinabi ni Wang Ai. Sa pandinig niya ay tila musika iyon pero idinaan niya sa pagngisi. Handa na naman siyang mang-asar.

"Naglalambing ka ba?"

"Magsabi ka lang kung ayaw mo," malayong tugon nito at sinimulan na ang pagliligpit.

Nilapitan na niya ito para tulungan habang nag-iisip kung anong puwedeng sabihin.

"Kailanman hindi kita aayawan lalo na 'yang labi mong kaysarap halik-halikan," aniyang humagalpak ng tawa.

"Gago!"

"I love you too men!" biro na naman niya.

"Whartoner Lim!" namumula na sa pikong sigaw nito. Dali-dali ring binitbit ang bag at walang sabi-sabing umalis.

"Teka, Ai! Paano 'to?" pahabol niya na ang tinutukoy ay mga kalat.

Nang wala siyang marinig na sagot ay nasiguro niyang nakalayo na ito. Napilitan tuloy siyang linising mag-isa ang mga iyon. Nilampaso pa niya ang sahig para mawala ang dumikit na ink. Kahit naman kasi nasa private school siya, hindi naman puwedeng abalahin basta-basta ang mga dyanitor lalo na kung nasa loob lang ng silid na iyon ang panglinis.

Hinihingal pa siya nang lumabas doon pero nang matanaw ang sakay ng bike na papunta sa kinatatayuan ay parang nawala lahat ng pagod.

"Ai!" ang naibulalas na lang niya.

"Tara!"

Iyon lang at umangkas na siya. Pero habang daan ay may naalala kaya nagsalita.

"Ai, daan muna tayo sa bahay namin. Kukuha ako ng damit."

Biglang nagpreno si Wang Ai sa narinig.

"Huwag muna sa ngayon, Wharty. Hindi pa ako handang harapin ang mga magulang mo." 

Mahina siyang natawa pagkuwa'y bumaba at pumunta sa harap nito. 

"One kilometer away. Wala kang dapat ikatakot. Wala sila, I mean mag-isa na lang akong nakatira roon."

Kitang-kita niyang pinamumulahan si Wang Ai at hindi niya mahulaan kung para saan.

"Gusto mo ba talagang dumaan tayo? Puwede ka namang manghiram sa akin kagaya noong nakaraan."

Sa huli sa tapat pa rin ng bahay niya ang hinto nila. Hindi iyon kalakihan pero madaling hulaan na angat sa buhay ang mga nakatira roon kaya hindi na siya nagtaka nang magsalita si Wang Ai.

"Hindi naman kayo mahirap. Ang bahay na ito ang patunay."

"Paano kong sabihin kong naputulan na kami ng ilaw. Wala ring landline. Maging supply ng tubig?"

"Ano? Seryoso ka?"

"See it for yourself, Ai!" hamon niya.

Iniwan na nga nito ang bike sa balkonahe pati ang dalang bag at tinungo ang pinakamalapit na switch. Pinindot iyon nang paulit-ulit pero walang nangyari.

"See?" aniyang natatawang sinususian ang main door. "Gusto mo pati gripo sa garden, check mo rin," pahabol pa nang makapasok na roon.

"Oo na, naniniwala na ako," pagsuko ni Wang Ai at sumunod na rin sa loob.

Sa isang kuwarto niya ito hinila kung tumambad ang mga kalat na parang dinaanan nang bagyo.

"Sorry, lagi kasi ako sa condo unit ni Valeria kaya hindi ko na naaasikaso rito."

"Hindi mo kailangang magpaliwanag kasi mas makalat pa ako sa 'yo kung wala akong matiyagang kasambahay," pagsasabi ng totoo ni Wang Ai.

Humakbang pa ito papunta sa gawi niya. Papalapit nang papalapit kaya awtomatiko siyang napapikit hanggang maramdaman niyang nakadikit na ang katawan nito sa kanya. Tinungo ng labi nito ang bandang tainga niya dahilan para mabuhay ang hindi dapat mabuhay ng mga sandaling iyon.

"Ano 'tong nasa likod ng kurtina?" 

Napamulat siya kasabay ang pagkamatay ng anumang nananalaytay na pagnanasa dahil sa tanong na iyon.

"Bintana," sagot niyang pilit kinakalma ang sarili.

"Seryoso?" ang masaya naman nitong sabi at agad dumistansiya para hawiin ang kurtina.

Bumulaga roon ang mga matatayog na puno ng acasia maging ang sinag ng papalubog ng araw.

"Ang ganda! Gusto ko tuloy ma-in love sa bintana mo," buong paghangang sabi nito.

