"Ai!"
"Hmm?"
"Ano kayang puwede nating itawag sa bintanang ito?" usisa niya habang nakaupo roon at nakatanaw sa malawak na soccer field kung saan may iilang manlalaro. Dinuduyan-duyan rin niya ang paa. Sa kabilang bahagi kasi ay si Wang Ai naman, as usual nakasuot ito ng headphone at kung anumang musikang pinapakinggan doon ay hindi niya alam. Nitong nakaraang araw lang nila napagpasyahan, share na lang sila roon dahil pareho naman sila ng hilig.
"Window of friendship?" subok ni Wang Ai.
"Baliw! Ang sagwa kaya dahil hindi naman tayo magkaibigan," kakamot-kamot sa ulong kontra niya.
"E, ano pala?" clueless na sabi nito.
"Magkaklase," pilosopong sagot niya.
Nagtanggal ng headphone si Wang Ai. "Kapag nakaisip ako ulit, susungalngalin kita!" hamon nito. Pikong tumalon palabas ng bintana at nakisipa na rin ng bola.
Napasandal na lang siya sa gilid ng bintana habang pinagmamasdan kung paano makipaglaro si Wang Ai at nang tumalbog papunta sa kanya ang bola ay wala siyang nagawa kundi tirahin iyon pabalik sa mga ito na hindi niya inaasahang papasok sa goal.
"Nice shot ha!" puri sa kanya ni Wang Ai.
"Sinabi mo pa. Tara sali ka sa amin," alok ng team captain.
Mabilis siyang umiling at tumakbo palayo sa mga ito.
"Guys, out na ako, ha. Susundan ko lang ang kaibigan ko," paalam ni Wang Ai sa kapwa manlalaro. Hindi na naghintay ng tugon dahil mas mahalagang mahabol niya si Whartoner na nakita niyang lumihis ng daan.
"Topakin talaga ang gago. Ano 'yon? Pinapasali na nga tapos lalayas?"
Hindi niya kasi ito naabutan o mas tamang sabihing nawala na lang ito sa paningin. Naiiling siyang nagpasiyang bumalik sa classroom.
"Boo!"
Sapo ang dibdib nang sumulpot mula likuran ang lalaking kanina lang ay sinusundan. Tatawa-tawa itong umakbay sa kanya.
"Gago ka! Ayokong pang mamatay nang maaga. Gusto ko pang gumawa ng isang dosenang anak," mabilis na sabi at tinanggal ang pagkaakbay na iyon saka tinungo ang bintana para doon umupo.
Naiiling lang na sumunod si Whartoner at umupo rin sa kabilang bahagi.
Katahimikan ang namayani pero hindi nakaligtas sa paningin niya ang bawat galaw ng panga nito.
"Galit ka ba, Ai?" konsulta niya.
"Ikaw kasi, pinaglagpas mo ang pagkakataon. Huling taon na natin 'to, sa Senior High dapat gawin mo na kung anong gusto mo," sabi nitong masama pa rin ang loob.
Gumuhit ang mapait na ngiti sa labi niya nang matukoy iyon.
"Gustuhin ko man, hindi na puwede. Napilayan na kasi ako dati."
"Aw! Malungkot siguro ang buhay mo. Hug and kiss kita, gusto mo?"
Nanlaki ang mata niya nang ibukas na ng nakangusong ni Wang Ai ang braso. Umusog pa ito ng upo papalapit sa kanya.
"Whoa! Wang Ai, walang ganyanan ha. Straight tayong pareho at isa pa maraming tao," natatarantang sabi niya pero lalo lang itong lumapit.
Nang isang dangkal na lang ang pagitan ng mukha ay saka naman may nagsalita.
"Guys? Anong ginagawa ninyo?"
Sabay silang napatingin sa gawi niyon at nakita ang gulat na mukha ni Kimchi. Pareho silang napaayos ng upo pero hindi umimik.
"Okay lang 'yan, ituloy ninyo na. Kunwari, wala ako," dugtong pa nitong binaba na ang bag at ilang dalang gamit.
Awtomatiko nilang sinundan ng tingin ang dalaga nang hubarin nito ang suot na cardigan.
Pati ang pagtali nito sa mahabang buhok ay hindi nila pinaglagpas.
"Ang hot. Shit!" halos pabulong nilang sabi.
