Chereads / Near The Window / Chapter 6 - Kabanata 6

Chapter 6 - Kabanata 6

ABSENT si Wang Ai nang sumunod na araw. Nangyari na ang pinakaasam niyang masolo muli ang bintana pero ewan niya sa sarili dahil hindi niyang magawang magdiwang.

"Whartoner, samahan mo naman ako sa swimming pool. Sige na, o. Naiwan ko kasi roon ang sunblock ko," ang nangungusap na sabi ni Hiroshi. Kanina pa talaga siya nito kinakausap pero ipinakita niyang abala siya sa pagsusulat sa papel gamit ang mopit.

"Puwedeng ikaw na lang? Kita mo namang may ginagawa ako, e," walang gana niyang sabi.

"Pero di ba? Hindi ka pa nagagawi roon kaya sige na. Bonding na rin natin ito kapag nagkataon," pilyang hirit nito.

"Hiroshi!" napataas ang boses niyang sabi.

"Sabi ko nga, ako na lang," anitong umalis na lang doon.

Nakonsensiya naman siyang hinabol na lang ito ng tingin. 

Mayamaya pa'y iniwan na niya ang ginagawa at humabol sa dalaga. Ang kaso, pagkarating doon ay wala naman siyang nakitang tao. Naglakad-lakad na lang siya sa gilid ng pool pero anong gulat nang may tumulak sa kanya dahilan para tuluy-tuloy siyang lumubog sa tubig. Pagkaraan ay nagawa niyang imulat ang mata sa ilalim at nag-umpisang sumipa ang dalawang paang may suot pang sapatos. Nang hindi gumana ay sinabayan na niyang igalaw ang kamay. 

Paglitaw ng ulo niya ay nakita na kung sino ang salarin na walang patid sa kakatawa. Dahil sa inis ay mabilis siyang umahon at ito naman ang itinulak niya.

"Wharty! Gago ka! Wala akong pamalit," sigaw nito sa kabilang bahagi nang makaahon na.

"Sana inisip mo 'yan bago mo ako pinagtripan," buweltang sigaw niya rito kahit nasa pagtatanggal ng sapatos ang atensiyon.

"Sorry na, ibilad na lang natin sa araw para may masuot tayo mamaya pag-uwi," nang makalapit ay sabi nito.

Pag-angat niya ng tingin ay nakahubad na nga ito. Maliban sa underwear ay wala na itong ibang takip sa katawan.

"Seryoso ka ba sa ginagawa mo, Ai?" 

Tumango ito pagkuwa'y tumalon na sa swimming pool.  Mabilis itong lumangoy kaya hindi niya namalayang ganoon din ito kabilis nakabalik sa tapat niya.

"At habang naghihintay tayong matuyo ang damit natin, langoy ka na rin."

Maang siyang napatango bilang pagpayag saka inumpisahang hubarin ang saplot at piniga iyon. Kung anong itinira ni Wang Ai ay iyon din ang ginawa niya.

Pagkasampay niya ng damit sa bleachers ay tumalon na rin siya sa tubig

"Paunahang maka-fifty lapses," hamon ni Wang Ai na agad niyang kinontra.

"Hindi ako kasing bilis mo kaya ayoko!"

"Sige na, madali lang naman gawin iyon. Nakita kaya kitang lumangoy kanina," pangungulit nito.

Sa huli ay pumayag din siya kaya matapos nang ilang minuto hingal na hingal silang umahon sa malilim na bahagi ng pool at parehong humiga sa tiles na sahig.

"Bakit ka pala hindi pumasok kanina?" tanong niya kay Wang Ai.

"Naabisuhan kasi akong isasali raw sa Calligraphy Contest. Nagustuhan daw nila ang mga lettering ko."

"Talaga? Saan daw ba gaganapin?" 

"Sa Japan."

"Lumalaban ka na talaga dati pa?" 

"Every year naman. Walang ibang gustong mag-volunteer, e!"

Mangha siyang napatingin kay Wang Ai. "Bakit hindi ko alam iyon? Gusto ko rin kayang sumali kaso ang papangit ng gawa ko."

"Inuuna mo kasi ang pambabae. Tignan mo na, gusto mo pala ang Calligrapy pero wala kang practice," pangongonsensiya nito.

"Sinubukan ko na kaso pangit talaga ang resulta. Ang tungkol naman sa pambabae, hininto ko na," aniya.

"Bakit naman? Tinantanan mo na ba ang baliw na baliw sa 'yong Hiroshi?" nagtatakang tanong ni Wang Ai.

"Noong huling beses na kasama ko siya nalasing ako at pagkagising nasa ibang bahay na---sa kama mo pa. Ayoko nang maulit iyon," pagtatapat niya na biglang pinamulahan at hindi iyon nakaligtas sa paningin ng katabi.

"At inakala mo pa nga na may nangyari sa atin, di ba?" natatawang dugtong ni Wang Ai.