"Pero sa lahat ng bintana, iyong nasa classroom pa rin ang paborito ko," nakangiti namang dugtong niya habang nasa kabilang bahagi.

"Parang alam ko na kung bakit," pilyong sabi naman ni Wang Ai.

Ihip ng hangin ang sumunod na namagitan sa kanila pagkatapos ay napatitig sa isa't isa.

"Ligpitan ko nga muna ang kuwarto ko nang makaalis na tayo," aniyang unang nagbawi ng tingin at saka nagsimula nang mag-ayos ng higaan.

Si Wang Ai naman ay lumabas muna dahil tumutunog ang selpon niya sa bulsa.

"Shoti, anong lulutuin kong hapunan?" 

"Iyong paborito ko na lang, Manang. Damihan mo po ha."

Pagkababa ng tawag ay saktong nalingunan ang nakangiting si Whartoner. Bagong palit na ang damit at may hawak na paper bag.

"So, anong paborito iyong pinaluto mo?"

"Alis na tayo para malaman mo," sabing nagpatiuna nang lumabas ng bahay.

Excited namang sumunod si Whartoner dito.

MAY edad na babae ang sumalubong sa kanila at nagsabing handa na raw ang mesa.

"Ang bilis kumilos ng tagaluto mo," di niya napigil ibulong kay Wang Ai nang makaupo sila sa hapag.

"Siyempre! Wala akong maipipintas sa husay niyan ni Manang. She's the best!"

Ngumiti lang ang matandang nakatayo sa tabi.

"Kung may kailangan pa kayo, Shoti, magsabi ka agad."

Napasulyap si Whartoner kay Wang Ai.

"Bunso ka?"

Narinig niya ang mahinang tawa ni Wang Ai na abala sa pagkuha ng pagkaing nakabalot sa dahon. Habang binubuksan iyon, pinapanood naman niya.

"Siya nga pala, kailangan mo munang uminom ng tubig bago kumain nito."

"Ano bang tawag dito?" 

"Machang," tipid na tugon ni Wang Ai.

Natahimik siyang sumubo at pinag-aaralan ang lasa niyon.

"May mushroom..." mahinang sabi niya.

"Hindi mo ba type? Puwede nating palutuin ng iba si Manang," nag-aalalang tanong ni Wang Ai.

"Ai, type ko. Alam mo bang kabute ang unang pinakain sa akin noong baby pa ako?" sabi niyang itinuloy na ang pagnguya. 

"Talaga? Mabuti ka pa, alam mo. Next time, itatanong ko kay Mama," aliw na sabi nito.

Nagkuwentuhan pa sila nang nagkuwentuhan habang kumakain at nang matapos nagpasiya nang tumungo sa kuwarto. Sabay na naghilamos at nagpalit ng pantulog. Ilang minuto pa, nasa harap na si Wang Ai ng laptop habang nakadapa sa kama at siya naman nakasandal sa headboard niyon, tumitingin-tingin nakasalansang komiks sa side table.

Mga bandang alas nuebe narinig niyang humihilik na ang kasama. Nang hindi makatiis, tumayo siya, itinabi ang laptop sa study table saka ito pinahiga nang maayos at tinabihan.

DUMATING na ang araw ng flight ni Wang Ai at bilang supportive na tao sa buhay nito ay siya pa ang naghatid dito sa airport. Wala ring patid  kung magyakapan sila kahit na maraming tao sa paligid. Best buddies? Hindi niya sigurado. Natatakot siyang alamin kung anong tawag sa relasyong mayroon sila dahil kung siya ang masusunod, ayaw niya itong ituring na kaibigan.

"Ai, madudurog na ako niyan, e! Bitiw ka na," pabiro niya rito nang tawagin na ito ng guro.

"Ten seconds pa, tatlong araw kaya kitang hindi makikita. Ikaw nang bahala sa bintana natin. Huwag mong paupuan sa iba dahil girlfriend natin iyon."

Natatawa siya sa pinagsasabi ni Wang Ai. Ang bintana kasi talaga ang inaalala nito.

"Oo na. Hayaan mo, pagbalik mo may nakaukit ng pangalan na nagsasabing atin lang iyon," pangako niya. Siya na ang bumitiw rito at tinapik-tapik pa ito sa braso.

"Good luck! Galingan mo."

Nakangiti itong tumango at nag-umpisa nang humakbang habang kumakaway.

Bago pa man ito mawala sa paningin niya umalis na siya roon at nagmadaling maglakad dahil may pasok pa siya sa eskuwela. 

Pero habang papunta ng tawiran ay nakasalubong ang taong matagal nang walang paramdam.

"Whartoner?"