"Sabi ko nga straight kayo. Mga manyak!" inis na sabi ni Kimchi at pinalipad ang nadampot na calculator.
Natawa lang ang dalawa nang hindi sila tamaan.
"Normal lang sa amin na humanga sa seksing babaeng kagaya mo kaya dapat proud ka," walang halong birong sabi ni Whartoner na dahilan upang pamulahan si Kimchi.
Dali-dali pa itong tumalikod para isuot muli ang cardigan at hinayaang nakalugay na lang ang buhok.
"I hate you both!"
"Aw! Nabawasan yata ang fangirls mo, Wharty dahil sa pagsabi ng totoong hanga tayo sa..." pabiting sabi ni Wang Ai dahil humarap ang namumulang dalaga.
"Huwag ninyo nang ulit-uliting sabihin!" anitong padabog na lumayas.
Tawang-tawang tuloy si Wang Ai. Iyon ang unang beses niyang mang-asar ng babae.
"She's pretty cute!"
"Alalahanin mong engaged ka na! Sinakyan lang kita kanina."
Nahiwagaan siyang sumulyap kay Whartoner dahil nagbago na naman yata ang mood nito samantalang kanina ay sabay pa silang inilabas ang weak side habang pinagnanasaan ang alindog ni Kimchi.
"Alam ko naman iyon pero wala pa naman akong ginagawang kataksilan. Ikaw iyon," susog niya.
"Wala kang alam, Wang Ai kung gaano kasakit ang lokohin."
"Wala nga pero kung sakali man, hindi ako gaganti," maunawaing sabi niya.
"Mababait ba talaga ang may pangalang Wang Ai?" curious na tanong nito.
"Ewan ko, to speak ang kahulugan ng pangalan ko ayon kay Pareng Google, wala naman nakalagay na mabait," inosenteng sabi niya at saka pinulot ang calculator sa sahig.
Mahinang tawa lang ang nagawa ni Whartoner.
Nang mga oras ding iyon ay napadaan ang swimming instructor na si Coach Ibi. Balak pa sana nilang taguan pero nakita na sila nito.
"Attend kayong swimming class ko. Nakatunganga lang kayo rito, e!"
"Okay, Coach..." tamad na sabi ni Wang Ai pero nang mapansing hindi kumikibo si Whartoner ay kinalabit na. "Hindi ka marunong?" tanong niya.
"Sinong may sabi?"
"Kung ganoon, tara na!" aniyang hinila ang kamay nito pero sabay na nanlaki ang mata dahil may kung anong nakakakiliting bagay ang dumaloy sa kalamnan nila. Walang pag-aatubiling bumitiw sila at nag-iwas ng tingin.
"Naramdaman mo rin?" hindi nakatiis na usisa ni Wang Ai.
"Shit! Ano ba kasi 'yon?" naguguluhang tanong naman ni Whartoner. Maging siya ay hindi iyon kayang ipaliwanag.
"Iyon yata ang tinatawag na spark. Nakakalokong sa 'yo ko pa talaga naranasan," naiiling na sabi ni Wang Ai.
"Bakit ba ang babagal ninyo? Ipatapon ko kayo sa kabilang section--- Huang Lǎoshi, ipasok mo nga ang dalawang ito sa calligraphy lesson mo kaysa nagbubulakbol," sabi ng coach nang makasalubong ang Chinese Teacher na may dala-dalang mopit.
"P-pero Coach, senior high na kami at tapos na sa ganyan" angal nilang pareho.
"Hǎo de," ang mabilis na pagpayag ng guro saka sila nginitian.
Pero sa katulad nilang ayaw ay ngising-aso ang tingin nila sa ngiting iyon. Ang kaso, wala na silang nagawa kundi sumunod nang abutan sila ng papel nito.
Paglabas doon ay puro mantsang itim na ang kanilang polo.
"Hays! Kaya ayoko ng Shūfá noon, e! Mahirap pa naman tanggalin, 'to!" nagkakamot sa ulong sabi ni Wang Ai at pinapagpag iyon na hindi naman nakatulong.
Doon ay nakangiting pinanood lang ito ni Whartoner pero nang dumako ang tingin sa kamay nito ay biglang naalala ang kuryenteng hatid ng pagkakadikit ng mga kamay nila.
Buwisit! Puwede bang kalimutan mo na 'yon, Whartoner, ang piping saway niya sa sarili.