Nang maalala iyon mabilis siyang bumangon upang tumayo na.

"Iche-check ko lang ang damit natin," aniyang sinikap na ilihis ang usapan pero bago pa man siya makahakbang inangat na ni Wang Ai ang kamay nito.

"Wait, Wharty! Hindi ko na yata kayang tumayo. Patulong naman, o."

Sunud-sunuran niyang inabot ang kamay nito pero imbes makatulong siya pa itong nasubsob. Pareho nilang hindi nakontrol ang pangyayari lalo na ang pagkakadikit ng kanilang mga labi. 

Nang maramdaman ang ihip ng hangin ay saka lang napukaw ang kamalayan niya at mabilis umalis sa ibabaw nito. Si Wang Ai naman ay dali-daling bumangon saka walang lingong tinakbo ang shower room. Napahawak na lang siya sa pang-ibabang labi nang tunguhin ang bleachers. Nang masigurong medyo tuyo ang ibang bahagi ng damit ay nagpasiyang magbanlaw na rin ng sarili.

Iisang silid lang ang paliguan na may mga nakahilerang shower faucet kaya kitang-kita niya ang ginagawang pagsabon ni Wang Ai sa buong katawan. Alam niyang puro bula na lang ang tanging takip doon. Nang dumako na nga ang kamay nito sa ibabang bahagi ay napalunok siya. 

"Tatayo ka na lang ba riyan, Wharty?" untag nito sa kanya pero hindi siya nilingon man lang. 

"A---heto na nga, maliligo na," patakbo niyang punta sa katabi nitong puwesto habang lihim na pinapagalitan ang sarili.

Tila nananadya yata ang kasama niya roon dahil sa gilid ng mata niya ay nakikitang patuloy lang ito sa paghagod ng pagkalalaki. Sinasabayan din ng isang kanta na para bang nanunukso.

"Put me up. Put me down and make me happy."

Bago pa man siya makalimot at tuluyang magkasala, binuksan na lang niya ang shower at hindi na sumulyap kay Wang Ai.

Isang oras din ang lumipas bago sila naglakad  paalis sa pool area. Suot na ang pinatuyong uniporme pero parang bagong tuli kung maglakad. Paano naman kasi wala silang suot na panloob. Pinapaarawan pa nila iyon at hindi sigurado kung anong oras matutuyo.

"Para tayong mga pornstar na ready to fight," basag ni Wang Ai sa katahimikan habang sinisikap na maging maayos ang paglalakad.

Kung magsalita ito ay parang walang naganap sa kanila kanina kaya napanatag siyang bumanat din.

"Sinabi mo pa. Teka, nanonood ka rin?"

Maririnig ang mahinang pagtawa ni Wang Ai. "Oo para sa magiging misis ko soon. A, teka, ganito, dahil ako naman ang may atraso sa 'yo isama na lang kita sa Chinese Calligraphy Club. Ayos ba?" 

Nang hilahin na nito ang braso niya ay walang pag-aanlinlangan siyang sumama.

Pagkarating doon, bumulaga sa paningin niya ang sari-saring mga salitang nakapaskil sa bawat dingding pero isa lang ang napansin niyang naiiba. Numero kasi iyon.

"520," mahinang basa niya roon. 

Napabitiw sa kanya si Wang Ai. Mabilis nitong tinakbo ang papel at pagkatapos tinanggal. Nilukot.

"Wala 'to. Napagtripan ko lang isulat kanina nang sabihin ni Huang Lǎoshi  na 'kung gagawa ako ng passcode tungkol sa pag-ibig, ano iyon' at naisip ko nga ang numerong ito," hindi magkandaugagang paliwanag nito.

"Hey! Bakit ayaw mong ipakita? Nahihiya ka ba? Sa ginawa mo, curious tuloy ako kung anong ibig sabihin niyan," sabi niyang napangiti nang nakalaloko at sinubukang agawin iyon.

"Wharty! Isa," banta nitong pilit iyong itinatago sa likuran.

Pero dahil may pagkamakulit siya, hindi niya iyon tinantanan hanggang naagaw rin niya sa wakas.

"Ang ganda naman ng pagkakasulat, a!" sabi niyang pinakatitigan iyon at sa tuwing nagtatangkang agawin ni Wang Ai ay inilalayo niya naman.

"Sisipain na kita. Ibalik mo sa akin. Isa pa talaga!"

Nang-aasar siyang umiling. Isang tadyak tuloy sa tagiliran ang natamo niya.

"A, gusto mo ng wrestling ha! Pagbibigyan kita," aniyang ibinulsa muna ang papel saka sinugod si Wang Ai.

Ang sumunod na nangyari ay nagpagulong-gulong sila sa sahig habang nagtatawanan. Nang maulit ang dati nilang posisyon kanina sa swimming pool ay saka lang natahimik pero this time kusa niya nang nilapit ang labi sa labi nito habang naroon sa isipan ang salitang bahala na. Kakalimutan muna niyang straight siya.